Talumpating binigkas ng Kanyang Kadakilaan, Jose P. Laurel, Pangulo ng Republika ng Pilipinas, sa Bulwagang Panlipunan ng Malakanyang sa mga manunulat sa tagalog noong hapon ng ika-8 ng Mayo, 1944.

MGA KASAMA AT MGA KAPATID SA SARILING WIKA:

Matagal na sanang ibig kong tayo’y magkatipon. Marahil ay hindi kaila sa inyo, na sa malaking pagpupunyagi ng ating Pamahalaan, ay nagkaroon ang Bayang Pilipino ng isang pamtansang wika, wikang hindi lamang bibigkasin at gagamitin ng mga nananahanan sa mga lalawigang ang sinasalita ay Wikang Tagalog kundi sa loob at labas man ng Pamahalaan at sa lahat ng panig, sulok at dako ng Pilipinas, hanggang sa Bisaya at sa Mindanaw. Kamakailan lamang ay nagkaroon kami ng ang pagtitipon dito. una, ng mga dalubhasa sa agham o siyentipiko upang mapag-aralan ang pagtatawid-buhay ng mga pilipino sa gitna ng kahirapan na dinaranas natin, at silang lahat ay buong pusong nagpahayag sa Pangulo ng ating Republika ng kanilang nais na pag-tulong; pagkatapos ay nagkaroon ng isang kapulungan ng mga guro’t tagapagturo upang pag-usapan naman ang paraan sa ikapagkakaroon ng tunay na buhay, kaluluwa at diwang pilipino ng lahat nang dapat ituro; diyan na Papasok ang pagtuturo ng ating sariling wika; sila’y nangagsipangako rin. Nagkaroon pagkatapos ng kapulungan ng mga dalubhasa sa pananalapi o ekonomistas na pinangunguluhan ng ating kababayang si G. Manuel Roxas upang mapag-aralan ang mga bagay-bagay at suliraning hinaharap ng Pamahalaang ito, lalung-lalo na ang nauukol na kilusan sa pagpapasagana ng pagkain gayon din ang natutungkol sa bigas, at silang lahat na bumubuo ng tinatawag na “Economic Planning Board” ay nangagsipangako ring gumawa ng lahat ng kanilang kaya upang makapagdulot ng lunas sa hirap ng maraming mga kababayan. Pagkatapos noon ay nagkaroon din ng isang kapulungan naman ng mga pantas at paham sa ating mga batas upang suriin at pag-aralan ang Kodigo Sibil na magpahangga ngayo’y ginagamit at umiiral sa ating bayan; gaya nang alam na ninyo, ang Kodigo Sibil na ito’y ginawa noon pang 1889. Pag-aaralan at susuriin din naman ang mga ibang kodigo at mga iba’t ibang kautusan na dapat nang mabago sa paraan bagang ang ating mga batas ay mapasang-ayon sa kaugalian ng ating bayan at ng bawa’t pilipino at hindi sangayon sa kaugalian ng mga taong gumawa ng batas. Samakatwid baga’y kinakailangang mapasalig sa paggalang, sa mabubuting kaugalian at sa mabubuting palakad sa loob ng ating sariling pamumuhay, gayon din sa ating pakikipagkapuwa na minana sa ating mga ninuno. Ang batas ay dapat malagda nang naaalinsunod sa mabuting palakad ng nasabi nang mga ninuno natin. Dahil dito ay itinatag ang isang tinatawag na Lupon sa Kabatasan o Komite Kodipikador sa ilalim ng pangungulo ng Kgg. Ramon Avanceña, na isa sa mga kinikilalang pantas at sanay sa lahat ng bagay na may kinalaman sa mga batas. Ang layon ay upang sa loob ng madaling parahon, ang atingPamahalaan ay magkaroon ng isang kodigo na maaaring tawaging “Kodigo ng mga Pilipino” na nasasang-ayon sa ating kaugalian. Ngayon naman, ang ating Pamahalaan ay gumagawa at pinagpipilitang gumawa ng mga paraan upang lubusang mapalaganap ang sariling wika natin. Ngayong hapon, ay ikinagagalak ko, at ako’y nagpapasalamat at pinaunlakan ninyo ang aking maliit na anyaya upang ako’y inyong tulungan at upang mapagpulungan natin kung papaano, kung ano ang paraan, na sa lalong maikling panahon ay mapalawak, mapasabog at mapalaganap ang ating ninanais na sariling wika sa buong Kapuluan, hindi sariling wika sa ngalan lamang, kundi sariling wikang dapat marinig ng ating mga kababayan at gayon din naman ng mga dayuhan, at nang mapatunayan natin na tayo’y may sarili at katutubo na ginagamit at maipagmamalaki. Nakikita kong wari’y mayroong sagabal, kaipalay may-kahirapan, sapagka’t sa ating Pamahalaan ay totoong maraming tauhang nahihirapan sa paggamit ng Wikang Tagalog o Wikang Pambansa. Natutuwa ako at mayroon tayong isang Surian ng Wika at sa pamamagitan niya ay unti-unting natututuhan natin ang paggamit ng Wikang Pambansa. Dito sa amin (tinutukoy ang Kawanihang Tagapagpaganap), ang mga presidential guards ay binawalan ko nang gumamit ng salitang ingles o hapon sa pag-uutos o pagmamando sa mga sundalo kaya’t masasabing sinimulan na namin dito sa Malakanyang, sa mga presidential guards, ang paggamit ng Wikang Tagalog. Naglagay ako ng isang Lupon na titiyak na ang lahat ng kostabularyo ay walang gagamitin kundi Wikang Tagalog lamang. Hindi ko na kailangang banggitin pa sa inyo kung bakit dapat maisagawa ito sa lalong madaling panahon. Kayo na rin ang naniniwala na talagang ito ay isang dapat na mangyari. Kung mahirap man itong maisagawa sa madaling panahon ay kinakailangang pagpilitan natin sapagka’t ang Kalayaan ay lalong magiging marangal at dakila kung ang isang bayang malaya ay walang sinasalita kundi ang kanyang sariling wika, at hindi wikang hiram. Marami sa ating mga pilipino ang tila baga ipinagmamalaki ang laging pagsasalita ng wikang hiram at ipinalalagay na ang hiram na wika ay dakila kay sa wikang sarili. At ang ipinalalagay na mga ilustradong pilipino ay iyon lamang mga pilipinong kahit na hindi marunong magsalita ng sariling wika, magaling lamang sa wikang hiram, sa ingles o kastila; kaipala’y lalong ipalalagay na ilustrado kung hindi lamang wikang ingles o kastila ang nalalamang salitain kundi pati na pranses at aleman pa. Gaya ng nasabi ko na sa ilan ding pagtitipon, ang isang kadahilana’y kung bakit sa pagnanais ng mga pilipino na masabing sila’y mga ilustrado ay pinagpipilitang matutuhan ang maraming wika; isang kamaliang malaki ang bagay na ito. Gayon man, kailangang aminin natin na ang dahilan ay sapagka’t naging kapalaran ng ating bayan na masakop ng mga taong-dayuhan, na, sa pagparito nila, ay iginiit, hindi lamang ang pagtuturo ng kanilang mga kaugalian at mga gawiin, kundi, higit sa lahat, ng sarili nilang wika. Iyan ang dahil kung bakit itinatag ang tinatawag na “Escusla de los Frailes” na pinamahalaan ng mga prayle at magpahangga ngayo’y may mga paaralan pa rin sila at diya’y kabilang ang Kataas-taasang Unibersidad ng “Santo Tomas” na nakatayo pa hangga ngayon. Ang wikang kastila ay siyang wikang kinilala, iginalang at ginamit-gamit ng pamahalaang kastila. Ang nangyari sa panahon ng mga kastila ay siya ring nangyari sa panahon ng mga amerikano.

Ang sanhi ay sapagka’t totoong kailangang matutuhan ang mga wika nila, na kung di man siyang wikang sinuso natin buhat sa pagka-bata sa sinapupunan ng ating mga ina ay inakala ng mga taong tinutukoy ko na makakabuti sa kanila ang pagmamahal at pagpapahalaga sa mga wikang hiram kay sa wikang sarili. Katulad ng aking sinabi, sinasalita nga natin ang wikang hiram, nguni’t sa loob ng ating mga tahanan ay hindi, kaya nga kung sinasalita man, ay gaya na lamang ng sinabi ni Dr. Rizal sa kanyang “Noli Me Tangere” sa paglalarawan niya kay Doña Victorina de Espadaña na kung mangastila ay kastilang-Kabite, na maintindihan din ng kausap. Ang ninanais ngayon ng ating Pamahalaan at siyang lubos na pinagsisikapang maisagawa ng Pangulo ay ang pagkakaroon ng sariling wika sapagka’t lubhang mahirap maging tunay ang ating Kalayaan kung tayo’y walang sariling wika. Hindi lamang ang paggamit ng kapangyarihan ang dapat isagawa ng mga pilipino. Kung ang Republika natin ay hindi pa tunay at wagas dahilan sa nasa gitna pa tayo ng isang malaking digmaan, sa kaisipan ng tunay na pilipino, bagaman marami pang bagay ang nakikita nating nangyayari, mga bagay na hindi naman maiilagan sapagka’t hindi natin mapaalis dito ang mga hapon bukod sa sila naman ay tumulong sa ikapagkakaroon natin ng Kalayaan at ang kinakalaban naman nila’y mga amerikano, ang dapat pagsikapang gawin ay ang maging tunay at wagas ang ating Kalayaan, sa paraan bagang mga pilipino lamang ang lubos na makapangyarihan sa Pilipinas, palibhasa ang kaluwalhatian ng mga pilipino sa aking palagay, ay masasalig sa kung ang pilipino’y pababayaang nag-iisa sa kanyang pagsasarili, walang hapon at walang amerikano, alalaong baga’y pabayaang gumawa ng kanilang kaya na walang sino mang tututok sa batok, walang magsusulong o mag-uurong sa Pamahalaan. Lubos ang aking paniniwala na kung pababayaan ang mga pilipino sa kanilang dapat gawin ay lalong dadakila ang ating bayan sapagka’t mga pilipino lamang ang tunay na makapagmamahal sa kanilang tinubuan at sapagka’t walang sinumang dayuhan na makapagsasabi na mamahilin pa nila ang Pilipinas nang higit sa pagmamahal ng mga pilipino. Upang maging tunay ang Kalayaan ng mga pilipino, ang mga kailangan ay yaongminsa’y nasabi ko na at ngayo’y aking uulitin. “Isang Pamahalaan, isang Bandila, isang Puso, isang Kaluluwa at isang Wika.” Kailangang may isang bandilang hawak tayo sa ating mga kamay; kailangang ang mga pilipino ay magkaroon ng isang puso at isang kaluluwa upan, mabigkfs ang mga damdamin at huwag magkawatak-watak; ako’y umaasa na walang pilipinong hindi nagmamahal sa Pilipinas at walang hindi nagmamahal sa kapuwa pilipino, kaya nga’t ang nilalayon ngayon ng ating Pamahalaan ay ang kagalingan ng bansa at ang pagkakabigkis ng mga mamamayan sa isang wika lamang, sapagka’t dapat malaman na sa pagsasalita, hanggang sa pagdakila at pagdaing sa pananampalataya ay lalong malapit tayo sa Panginoong Diyos kung ang salitang gagamitin ay sariling wika natin, sapagka’t iyang wikang iyan ang ating sinuso sa ating mga ina at iyan ang wika na sa Kapangyarihan ni Bathala ay siyang tanging dapat nating gamitin.

Mga kaibigan: ngayong hapong ito, ay nais kong ipamanhik sa inyo na mangyaring ako’y tulungan sa bagay na ito. Hindi ko kayo hihingan ng tulong sa ibang bagay, sapagka’t may mga ibang kapatid tayong nagsisiharap na sa mga bagay na ito. Sa inyo ko naman hihingin ang sa ating wika upang maisagawa ng Pamahalaan at ng inyong Pangulo ang kanyang mga naiisip ukol sa naulit nang pambansang wika natin. Kung kaya ako humihingi ng tulong sa lahat ay sapagka’t nalalaman kong hindi lamang ako ang siyang pilipino rito sa Pilipinas; kung ako man ang Pangulo ay dapat ninyong malaman na napakabigat na ang mga pasaning nasa aking balikat; nguni’t umaasa ako na sa karamihan ng mga hinaharap at pinagaaralan ng Pamahalaan, kung magkasabay-sabay tayo sa pagbuhat, mabigat man sakali ay sapilitang makakaya ng mga pilipino at mabibigyan pang lunas ang mga ibang adhikain ng Pamahalaan ng Republika natin. At kung sa gitna ng kahirapan at kagutuman ng mga pilipino’y kinakailangang tayo’y maghirap at magtiis, kung kinakailangan ang dugo, katulad ng isang mabuting kristiyano, sa pagpasan sa kurus upang maipanhik ito sa bundok ng Kalbaryo, kung diyan sa paraang iyan nalalarawan ang tunay na Kalayaan ng ating Bayan, sa palagay ko’y walang pilipinong di nakahanda sa malaking sakripisyo upang huwag masabing tayong mga nabuhay sa panahong ito ay nagkulang at hindi sumunod sa banal na aral ng ating mga bayani na ngayon ay nagpapahingalay na sa kaluwalhatian ng langit.

Sa wakas, ay salamat sa inyong lahat.

Source: Office of the Solicitor General Library