Kalatas ng Kanyang Kadakilaan, Jose P. Laurel, Pangulo ng Republika ng Pilipinas, sa mga taga-Bulakan, dahil sa pag-aabot ng “Bagnos ng Tirad” sa kapatid na babae ni Heneral Gregorio H. del Pilar, Maynila, ika-14 ng Mayo, 1944.

MGA KAPATID NA TAGA-BULAKAN:

Sa pagdaraos ninyo ng maningning na pagdiriwang nkol sa pag-aabot sa mapalad na kapatid na babae ni Heneral Gregorio H. del Pilar ng parangal ng Bagnos ng Tirad ay nakikiisa ako ng buong puso. Gayon din naman, sa lahat at bawa’t isa sa inyo ay pinararating ko ang aking mataos na bati dahil sa inyong pagiging anak sa mapalad na lalawigang kinakitaan niya ng unang liwanag. Tunay na isang dakilang kapalaran ng isang lalawigang gaya nitong inyo ang pagkakaroon ng isang tunay na lalaki na ang pangala’y nakatala na ng mga titik na ginto sa kasaysayan ng ating bayan.

Sa lahat ng pagkakataon ay naging masambahin ako sa kagitingan at katapangan, palib-hasa’y buo ang aking paniniwala na ang mga bayang nasa isang kalagayang katulad nitong atin, upang ganap na matubos at lumaya, ay nangangailangan ng mga taong magigiting at matatapang. Ang pagiging makabayan ay di sapat kung kulang sa tapang at salat sa giting. Si Heneral Gregorio H. del Pilar ang siyang nagpatibay sa ating kasaysayan na sa Pilipinas ay di kulang sa mga lalaking nagtataglay ng gayong mga katangian: pagka-makabayan, pagka-magiting at pagka-matapang. Ang daigdig ay kanyang pinahanga sa ipinakita niyang pagpapakasakit alang-alang sa Tinubuan, pagpapakasakit na naging sanhi ng maagang pagkapitas ng kanyang buhay na mahalaga. Hindi lingid sa inyo ang kasaysayan ng pagpapakasakit ni Heneral Del Pilar. Itinalaga siya sa unahan ng kanyang maliit na hukbo sa Lagusan sa Tirad upang abatan ang mga kaaway na maaaring magdaan doon. Dahil sa ang paglampas sa nasabing lagusan ay mangangahulugan ng ganap na kasawian ng kanyang Tinubuang Lupa ay ipinanata sa loob na bago makaraan doon ang mga kaaway ay kailangang sa ibabaw ng kanyang bangkay magdaan. At gayon nga ang nangyari. Nguni’t ang tapang at kabayanihang yaon na ipinamalas ni Del Pilar sa unahan ng kanyang maliit na hukbo ay hinangaan ng mga kaaway na rin. Sa katunayan, ang bangkay ng bayaning Heneral ay inilibing nila na pinagukulan ng maningning na parangal na karapat-dapat sa isang magiting. Ang kagitingan ng batang-batang Heneral ay karapat-dapat halimbawain ng ating kabataang kawal ngayon ng Repiiblika at lubhang kapana-panabik na sa pagkakaroon ng pagkakataon ay masabi ng bawa’t isa ang “kung dito ako inilagay na bantay ay dito ako magiging bangkay.”

Nang balakin ng Pamahalaan ng ating Republika ang pagbibigay ng parangal sa mga pilipinong nagpakita ng mga dakilang katangiang nagpapadakila sa kanilang Lain, ang kauna-unahan kong nagunita ay ang Bayani sa Bagnos ng Tirad. Kaya noon din ay aking ipinasiya na ang gayong parangal ay tagurian ng Bagnos ng Tirad at ang unang dapat na pagkalooban ay ang Bayaning nabulid doon dahil sa matapang na pagtatanggol sa ating Tinubuang Bayan. At ito ang aming pinagtibay sanhi sa akin nang naiulat sa inyo na kaipala’y alam naman ninyong lahat. Ibig kong ang halimbawa ni Heneral Gregorio H. del Pilar ay maging maningning na talang tatanlaw sa landas na dapat talaktakin ng ating kabataan sa kanilang paglalakbay kahit na sa kadiliman ng gabi. Ang panahong tinatawid ng ating Bayan ay nangangailangan ng mga taong may mga katangiang katulad ng tinaglay ng Bayani sa Bagnos ng Tirad.

Itanim natin sa isip na ang isang Bayang may isang kabataang nahihili sa mga parangal na ginagawa sa Bayani sa Bagnos ng Tirad ay isang Bayang hindi masasawi ni mabiibusabos ng mahabang panahon.

Alalahanin nga natin tuwi na ang halimbawa ni Heneral Gregorio H. del Pilar.

Source: Office of the Solicitor General Library