Kalatas ng Kanyang Kadakilaan, Jose P. Laurel, Pangulo ng Republika ng Pilipinas, sa mga Punong-Lalawigan, Punong-Bayan at iba pang mga litaw na ginoo sa piging na handog ng Kgg. Tirona na ginanap noong tanghali ng ika-28 ng Mayo, 1944, sa Imus, Kabite.

MGA MAGINOO NG LALAWIGAN NG KABITE:

Sa pagkakataong ito na kayo’y nagkaka-limpi-limping lahat sa piging na handog ng Kagawad-Bansa sa Paggawa, Kalusugan at Kagalingang-Bayan, Kgg. Emiliano Triei lirona ay ipahintulot ninyong kayo’y aking batun, di lamang sa pangalan kong sarili kundi gayon din sa pangalan ng Pamahalaan ng Republika ng Pilipinas.

Hindi nawawaglit sa aking gunita ang maluwalhating kasaysayan ng inyong lalawigan at sa tuwi kong maaalaala ang pangyayaring tinina ng dugo noong 1872 na nagging dahil ng pagkakabitay sa mga banal na paring Burgos, Gomez, at Zamora, gayon din naman ang buktot na pagkakapatay sa labintatlong pinagpala ng inyong lalawigan noong 1896 na walang ibang naging kasalanan kundi ang pag-ibig at pagmamahal nila sa ating Bayan, ay lalong nabubuo ang aking pananalig na aL Lalawigan ng Kabite ay hindi maaaring magpabaya upang sa panahong ito ng mga kagipitan at kahirapan ay makaligtas na maluwalhati ang sambayanang pilipino. Maging noong 1872 at gayon din noong 1896, sa dalawang himagsikan natin, ang mga taga-Kabite ay nagpakilala ng kanilang kabayanihan. Ang lahat nang nagpapamalas ng kabayanihan ay hindi maaaring magkait ng tulong sa ikatitiwasay ng kanilang Tinubuang Lupa. Alam ninyong lahat na ang Pamahalaan ay nasa ating mga kamay, palibhasa, ang Pamahalaang iyan ay isang Republikang malaya at nagsasarili. Alam din naman ninyong lahat na bagaman umaabot dito sa atin ang mga yanig ng kasalukuyang digmaan ay malayo naman tayo sa larangan ng paghahamok. Kung ito’y totoo ay nais kong kayo’y pagpagunitaan ngayon na ang gawaing mahalaga para sa atin sa mga araw na ito ay mapamalagi ang kapayapaan sa lahat ng dako at, sa gitna ng kapayapaan, ay harapin ang katiwasayan ng kabuhayan nating sarili.

Umaasa ako sa inyong katalinuhan at sa inyong katiningang-loob. Kayo’y mga kanang kamay ng Pamahalaan sa inyu-inyong pook at nayon. Ang inyong mga nagawa na at ang inyong mga gagawin pa ay pinaniniwalaan kong may maidudulot na malaking kapakinabangan sa mabuting lakad ng ating Republika. Ibig ko lamang ipaalaala sa inyo na lahat ng ating kilos at gawa sa mga araw na ito ay kailangang ibagay sa kasalukuyang lagay ng panahon. Huwag ninyong kaliligtaan ang pangyayaring sa paghakbang natin ay may guhit tayong tinatalunton at sa ating paligid ay mayroon tayong mga ilang bagay na dapat panimbangan. Ang tapang ay katutubo sa atin at ito’y atin nang naipakilala sa maraming pangyayari, nguni’t ang katapangan, sa buhay ng mga tao at sa buhay man ng mga bayan, ay may kaukulang mga pagkakataon, hindi para sa lahat ng bagay at hindi para sa lahat ng sandali. Iyan ay labis ninyong nababatid, at labis din naman ninyong nalalaman na ang tapang ay di nararapat gamitin sa hindi mga kaaway at lalo na sa mga tunay na kapatid at kabalat. Ang hinihingi sa atin ng panahon ay ganap na kahinahunan ng loob. Kahinahunan at pamamayapa. Ibig kong dito ninyo ibuhos ang lahat ng inyong kaya at ipaliwanag sa ating mga kapatid na inyong nasasakupan na sa pamamagitan lamang ng pamamayapa maaari nating matamo ang lahat ng ating pinapangarap sa buhay. Ang bahagyang ligalig ay maaaring makapagpabigo sa lalong mga dakilang mithiin. Kung tunay na ibig nating matupad ang mga gintong pangarap para sa bayan natin ay ilagan ang lahat nang maaaring maging sanhi ng anumang kaguluhan.

Sa ating pagka-pilipino, bawa’t isa sa atin ay may mahigpit na katungkulang gumawa ng lahat ng uri ng pagsasakit sa ikapagiging matatag ng ating sariling Republika. Sapul nang ako’y manungkulan sa tungkuling pagka-Pangulo ay wala akong pinagsikapan kundi ang bagay na ito: nguni’t ito’y isang nialakad at dakilang gawain na hindi maisasakatuparan kundi sa pamamagitan ng tulong ng lahat. Humihingi ako ng tulong sa inyo, hindi para sa akin kundi para sa ating Pamahalaan, o sa lalong maliwanag, para sa ating Inang Bayan. Tulungan ninyo ako upang manatili ang kapayapaan. Tulungan ninyo ako upang maging tunay at maging matatag ang ating Republika. May iba pa kayang dapat na magtulungan kundi tayong mga tunay na magkakapatid? Hindi tumpak na tayo’y umasa sa iba. Para sa ating mga kapakanan ang tunay na pag-asa ay nasa mga kamay natin. Gamitin natin ang ilaw ng ating pag-iisip sapagka’t ito’y hindi araw ng mga pag-aalinlangan, ito’y mga araw ng tahasang pagpapasiya. Kung ibig nating makatawid sa panahong ito ng lalong malalaking kagipitan, tumawid tayo sa pamamagitan ng mabisang kaparaanang akin nang nasabi: pamamayapa. At sa gitna ng kapayapaan, sa gitna ng kaayusan at pananahimik ng lahat, harapin natin ang pagpapasagana ng pagkain, ang pagtatanim ng lahat ng uri ng halamang mapag-aanihan ng sukat maipag-agdong-buhay, lalung-lalo na yaong maaaring ipanghalili sa pangunang kailangang bigas. Tayong mga nasa katungkulan ay may malaking sagutin kung maghahalukipkip lamang ng kamay sa harap ng nagbabalang gutom. Ipaliwanag ninyo sa inyong mga nasasakupan ang mga pangyayari at ang pangangailangang ang lahat ay nararapat na magtanim. Ang gutom ay kumakatog na sa ating mga pintuan at kung di tayo matututong makibaka sa kanya ay hahantong tayo sa isang lagay na kahabag-habag Lahat ng aking magagawa ay ginagawa ko, nguni’t kailangang kayo’y magsitulong. Kayo’y magiging taksil sa inyong sarili at sa inyong kapuwa kung sa gitna ng mabigat na paghihikahos ay di ninyo pasisiglahin ang bawa’t tao sa inyong mga pook at nayon upang magtanim. Kung di natin babakahin ang gutom ay di tayo makaliligtas, hindi natin mapananatiling buhay at malusog ang ating pagka-Bayan at ang ating pagka-Lahi. Hinihingi ng mga pagkakataon ang ating ganap na pagpapakasakit.

Dahil sa pagsisikap at pagpapakasakit ng ating mga ninuno ay napapanatiling buhay ang ating pagka-Lahi at ang ating pagka-Ba-yan. Ang Lahi’t Bayang ito’y ipinamana nila sa mga magulang natin. Namana rin naman sa kanila ang magiting na halimbawa ni Lapu-lapu na naghudyat sa Sandaigdig na tayo’y tutol sa alin mang uri ng pambubusabos. Ipinamana naman sa atin ng ating mga magulang ang mga habiling yaon ng ating mga ninuno at sila’y maaaring makapagmalaki sa pangyayaring hindi nalanta sa kanilang mga kamay ang gayong pamana at ang gayong halimbawa. Ang dalawang himagsikang pinamuhunanan ng buhay at dugo ay halimbawa namang hindi makakatkat na tayo’y hindi makapagpaparaan ng alin mang uri ng pangangamkam at pang-aapi. Iniwanan pa rin tayo ng isang saligang-batas ng isang Republikang nagsarili sa Malulos at ng isang maluwalhating Watawat na ngayon ay malayang nakikipag-halikan sa hangin sa apat na sulok ng ating himpapawid. Ipinagtatapat ko sa inyo na ako’y hindi natatakot sa kamatayan. Ang kinatatakutan ko’y ang kasaysayan sa panahong hinaharap. Maniwala kayo sa akin na tayo’y susumpain ng mga saling sa ati’y magsisisunod kung sa ating kapabayaan at di-pagkatuto ay di naman natin maipamamana sa kanila ang naipamana sa atin ng ating mga ninuno at ng ating mga magulang. Sa kasaysayan nga tayo matakot at huwag sa mga kahirapan at mga kagipitang dinaranas natin ngayon. Isang paraan lamang ang tanging makapagliligtas sa atin sa sumpa ng ating mga anak at ng anak ng ating mga anak na siyang magsisibuo ng saling sa ati’y hahalili, at ito’y ang paggamit natin ng matalinong pag-iisip sa harap ng mga kasalukuyang pangya-yari.

Kaya inuulit ko sa inyo: pakasikapin natin na maghari ang katahimikan at kapayapaan. Huwag tayong sumugba sa ningas. Papanatilihin nating buhay ang ating pagka-Bayan at ang ating pagka-Lahi, gaya ng ginawa ng ating mga magulang at ng ating mga ninuno. At inuulit ko rin na ako’y inyong tulungan sa mabigat na gawaing tungo sa pagiging wagas at tunay ng Republikang nakatayo ngayon.

Sa wakas ay ipahintulot ninyong aking sabihin na ako’y umaasa sa inyong pagka-makabayan at sa inyong tunay na pagka-pilipino. Buong karangalang tuparin ninyo ang inyong mga tungkulin na ang mga mata’y nakapako sa kaligayahan at katiwasayan ng ating Tinubuang Lupa.

Harinawang patnubayan tayo ni Bathala upang mapanatili nating buhay at ligtas ang ating Bayan at ang ating Lahi.

Source: Office of the Solicitor General Library