Kalatas ng Kanyang Kadakilaan, Jose P. Laurel, Pangulo ng Republika ng Pilipinas, nang gawin ang pagbubukas sa “Paaralan sa Pagtuturo ng Wikang Pilipino” sa Auditoryum ng dating Paaralang Normal, Maynila, Enero 8, 1944:

Hinggil sa paggamit natin ng isang bagong wika sa Pilipinas ang pangunahing tauhan ni Rizal sa kanyang El Filibusterismo ay nagharap ng isang makahulugang panig at sa pagsasabing ang wika natin ay kahambing pa rin ng isang tore ni Babel, itinanong ni Simoun: “Nais ba ninyong idagdag ang isa pang wika upang lalo at lalong huwag maunawaan ang inyong sarili ng inyong mga kababayan?” Sa pamamagitan ng pag-angkin sa isang wikang dayuhan, iminatwid pa rin ng nasabing tauhan ang ganito: “Papatayin ninyo ang inyong katutubo, ipaaalipin ninyo ang inyong kaisipan sa mga kaisipan ng iba, at sa halip na palayain ang inyong mga sarili ay kayo na rin ang gu-mawa upang ang inyong mga sarili ay maging tunay na mga alipin.”

Gaya nang nababatid ninyo, ang kasalukuyang pangasiwaan ay tiyak at walang pag-aatubiling ibinunsod ang pagtatayo ng isang marangal na gusali, isang gusaling pambansa, na karapat-dapat sa Republika at sa susunod pang salin ng lahi. Subali’t mahigit sa ginagawang pagbabagong-tatag ng Pilipinas sa pangangatawan, sa kalooban at sa diwa, binabalangkas din nito ang isang wikang pambansa na magiging karapat-dapat sa lahing Pilipino, isang wikang siyang sasalitain at mauunawaan ng bawat Pilipino buhat sa kahilagaan ng Kapuluan hanggang sa katimugang dulo ng mga pulong ito. Ang Pangulo ng inyong Pamahalaan ay kasang-ayon ni Simoun na “samantalang pinananatili ng mamamayan ang kanilang wika ay pinananatili rin nila ang alaala ng kanilang kalayaan, katulad din ng kung paano pinangangalagaan ng isang tao ang kalayaan ng kanyang kaisipan samantalang pinamamalagi niya ang paraan ng kanyang pag-iisip.”

Hinggil sa ating wikang pambansa, na nasa yugto ng kaunlaran, kayo, gaya rin nang dati, ang siyang mga pangunahing tagapagtaguyod nito. Buhat sa paaralang ito kayo ay palalabasin sa kaukulang panahon na lubos nang sanay at nakahanda upang ikalat ang mga bagong aralin sa pinakamalayo at pinakatagong sulok ng inyong bansa na ang Republika ng Pilipinas ay may sariling wika na ngayon, na siyang makapaghahayag ng mga kaisipan at lunggatiin ng mga mamamayan, at ang wikang iyan, sa pamamagitan ng masusing mga pag-aaral at mga pagpapayaman, ay siyang magiging wika ng mga batang Pilipino na hindi pa isinisilang sapagka’t ito na ngayon ang wikang pardahat ng buong bansa.

Sa pagbabasa ninyo ng kasaysayan ay natutuhan ninyo na ang bawa’t bansang nagtamo ng kadakilaan, maging sa pamamagitan ng sandata o panulat, ay may wikang sarili nila, isang wikang siyang kakambal ng kanilang kaluluwa, na siyang ginamit ng mga mamamayan sa mula’t mula pa. Ang mga mamamayang walang kaunlaran at alipin ang siya lamang gumagamit ng wikang hiram na hindi nila natutuhan sa mga labi ng kanilang mga ina, na hindi nagpapahayag ng matapat sa kanilang mga pananalig, sa mga sariling tatak ng kanilang ugali at pag-iisip, at sa kadalubhasaan ng kanilang lahi.

At sapagka’t lubusang nilalayon natin na maging dakila ang Pilipinas, na ito’y magkaroon ng isang panitikang nakasulat sa wikang sinasalita ng kanilang mga ninuno at siyang ginagamit sa pagpapahayag ng mga pusong Pilipino sa lalong mataimtim na damdamin nila at mga kaisipang lalong dakila, kailangang paunlarin nating lahat sa buo nating maka-kaya ang bagong wikang pambansa, ang wikang inaasahan ninyong matutuhang mabuti ng mga nagsusunog ng kilay sa paaralang ito. Hinggil sa minulan ng wika, babahagya lamang ang ating nababatid. Ang tanging na-lalaman natin ay isang alaala ito na kaloob ng lalong Dakila, isang alaala na ipinagkaloob sa tao ng kalikasan upang maipaunawa ang kanyang mga damdamin, ang kanyang mga pananalig. ang kanyang mga kaisipan sa isang paraan na siya ay lubusang mauunawaan ng kanyang mga kapuwa tao. Dito ay nakapaloob ang tinatawag na katutubong pagpapala-gayan; ang ibig sabihin ay nariyan ang nagsasalita, ang bagay na sinasabi, at ang bagay o ang tao na pinag-uukulan nito. Bunga ng mahalagang pagkakaugnay na ito, tungkulin natin, bilang mga guro sa hinaharap ng wikang pambansa, na lumakad nang marahan, na gamitin lamang at angkinin ang mga katagang naging laganap na at tinatanggap ng mga kinikilalang guro sa wika. Dapat ninyong iwasan ang paggamit ng mga bagong katha at hindi maunawaang mga kataga na ang maaari lamang makakilala ay ang iilang mga nagpa-panggap na dalubhasa. Mayroon tayong tinatawag na paraan ng paggamit na siyang nagpapaunawa sa tunay at tumpak na kinaliukulan sa pagpapahayag sa alin mang wika. Tunay na magiging malagim kung ang wika, sa halip na pagyamanin sa pamamagitan ng mabagal nguni’t maingat na pagpapaunlad, na siyang makapagpapahayag sa mga pangangailangan at sa ikasusulong ng katalinuhan ng mamamayan, ay gawin itong nakalilito, at dalidaliin sa pamamagitan ng mapangahas na mga pagkatha na siyang makapagpapagulo sa isipan ng mga mamamayan. Malimit nang marinig naming ang bulung-bulungan na ang nakasulat na Tagalog ay ibang-iba at hindi makilala sa mga Tagalog na sinasalita, sapagka’t maging ang mga nagsasalita nito sa kanilang kamusmusan pa larnang ay hindi na makaunawa kailan ma’t ito’y sinulat ng mga tinatawag na makabago. Samakatwid ay kailangang gamitin ang lubusang pag-iingat upang sa pagtuturo ninyo ng wikang ito ay huwag kayong matangay sa mga nilalayon ng mga mapanggulo sa kanilang hinahangad na maituro sa madia, kundi sa halip ay mapagtaw ang tumpak na paggamit ng alinsunod sa kinaugalian at ipinakakahulugan nito, at gaya ng sinasalita ng mga nakapag-aral na Tagalog.

Dahilan din sa layuning ito at upang malunasan ang mga balakid na maaaring gumitaw, itinayo namin ang isang Surian ng Wikang Pambansa, na, katulad ng mga akademya ng mga wika sa maraming bansa sa Europa, ay siyang magiging tanglaw natin sa pana-panahon sa pagpapayaman sa ating katutubong wika gayon din sa tumpak na paggamit nito. Hindi na kailangan pang sabihin, ang lalong mahalagang bagay sa wika ay hindi ang paglalagay dito ng mabibigat at mga magugulong kataga na hindi kayang unawain ng mga karaniwang tao, kundi yaong karaniwan at ginagamit sa araw-araw na madaling maunawaan, maging ng mga Tagalog na ni hindi marunong bumasa at sumulat. Sa kabila ng lahat, ang layunin ay hindi upang ipagparangalan ang ating nalalaman kundi upang maunawaan ang ating mga sarili ng lahat ng mga nakapagsasalita ng ating wika.

Hayaan ninyong hangarin ko ang ikapagta-tagumpay ninyong lahat.

Source: Office of the Solicitor General Library