Kalatas ng Kanyang Kadakilaan, Jose P. Laurel, Pangulo ng Republika ng Pilipinas, sa mga mamamayan sa Bulakan, tungkol sa pagbibigay ng damit sa mga mahihirap, noong ika-24 ng Mayo, 1944. (Binasa ni Ministro Emiliano T. Tirona.)

MGA KAIBIGAN AT MGA KAPATID:

Ang isang Pamahalaan ay nagiging matibay at matiwasay lamang kung kinakatigan tintulungan ng mga mamamayan. Sa kabilang dako, ang mga mamamayan ay nagiging tahimik at maligaya kung pinangangalagaan at timitulungan naman ng Pamahalaan. Kapag ang Pamahalaa’y nagwalang bahala sa kapakanan ng taumbayan ay walang kasiyahang-loob na maaaring hintayin sa kahit kanino at kapag ang taumbaya’y nawalan ng pananalig sa Pamahalaan ay walang pagtatapat na maaaring hintayin sa bawa’t tao, manapa ay panay na pagsusuwail, paninikis at panggugulo. Ito ang aking paniniwala at ang paniniwala kong ito’y di nawalay saglit man sa aking isip sapul nang hawakan ko ang Panguluhan ng Republika ng Pilipinas. Taas ang noo at hawak sa kamay ang aking puso na ipinagtatapat ko sa inyo ngayon na sa lahat ng sandali ay wala akong pinagsikapan kundi ang magkabuhol ang kalooban ng Bayan at ng Pamahalaan sa pamamagitan ng pagsasagawa ng diwa at katas ng gayon kong paniniwala.

Itong pamumudmod ng damit na gaganapin ngayon ay isa sa marami nang katunayan ng aking pagtupad sa palatuntunan ng Pamahalaan ukol sa pagtulong sa mga mamamayang nagdaralita. Ang mga damit na ipamamahagi ngayon ay alaala ng inyong Pangulo. Maaaring ipalagay na ang alaala kong ito ay walang halaga, ngunit hinihingi ko sa inyo na mangyaring tanggapin ng buong puso, malakihin at pagdamutan. Tunay ngang iyan ay munting bagay kaya walang halaga, datapwa’t ipinakikiusap ko sa inyong huwag tingnan ang halaga ng damit, ang inyong tingnan ay ang kahulugan at ang pangyayari na sa buo kong pagkukusa ginagawa ang pamamahagi ng alaala kong ito sa inyo. Hindi naman kaila sa lahat na dahil sa digmaang naglalatang hangga ngayon sa iba’t ibang panig ng daigdig, tayo’y tumatawid sa isang panahon ng pagkagipit at paghihirap. Tayong lahat ay naghihirap at nagigipit. Ang Pamahalaan ng ating Repiiblika ay nagigipit at naghihirap. Tahasan kong sinasabi sa inyo ngayon na kung ang Pamahalaan lamang ay mayaman at may labis na kaya, di lamang salapi kundi lahat ng inyong kailangan sa buhay ang dadalhin ko sa inyo upang ipamahagi sa lahat at bawa’t isa sapas ka’t ang aking marubdob na nais ay kung ma tiwasay at maginhawa ang inyong Pangulo av matiwasay at maginhawa naman kayong lahat. Sinumang tao ay walang karapatan na magnais na siya lamang ang guminhawa, samantalang ang iba ay naghihirap at naghihikahos.

Wala akong hinihiling sa inyo kundi ang kayo’y magpatuloy sa pamamayapa. Tulungan ninyo ang Pamahalaan ng ating Republikasapagka’t ang Republikang ito ay sariling-sarili natin. Kung kayo’y tutulong ay magtatagumpay nang walang kasala-sala ang layunin ng Pamahalaan. Sa ganyang paraan ang Pamahalaan ay nakapagsasabog sa inyo ng higit na mga biyaya kay sa inyong tatanggapin ngayong araw na ito. Hindi pa lamang ito ang araw. Kung dahil sa inyong pamamayapa at pagtulong ay manatiling matatag ang ating Republika, lahat at bawa’t isa sa atin ay maaaring magmalaki, sapagka’t ang Republikang ito ay naging matatag dahil sa pagtutulungan lamang ng magkakapatid na pilipino at hindi sa tulong ng iba. Ang tulong ng iba ay huwag nating asahan. Umasa tayo sa ating sarili. Kaya ulit-ulit ang aking pakiusap na kayo’y manatili sa pamamayapa at tulungan ninyo ang ating Pamahalaan.

Sa wakas ay muli kong isinasamo na mangyaring pagdamutan ang aking munting alaala sa bawa’t isa sa inyo. Sakaling ang Republika natin ay maging mariwasa na at lahat ng kagipitan ay ating maluwalhating matawid, marahil ay ako na ang magsasadya sa inyo upang ipamahagi, di na damit na katulad ng tatanggapin ninyo ngayon, kundi tunay na mga biyayang makapagpapatiwasay at makapagpapaligaya sa inyong lahat. Tayong lahat ay anak ng iisang ina, ng Inang Pilipinas, kaya lubhang nararapat na tayo’y magyakap-yakap at magsama-sama sa kaligayahan man at sa kahirapan, sa kabuhayan man at sa kamatayan.

Sa pamamagitan ng Kagawad-Bansang si G. Emiliano Tria Tirona, ay ipamamahagi ang munti kong alaala na muli kong ipinakikiusap na mangyaring inyong malakihin at pagdamutan.

Source: Office of the Solicitor General Library