Talumpating binigkas sa Bulwagang-Pulungan ng City Hall ng Kanyang Kadakilaan, Jose P. Laurel, Pangulo ng Republika ng Pilipinas, sa harap ng mga Pinunong Pampurok at mga Lider ng Samahang Pangkapitbahay, noong umaga ng ika-17 ng Mayo, 1944.

KAGALANG-GALANG NA ALKALDE, MGA KASAMAHAN SA PAMAHALAAN AT MGA KADUGO:

Ayon sa palatuntunan ng inyong Pangulo, at dahil sa lagay na kabuhayan ngayon ng bayan ako’y nahahanda sa paglalakbay sa iba’t ibang lalawigan at purok ng Kapuluan upang sa ganitong paraan ay makita ng ating mga kababayan na hindi ko inaalintana ang hirap ng katawan at ang masikhay na nais ay maki-panayam sa mga kababayang nasa iba’t ibang dako upang madama at mabatid ang kanilang mga damdami’t niloloob. Nagtungo ako sa Dabaw, pagkagaling doon ay tumuloy sa Sebu at ibig ko pa sanang magdaan sa Iloilo at Negros at buhat doon ay magdaan sa Kabikulan, sa Legaspi, at pagkatapos ay kumabila naman hanggang sa Kahilagaaan ng Luson; nguni’t naputol ang aking paglalakbay sapagka’t kinailangan ng iba nating mga kababayan sa Pamahalaan ang aeroplanong aking ginagamit dahilan sa sasakyan nila sa pagtungo sa Hapon. Ngayon, ako’y maaaring dumalaw na naman sa mga lalawigang dapat kong makita sa dahilang ang aeroplanong aking ginagamit ay narito nang muli at nakabalik. Makapaglalakbay ako sa mga lalawigan at mga bayan-bayan sapagka’t kinakailangan kong makausap ang ating mga kababayang tagaroon upang alamin ang kanilang mga pangangailangan. Nang nakaraang linggo ay naggala ako sa iba’t ibang tanggapan ng ating Pamahalaan. Ang palatuntunan ng inyong Pangulo ay makipanayam sa lahat, at ngayon ay nasa sa harap ninyo upang makapagsalita ng ilang kataga at upang muli tayong magkitakita at malaman ang inyong nasa sa kalooban, ang init ng inyong mga damdamin at maipahayag naman sa inyo na aking ninanais na, una sa lahat, ay ipagpatuloy natin ang pagmamahal sa ating mga kababayan. Bukod sa riyan ay upang malaman din naman ang inyong paghihirap sa panahong ito, paghihirap na dinaranas na­ting lahat.

Nalalaman ko at nalalaman ninyo na ang ating malaking suliranin ngayon ay ang bigas na siyang ikinabubuhay ng ating mga tauhan at ng ating mga kababayan. Ibig kong sa pagkakataong ito ay maipaliwanang sa inyo ang mga nagawa na at ang kasalukuyang ginagawa ng ating Pamahalaan, ang politikang sinusunod, lalung-lalo na ang nauukol sa bigas na kinakailangan ng ating mga kababayan. Ang unang politika ay ang tinatawag na “control.” Ang “control” ay ginagamit sa panahon ng kagipitan sa isang bagay na kinakailangan. Katulad ng bigas; ito’y isang bagay na totoong kinakailangan sa buhay at ang ginawang pag-control” dito sa atin ay ginawa rin sa iba’t ‘bang bansa sa panahong ito ng digmaan sa buong Sansinukob. Ang paliwanag diyan ay madali: halimbawa, tayo ay may isang daang bunga ng mangga na ating makakain, tayo ay isang daan din o isang libo kaya, ang paraan, kung inyong iisipin upang ang bawa’t isa sa isang libo katao ay makatikim o magkaroon ng kanyang bahagi sa manggang iyan ay diyan, diyan ginagamit ang “control.” Samakatwid, ang “control” na iyan ay isasagawa upang sa isang daang mangga ay makabahagi ang lahat at bawa’t isa sa isang libo katao, alalaong baga ay magkaroon ng magkakahambing na bilang o piraso ang bawa’t isa. Kung walang “control,” ang mangyayari ay mga may salapi, ang tanging makakakuha, o dili kaya ay yaong mga taong malalakas ang kamao; kaya ang maaaring mangyari, sa isang daang manggang iyan ay limampu ang makukuha ng mga mayayaman at mga dalawampu lamang ang mapupunta sa mahihirap, sa mga anak-pawis at sa talagang mga walang kaya. Iyan ang dahil kaya kailangan ang “control.” Kung ang mangga ay may isang libo na at di iisang daan lamang ay hindi na kailangan ang “control.” Sa isang bagay na labis sa pangangailangan ay hindi nangangailangan ng “control.” Iyan ang ipinaglalaban ng inyong Pangulo: hindi dapat ang “control” sa mga bagay na labis at sagana. Nguni’t kung ang isang bagay ay kakaunti at kapos, ang Pamahalaan ay dapat kumilos at gumawa ng kinakailagan upang ma “control” ang bagay na kakaunti at kapos. Katulad baga ng isang mabuting ama ng pamilya, sa pamamagitan ng kaunting bagay na ipamumudmod sa mga anak, kundi man makabusog ang hati sa bawa’t isa, lahat naman ay nakakatikim kahit kakaunti. Ganyan ang unang ginawa ng Republika, hindi upang ang ating Pamahalaan ay yumaman, hindi upang pahirapan ang mga mamamayan, hindi upang ang Pangulo ninyo’y magkaroon ng maraming bigas sa Malakanyang, hindi upang ang Alkalde ng Lunsod ng Maynila ay makaipon ng pagkain para sa kanya, ito’y alam ninyo; nguni’t ang nangyari ay marami tayong mga kabalat na mahal pa sa kanila ang salapi kay sa kabuhayan ng kanilang mga kababayang nagugutom dito sa Maynila. Marami tayong mga kababayan, mabili lamang ang kanilang mga bigas sa mataas na halaga, magkaroon ng asukal at ibang mga “prime commodities” ay minamabuti pang ibigay sa mga Hapon kay sa ibigay sa kanilang mga kababayan na nagugutom dito sa Maynila. (Palakpakan.) Hindi nila iniinda ang paghihirap ng kanilang mga kalahi. Sino ngayon ang may kasalanan, ang inyo bang Pangulo sa paghihirap ninyo dahilan sa gawang iyan? Hindi lamang iyan ang mga kadahilanan. Ang atin ding mga kadugo, yaong mga may-ari ng malalawak na mga lupain na nagsisipag-ani ng libu-libong kabang palay, sa pagmamahal sa salapi at sa hangad na yumaman ay halos tinitikis ang kanilang mga kalahi at hindi inaalintana ang pangangailangan ng kanilang mga kabalat ditto sa Maynila at sa mga iba pang lalawigan. Mayroon pa tayong mga ibang kapatid. na hindi naniniwala sa Republikang ito, hindi naniniwala sa Pamahalaan natin, kaya’t ang ginagawa’y kunin at samsamin ang mga bigas na kinakailangan nating mga taga-Maynila. Marami sa mga kasamahan natin sa Pamahalaan o mga katiwala ng Pamahalaan na sa halip na makatulong sa pamamagitan ng pagtupad sa kanilang mga tungkulin, dahil sa mga “pabag-sak” o suhol ay nalilimutan ang marangal na pagtupad sa katungkulang iniatang ng Pama­halaan sa kanila. (Palakpakan.) Ang lahat ng ito ay aking nalalaman. Hang araw na la­mang at gagawa ako ng nararapat na gawin upang malunasan ang mga kabulukang iyan sa pagtupad ng tungkulin.

Marami sa ating mga kababayan ang nakapagsabi na ang tinatawag na “control” ay napakasama. Hiningi pa ninyo sa akin na alisin ang “control.” At ang Alkalde na rin at ma­rami sa mga Pangulo ng mga Samahang Pampurok ang humingi na alisin na ang “control.” Sa inyong kahilingan at pakiusap, ang inyong Pangulo ay namanhik kay Heneral Roxas na siyang nakababatid sa kaalamang ukol sa tinatawag na “materias economicas” upang tulungan ako. Sinabi ko sa kanya na kung siya may ayaw sa Pamahalaang ito ay tulungan ako, hindi alang-alang sa akin ni sa Pamahalaan, kundi alang-alang sa ikapagtatawid buhay at ikaliligtas man lamang ng ating mga kababayan. Sa ganito kong pamanhik ay pumayag siya. Kung hindi siya sumang-ayon, kung hindi siya tumugon sa tawag ng pangangailangan ay talaga akong nakahandang ipagsumbong siya sa bayan, gayon din ang mga iba pang ayaw din tumulong sa Pamahalaan at ayaw tumulong sa akin sa pagtataguyod sa ating Republika. Nguni’t siya’y sumang-ayon. At hindi lamang siya; kilanlin ninyo kung sinu-sino ngayon ang mga kagawad ng “Economic Planning Board,” isa si G. Eulogio Rodriguez, ana, na naging Alkalde dito sa Maynila; si G. Elpidio Quirino, na naging Pangulo rin ng “National Economic Planning Board” noong panahon ng Pamahalaang Malasarili; si G. Vicente Singson Encarnacion, bantog at matalino, at iba pa; and pa’t pinili ko na ang lahat nang marurunong sa bagay na iyan upang makatulong sa Pamahalaan at makapagbigay ng lunas kahit na kaunti man lamang sa kahirapan ng ating bayan. Inalis ang “control” at ginawang malaya ang pagdadala ng bigas sa Maynila, lamang ay may 20 sa isang daan para sa Biba. Nang ito’y aking pagtibayin ay marami ang nangatuwa, una na ang Alkalde na nagpasalamat pa sa akin sa pamamagitan ng mga peryodiko; pinasalamatan din naman ang “National Economic Planning Board” sa pag-aakalang ang “control” ay siyang nagpapabigat sa kabuhayan ng madia. Nguni’t ano ang nangyari? Nang mabuksan ang pintuan upang malayang maipasok ang bigas, lalong kumont; ang pumasok sa Maynila at lalong tumaas ang halaga. Hindi tayo makaabot sa halaga na ngayon ay P700 hanggang P800 isang katan bakit, at ano ang nangyari? Ipinagtatapat ko mga kababayan, na kaya ako naririto ngayon ay dahilan lamang sa inyo. Ang aking panuntunan sa buhay ngayon sa panunungkulan ko sa pagka-Pangulo ay kung tayo’y mamamatay, mamatay na tayong lahat, at kung tayo ay mabubuhay, mabuhay tayong lahat. (Mahabang palakpakan) Nasunod ko na ang inyong nais at kaibigan, ngayon naman, mga kababayan, ako ang inyong sundin, tikman ninyo ang aking ginawa. Ipinag-utos ko ang pag-ilit sa mga bigas na hihigit sa bigas na kinakailangan. Kung may mga pilipinong naniniwala na sa pamamagitan ng pagtatago ng pangunang kailangang iyan ay mabubuhay sila at tayo’y mamamatay, mga ginoo, sila muna ang mamatay at tayo ang mabuhay. {Palakpakan.) Sa mga samahan ng magkakapitbahay ay sinasabi ko na ito ang panahon na bawa’t pili­pino’y kailangang magtapat sa kanyang bayan at bawa’t pilipino’y magkaroon ng damdamin at paniniwala na hindi maaaring mabuhay ang sino man sa pagsasarili lamang kundi mabu­buhay upang mabuhay din ang kapuwa niya pilipino. Bawa’t isa sa mga magkakapitbahay ay kinakailangang magtapat kung gaano ang naiingatan niyang bigas. Kung hindi gagawin ang ganitong pagtatapat ay wala tayong sisihan, panahon na ito ng pagsusulit. Ako’y nagtataka kung bakit may mga tao sa Samahan ng Magkakapitbahay, na, gayong hindi kailangan, ay tumatanggap ng rasyong bigas. Marami sa kanila ang nagsilapit sa akin at ang gayo’y ipinagtapat. Mahigit sa limang daang tao sa loob ng samahang nasabi ang hindi nangangailangan ng rasyon. Ano ang ginagawa ninyong mga taga-Samahan ng Magkakapit­bahay? Bakit kayo nagpapabaya? Ano ang kailangan kina Vicente Madrigal at iba pang mayayamang katulad niya ang tumanggap ng rasyon? Sila’y mga mayayaman, may-ari ng mga asyenda, may natatagong mga salapi. Ba­kit maghihintay pa kayo ng isang “declaracion,” bakit hindi pa ninyo sila alisin agad sa talaan ng mga binibigyan ng rasyong bigas. Sila’y mga taong maaaring magsibili kahit na P2,000 isang kaban; maaari silang bumili sapagka’t may mga salapi. Isa pa, ayon sa bagong kautusan—bagaman hindi ko ibig gawin sapagka’t ako’y nangangailangan ng tulong ng lahat—ay maaari ninyong ipagsumbong ang mga taong nag-iipon ng saku-sakong bigas na labis sa takda ng pangangailangan ng isang mag-aanak; ang makapagsumbong ay bibigyan ng Pamahalaan ng 25 sa isang daan ng nasamsam at ang nakuha sa kanino man ay ipamumudmod sa mga mahihirap. Kung may mga kautusan ang Pamahalaan na hindi maliwanag Sa inyo at ibig ninyong makipagkita sa sino mang makapagpapaliwanag ay maaaring mag-sadya kayo sa “Food Administrator” o sa aking tanggapan sa Malakanyang at kayo’y paliliwanagan ng kahulugan at ng kadahilanan ng mga utos na inilagda tungkol sa bigas, na totoong kinakailangan ng Siyudad ng Maynila. Isa lamang ang aking ipinakikiusap sa inyo, mga kababayan, tulungan ninyo ako. Kung kayo’y naniniwala sa sinasabi ko, na kung kaya ako naririto at tumutupad sa pagka-Pangulo ng ating Republika ay hindi sapagka’t ibig ko ng “puesto,” magtamo ng gloriya sa buhay at magpakayaman, hindi; kaya ako naririto ay upang makapaglingkod ng wagas, tunay at dalisay na paglilingkod sa ating Pamahalaan. Tulungan ninyo ako. Sa halip na sa bawa’t pangyayari at sa bawa’t paghihirap ninyo ay titingala kayo at sasabihing ano ang ginagawa ng ating Pangulo, ano ang ginagawa ng Pamahalaang ito? Sa halip na magsalita kayo ng ganyan, na ginagawa ninyo sapagka’t sa inyong akala’y may mga tao sa Pamahalaan na hindi nagdaramdam sa mga nangyayari sa inyo at walang kailangan sa kanila ang kayo man ay magutom, kung tunay na kayo ay may nais na tumulong sa inyong Pangulo, makipag-intindihan kayo sa akin at ipagtapat nang walang pangimi ang mga bagay na ayaw ninyong sabihin sa ibang mga alagad ng Pamahalaan. Hindi lamang ako ang may katungkulang magsumakit na may maipagtawid-buhay ang taumbayan; kayo man ay mga pilipino rin at katungkulan din ninyo ang magsumakit upang tayong lahat ay kumain at upang tayong lahat ay mabuhay. Sakaling marami pa tayong mga kasamahan sa Pamahalaan na ayaw gumamit ng kanilang kapangyarihan sa pagpapatupad ng mga kautusan ng ating Pamahalaan, hindi natin kailangan sila. Ang kinakailangan ng Pamahalaan ay mga taong gagawa ng mga kinakailangan kahit na laban sa kanilang sarili upang maisakatuparan ang mahigpit na ipinag-uutos ng Pamahalaan. Kung sa pagpapatupad ng mabibigat na kautusan na tinatawag na “drastic measure” upang may maipantawid-buhay at makaligtas ang mga pilipino’y kakailanganing gamitin ang lahat ng lakas ng Pamahalaan ay ipag-uutos ko ito. Ipinagtatapat ko rin sa inyo na kung wala na akong lakas at kung wala na ring lakas si Heneral Francisco at ang ilan pang mga kasamahan ko sa Pamahalaan, kahit na ako’y kapootan at sumpain ng aking mga kaibigan, kahit na ako’y laitin at ipalagay na taksil ay hihingin ko ang tulong ng lakas ng mga hapon, sapagka’t ang aking tunay na nais at ito ang siyang nasa kaibuturan ng aking puso ay matiyak ang kaligtasan, ang kapanatagan at ang kaligayahan ng lahat ng mga mamamayan. Alam ko na ang paghingi ng tulong na iyan ay laban sa “dignidad” o karangalang sarili nating mga pilipino at alam ko rin naman na iyan ay pangit sa “orgullo” nating mga Pilipino, nguni’t ako’y mapipilitan kapag nakita ko nang ang marami sa atin ay nagwawalang kabuluhan sa Pamahalaan at mabuhay lamang sila ay mamatay na ang kanilang mga kapatid. Ako’y walang panata ngayon kundi makaligtas tayong lahat at magtagumpay ang Pamahalaan ng ating Republika.

Limang bagay ang ibig kong malaman ninyo na palatuntunan ng ating Pamahalaan:

Una, ang natutungod sa kapayapaan. Marahil ay hindi ko na kailangang ulit-ulitin pa ito, sapagka’t kung walang kapayapaan ay wala tayong magagawa at kung may magagawa man sakali ay hindi naman tayo makabubuo. Alamin natin na kahit na ano ang ating gawin dito ngayon ay hindi maaaring makatulong sa pananalo o sa pagkatalo ng mga amerikano. Kapayapaan, oo, kailangang tayo’y magsipa-mayapa; ang isipin natin ay ang tatlong bagay na ito: una, tayo’y mga pilipino; ikalawa, tayo’y mga pilipino; at ikatlo, tayo’y mga pilipino, at pilipino hanggang sa katapusan. Sa ganitong paraan ay iibigin natin ang kapayapaan, at sa ganitong paraan ay maiisip natin na kung walang kapayapaan ay hindi mata-tamo ang mga bagay-bagay na kinakailangan ng Pamahalaan upang sumulong at umunlad.

Ikalawa, ang nauukol sa pagkain, ang bigas. Sinasabi ko sa inyo na ibig ko sanang ang ”Food Administrator” na si G. Sanvictores, si Heneral Roxas at si G. Silayan, oras-oras at minu-minuto ay nasa Malakanyang upang malaman ko kung ginagawa nila ang nararapat na pagkuha ng bigas sa mga lalawigan at kung sila’y tumutupad sa gawaing ukol sa pagpapa-sagana ng pagkain at pagpapabunga sa mga halaman.

Ikatlo, ito’y isasagawa sa lalong madaling panahon, ang pagbibigay “purga” sa Gobyerno upang maalis ang mga hayop doon sa loob nito. (Sigawan at palakpakan.) Sa bagay na ito’y maaasahan ninyo ang inyong Pangulo; walang kaibigan at walang kamag-anak sa akin, sapagka’t ako, bago humawak ng katungkulang ito, ay ipinanata ko’t inilagay sa aking kaisipan ang isang patakarang aking tutun-tunin, at ang patakarang ito ay hindi ko maaaring mabago sa aking isipan.

Ikaapat, marahil ay nabasa na ninyo sa mga pahayagan na tinawag ko ang ating mga siyentipiko, ang ating mga marurunong at dalubhasa Sila’y aking inantig, pinaalalahanan at pinasigla upang gamitin ang kanilang karunungan at napag-aralan sa isang paraang makapaghahandog sa ating Bayan ng mga bagay-bagay ukol sa pagkain at ukol sa mga gamot na panlunas sa iba’t ibang sakit at karamdaman. Ako’y hindi naniniwala na ang Panginoong Diyos, pagkatapos na ang mga pilipino’y bigyan ng biyayang mabuhay sa kinagisnang lupa, ay kakailanganin pang sa Europa at Amerika bumili ng gamot na panlunas sa kanilang mga sakit. Maaaring ang “Cafiaspirina” ay nakapagpapagaling sa sakit ng ulo, ako’y gaya rin ng ibang gumagamit niyan kung sumasakit ang ulo, nguni’t hindi ako naniniwala na tayo’y wala rito ng lalo pang mabisang panlunas at upang huwag mamatay ay kailangang maghintay ng manggagaling sa layong 10,000 milya na siyang agwat sa atin ng Europa at Amerika. Napahinuhod naman sa akin ang ating marurunong at ngayo’y may Lupon na tayo ng tinatawag na “National Scientific Council” at pinangunguluhan ng mga tanyag na doktor. Marami ang mga bagay na malilikha ng kanilang dunong. Katulad ng bulak na dinala sa akin ngayon na bunga ng sariling pagkatuklas. Ang bulak ay lubhang mahalaga at kailangan sa mga ospital at sa iba’t iba pa; maipagbibili ito sa halagang mura at sa tingin ko’y maputi pa kay sa binibili natin sa mga butika. Ang halaga ng bulak ngayon ay P130. Sa lalong madaling panahon ay makabibili na tayo sa halagang buhat sa P10 hanggang sa P15, na, buk6d sa mababa na ang halaga, ay matitiyak na hindi pa tayo kukulangin lalo na ang ating mga ospital. Sa katalinuhan ng ating mga marurunong at dalubhasa ay maaaring matamo natin ang mahahalagang kailangan sa iba’t ibang sanga ng kabuhayan katulad baga ng isang bagay na kailangan ng ating mga kostabularyo at mga pulis; ngayon ay nangangailangan sila ng armas nguni’t wala, sapagka’t ang sabi ni Heneral Baba, ang mga baril ay kinakailangan sa larangan ng digma. Tinawag ko si Dr. Del Mundo na isang kimiko at ipinagunita ko na ang mga panday sa aming lalawigan at sa mga iba’t iba pang lalawigan ay nakagagawa ng mga paltik gayong wala namang namumuwangan sa paggawa niyan; sa pamamagitan ng mga siyentipiko ang pagyari ng mga paltik at iba pang sandata ay mapabubuti.

Ikalima, ukol sa kabataan at sa pinaiiral na mga batas. Nagtatag ako ng Lupon ng mga Guro at Tagapagturo upang ang ating mga kabataan ay makapag-aral ng mga simulain ni Rizal at nang sa ganitong paraan, ang bawa’t bata, mga lalaki at mga babae, ay maging isang halimbawa ni Rizal at ang mga pilipino’y maging tunay na mga pilipino at upang ipatuloy ang paraan sa pagtuturo noong una at gawing ang mga paaralang-bayan ay para sa mga pilipino lamang. Ang bagay na ito ay babalikatin ng Pamahalaan. Sa pamamagitan ng mga dalubhasa sa batas na pinangunguluhan ng Kgg. Ramon Avanceña ay minabuti kons magtatag ng Lupon ng mga Kodipikador da hil sa nais kong ang mga batas na katulad ng Kodigo Sibil na ginawa noon pang 1889 at ang Kodigo Penal sa Espanya ay palitan na Hindi ang pagsasanay ng isang taong nag-aral at nanggaling sa Amerika ang dapat sundin kundi ang mga batas na sang-ayon at naaalin-sunod sa mabuting kaugalian ng mga Pilipino; hindi ang kaugalian ng mga pilipino ang dapat sumunod sa mga batas kundi ang tunay at mabuting batas ay yaong sunod sa kaugaliang malinis at mabuti ng mga pilipino. (Palakpakan) Sa ganitong paraan ay masasabi nating mga pilipino na hindi tayo nangangailangan ng mga talino ng mga dayuhan sapagka’t tayo’y may sapat na kakayahan at katalinuhan.

Marami pa ang dapat ko sanang sabihin sa inyo sapagka’t, katulad sa pagtatayo ng isang bahay, ay ipinalalagay kong sa masama o sa mabuting pagkakataon ay ako ang naatasang maging arkitekto ng bahay ng Republika ng Pilipinas na ating itatayo at iniisip ko ang lalong mabuting paraan; ito ang dahil kung kaya ko tinawag ang lalong marurunong at lalong mga paham na kapuwa pilipino upang tumulong sa akin sa mga bagay na akin nang nasabi sa inyo. Hindi natutulog ang inyong Pangulo, gumagawa ng mga pagsisikap, hindi upang magpatuloy sa panunungkulan, kundi upang mabuhay tayong lahat; hindi para sa atin ngayon, kundi para sa ating mga anak, at sa anak ng ating mga anak.

Sa wakas, mga kababayan, hindi lamang ito ang pagkakataon, ang panahon ay mahaba; pupulungin ko kayo uli pagkatapos makapag-lakbay sa mga lalawigan. Habang ako’y wala, ipinamamanhik ko sa inyo na kung ako’y nagkamali o magkamali sa nilakad-lakad ng panahon ay mangyaring ako’y pagpagunitaan at tulungan, at bawa’t batas, ordenansa at orden administratiba na aking ginagawa ay dapat ninyong malaman na ginawa sa pag-asang makabubuti sa bayan at sa inyo; kung nagkamali man ako ay hindi sapagka’t nais na makapagpahamak, makasugat o makapagpanirap, hindi; ang nais ko ay matulungan kayo at gaya ng nasabi ko na, malilimutan ko ang aking sarili, hindi ko malilimutan ang pag-ibig ko sa bayan at sa inyo. Ang lahat ay ginagawa ng Pamahalaan kaya’t hinihiling ko ang tulong ninyo. Ako’y tulungan ninyo at tulungan ang inyong sarili, huwag ninyong ipagkait sa akin ang magiting ninyong kalooban at ang dakila ninyong puso upang sa ganitong paraan, sa pagtutulungan natin ay humigpit na lalo ang tali ng ating pagkakabigkis-bigkis upangma; kapagtawid-buhay at makaligtas at masabi pagkatapos na naisagawa natin ang lahat ng kailangan ng ating BAYANG PILIPINAS.

Salamat sa inyo.

Source: Office of the Solicitor General Library