Talumpating binigkas sa radyo ng Kanyang Kadakilaan, Jose P. Laurel, Pangulo ng Republika ng Pilipinas, sa Kaarawan ng Paggawa, Maynila, ika-6 ng Mayo, 1944.

MAGANDANG GABI SA INYO, AKING MGA KAPATID NA MGA ANAK-PAWIS, MGA MANGGAGAWA AT MAHIHIRAP:

Ito ang inyong Pangulo na nagsasalita at bu-mabati sa araw na ito na itinakda ng batas para sa mga anak-pawis, mga manggagawa at mga mahihirap.

“Ang ating kakanin ay sa pawis natin mang-gagaling. Nasa Diyos ang awa at nasa tao ang gawa. Sa maliit na dampa nagbubuhat and dakila.”

Ito’y mga kasabihan na totoong may malalaking katotohanan, kasabihan ng ating matatanda na nararapat nating isiping isagawa, lalung-lalo na sa mga panahong ito. Natatandaan ninyo na nang ako’y magkaroon ng pagkakataong magsalita, pagkahalal na Pangulo ng Republika ng Pilipinas, ay aking sinabi na ang susundin at isasagawa ng aking Pamahalaan ay ito: “Ang mga mayayaman ay huwag nang lalong maging mayaman pa at ang mga mahihirap at pulubi ay huwag namang umi lalong mahirap at pulubi.” Ito’y hindi ko nakakalimutan at sa araw-araw ay nasa aking kalooban at iniisiip ko kung papaano ko maisasagawa ito, hindi lamang sa tinatawag na hustisiya sosyal sa talumpati kundi hustisiva sosyal o katarungang panlipunan na maisasa gawa, na kundi man mahihipo ay mararamdaman man lamang ng mga mahihirap at mga anak-pawis na siyang bumubuo sa maraming hukbo ng taumbayan na walang ginagamit kundi ang kanilang mga bisig at pinapaglilipak ang kanilang mga kamay at palad upang ang Sambayanang Pilipino ay may makain guminhawa at makapagtawid-buhay man lamang, lalung-lalo na sa panahong ito ng kahirapan na dinaranas nating lahat, Inuulit kong nasa aking pag-iisip sa araw-araw kung ano ang dapat gawin ng Pamahalaan upang makapagbigay ng tulong sa mga mahihirap at manggagawa. Tatlong bagay ngayon ang inaakala kong dapat pag-aralan at isagawa sa pamamagitan ng batas:

Una, pagpilitan ng Pamahalaang ito na sa gitna man ng ganitong kawalan at kahirapan ang mga malalaking lupaing nasa sa kamay ng ilang tao lamang, sa pamamagitan ng ating Pamahalaan, ay makuha at maipagbili sa mga nangungupahan upang sa ganitong paraan ang mga manggagawa at mahihirap, sa paglalagay o pagbalangkas ng kanilang mga tahanan sa nabanggit na mga lupa, ay nalalaman na ang mga ito’y magiging kanila kundi man ngayon ay sa panahong ukol sa mga anak nila o kaya’y sa anak ng kanilang mga anak. Kaya’t kahapon lamang ay aking ipinakuha ang lahat ng mga papel at mga dukumento upang malaman ko kung ano ang inisip at ginawa noong panahong una ng ating Pamahalaan at nang magawa naman natin at samantalahin sa panahong ito, hindi lamang sa pagbibili at pagbibigay sa halagang takda ng Pamahalaan na walang ano mang tubo sa mga mahihirap at hindi lamang upang manatili sa kanilang mga kamay, kundi upang maging tunay na pag-aari na nila.

Ikalawa, ipinahihintulot ng ating Saligang-Batas na ang Pamahalaan. kung kinakailangan, ay magbigay ng taning na panahon sa bawa’t tao upang mapasakanyang kamay o maging pag-aari niya ang isang sukat ng lupa, samakatwid kung ang ating Pamahalaan ay nagnanais na walang pilipinong dapat magkaroon ng mahigit sa 1,000 o 2,000 ektareang lupa, ang bawa’t isa, gayon din ang mga korporasyon na may malalaking lupang ang sukat ay higit sa itinatakda ng Pamahalaan, kinakailangang sa loob ng isang taning na panahon, sa pamamagitan ng pagbibili o ng ano mang paraan sa pagbibili ang mga “terrenos agricolas” o ang mga lupang sakahan ay maipamudmod sa mga mahihirap lalung-lalo na sa ,mga nagsisipanirahan sa mga lupang nabanggit na halos lahat ay mga manggagawa, mga anak-pawis at mga mahihirap. Ito ay isa sa mga bagay na kinakailangan upang huwag magpatuloy ang nabanggit ko na sa inyo na: “Ang mayayaman ay di dapat na lalong yumaman pa at ang mga mahihirap at pulubi ay di rin dapat na lalong maghirap at mamulubi,” pagka’t ang mahihirap na ito, sa gitna ng kanillng kahirapan, ay walang maipamamana sa mga anak at halos walang makain.

Ikatlo, iniisip ng Pamahalaang ito na muling pag-aralan at isagawa ang pagbibigayan o ang paghahatian ng mga inaani sa lupa upang sa “anitong paraan ay magkaroon ng katarungan, magkaroon ng tinatawag na tunay na hustisya at huwag magpatuloy ang mga kahirapang idinaraing ng mga manggagawa at maiwasan ang pangyayaring gayong ang kanilang mga palad ay lipak-lipakan, ang kanilang mga bisig ay nilalabasan na ng mga ugat sa pagbungkal ng mga lupa at natutuyot halos ang kanilang mga pawis, nguni’t hindi sila tumatanggap ng sapat na hati sa mga may-ari ng nasabing mga lupa.

Marami pang bagay ang magagawa at maisasagawa ng ating Pamahalaan upang makatulong sa mga manggagawa at sa mga anak-pawis, hindi lamang sa mga nagsisipagbungkal ng ating mga lupain kundi sa mga tao rin namang nagpapatulo ng pawis sa mga pabrika, sa mga nagtatrabaho sa iba’t ibang lugar. Akin lamang ipinamamanhik at ipinaaalaala sa mga kawal ng paggawa na sila’y magtiwala sa Pamahalaang ito ng Republika; kung sila’y magtitiwala sa Republikang ito, ang Pamahalaan naman ay magtitiwala sa kanila at gagawa ng mga bagay na inaakalang makapagdudulot ng kaginhawahan sa mga manggagawa at sa mga anak-pawis. Huwag ninyong dadaanin sa dahas at sa lakas upang matamo ang inyong katwiran sapagka’t ang layunin ng Pamahalaan ay makagawa ng tunay na katarungan. Ang mga may lupa ay nagaangkin nito sa pamamagitan ng pagkabili o sa pamamagitan ng pagkamana sa kanilang mga ninuno. Kinikilala ng batas ang tinatawag na “derecho de propiedad” pagka’t kundi man sila ang naghirap sa pag-aaring kanilang tinatamnan ngayon, ang kanilang mga ninuno ang siyang naghirap noong panahong una; maaari rin latnan na ang kanilang mga ninuno o sila man naman ay mahihirap din at nabili nila ang lupa dahil sa kanilang pagsisikap kaya’t sila ang mga may-ari ng lupang kanilang binubungkal ngayon. Magtiwala kayo sa Republika at Pamahalaang ito, at hinihingi kong bigyan ninyo ang inyong Pangulo ng pagkakataon o panahon upang makapag-isip at makagawa ng inyong ikasusulong at ikagiginhawa; kung ang nakaraang Pamahalaan, sa pamamagitan ng Pangulong Quezon, ay binigyan ninyo ng anim na taon upang makagawa ng lunas para sa mga manggagawa at sa mga anak-pawis ay dapat din ninyong bigyan ang inyong Pangulo ngayon, huwag ng anim na taon kundi ika-3 o ika-4 na bahagi man lamang ng anim na taon upang makagawa ng lahat na dapat gawin na tungo sa pagbibigay ng lunas sa kahirapan ng mga anak-pawis at mga manggagawa.

At sa wakas, nakikiisa ako sa inyo sa araw na ito; hindi ko na sasabihin ang aking kabuhayan sa inyo, ang aking kabuhayan ay isang aklat na bukas na bukas, natatanto ninyo. Nalalaman ko ang kabutihan at kaligayahan ninyo. Kung ako ay may magagawa, katulad nang aking pag-asa na ako ay may magagawa, lahat ay aking gagawin sa panahong ito sa gitna man ng paghihirap at kahit na naglalatang pa ang init ng digmaan sa buong daigdig.

Salamat sa inyo mga kapatid. Magandang gabi po.

Source: Office of the Solicitor General Library