Talumpating binigkas ng Kanyang Kadakilaan, Jose P. Laurel, Pangulo ng Republika ng Pilipinas, sa harap ng Palasyo ng Malakañang sa ganap nang ika-10 ng umaga, ika-28 ng Abril, 1944, sa harap ng mga taong sinamsaman ng bigas sa pagpasok nito sa pamamagitan ng perokaril, buhat sa Kabanatuan.

MGA KABABAYAN:

Kagabi’y naparito kayo at hindi ako nagkaroon ng panahong makapagsalita dahilan sa gabi na nga at marami sa inyo ang pagod at kinakailangang mamahinga muna; ako man naman ay pagod din kahapon.

Nalalaman ko ang inyong katayuan; nasabi sa akin ng Kalihim na si Kgg. Sabido na ang nais ninyo ay mabalik ang inyong mga bigas na nanggaling sa lalawigan at dinala ninyo rito sa Maynila upang inyong makain. Dinaramdam ko ang nangyari at aking sinasabi sa inyo, upang ibalita naman ninyo sa inyong mga kasama at sa lahat ng ating mga kababayan na ang Pamahalaang ito, bagaman mahina’t nagsisimula pa lamang sa paglakad, ay itinayo at itinatag, una’t higit sa lahat, upang makapaglingkod at makapagbigay ng ginhawa sa lahat ng mga pilipino.

Itong Malakanyang na kinaroroonan ninyo sa umagang ito, gayon din naman ang bahay na malaki at yari sa semento na nasa harap at nakikita ninyo ay ari ng bayan. Iyan ay tinirhan ng mga kastilang nagsipamuno at ng mga amerikanong naging gobernador dito sa ating bayan, at ngayon ay tinitirhan ng isa ninyong kababayan, kakulay, kadugo, at katulad din ninyong nagmamahal sa ating bayan at katulad din naman ninyong nagmamahal sa ating mga kababayan. Nais kong inyong malaman na itong Malakanyang na ito ay hindi pag-aari ng sino pa man kundi ng bayan, aking inuulit, kaya’t kayo’y may karapatan na makapagsadya sa inyong Pangulo, na kapuwa ninyo pilipino, upang sabihin ang inyong pangangailangan at makita at madama naman ninyo ang tunay na damdamin niya; sa ganitong paraan ay malaman ng mga mahihirap na katulad ninyo na ang inyong Pangulo ay hindi naririto sa Malakanyang upang magpayaman, upang magtamasa, kundi upang makiramay sa paghihirap ng kanyang mga kababayan, at upang makita ng inyong mga mata na sa loob ng Malakanyang, ang Pangulo ay nahahandang tumulong sa gitna ng kahirapan, sa kanyang mga kababayan. Sa gitna ng kahirapan ng Pamahalaan ngayon, walang salapi, walang kuwartang maipamudmod sa mga pilipinong nagdaranas ng hirap, gayon man, ang inyong Pangulo ay may kaunti rin namang maaaring ibigay na alaala at ito’y mga damit, alang-alang sa pagkakasadya ninyo rito ngayon sa Malakanyang. Ang alaala ng inyong Pangulo, bagaman walang malaking halaga, ay makapagpapahiwatig naman sa inyo na hindi lamang sa salita kundi sa buong makakaya ay inyo siyang maaasahan at maaari ninyong makatulong at kitain dito sa Palasyo. Kung mayroon mang mga tanod dito sa Malakanyang ay sapagka’t kinakailangang mabuhay ang inyong Pangulo upang maitaguyod ang kalayaan, mapabuti ang katayuan ng ating Pamahalaan at matupad ang pangarap ng ating mga bayani. Alamin ninyo na ang Malakanyang ay hindi para sa akin lamang, hindi ako laging titira rito, ito’y para sa bayan; kung ang inyong mga anak ay matatalino at masisipag, kaipala, sila naman ang mamumuno at siyang titira sa Palasyong ito balang araw.

Tungkol sa inyong bigas ang aking masasabi ay ganito: nagugutom ang bayan, kinakailangang kumain. Naghihirap ang bayan, kinakailangang ang Pamahalaan ay tumulong kundi man sa ikagiginhawa ng lahat ay sa isang paraang makapagtawid-buhay man lamang ang mga mahihirap, hindi lamang dahil sa utos ng ating mga puso at kaluluwa, kundi sa utos man ng Santong Dasalan: “pakanin ang nagugutom, painumin ang nauuhaw at paramtan ang hubad.” Kaya’t ang aking masasabi sa ibang mga kapatid natin na sa halip na maglagalag sa bundok at kaparangan ay tumulong sa Pamahalaan; sa ganyang paraan ay makatutulong sila sa bayan sa pagpapasagana ng pagkain at sa iba pang bagay na lubhang kapaki-pakinabang.

Tumawag ako sa himpilan ng perokaril at sinabi ko ang inyong mga bigas; naghihintay lamang ako na sabihin sa akin na bumalik na kayo roon upang makuha na ang inyong mga bigas. Isa lamang bagay ang aking ibig sabihin sa inyo. Sumunod kayo sa utos ng ating Pamahalaan. Ang Pamahalaan ay nagtayo ng Bigasang Bayan na maaaring magdulot ng mga kaginhawaan sa mga mamamayan upang kayo ay makakain at guminhawa ang inyong katayuan. Naroroon si Heneral Roxas, siya ang nakikialam sa Biba upang bumuti ang lakad ng ating kabuhayan sa ating mga pangangailangan sa bigas at nang ito’y madala rito sa Maynila upang maipamudmod sa taumbayan, lalung-lalo na sa mga mahihirap. Iyan ay itinatag upang makapagdala rito ng bigas sa Maynila, nguni’t ang perokaril na magpahangga ngayon ay wala pa sa kamay ng ating Pamahalaan ay nagpairal ng isang palakad

upang huwag mahulog ang mga taong sumasakay na nagsisiksikan at nagkakapatungpatong na halos sa biyahe at huwag maglulan ng bigas sa perokaril sapagka’t ang kalalagyan ng kalahating sakong bigas ay maaari nangkaroonan ng isang bata o ng isang tao; isa pa ay upang huwag mangasira ang mga piyesa ng perokaril sapagka’t kung masira na ay wala na tayong maaaring ihalili; derating ang araw na mawawala na pati perokaril, lalong mahirap sa atin ang di tayo makaparito sa Maynila mapipilitan tayong sumakay sa mga kariton, sa mga karitela at sa mga bangka, gaya noong araw, iyan ay totoong matagal na paglalakbay sa panahong ito. Ang Gobyerno lamang ang dapat gumamit ng perokaril upang madala sa Maynila ang bigas na maipamamahagi sa mga mamamayan, sapagka’t hindi lamang kayo ang dapat mabuhay, marami pa tayong mga kababayan dito sa Maynila na kailangang tulungan ng Gobyerno. Sa kasalukuyan, ang nagkakaroon ng bigas ay mga mayayaman, sila ang nakaiipon nang maraming sako, ang mga mahihirap ay hindi at namamatay ng gutom. Kinakailangang ang mga mamamayan ay tumulong sa Gobyerno upang maipatupad ang mga ipinag-uutos. Maaari kayong magdala ng bigas dito, nguni’t alamin ninyo na hindi lamang kayo ang may karapatang mabuhay. Huwag ninyong pabayaang mangamatay ang ibang kapuwa ninyo pilipino rito sa Maynila. Sa pagkakilala ko sa inyong pangangailangan ay aking ipinag-utos na ang mga bigas ninyo’y ibalik at ito’y matutupad. Maghintay kayo ng kaunting panahon, bago mag ika-12:00 ng tanghali ay mababalik na sa inyo ang inyong mga bigas.

Habang kayo ay naghihintay at upang magkaroon kayo ng alaala ng inyong Pangulo, kundi man gantimpala sa pagpapagod at pakikipagkita ninyo sa akin, ay pagkakalooban t kayo ngayon ng titig-isang damit. Isa lamang bawa’t isa, sapagka’t ganyan ang tunay na magkakapatid, walang lamangan, huwag ninyong naisin na ang isa ay makahigit sa iba, Hindi, walang lalamang sa ibang kapatid. Sundin natin ang diwa na dapat maghari sa tunay na magkakapatid.

Tatanggapin ninyo ang aking alaala at humanay kayong lahat, isa-isa, at magdaan sa mesang ito. (Itinuturo ang mesang kinalalagyan ng mga damit.)

Salamat sa inyong lahat. (Palakpakan.)

Source: Office of the Solicitor General Library