Kalatas ng Kanyang Kadakilan, Jose P. Laurel, Pangulo ng Republika ng Pilipinas, na binasa sa bayan ng Kawit, Kabite, noong Sabado, ika-25 ng Hunyo, 1944, dahil sa pamamahagi ng mga damit na alaala ng Pangulong Laurel sa mga tagaroon.

MGA KAPATID NA TAGA-KAWIT:

Ibig ko sanang gumawa ng isang himala upang makasapit sa inyo sa pagkakataong ito, nguni’t hindi mangyari; mahahalagang bagay sa Pamahalaan na may kinalaman sa mga suliranin ng ating kabuhayan ang nakapipigil, kung kaya’t pinakiusapan ko ang Kagawad-Bansang si G. Tirona, na inyong kababayan, upang siya nang kumatawan sa akin at siya na ring mamudmod ng munting alaalang aking nakayanan. Alam ko na ang mga alaalang ipamamahagi sa inyo ngayon ay hindi makatutugon sa tunay ninyong mga pangangailangan, nguni’t hinihingi ko na mangyaring pagdamutan at malakihin, palibhasa’y galing sa kaibuturan ng puso ng inyong Pangulo na hindi nagpapabaya at laging nakalaan sa paglilingkod sa pangalan ng ating Republikang nagsasarili.

Tayo ngayon ay namumuhay sa isang panahong walang makatitiyak kung sa ano matatapos. Kung ating iisipin ang mga nangyayari ay tila baga ipinapayo ng ating katutubong bait na tayo’y nararapat mamuhay ng tahimik at mapayapa. Ipanalangin natin sa Lumikha na kung baga’t mangyayari’y mga yanig na lamang ng kasalukuyang digmaan ang dumating dito sa atin. Samantala, ang kailangang harapin ay mga suliranin ng ating kabuhayan upang tayo, gayundin ang ating asawa’t mga anak, ay makaligtas sa malubhang kagipitang dinaranas ng lahat sa mga araw na ito. Ang kalagayan natin ay nasa isang tayong napaka-selan na sa munting pagkakamali ay kapalaran ng ating bayan ang madadawit at mapipinsala. Mahuhulo na ninyo marahil na upang tayo’y makaligtas ay kinakailangang tayo’y manatili sa pamamayapa at pananahimik. Harapin natin ang pagpapasagana ng pagkain, bumungkal tayo ng lupa at magtanim ng mga halamang mapag-aanihan ng mga pangunang kailangan sa buhay natin. Hindi kaila sa inyo na ang gutom ay nasa ating ulunan at kung tayo’y mananatili na lamang sa paghihintay ay walang mangyayari.

Ang Lalawigan ng Kabite, lalung-lalo na itong bayan ng Kawit, ay hindi nahuli kalian man sa alin mang kilusang nahihinggil sa ikatutubos ng ating bayan. Ang inyong katapanga’t kabayanihan, ang inyong pagpapakasakit, ang inyong pamumuhunan ng buhay at dugo, ay mga bagay na hindi maikakaila pagka’t iya’y nakatitik sa mga dahon ng ating kasaysayan. Alang-alang sa ikatutubos ng ating bayan, ngayon ay ibang bagay naman ang hinihingi sa inyo at iyan ay dili iba kundi ang pamamayapa at pagbungkal sa ating mga lupain. Kung noong mga nakaraan ay inihandog ninyo ang lahat ng inyong magagawa alang-alang sa katubusan, umaasa akong sa panahong ito, ang inyong tulong ay hindi ipagkakait, Ang Republikang kasalukuyang nakatayo ay kaugnay ng Republikang napatatag sa Malulos. Bagaman ang bawa’t isa ay napatatag sa panahong magkaiba, ang dahilan at layunin ay mahigpit na magkabuhol naman. Anupa’t masasabing ang nakatayo ngayon ay siyang tagapagpatuloy ng napatayo kahapon. Ang bayan ng Kawit ay siyang pugad ng kauna-unahang Pangulo ng nabuwag na Republika, kung kaya’t naniniwala ako na sa bayang ito’y hindi namamatay ni maaaring mamatay ang damdaming namalagi sa puso ng bawa’t isa sa inyo na nauukol sa dakilang mithi ng ating Tinubuang Lupa. Mga taong may damdaming katulad ng inyo ang hinihingan ko ng tulong. Tumulong kayo sa akin, tumulong kayo sa Pamahalaan; wala naman kaming masikhay na hinihingi sa inyo kundi ang pananahimik at pamamayapa upang sa gitna ng pamamayapa’t pananahimik ay makagawa tayo ng lahat ng bagay na panligtas sa malubhang kagipitang tinatawid ng bayan natin. Ang kailangan natin ngayon ay makaligtas sa lahat ng panganib na ibinubunga ng naglalagablab na digmaan.

Ipinagtatapat ko sa inyo na kung kaya ko lamang tinanggap ang pagiging Pangulo ng Republika ng Pilipinas ay upang magkaroon ng isang mananagot sa mabigat na gawaing tungo sa ikapananatiling buo ng ating pagkabansa at ng ating pagka-lahi. Wala nang napakamasaklap na kapalaran para sa isang bayang katulad nitong atin, kung di ang pagkatupok ng pagka-lahi at pagka-bansa sa maningas na apoy ng digmaang ngayo’y nag-aalimpuyo. Oo’t tunay na ang larangan ng digmaan ay wala rito sa atin, nguni’t ang dagundong at yanig ay ating nararamdaman at ang isa sa panganib na kinauumangan natin ngayon ay nasa atin nang ulunan, ang gutom. Ito ang mahigpit na kaaway natin ngayon, isang kaaway na nananalanta nang hindi nakikita, isang kaaway na walang iginagalang at lahat ay pinapatay. Pinupukaw ko nga kayo upang magsikilos. Bakahin natin ang gutom. Mamayapa tayo, bungkalin ang lupa at magtanim. Iyan ang hinihingi ko sa inyo sapagka’t iyan ang hinihingi ng pagkakataon. Magtanim nga tayo at lumigtas. Dapat ninyong malaman na kaming mga nasa Pamahalaan ay hindi nag-aaksaya ng panahon, gabi’t araw ay pinag-aaralan namin ang lahat ng paraan kung paano maliligtasan natin ang malubhang panganib na akin nang tinukoy. Datapwa’t anumang bisa ng 5 lunas na aming makita ay hindi magtatagumpay kung hindi ninyo tutulungan. Hinihingi ko nga ang inyong mahalagang tulong at inuulit kong mamayapa tayo at magtanim.

Sa pamamagitan ng Kagawad-Bansang si G. Emiliano Tria Tirona ay tatanggapin ninyo ngayon ang nakayanan kong alaala na gaya ng nasabi ko na ay isang alaalang galing sa kaibuturan ng aking puso, kaya’t pagdamutan ninyo at malakihin.

Source: Office of the Solicitor General Library