Ang mga inagurasyon ay sagradong pagtitipon na nababalot ng karangyaan at mga pagdiriwang. Hudyat ito ng pagsisimula ng panunungkulan ng Pangulo sa bayang nagluluklok sa kanya sa kapangyarihan. Sa okasyong ito, pormal na inililipat sa bagong Pangulo ang pamamahala at ang mga pagmamay-ari ng estado, at pinapatibay ang mandatong ipinagkaloob sa kanya ng sambayanang Pilipino.

Noong ika-30 ng Hunyo 2010, nanumpa si Benigno S. Aquino III sa Quirino Grandstand bilang ikalabinlimang Pangulo ng Pilipinas – panlimang Pangulo ng Ikalimang Republika ng Pilipinas. Sumunod sa tradisyon si Pangulong Aquino sa pagdaraos ng kanyang inagurasyon. At tulad ng kanyang mga sinundan, marka ito ng kanyang unang araw sa panunungkulan.

 

* * *

Ang Bagong Halal na Pangulo at ang Nanunungkulang Pangulo

Ang Pangulo at Pangalawang Pangulo ay dapat mahalal sa pamamagitan ng tuwirang boto ng sambayanan na may taning na anim na taon, at magsisimula sa katanghalian ng ika-tatlumpung araw ng Hunyo na sumusunod sa araw ng halalan at magtatapos sa katanghalian ng gayon ding petsa pagkaraan ng anim na taon. 

Artikulo VII, Seksyon 4 ng Saligang Batas ng Pilipinas ng 1987.

Hudyat ang inagurasyon sa paglipat ng kapangyarihan ng nanunungkulang Pangulo sa bagong halal na Pangulo, na pinapagtibay ng dalawang kapulungan ng Kongreso. Dalawang taon na ang nakaraan, alas-nuwebe ng umaga, nilisan ng bagong halal na Pangulong si Benigno S. Aquino III ang kanyang bahay sa Times Street, Quezon City, upang tahakin ang simula ng kanyang panunungkulan. Pagkalipas ng isang oras, sinundo niya si Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa Palasyo ng Malacañan– na sa araw ding iyon ay kanya nang magiging opisyal na tahanan at tanggapan. Nagsimula ang tradisyong ito mula pa sa Inagurasyon ni Pangulong Roxas—ang unang paglipat ng kapangyarihan mula sa nanunungkulan (Pangulong Osmeña) patungo sa bagong halal (Roxas), na nakalaban niya sa pagka-Pangulo.


Ang pag-alis ng bagong halal na Pangulong Diosdado Macapagal sa kanyang tahanan sa Laura Street, San Juan upang sunduin si Pangulong Carlos P. Garcia sa Palasyo ng Malacañan.

Inanyayahan ni Pangulong Elpidio Quirino ang bagong halal na Pangulong Ramon Magsaysay na umupo sa presidential chair nang dumating siya sa Palasyo ng Malacañan.

Naipapakita ang pagpapatuloy ng gobyerno sa pagbuo ng lupong binubuo ng dalawang panig [ng mga opisyal] na susundo sa bagong halal na Pangulo sa kanyang bahay at maghahatid sa kanya sa Malacañan. Mula doon, ang nanunungkulang Pangulo at ang papalit sa kanya, kasama ang isang miyembro ng lupon, ay sasakay sa presidential car at tutungo sa noo’y Independence Grandstand kung saan maghihiwalay ang dati at bagong Pangulo. Kasama si Ninoy Aquino sa lupon na sumundo kay Macapagal sa bahay ng kanyang biyenang babae sa Laura Street, San Juan noong ika-30 ng Disyembre 1961 upang samahan siya papuntang Malacañan at sunduin si Pangulong Garcia at magtungong Luneta. Isa rin si Ninoy sa mga sumundo kay Marcos sa kanyang tirahan sa Ortega Street sa San Juan noong ika-30 ng Disyembre 1965 upang sunduin si Macapagal sa Malacañan. Kasama niya sina Marcos at Macapagal sa sasakyan na naghatid kay Macapagal tungo sa kanyang pagreretiro, kay Marcos sa Makiki Heights, at kay Ninoy naman sa tarmac ng airport na ipinangalan sa kanya.

[sariling salin] Raul S. Gonzales, Press Secretary ni Pangulong Diosdado Macapagal.


Si Pangulong Sergio Osmeña at ang bagong halal na Pangulong Manuel Roxas habang paalis ng Palasyo ng Malacañan patungo sa kanyang inagurasyon noong Ika-28 ng Mayo 1946.  Tanging si Osmeña lamang ang nakasaksi sa inagurasyon ng kanyang kapalit hanggang sa magawa rin ito ni Pangulong Corazon C. Aquino noong 1998.

Ang pag-alis ng nanunungkulang Pangulo kasama ang bagong halal na Pangulo ay sagisag ng opisyal na paglisan sa tanggapan ng nanunungkulan, na bumababa ng hagdan ng Palasyo sa huling pagkakataon. Ang bagong halal na Pangulo naman ay aakyat sa parehong hagdan sa araw ding iyon na hudyat naman sa pagsisimula ng kanyang pagiging Pangulo.

Sa lugar ng inagurasyon, dalawampu’t isang putok ng baril, pagtatanghal ng mga honor guards, ugong ng tambol, hiyaw ng trumpeta at pag-awit ng Lupang Hinirang ang sasalubong sa pagdating ng bagong halal at nanunungkulang Pangulo. Ito ang huling pagpupugay ng Sandatahang Lakas sa papaalis na Pangulo bilang pinuno ng Estado. Magmamartsa ang papaalis na Pangulo sa kanilang hanay at tatanggapin ang pagpupugay ng honor guard at magpapaalam sa major service commanders.


Si Pangulong Quirino habang ginagawaran ng huling military honors, kasama ang bagong halal na Pangulong si Ramon Magsaysay. Matapos ang pagbibigay ng parangal, nag-kamay ang dalawa. Nagtungo si Pangulong Quirino sa kanyang bahay sa Novaliches, samantalang umakyat naman sa entablado upang manumpa ang bagong halal na Pangulong Magsaysay.

Ayon sa tradisyon, lumilisan ang papalitang Pangulo sa lugar ng inagurasyon. Nagsimula ang tradisyong ito sa panahon pa ng inagurasyon ni Pangulong Magsaysay noong 1953, na sinundan naman nina Macapagal at Marcos noong 1961 at 1965. Sagisag ito sa pagtatapos ng dating administrasyon at pagsisimula naman ng bagong liderato. Sa ideyal na plano, nasa tahanan na dapat ang dating Pangulo oras na manumpa ang papalit sa kanya pagsapit ng alas-dose ng tanghali, tanda ng pagbalik niya sa pagiging isang ordinaryong mamamayan.


Noong ika-4 ng Hulyo 1946, bilang bahagi ng pagdiriwang ng Kalayaan, nanumpang muli si Pangulong Roxas upang maglingkod sa bagong tatag na Republika. Sa ikalawang pagkakataon, dumalo sa kanyang inagurasyon ang kanyang sinundang si Sergio Osmeña.

Sabay na dumating sina Pangulong Fidel V. Ramos at bagong halal na Pangulong si Joseph Ejercito Estrada sa Barasoain Curch noong ika-30 ng Hunyo 1998. 

Ang mga Pangulong nakadalo lamang sa inagurasyon ng papalit sa kanya ay sina: Osmeña noong 1946, Aquino noong 1992, at Ramos noong 1998. Dumalo si Osmeña sa inagurasyon ni Roxas dahil iyon ang unang pagkakataong maililipat ang kapangyarihan sa bagong halal na Pangulo; si Aquino, bilang tanda ng isang mapayapa at konstitusyonal na paglilipat ng kapangyarihan buhat noong 1969, habang si Ramos naman ay bilang bahagi ng pagdiriwang ng sentenaryo ng kalayaan noong 1998.

 

* * *

Mga Lugar ng Inaugurasyon


Tanawin sa Independence Grandstand na itinayo sa panahon ng Administrasyong Quirino, na nakaharap sa monumento ni Rizal.

Ang Quirino Grandstand, na dating Independence Grandstand at ipinangalan kay Pangulong Elpidio Quirino na siyang unang nanumpa rito, ang pinagdadausan na ng mga inagurasyon noon pang 1949. Dati itong replica ng orihinal na Independence Grandstand na itinayo para sa mga pagdiriwang ng kalayaan noong ika-4 ng Hulyo 1946, kung kailan itinatag ang nakakapagsariling Republika ng Pilipinas.


Inagurasyon ni Pangulong Elpidio Quirino noong 1949 sa grandstand na ipapangalan sa kanya.

Pitong Pangulo ang nagdaos ng kanilang inagurasyon sa Quirino Grandstand: Quirino (1949), Magsaysay (1953), Garcia (1957), Macapagal (1961), Marcos (1965, 1969, 1981), Ramos (1992), at Pangulong Benigno S. Aquino III (2010).

Idinaos naman ang inagurasyon nina Quezon (1935), Laurel (1943), at Roxas (May 1946) sa Legislative Building sa Maynila. Ang iba namang inagurasyon ay ginanap sa ibang lugar sa Maynila dahil sa katangi-tanging mga kaganapan: C. Aquino (1986) sa Club Filipino at Marcos (1986) sa Maharlika Hall (Kalayaan Hall), at Arroyo (2001) sa EDSA Shrine.

Apat na inagurasyon naman ang ginanap sa labas ng Maynila: Barasoain Church sa Malolos, Bulacan noong 1899 (Aguinaldo) at 1998 (Estrada); Corregidor Island noong 1941 (Quezon); at Cebu City noong 2004 (Arroyo). Gayumpaman, nagtalumpati sina Estrada at Arroyo sa Quirino Grandstand.


Binati ni U.S. Associate Justice Robert Jackson si Pangulong Osmeña pagkatapos niyang manumpa noong ika-1 ng Agosto 1944 sa Washington D.C. Si Osmeña ang unang Bise-Presidente na naging Pangulo, sa pagkamatay ng kanyang sinundan. 

Tanging ang inagurasyon ni Osmeña (1944) sa Washinton D.C, matapos ang pagkamatay ni Manuel L. Quezon, ang ginanap sa labas ng bansa.

Magmula ng pangalawang inagurasyon ni Quezon noong 1941 hanggang sa pangalawang inagurasyon ni Marcos noong 1969 (maliban sa naganap na espesyal na eleksyon noong 1946) ginaganap ang inagurasyon ng mga Pangulo sa araw ni Rizal, ika-30 ng Disyembre. Anim na Pangulo na kinabibilangan nina Quezon (1941), Quirino (1949), Magsaysay, Garcia (1957), Macapagal, Marcos (1965, 1969) ang nagdaos ng kanilang inagurasyon ng ika-30 ng Disyembre. Ginawa naman ang pagpapasinaya kina Pangulong Marcos (1981), Ramos (1992), Estrada (1998), Arroyo (2004), at Benigno S. Aquino III (2010) ng ika-30 ng Hunyo.

 

* * *

Pagdiriwang ng Inaugurasyon


Sa araw ng kanyang 1969 na inaugurasyon, nagdaos si Pangulong Ferdinand E. Marcos at ang kanyang pamilya ng isang misa sa Ceremonial Hall ng Palasyo.

Karaniwang nagsisimula ang programa sa pag-awit ng Lupang Hinirang na susundan ng panalangin. Mula 1935 hanggang 1969, pinangungunahan ng paring may pinakamataas na katungkulan sa Simbahang Katolika ang pagdarasal. Si Pangulong Marcos ang unang nagkarooon ng ecumenical invocation noong 1969.

Pagbasa ng Pangulo ng Senado ng Proklamasyon ng Kongreso ng Pilipinas sa Resulta ng Halalan. Nakasanayan na itong gawin mula sa inagurasyon ng Commonwealth Government noong 1935, at huling isinakatuparan noong 1969, bagaman parehong proklamasyon ang binasa sa pagpapahayag ng Bagong Republika noong 1981. Ibinalik itong muli noong inagurasyon ng 2010, kung saan binasa ng Pangulo ng Senado ang proklamasyon bilang huling tungkulin ng 15th Congress. Pagpapatibay ito sa mandato ng mga manunumpang opisyal sa papamagitan ng demokratikong paraan. Pagsaksi din ito ng lehislaturang sangay ng gobyerno sa inagurasyon ng ehekutibo. Pinapangunahan ito ng Pangulo ng Senado bilang pinuno ng lehislatura na itinuturing na continuing body.

Panunumpa ng Bagong Halal na Bise-Presidente ng Pilipinas. Sa inagurasyon noong 2010, nanumpa si Bise-Presidente Binay sa wikang Filipino. [Ang kanyang asawang si Dr. Elenita S. Binay ang nagtangan ng Bibliya para kay Bise-Presidente Binay] Ugong ng tambol at hiyaw ng trumpeta ang handog ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas pagkatapos manumpa ng Bise-Presidente. Nakatayo ang mga tao habang nanunumpa ang Pangulo at Pangalawang Pangulo. Magsisiupo ang lahat sa pagsisimula ng talumpati ng Pangulo.

 

* * *

Ang Panunumpa ng Pangulo

Sa panatang “taimtim akong nanunumpa,” ipinapasa ang pamumuno ng bansa sa bagong Pangulo. Hindi lamang seremonya ang paglilipat ng katungkulan sa Pangulo, kundi pagpapatunay na buhay ang demokrasya.

[sariling salin mula sa] …So Help Us God: The Presidents of the Philippines and their Inaugural Addresses, nila J. Eduardo Malaya at Jonathan E. Malaya.

12:00 ng tanghali noong Ika-30 ng Hunyo 2010, nanumpa ang bagong halal na Pangulong Benigno S. Aquino III kay Supreme Court Associate Justice Conchita Carpio-Morales. Tangan ni Catalino Arevalo S.J. ang Bibliya na kanyang pinanumpaan.

Si Associate Justice Carpio-Morales ang pangalawang Pilipinong Associate Justice na pinanumpaan ng Pangulo, bagaman ito na ang pang-apat na pagkakataong sa Associate Justice nanumpa ang Pangulo ng Pilipinas (nangyari ito noong inilipat sa ibang bansa ang Commonwealth Government, at nang manumpa si Corazon C. Aquino matapos ang mapayapang rebolusyon sa EDSA). Noong 1899, nanumpa si Pangulong Aguinaldo sa Speaker ng Kongreso ng Malolos, dahil mga kinatawan ang bumoto sa kanya. Mula pa noong 1935, nakikilahok na ang lehislaturang sangay ng gobyerno sa inagurasyong ginaganap sa ganitong paraan.


Ang panunumpa ni Coprazon C. Aquino, nakapatong ang kanyang kamay sa Bibliyang tangan ng ina ng kanyang yumaong asawa na si Doña Aurora Aquino. Nanumpa siya kay Supreme Court Senior Justice Claudio Teehankee. 

Mula kay Aguinaldo hanggang kay Quirino, hindi nanumpa ang mga Pangulo sa Bibliya, na prinsipyong ipinamana ng Rebolusyon ng 1896 at ng separasyon ng Simbahan at Estado. Si Pangulong Magsaysay ang unang nanumpa sa Bibliya. Sa katunayan, dalawa pa ang ginamit niyang Bibliya: isa mula sa pamilya ng kanyang ama, at ang isa naman mula sa pamilya ng kanyang ina. Inilalagay ang Bibliya sa isang patungan para panumpaan ng Pangulo. Noong 1957, hinawakan ni Gobernador Juan Pajo ng Bohol ang Bibliya nang manumpa si Carlos P. Garcia, na isa ring Boholano. Nanumpa rin sa dalawang Bibliya si Pangulong Marcos noong 1969, isa mula sa kanyang ama, at ang isa naman ay regalo ng kanyang asawa.

Ayon kina Malaya, sa kanilang libro ukol sa mga inagurasyon: “Halos lahat ng Pangulo ay nanunumpa nang nakapatong ang kanilang kaliwang kamay sa Bibliya. Ayon sa Saligang Batas, maaaring manumpa ang inihalal na Pangulo o kaya naman ay gumawa ng pagpapatotoo sakaling hindi siya nananampalataya.  Kung pipiliin ang pagpapatotoo, tinatanggal ang linyang ‘Kasihan nawa ako ng Diyos’. Naaayon ito sa prinsipyo ng separasyon ng Simbahan at Estado at ‘di pagdedeklara ng relihiyon’ na nagsasabing ‘di malilimitahan ng relihiyon ang karapatang sibil at politikal.’”


Manuel L. Quezon sa kanyang panunumpa, 1935.

Manuel Roxas sa kanyang panunumpa, 1946.

Ang panunumpa ng Pangulo ng Pilipinas na itinakda ng bawat Saligang Batas mula noong 1935 ay halos walang ipinagbago. Sa Ingles:

I do solemnly swear [or affirm] that I will faithfully and conscientiously fulfill my duties as President [or Vice-President or Acting President] of the Philippines, preserve and defend its Constitution, execute its laws, do justice to every man, and consecrate myself to the service of the Nation. So help me God.” [In case of affirmation, last sentence will be omitted.]

Sa Filipino:

Mataimtim kong pinanunumpaan (o pinatotohanan) na tutuparin ko nang buong katapatan at sigasig ang aking mga tungkulin bilang Pangulo (o Pangalawang Pangulo o Nanunungkulang Pangulo) ng Pilipinas, pangangalagaan at ipagtatanggol ang kanyang Konstitusyon, ipatutupad ang mga batas nito, magiging makatarungan sa bawat tao, at itatalaga ang aking sarili sa paglilingkod sa Bansa. Kasihan nawa ako ng Diyos. [Kapag pagpapatotoo, ang huling pangungusap ay kakaltasin.]

Nanumpa si Aguinaldo sa wikang Kastila. Sina Quezon, Osmeña, Roxas, Quirino, Magsaysay, Garcia, Macapagal, Aquino, at Arroyo naman ay nanumpa sa wikang Ingles. Filipino naman ang ginamit na wika nina Laurel, Marcos, Ramos, at Estrada pati na rin ni Pangulong Benigno S. Aquino III.

Sa pagtatapos ng panunumpa, binibigyang pugay ang Pangulo sa pamamagitan ng dalawampu’t isang putok ng baril, pinatutugtog ang tambol at trumpeta, at ang “Mabuhay”—ang presidential anthem na nilika ni Tirso Cruz Sr. Ginamit na ito sa panahon pa ng Administrasyong Quezon.

 

* * *

Ang Talumpati


President Benigno S. Aquino III delivering his inaugural address on June 30, 2010.

Sigaw natin noong kampanya: “Kung walang corrupt, walang mahirap.” Hindi lamang ito pang slogan o pang poster—ito ang mga prinsipyong tinatayuan at nagsisilbing batayan ng ating administrasyon.

     Ang ating pangunahing tungkulin ay ang magsikap na maiangat ang bansa mula sa kahirapan, sa pamamagitan ng pagpapairal ng katapatan at mabuting pamamalakad sa pamahalaan.

Talumpati ni Pangulong Benigno S. Aquino III.

Si Pangulong Benigno S. Aquino III ang ika-siyam na Pangulo na nagtalumpati sa Quirino Grandstand para sa kanyang inagurasyon. Nanumpa sina Estrada at Arroyo sa ibang lugar pero nagtalumpati din sa Quirino Grandstand noong 1998 at 2004.

Tingnan ang kumpletong listahan ng mga talumpati sa inaugurasyon ng nakaraang mga Pangulo.


Pangulong Manuel L. Quezon habang nagtatalumpati sa kanyang inaugurasyon, 1935.

Ang mga pahayag ng nakaraang labing-apat na Pangulo sa kanilang unang araw ay may pagkakatulad. Nais nilang manatiling panatag ang sambayanang Pilipino, pagkalooban sila ng lideratong mangunguna sa pagtupad sa mabigat na tungkulin, at umaasang mapasakamay ang tiwala ng taumbayan sa pagsusulong ng isang magandang bukas. Ang kompiyansa ng publiko na nangingibabaw sa inagurasyon ay pinakamabisang naipahayag ni Ramon Magsaysay, ang ikapitong Pangulo ng bansa, nang tuwiran niyang sinabi, “nakarating po sa akin na malaki ang inaasahan ng taumbayan sa administrasyong ito, na inaasahan ninyo ang imposible. Sa bansa nating puspos ng sigla, wala po talagang imposible.”


Pangulong Jose P. Laurel habang nagtatalumpati sa kanyang inaugurasyon, 1943.

    Karaniwang paksa ng mga talumpati sa inagurasyon ang prinisipyo o mga prayoridad ng papasok na administrasyon. Sa ilang pagkakataon, ipinapahayag ng bagong liderato ang makabuluhang repormang matatamasa ng bansa sa ilalim ng bagong pamumuno. Tinukoy sa mga talumpati ni Carlos P. Garcia at Diosdado Macapagal ang kanilang mga pangunahing programa at proyekto. Sa kabilang banda, binigyang-diin nina Ramon Magsaysay at Ferdinand Marcos ang kanilang mga layunin at nais patunguhan ng bansa. 

    Halos lahat ng inagurasyon ay may sinusundang balangkas: una ay ang pagpapasalamat ng Pangulo sa pagluklok sa kanya sa puwesto, ang kanyang pagpapakumbaba sa ilang pagkakataon, ang panatang puspusang magtatrabaho upang paglingkuran ang Pilipino, at sa huli, ang paanyaya sa lahat na tulungan siyang gampanan ang kanyang tungkulin. Katanggap-tanggap din naman na papurihan ng Pangulo ang pinalitan niya sa puwesto, ito man ay nasa ibang partido. Halimbawa, pinuri ni Estrada si Ramos sa mga reporma niyang nag-angat sa ekonomiya. Ilang Pangulo din ang binibigyang-kulay ang kanilang mga talumpati gamit ang mga pahayag ng sikat na personalidad, gaya ng sa Pambansang Bayaning si Gat Jose Rizal. Sa pagtatapos ng talumpati, halos lahat ng Pangulo ay dumudulog sa Panginoong Maykapal upang humingi ng tulong at pagpapala sa pagtupad ng mahirap na tungkulin. Ang talumpati ni Pangulong Aquino ay nagbigay-daan sa pag-awit ng The Lord’s Prayer.

[sariling salin mula sa] …So Help Us God: The Presidents of the Philippines and their Inaugural Addresses, nila J. Eduardo Malaya at Jonathan E. Malaya.

 

* * *

Ang Panata sa Pagbabago

Sa pagtatapos ng talumpati ni Pangulong Benigno S. Aquino III, tumayo ang mga tao upang bigkasin ang Panata sa Pagbabago. Bago ito sa pagdiriwang ng inagurasyon noong 2010. Pagtugon ito ng mga volunteers at ng publiko sa talumpati ng Pangulo at pagpapahayag ng kanilang suporta at pakikilahok sa demokratikong pamamahala sa bansa. Kakabit ng paksang ito ang Panata ng Pangulo sa Sambayanang Filipino—ang gumagabay na prinsipyo sa kanyang kampanya at ang Sixteen-Point Agenda para sa Pagbabago na itinataguyod ng kanyang administrasyon.

Ako ay buong katapatang nanunumpa
Sa ating bansang minamahal at ginagalang
Na aking pagsusumikapang matamo
Ang tunay na pagbabago ng ating bayan
Namamanata ako na tutulong sa ating pamunuan
Sa pagpapataguyod ng marangal na pamamahala
At pagpapalakas ng isang lipunang makatarungan
Na walang palakasan at walang kinikilingan
Na walang lagayan at walang pinapaboran
Gagampanan ko ang lahat ng katungkulan
Ng isang mabuti at matapat na mamamayan
Na kasing tindi ng paghamon ko sa ating mga pinuno
Na sumunod sa landas na tama at matuwid
Upang mabago ang takbo ng kasaysayan
Na magwakas na ang kahirapan
At maitaguyod natin ang ating kabuhayan
Bilang alay sa ating mga anak at salin-lahi ay
Palaganapin natin at itaguyod
Ang isang SAKDAL LINIS, MARANGAL
at MATAGUMPAY na PILIPINO.
Sa isip, sa salita at sa gawa.

 

* * *

Ang Simbolikong Pagmartsa sa Palasyo ng Malacañan

Sa pagtatapos ng Panata sa Pagbabago, magtatanghal ta ang mga sundalo, magmamartsa ang bagong Pangulo sa kanilang hanay, at magpupugay sa kanya ang mga service commanders ng Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police. Pagkatapos ay pupunta siya sa Palasyo ng Malacañan. Sa labas ng Palasyo, sasalubungin ng mga Presidential guards ang kanilang bagong Commander-in-Chief, at hahalili na sila sa kanyang mga naging escort.


Manuel L. Quezon ascends the stairs of Malacañan Palace for the first time as President, 1935.

Ang tradisyon ng pag-akyat sa hagdan.  Pormal na naililipat sa Pangulo ang pamamahala sa Palasyo bilang kanyang opisyal na tahanan at tanggapan sa pamamagitan ng pag-akyat sa pangunahing hagdan ng Malacañang sa unang pagkakataon bilang pinuno ng bansa. Sinimulan ang tradisyong ito ni Pangulong Quezon, na naantig sa kuwentong umakyat nang paluhod ang ina ni Rizal sa hagdang ito upang magmakaawa para sa buhay ng anak. Sagisag ang pag-akyat na ito na malayang inihalal ng sambayanang Pilipino ang Pangulo na may tungkuling pamunuan sila nang makatarungan, taliwas sa naging pamamahala ng mga mananakop na Gobernador na dating nanirahan sa Palasyo.

Basahin ang “The Possession of Malacañanpara sa kasaysayan at alamat kaugnay ng tradisyunal na pag-akyat sa pangunahing hagdan ng Palasyo.

Unang pagpupulong ng Gabinete

Mula noong 1935 hanggang martial law, ang Kalayaan Hall (ang dating Maharlika Hall at Executive Building, ang opisyal na tanggapan ng Pangulo. Dito ginaganap ang mga pagpupulong ng Gabinete mula sa Administrasyong Quezon hanggang kay Macapagal. Ang mga dumalo sa pulong ng Gabinete sa gusaling ito ay sina Benigno Aquino Sr. na Kalihim ng Pagsasaka sa Administrasyon ni Quezon; ito rin ang gusali kung saan nanungkulan si Benigno Aquino Jr. bilang Presidential Assistant ni Pangulong Ramon Magsaysay. Ang mga pagpupulong ng Gabinete ay ginaganap na sa Aguinaldo State Dining Room mula pa noong Administrasyong Marcos.

Pagsasalu-salo sa Inagurasyon. Ito ay salu-salo para sa mga dayuhang dignitaryo na nais makadaupang-palad ang bagong Pangulo. Hindi na ginagamit ang terminong vin d’honneur, bilang pagbalik sa tradisyon ng simpleng pagsasalu-salo bago ang Martial Law. Wala na ring Inaugural Ball (ang huling Inaugural Ball ay noong inagurasyon ni Marcos noong 1981, kung kailan huli ring isinayaw ang Rigodon de Honor sa Palasyo hanggang noong Hunyo 12, 2009. Sa pagtitipong ito, pangungunahan ng Pangulo ang pagkampay bilang tanda ng pakikipagkaibigan sa mga bansang may mabuting diplomatikong ugnayan sa Pilipinas.

Konsyerto sa Inagurasyon. Naging bahagi na ng pagpapasinaya sa bagong Pangulo ang pagdaraos ng isang konsyertong bukas sa publiko noon pang panahon ng Administrasyong Quirino. Ang pagsasayaw sa publiko, imbes na ang Inaugural Ball ang idaos, ay unang ginanap sa inagurasyon ni Magsaysay noong 1953, at tinularan ng mga Pangulo mula pa sa panahon ni Macapagal noong 1961. Ang huling Inaugural Ball na may Rigodon de Honor ay ginanap sa Palasyo ng Malacañan noong 1981. Bumalik si Pangulong Benigno S. Aquino III sa kanyang bahay sa Times Street, Quezon City pagkatapos ng konsyerto sa kanyang inagurasyon.

 

  • rebecca_29

    saan po ba nanumpa si pangulong arroyo noong hunyo 30, 2004?

  • sherwin o soriano

    mabuti at may ganitong pahina dahil dito mahuhubog ang pilipino kung saan kailan bakit paano ang mga namuno sa bansa

  • shobe empeño

    saan ba mkkita ung alituntunin sa pag-awit ?
    di ko kse mkita ei

  • suichine minamina

    where did manuel quezon lives when he was alived

  • lalalalala

    pwede po bang magbigay pa kayo ng info tungkol kay carlos p garcia?

  • Ana Rica Turallo Santos

    oo nga need ko rin yun !