Talumpati ng Kanyang Kadakilaan, Jose P. Laurel, Pangulo ng Republika ng Pilipinas, sa Dulaang Metropolitan, nang ipagdiwang ang ika-83 taong kapanganakan ni Dr. Jose Rizal, Maynila, sa ganap na ika-9:20 ng umaga, noong ika-19 ng Hunyo, 1944.

MGA KASAMAHAN SA PAMAHALAAN, KAGALANG-GALANG NA PINUNO NG HUKBO SA PLLIPINAS, MGA GURO, MGA KABATAANG PLLIPINO, MGA KAPATID AT MGA KABABAYAN:

Aking ikinararangal at ikinatutuwa na ang araw na ito na kapanganakan kay Rizal, ay siyang maging araw ng pagbubunsod at pagtatayo ng samahan ng mga kabataang pilipino na pinangarap ng ating bayaning si Dr. Rizal.  Itong samahang ito ay itinayo at ang kadahilanan ay dalawa:

Una, sapagka’t sinabi ni Rizal na ang kabataan ay siyang maliwanang na pag-asa ng ating Bayan. Sinabi niya ito nang taong hindi pa dumarating ang oras ng kanyan kamatayan, ng taong 1896, at nakita natin na ang kabataang pinangarap niya ay dili iba’t ang kabataang hindi nagkait ng hirap, ng sakit, ng buhay at ng dugo upang mapaginhawa at mapalaya ang Bayang Tinubuan. Nang taong 1898, pagkatapos na maihayin ni Dr. Rizal ang kanyang buhay upang mapalaya ang Inang Bayan, nang dumating ang mga amerikano, ang mga kabataang sumunod kay Rizal, ay siyang tumutol sa pagsakop sa atin ng mga dayuhan. Sa pamamagitan ng mga simulain ni Rizal at ng magigiting niyang mga kasamahan noon ay tumutol ang kabataang pilipino sa lahat ng uri ng pambubusabos at bunga nito ay nakapagtatag at nakapagtayo ng isang Republika sa Malulos, Bulakan. Pagkatapos ng ilang panahon ng mga amerikano, ng taong 1941, nang tayo y maramay sa malaking digmaan dahil sa paniniwala natin sa pangakong binitiwan nila na bibigyan tayo ng Kalayaan sa 1946, ang kabataang pilipino ay nakipiling sa kanila, lalo na sa pakikilaban at pagtatanggol sa Korehidor at Bataan, ay hindi nagkait ng kanilang buhay at dugo sa paniniwala at pag-asa na sa kanilang kamataya’y magwawagi ang adhikaing ukol sa paglaya. Kaya’t ang sinabi ni Rizal na nasa kabataan ang malaking pag-asa, kaipala’y ang pag-asa ng ating bayan, ay isang katotohanang hindi natin maitatanggi at kung ano ang pagkakilala nina Rizal ay siya rin namang pagkakilala ng Pamahalaang ito, na ang kabataan, kayong mga lalaki at mga babae na siyang susunod sa amin, kayo ang siyang tunay na pag-asa ng ating Bayang Tinubuan, ng Inang Pilipinas. Ito ang kadahilanan kung bakit itinatag ang isang malaking samahan ng mga kabataan sa buong Kapuluan na walang kinikilalang relihiyon, walang kinikilalang kulay ng politika, kundi ang lahat ng kabataang pilipino, na pangarap ni Rizal, ay magkasama-sama at magkabuklud-buklod upang kung mapikit na ang mga mata ng inyong mga magulang, kung mapikit na ang mga mata naming lahat na nakatatanda sa inyo, kayo namang magkakapatid, na pangarap ni Rizal, ang siya namang magtataguyod sa kapalaran ng Pilipinas, sa kanyang pag-unlad at pagdakila, sa kanyang ikaliligaya at ikatitiwasay.

Ang ikalawang dahilan ng pagtatatag ng “KAPARIZ,” na Kapisanan ng Kabataang Pilipino na Pangarap ni Rizal, ay sapagka’t inaakala ng ating Pamahalaan, ng Pangulo at ng kanyang mga kasamahan sa Pangasiwaan, na katungkulang ihanda ang saling sumusunod sa kanila sa pagbalikat at pagpasan sa mabigat na tungkulin sa pamamayan sa araw ng bukas at upang ang kabataang iyan, kayo na nga, ay maging handa sa pagtatanggol at panunungkulan sa tunay na adhikain ng mga pilipino sa ating Bayang Tinubuan, sa Inang Pilipinas.

Kami, na nakikita ninyo ngayong nanunungkulan, bumabalikat, nagpapasan at kai-pala’y kinapopootan ng ilan-ilan o marami nating kababayan sa paniniwalang kami’y nagiging kasangkapan lamang ng isang bansang dayuhan, ay humaharap sa bayan, nahahandang tumanggap ng parusa kung kinakailangan at kung sa oras ng paglilitis ay mapatunayan ninyo na kami’y mga tunay na taksil nga, kami, mga giliw na kabataan, alalahanin lamang na mga kapatid din ninyo at bagaman tumatanda na at nalalaman naming walang taong inuugatan sa ibabaw ng lupa, bagaman kami’y mahigit nang limampung taong lahat at hindi na mabubuhay pa ng mahigit na limampung taon pa uli sapagka’t bihira na ang mga taong nakararating sa isang daang taon ang gulang, ay nangahahanda ring managot. Marami sa amin ang may karamdaman na, marami sa amin ang mahihina na ang tuhod, mahihina na ang mga kaisipan, nalalaman naming bukas-makalawa’y pipikit na lamang ang aming mga mata, nguni’t kami’y nagpapakahirap at nagpupunyagi hindi na para sa amin sapagka’t gaya ng nasabi na’y kakaunting panahon na lamang ang natitira sa aming buhay, lalung-lalo na sa kahirapang ito, at lalung-lalo na sa hindi pagkakaintindihan ng mga pilipino, nguni’t katungkulan naming nakatatanda na ihanda, pangaralan, hubugin ang kalooban at kaisipan ng mga kabataan sa isang kalagayang maging huwaran naman ng magsisisunod at maging makabayan, katulad ng pinangarap ng ating bayaning si Dr. Rizal. Iyan ang dahilan kung bakit itinatag ang kabataang pilipino, ang samahang ito sang-ayon sa pangarap ng ating bayani. Iyan ang dalawang dahilan kung bakit ang Pamahalaan ng Repiiblika ng Pilipinas ay nagsisikap na mabuo, magkaisa at magkabigkis ang lahat ng mga kabataang pilipino upang sa ganitong paraan, mapikit man ang aming mga mata, ay buong kasiyahang masasabi na anumang di hirap ay naihanda namin ang kabataan, at sa aming pagpanaw ay nakapagpamana kami sa lahi ng isang Bayan, isang Diwa, isang Wika, at isang Kabataang Pinangarap ni Dr. Rizal. (Palakpakan.)

Tayo ay isang Republika at isang Pamahalaan. Nalalaman ko pagka’t nakararating sa aking mga pakinig na marami sa ating kababayan ang nag-aakala na ang Republikang ito at ang Kalayaang ito, ay hindi wagas, hindi tunay, at hindi siyang pinangarap ng ating mga bayani. Ang bagay na ito’y alam at nariringig din ng kabataan. Hindi na ako makikipagtalo; akin lamang sasabihin ang mga sumusunod:

Nais kong sabihin ninyo sa inyong mga magulang na kayong mga kabataan ay inihahanda namin sa araw ng bukas; sabihin ninyo na inyong naringig na namutawi sa mga labi ng inyong Pangulo ang ganitong mga kataga:

Ang adhikain, pithaya, at nais ng mga pilipino, buhat sa mula’t mula pa, ay ano?

Ang Kalayaan!

Ang Kalayaang hindi biru-biro!

Ang kalayaang tunay!

Ang isang Repiiblika sa Pilipinas at para sa mga pilipino lamang!

Ang isang Pamahalaan na walang sino mans taong dayuhan o bansa na makikialam!

Iyan ang pangarap ng ating mga ninuno, at ng ating mga magulang buhat kay Lapu-Lapu hanggang kay M. H. del Pilar, kay Rizal, kay Mabini, Heneral Malvar at Gregorio H. del Pilar, at iyan ang tagubilin na iniwan sa amin at sa inyo, na siyang dapat pagpilitan nating maisakatuparan. Sa katunayan, mga kapatid, kung bubuklatin natin ang aklat at kasaysayan ng ating bayan, ay makikita natin na ang bayang ito’y patuloy sa kanyang paghakbang, katulad ng isang taong naglalakbay. Walang nais ang Bayang Pilipinas at ang mga pilipino kundi makarating sa kanyang paroroonan na dili iba’t ang Kalayaang tunay, wagas at para sa mga pilipino lamang. Kaya’t noong panahon pa ng mga amerikano, ang mga pinuno sa ating mga lalawigan ay mga amerikano, at noong una’y ang mga tesorero probinsiyal ay mga amerikano, na ang mga superintendente sa ating mga paaralan ay mga amerikano, na ang Pamahalaan ay nasa sa kamay ng mga amerikano; ang masugid na pinagpilitan ng mga pilipino ay maialis sa kapangyarihan ng mga amerikano ang Pamahalaan at mapalagay sa kamay ng mga pilipino, hanggang sa naitatag na ang ating Malasariling Pamahalaan na may sariling Saligang-Batas; unti-unting napasalin sa atin ang kapangyarihan at ang kapangyarihang ito ay napalagak sa mga pilipino; nguni’t nasiyahan baga ang mga pilipino sa Pamahalaang Malasarili? Hindi, sapagka’t alam nila na iyo’y hindi siyang pangarap, adhika at pithaya ni Rizal at ng iba pang mga bayani. Pinagpilitan natin at umasa tayo na sa taong 1946 ay makakamtan na ang isang tunay, wagas at dalisay na KALAYAAN, na ating pinakamithi. Hindi ito natupad dahilan sa kasalukuyang nangyayari sa buong sansinukob. Dumating ang mga hapon at ibinigay nila ang Kalayaan. Sa paninindigan sa ating kalayaan, ang Hapon ang lumaban; nguni’t hindi kinalaban ang mga pilipino; ang digmaan ay hindi rito sa Pilipinas kundi sa buong mundo. Ang mga tao, lalung-lalo na ang mga pilipino, ay naghihirap, nagiigutom, walang mga damit, walang makain at ang marami nating mga kapatid ay nahihiwalay sa atin sapagka’t sa kanilang paniniwala, ang Kalayaang ito’y hindi tunay at wagas na Kalayaan. Nguni’t mga kababayan, buo ang aking pag-asa, na kung si Del Pilar ay tumanggap ng kamatayan sa gitna man ng kahirapan sa Espanya at kung ang anak niyang si Anita ay nagtiis ng katakut-takot na kahirapan dito dahilan sa pagkaulila, kung si Bonifacio, kung si Mabini at ang lahat ng ating mga bayani ay nagtiis ng kahirapan, ako’y naniniwala, na ang mga pilipino, hindi lamang iibigin at mamahalin ang Kalayaan sa gitna ng kasaganaan, kung hindi sa gitna man ng kahirapan at ng di masayod na mga pagtitiis. Tatanggapin kong ang Kalayaang ito ay hindi tunay dahilan sa mga sinasabi at ibinubulong ng ating mga kababayan na: “may bandila tayo at nawawagayway na hiwalay sa bandilang Hapon, nguni’t marami ang nangyayari sa ating bayan na hindi malunasan ng Pamaha-laang ito.” Mga kababayan, di ang ibig sabihin nito ay hindi na tayo dapat magpatuloy at magpunyagi. Kung ang Kalayaan nga ay hindi tunay, pagpilitan nating gawin kung ang Kalayaang iyan ay hindi wagas ayon sa inyong paniniwala. Kung tayo, halimbawa’y tutungo sa Bagyo, magsasalita ako roon sa ating mga kababayan; sa ganitong paraan, alam natin na ang atin patutunguhan ay Lunsod ng Bagyo. Kami ay nahahanda sa ano mang paraan upang makarating sa aming paroroonan, sa Bagyo nga. Ipagpalagay natin na ang Lunsod ng Bagyo ay siyang tunay na KALAYAANG ninais at pinangarap ng ating mga bayani. Kaming nasa sa Pamahalaan ay naghihirap, pinupulaan at kaipala’y kinapopootan pa, nguni’t ibinabalita ko naman sa inyo, mga kabataan, na patuloy kami sa paglakad na ito upang makarating sa Bagyo. Maaaring sa pag-iisip ng ating mga kababayan ay hindi tayo makalalakad, totoong malayo ang patutunguhan at maaaring sabihin na lakad-guyam na kaipala’y hanggang sa Marilaw lamang makararating; maaari ngang kaming inyong sinugo ay hindi makarating sa Bagyo, maaaring sa gitna ng aming paglalakbay ay hindi umabot sa kalahati man lamang ng paglalakbayan at maaaring sabihin na sa aming katandaa’y mabuwal na sa paglakad at maaaring sa hindi pagkaka-intindihan ng mga kapatid at mga kadugo natin, kaming mga sinugo ninyo ay mariwara sa mga kamay nila pagka’t ayon sa kanilang paniniwala, kami’y mga taksil sa bayan. Ngunit mga kabataan, iyan ang dahilan kung bakit kayo’y aming inihahanda, iyan ang dahilan rang bakit kayong mga bata, lalaki at babae, ay binubuklod, binibigkis at hinuhubog sa mga katangian ni Dr. Rizal upang kung tumanda na kami at abutan ng kamatayan sa buhay na ito, kayo’y siyang magpapatuloy.

Ipagpatuloy ninyo ang aming paglakad, huwag ninyong pabayaan ang pangarap ni Rizal, pagpilitan, bumalikat ng mga hirap upang makamtan ang kang kalayaang tunay, wagas at dalisay. (Palakpakan.)

Ano, samakatuwid, ang dapat gawing paghubog sa ating mga kabataan upang maisagawa ang pangarap na iyan ni Dr. Rizal, upang maisagawa ang paghahanda sa susunod sa aming nagsisitanda na? Unang-una, tayo’y may Kagawarang-Bansa sa Pagtuturo. Sa harap ng Kagawarang iyan, nakalagay ang lsang taong kilala ninyo sa mula’t mula pa, na hindi ninyo mapag-aalinlanganan sa pagkabayani at pagkamakabayan sapagka’t ang lahat ng panahon at gawain niya ay iniuukol upang makatulong sa paghubog ng ating mga kabataan. Sa pamamagitan ni Dr. Camilo Osias, sa pamamagitan ng kanyang mga kasamahan at sa pamamagitan ng mga paaralang sarili sa paggalang sa pananampalataya, bawa’t isa’y inaasahan kong sa pagtatayo ng Samahang ito ng “KAPARIZ,” sa paghubog ng kaisipan ng ating kabataan upang maging malusog ang katawan at matalino ang kaisipan, ako’y umaasa na maihahanda natin ang kabataang ito upang sila na ang magpatuloy sakaling hindi na kami makarating sa aming pinaglalakbay na tunay, wagas at tapat na kalayaan na ninanais ng mga pilipino. Sa paghubog na ito sa kabataan, may suliraning kinakailangang tanggapin ng lahat ng mga paaralan at guro, ang pagkilala kay Bathala sapagka’t walang maaaring mangyari rito sa ibabaw ng lupa na hindi galing sa Kanyang kalooban. Mga bagay na dakila ang ipapasok natin sa isipan at kalooban sa paghubog sa ating mga kabataan upang ang mga kabataan ding iyan ay magising sa mga iniaral at inihabilin sa atin ni Dr. Rizal, na ang pilipino ay may bayang dapat mahalin, na dahilan sa bayang iyan kaya siya nabubuhay; hubugin ang mga kabataang pilipino upang matutong lumingon sa mga utang na loob, katulad ng isang kasabihang “ang hindi marunong lumingon sa pinanggalingan ay hindi makararating sa paroroonan”; upang kumilala at mahalin ang ating bayan, at nang sa ganitong paraan ay maging masipag at magkaroon ng paniniwala na sila’y dapat magkabigkis-bigkis, mag-kasama-sama at dapat magkahati-hati sa ano mang biyaya na maaaring tanggapin, upang matimo sa kanilang mga puso na sila’y may karangalan at kung sila man ay mga kayumanggi ay dapat malaman na ang mga taong kayumanggi ay pilipino at ang mga pilopmo ay iisa, palibhasa’y binigkis at tinubos ng iisang dugo at dahil diya’y nahahandang mag-pakamatay kung ang KALAYAANG ito’y hindi tunay, wagas at dalisay; isang kabataang Pilipino na marangal; isang kabataang pilipino na hindi nahihiya sa paggawa; isang kabataang pilipino na hindi gagawa ng masama, sapagka’t naniniwala na ang tao ay dapat mabuhay sa mabuting halimbawa at sa mabuting aral; isang kabataang pilipino na hindi ipagkakanulo ang kanyang bayan at ang kanyang mga kababayan; isang kabataang pilipino na hindi magsasabog ng lasong pangaral na may mga pilipinong tangi at may mga pilipinong taksil at may mga pilipinong makabayan; isang kabataang pilipino na may pagmamahal sa lahi na magpapalagay na ang bawa’t pilipino na may pagmamahal sa Bayang Tinubuan, na ang bawa’t isa’y du-gong pilipino sapagka’t ang puso’y nag-aalab dahilan sa isang araw na nag-iigting sa langit; isang pilipinong kabataan na nagpapalagay at nananalig na lahat na mga pilipino ay magkakapatid, nagmamahalan na walang katapusan; mga kabataang kung sa oras ng pangangailangan ng kanilang kababayan, sakaling mayroon silang ipagbibili, ay ipagbibili nila sa kanilang kapuwa at hindi sa taong hindi nila kalahi; mga kabataang pilipino na marunong dumama ng kahirapan ng kapuwa nila pilipino; samakatuwid, isang kabataang tunay na pangarap ni Dr. Rizal, hindi lamang malalakas ang bisig sa pagtatanggol sa Bayang Tinubuan kung hindi kabataang mulat at marunong magtiis, hindi lamang sa kasaganaan kundi sa gitna man ng kahirapan; isang kabataang karangalan ng lahi; isang kabataang ipagkakapuri ng mga pilipino, isang kabataang makapagtitiis; isang kabataang marunong kumilala sa Maykapal at isang kabataang hubog at huwad sa pangarap ng ating bayaning si Dr- Jose Rizal. Iyan ang kadahilanan ng pagtatatag ng “KAPARIZ,” na pag-asa ng ating Pamahalaan, pag-asa ng ating Bayan, at makapagtatayo ng isang Bayan sa gitna man ng mga kahirapan at ka-ginhawahan.

Maraming salamat sa inyo.

Source: Office of the Solicitor General Library