Kalatas ng Kanyang Kadakilaan, Jose P. Laurel Pangulo ng Republika ng Pilipinas, sa mga taga-Lunsod ng Kabite, nang ipamahagi ang mga damit na alaala ng Pangulo, noong hapon ng ika-29 ng Mayo, 1944.

MGA KAPATID SA LUNSOD NG KABITE:

Ang madugong pangyayari sa lalawigang ito noong 1872 na naging dahil ng kakila-kilabot na pagkakabitay sa mga banal na Paring Burgos, Gomez at Zamora at ang buktot na pagkakapatay sa labintatlong pinagpala na pawang kalalawigan ninyo noong 1896 ay nagpapagunita sa akin ng malaking pagpapakasakit na napuhunan na ng Kabite alang-alang sa ikatutubos ng ating Tinubuang Lupa. Sa kasaysayan natin, ang inyong lalawigan ay may sarili nang pitak na maaari ninyong ipagmalaki. Noong ako’y mahalal na Senador ay ipinagmalaki kong gayon na lamang na sa purok na kinakatawan ko ay kabilang ang lalawigang ito ng Kabite. Kaya, sukat na ninyong mahinagap na kayo’y hindi ko maaaring makalimutan, lalo pa sa panahong ito ng mga paghihirap at pagtitiis.

Tayong mga pilipino ay nasa panahon na naman ng mabigat na pagsubok. Nakatuntong tayo ngayon sa isang guhit na, ang munting pagkakamali ng sinuman sa atin, ay maaaring maging dahil ng kapahamakan ng lahat. Kayo’y aking pinagpapagunitaan upang malaman na sa anumang kilos ng bawa’t isa sa mga araw na ito ay kakambal ang kapalaran ng sambayanan. Dahil diyan ay hindi dapat na tingnan lamang ang kapakanang sarili, kailangang alalahanin ang maaaring ibunga sa ating mga kababayan. Sa awa ng Poon ay malayo tayo sa larangan ng digma, bagaman di maaaring iwasan na umabot dito sa atin ang mga yanig na nakababagabag. Sa awa rin naman ng Poon, ang Pamahalaang nakatatag ay hawak ng ating mga kamay. Wala ngang dahilan upang tayo’y makisangkot sa mga kaabalahang pandigmaan at itiwangwang ang mga suliraning pansariling kabuhayan nating mga pilipino. Alinsunod sa ibinubulong ng katalinuhan ng pag-iisip, ang nararapat gawin ngayon ng lahat at bawa’t isa sa atin ay manahimik at mamayapa, harapin ang mga suliranin ng kabuhayang sarili at tumulong sa Pamahalaan na sa ngayo’y walang sinisikap kundi malunasan ang kagipitang naghahari at manumbalik sa bawa’t tahanan ang tanus ng nawalang ligaya.

Ito’y hindi panahon ng pag-uulik-ulik. Ito’y panahon ng ganap at tahasang pagpapasiya. Alalahanin ninyo na ang ating mga ninuno at ang ating mga magulang ay walang pinagsisikapan noong kanilang panahon kundi ang tayo’y mapamanahan ng isang bayang ligtas at hindi busabos. Ano ang sasabihin nila sa atin sakaling dumating ang oras ng pagsusulit kung dahil sa ating pagkakamali sa mga araw na ito ay malugmok ang bayan natin sa banging kinasasadlakan ng mga alipin at busabos? Matakot tayo sa kasaysayan. Isusumpa tayo ng mga saling magsisisunod sa atin, ng ating mga anak at ng anak ng ating mga anak kung hindi natin maipamana sa kanila ang isang matibay na Lahi at ang isang Bayang buo na ipinamana sa atin ng ating mga ninuno at ng ating mga magulang.

Kung ibig nating huwag madarang ay lumayo tayo sa apoy. Sa tahasang pagsasabi, ang ibig kong mangyari ay huwag tayong kumilos ng iba kay sa nababagay sa panahong ito. Ang isinasamo ko sa inyo ay magsipanahimik kayo at mamayapa. Ang ating pakasikapin ay maligtasang maluwalhati ang kasalukuyang kahirapan sapagka’t kung tayo’y masawi sa paghihirap na ito ay walang ibang mapipisanan kundi ang ating Bayan at ang ating mga anak. Mamayapa nga kayo at manahimik alang-alang sa kanila. Tulungan ninyo ang inyong Pangulo, tulungan ninyo ang Pamahalaan natin na walang ibang sinasakit kundi ang kaligtasan ng sambayanang pilipino. Kung ang magkakapatid ay walang pagtutulungan, ang katiwasayan at kaligayahan ay hindi magiging para sa lahat. Magtulungan nga tayo. Ito ang hinihingi sa inyo ng ating Pamahalaan.

Ako’y nakiusap sa inyong kalalawigan, Kgg. Emiliano Tria Tirona, Kagawad-Bansa sa Paggawa, Kalusugan at Kagalingang-Bayan na mangyari lamang na sa kanyang pamamagitan ay ipamahagi sa inyo ang aking munting alaala na bagaman hamak ay hinihingi kong inyong malakihin palibhasa’y galing sa mahigpit kong nais na kayo’y matulungan kahit na papaano. Alam kong ang hamak na alaala ko sa inyo ay hindi makasasapat sa tunay ninyong pangangailangan, nguni’t ako’y umaasa na sa panu’t pano man ay makatutulong din sa kagipitang inyong dinaranas. Pagdamutan nga ninyo at iya’y galing sa isang pusong hindi nakalilimot. Wala akong hinihiling kundi ipagpatuloy ninyo ang pamamalagi sa kapayapaan at tulungan ninyo ang Republikang nakatatag ngayon na siyang Republikang pinangarap ng mga bayaning nagbigay ng karangalan sa Lalawigan ng Kabite. Sa ibang pagkakataon, sakaling maipagtagumpay sa hinaharap na panahon ang ating mga layunin sa pamamagitan ng inyong mabisang tulong, ay makaaasa kayong kayo’y aking pagsasadyain upang tanggapin ninyo sa aking mga kamay ang tunay na alaalang sa kapakinabangan at sa halaga ay makalilibong mahigit kaysa tanging nakayanan ko ngayon na ipamamahagi sa inyo sa pamamagitan ni G. Tirona.

Kahimanawari’y maligtasan natin ang kagipita’t kahirapang ito sa pamamagitan ng ating mabuting pagkakaunawaan at pagtutulungan.

Source: Office of the Solicitor General Library