Talumpating binigkas sa Luneta ng Kanyang Kadakilaan, Jose P. Laurel, Pangulo ng Republika ng Pilipinas, sa Kaarawan ng mga Kostabularyo, sa ganap na ika-11 ng umaga ng ika-4 ng Mayo, 1944.

MGA KABABAYAN, MGA KADUGO AT MGA GINOO:

Natitipon tayo ngayon, sa oras na halos ay tanghali na, upang ipagdiwang at dakilain ang Araw ng Kostabularya. Ang Kostabularya ay itinatag at itinayo bilang kasangkapan at katulong ng Pamahalaan, hindi upang makapinsala o makapagpahirap sa bayan at sa mga mamamayang pilipino, bagaman maaaring may mga ilang hindi nakatutupad sa pagasa ng mga mamamayan. Ang Kostabularya ay itinayo upang siyang maging kanang kamay at maging kasangkapan ng Republika ng Pilipinas sa pagtatayo, pagtatatag at pagpapanatili rito sa ating bayan ng isang kabuhayang tahimik at nang sa ganitong paraan, ang bawa’t pilipino’y mabuhay at magkamit ng kanilang mga karapatan at nang sa ganitong paraan ay magpatuloy naman ang ating pagsulong na siyang ninanais nating lahat at sa katapusan ay ang pagiging dakila ng Republika ng Pilipinas. Sa araw na ito ng Kostabularya ay isinasama sa ating palatuntunan ang pagdakila at pagbubunyi sa mga pilipinong naging kawal at ngayon ay kawal ng Kostabularya. Iyan ay nagpapakilala ng katigasan ng loob at pagtupad sa tungkulin at nagpapakilala rin naman ng katapanga’t kabayanihan, hindi lamang sa salita kundi sa gawa, na ang mga anak at mga kapatid nain, kundi man mauulit ang mga nangyari noong nagdaang panahon, ay isana larawan naman ng unang bayani natin na pinipintuho rig buong bayang pilipino na iyan ay si Heneral Gregorio H. del Pilar; nagpapakilala pa rin na ang nagdaang panahon ay isang kasiyahan ng bayang pilipino na sa gitna ng kanyang kaliitan at kahinaan ay hindi maaaring mamatayan ng init ng pagibig sa bayan at kung kinakailangan ang pagdudulot ng buhay sa labanan, katulad ng pagdudulot na ginawa ni Heneral Gregorio H. del Pilar ay gagawin ng taas ang noo at bukas ang dibdib. Ang karangalan ng Bagnos ng Tirad, sa ilalim ng ating Pamahalaan, ay karapatdapat na bago ibigay o ipagkaloob sa kanino man, ay kilanlin, pintuhuin at igalang, una sa lahat, ang kabayanihan ng dakilang Heneral na iyan, na batangbatang namatay sa larangan ng digma. Sa loob ng nagdaang apatnapung taong pamamahala ng nagdaang pamahalaan ay hindi tayo nagkaroon ng pagkakataong kilanlin sa harap ng bayan ang katangian na dapat sanang naigawad sa panahong yaon kay Heneral Gregorio H. del Pilar. Itong maliit nating Republika ngayon, sa gitna ng kanyang kaliitan, sa gitna ng kanyang kahirapan at sa gitna ng kahirapan ng mga pilipinong nananahanan sa lupang ito, ay hindi nakalimot ni maaaring makalimot kay Heneral Gregorio H. del Pilar. Kung siya man ay patay na, bagay na hindi maiaabot ng Pamahalaan sa kanyang sariling kamay, yayamang nabubuhay pa naman ang kanyang kapatid na babae na sa katandaa’y hindi maaaring maktidalo ngayon sa ating pagbubunyi kaya’t ipinamanhik ng ating Pamahalaan sa kay Gobernador Javier Pabalan ng Bulakan na siya na ang maghatid, ay ipagkaloob ang karangalang ibinibigay bilang pagkilala ng kanyang bayan, ng maliit na Republika natin, sa kanyang katangian, sa kanyang katigasangloob, sa kanyang pagka-pilipino at sa kanyang pagkabayani, kay Gg. Andrea del Pilar. Sa ganitong paraan, ang karangalan ng Bagnos ng Tirad ay unangunang iginagawad sa dakilang Heneral ng Pamahalaang ito. Siya ang tanging una. At itong karangalang ito ay ipagkakaloob din naman sa kanyang mga kapatid, kadugo at kalahi na nangamatay sa matapat na pagtupad sa tungkulin. Bagaman ang mga pagkakaloobang ito na mga kawal ng Kostabularya ay mga patay na rin at nananahimik na kasama si Heneral Gregorio H. del Pilar sa kaluwalhatian ng iangit, ay minarapat ding bigyan ng ganitong karangalan, maibalita man lamang sa kanilang mga kaluluwa na ang ipinakilala nilang katapangan ay sadyang katutubo sa mga pilipino at maipakilala na hindi lamang si Heneral Gregorio H. del Pilar ang magiting at bayani kundi marami pang nahahandang sumunod sa kagitingan at kabayanihang ipinakita ni Heneral Gregorio H. del Pilar. Sa pararangalang mga kostabularyo ay wala kundi iisa lamang ang buhay, si Sarhento Esperon, na pagkakalooban din ngayon ng karangalan ng Tirad, karangalang ni ang Pangulo ng Republika ay hindi maaaring makatanggap sapagka’t ang karangalang iyan ay tatanggapin lamang pagkatapos at sa pamamagitan ng ipinakilalang kabayanihan at paglilingkod sa bayan. Si Sarhento Esperon, nang dukutin at kunin ang mga tao sa isang baryo, looban at pahirapan ang mga taong ito, bagaman hindi niya katungkulang mapasama sa tinatawag na “suicide squad,” ay buong pagkukusang humarap upang makasama siya ng mga kapuwa pilipino’t mga kawal na mga hapon sa layong raatubos ang kapuwa pilipino na dinala sa kabundukan, pinahirapan, linooban at pinapatay; sa oras ng pagbabarilan ng mga kawal at tulisang nagpapahirap sa mga taong tahimik ay lumaban siya. Marami ang namatay sa kanyang mga kasama; sa pakikilabang yaon ay ilinalaga niya ang sariling buhay, sa katunaya’y naiwan siya sa kabukiran sa palagay ng mga tulisan na siya’y patay na. Dinala siya sa ospital, bagaman nawala ang isa sa kanyang mga paa. Ito’y isang katangia’t isang kabayanihang nararapat pagkalooban ng karangalan ng Bagnos ng Tirad upang sa ganitong paraan ay maging larawang buhay ang gayang halimbawa, maging isang salamin ng kapuwa pilipino, lalunglalo na ng mga kawal ng Kostabularya sa Pilipinas, ng mga kawal na pilipino na ang katungkula’y tumupad sa kanilang pagkakawal at sa pagtupad nang katulad ng kay Sarhento Esperon sa paglilingkod sa Pamahalaan at sa bayan, ay isubo kung kinakailangan, ang kanilang buhay sa pagasang ang dugong kanyang ipapatak ay lalong makapagpapalago sa Kalayaan ng ating bayan at makapagbibigay ng kaginhawaan na ninanais ng lahat ng mga pilipino.

Ano ang kahulugan ng araw na ito sa mga kawal ng Kostabularya at sa mga kababayang nasa Pamahalaan at wala sa Pamahalaan? Apat ang kahulugan ng araw na ito:

Una, na wala nang napakadalisay na pag’big katulad nang ipinakilala ni Heneral Gregorio H. del Pilar at ng kanyang mga kapatid at wala nang napakadalisay na pagibig kundi ang pagibig sa Bayang Tinubuan, sapagka’t ang nirap at sampu ng kamatayan ay matamis kung dahil sa Bayan.

Ikalawa, na kung nasawi man si Heneral Gregorio H. del Pilar, katulad nang sinabi ko sa myo, ay hindi naman namatay at hindi naman nagbawa ang init at sigla ng pagkapilipino ng mga pilipino at ito’y ipinakikilala ngayon ng mga kawal ng Kostabularya.

Ikatlo, na bagama’t tayo’y hindi nagtamo ng gayong karangalan at kadakilaan, tayo nama’y nabubuhay pa’t di natin alam kung tayo’y magkakaroon ng karangalang katulad nang kay Heneral Gregorio H. del Pilar o ng Bagnos ng Tirad. Tayo man ay wala sa loob ng Kostabularya, nasa sa loob man tayo ng Pamahalaan o wala, pagpilitan naman natin na sa bawa’t hakbang at sa bawa’t gawain ay maipakilala ang marubdob na pagibig sa bayan upang ang Republika at ang Kalayaan, na kundi man tunay sa inyong paniniwala ay dumating sa pagiging tunay sa pamamagitan ng paggawa ng mga bagay na ikasusulong ng ating bayan at nang sa oras ng ating kamatayan ay mapatalamak man lamang sa kaunting karangalan ng Bagnos ng Tirad.

Ikaapat, na sa gitna ng ating pagdiriwang na ito ay dapat alalahanin, bilang alaala sa mga kaluluwa ng mga yumao at bilang pagkilala sa mga bao at mga ulila na ngayon ay nasa piling natin, na sa kahirapang tinatawid ngayon ay kailangang pagpilitan na tayong mga pilipino’y magkasamasama’t magkabigkisbigkis sapagka’t kung hindi, sa unang hakbang pa lamang ng ano mang kilos natin ay pagkakahiwahiwalay agad ang mangyayari. Kung ano ang itinanim natin ngayon, bukas, ay siyang aanihin. Sa pagbibigkisbigkis na ito ng mga pilipino, harinawang mawala na ang napakabigat na pasanin, hindi lamang ng Pangulo ng Republika ng Pilipinas at ng kanyang mga kasamahan, kundi ng buong bayan na rin sapagka’t sa pagtutulungtulong ng lahat ng mga pilipino ay walang mabigat na buhatin na hindi madadala kung sabaysabay at samasamang kikilos ang lahat sa alin mang suliranin ng pagtataguyod sa ating Republika at sa ating Kalayaan. Umaasa ako na hindi masasawi ang pangarap ni Heneral Gregorio H. del Pilar, at ako’y nananalig na iyang mga luhang pumapatak sa pagtangis nitong mga ulila at mga baong kaharap natin ngayon, iyang kanilang pagluluksang kaipala’y dahil sa paghihirap ng kanilang loob sa pagyao ng kanilang asawa, anak o mga kapatid, na sa matibay na pagsasamasama ng mga pilipino, sa pagkakaisa ng mga damdamin at tibukin ng mga puso ng lahat ay masasabi natin sa kanila ngayon na ang dugo ng kanilang mga minamahal ay hindi nasayang at siyang nagdulot, nagbigay, nagpakilala at nagpahayag ng karapatan, ng kapurihan, at ng kadakilaan ng mga pilipino sa pagsasarili at sa linakadlakad ng panahon, ang paglago at pagdakila ng Pilipinas upang maging isang karapatdapat na bansa, na kung maliit man ngayon ay maaaring lumakas bukas o makalawa.

At sa wakas, salamat sa mga nagsidalo rito na aking mga kababayan. Ngayon ay aking nilagdaan ang isang Orden Ehekutiba na nagbibigay sa mga kawal ng Kostabularya ng gantimpala sa pasahod na ang “basic pay” o saligangsahod ay animnapiing piso (₱60) isang buwan, sa halip na apatnapiing piso (₱40). Sa ganitong paraan, ang kabayaran ng sahod ng mga kawal ng Kostabularya ay animnapiing piso o isang daang piso kaya, bukod pa ang mga damit. bukod pa ang pagkain, upang sa ganitong paraan. ay maipakilala ng Pamahalaang ito na sa gitna ng kahirapan ng Pamahalaan ay hindi nalilimutan ang Kostabularya. na siyang kanang kamay ng Pamahalaan sa pagsasagawa ng mga iniisip na pamalakad sa layong madulutan ng kabutihan ang lahat ng mga pilipino. At sa mga “empleado ng Gobyerno” na naparito ngayon at dumalo sa gitna ng kainitan ng araw ay inihuhudyat ko na hindi na kailangang bumalik pa sa mga opisina ngayong hapon sapagka’t pinahihintulutan kayo ng Pangulo ng Republika ng Pilipinas, kaya’t maaari na kayong umuwi ngayon upang makapagpahingalay at mabalik ang dating sigla na nawala dahil sa init na inyong tiniis sa pagkakatayo.

Salamat sa inyo.

Source: Office of the Solicitor General Library