Pahayag ng Kanyang Kadakilaan, Jose P. Laurel, Pangulo ng Republika ng Pilipinas, ukol sa ika-41 taong pagkamatay ni Apolinario Mabini, Maynila, ika-13 ng Mayo, 1944:

Ganap na ika-41 taon ngayon ang kamatayan ni Apolinario Mabini. Kilala siya sa kasaysayan sa taguring “Dakilang Lumpo” at “utak” ng himagsikan ng ating bayan.

Noong panahon ng kanyang kasiglahan ay siya ang tagapayo at sanggunian ni Heneral Aguinaldo at Unang Ministro ng kaunaunahang Gabinete ng unang Republika ng Pilipinas. Dahil diyan ay siya ang pinagkakautangan ng balangkas ng napatayong pamahalaan at siya rin naman ang sumulat ng mga dekretong nilagdaan ng Pangulo. Palibhasa’y dalubhasa’t paham na palaisip ay kinilala siya na isang pangunahing tagabuo ng bansang pilipino.

Ano ang kinalaman ngayon ng Dakilang Lumpo sa bayang pilipino sa harap ng malaking suliraning nauukol sa pagbuo ng bansa?

Sa mula’t mula pa ay di siya hiniwalayan ng kasaliwaang palad; nguni’t hindi siya sinupil nito, manapa ay kanyang napagtagumpayan. Nang siya’y magkasakit ng paralisis ay nagkaroon siya ng pagkakataon na bakahin ang dagok ng tadhana sa ibabaw ng kanyang sariling kagalingan. Ang tunay niyang ikinalungkot ay ang pagkakaroon ng balakid ang kapakipakinabang na paglilingkod niya sa kanyang bayan, nguni’t sa halip na ito’y mawalan ng kabuluhan ay siya pa ngang naging dahil ng pagiging walang kamatayan ng kanyang alaala.

Naituturing na ang kawalan ng kamatayang ito ang siyang dakilang gantimpala ng bayan sa alaala ni Mabini.

Sumilang si Mabini na kakambal ang diwa ng isang tagapagbuo ng kanyang bansa. Sinulat niya ang Tunay na Dekalogo upang siyang maging saligan ng balangkas na panlipunan at pambayan ng kanyang bansa.

“Inihahandog ko sa iyo ang Tunay na Dekalogo.” ang sabi sa kanyang bayan, “upang iyong maunawaan na ang katwiran at ang iyong sariling budhi ay siyang tanging wagas at matibay na saligan ng iyong edukasyon moral, at ang marangal na gawain ay siya namang matibay na balangkas ng iyong edukasyon materyal. Sa paraang ito ay iyong mababatid na ang tunay na karangalan at ang tunay na katapatan ay wala sa dugo ng isang tao kundi nasa kaasalang nalilikha sa himig ng katwiran at nasasanay sa marangal na paggawa.”

Para sa isang tao, sa isang pilipino, na nabubuhay sa karangalan at inilalagay ang kanyang dangal at tungkulin sa ibabaw ng lahat, ang Tunay na Dekalogo ay si Mabini na rin.

Kaya nga’t nang isipin ni Aguinaldo na magbitiw sa pagka Pangulo noong 1898, ay wala siyang unang naisip na maging kahalili kundi si Mabini.

Hindi sapat, ayon kay Aguinaldo, sa pagbanggit sa ugali ng kanyang makakahalili, na ang isa’y maging marunong “pagka’t may mga marurunong na ayaw tumulong sa kanyang bayan kung ito’y nasa panganib,” ni hindi rin naman sapat na ang isa’y maging mayaman, pagka’t may mga taong masasalapi na ayaw itulong ang kanilang yaman kahit na nakikitang ang kanilang bayan ay nasa panganib ng bagong pambubusabos. Ang ibig ni Aguinaldo ay isang, bukod sa marunong at may kasapatan, nagpakilala na ng kanyang pagtatapat sa usapin ng kanyang bayan. Nagugunita ni Aguinaldo na sa dalawang himagsikang kanyang pinakiharapan ay mga mahihirap na tao ang sa kanya’y tumulong, sumusunod lamang sa kanya ang mayayaman kung may nakikitang kapakinabangang ano man.

Nang si Mabini, na noo’y taong maysakit, ay handugan ng isang katungkulan bago siya namatay ay nagpakilala ng tunay na katangian ng isang taong naging magiting na patnugot ng kapalaran ng kanyang bayan. Sa pagtanggi ni Mabini, sa gayong pagkakataon, ay sinabi ang ganito:

“Sa pag-aalala ko na ang aking sakit ay siyang maging dahilan ng kawalan ng kaya sa gawain at maging sanhi rin naman ng di wastong panunungkulan na siya pa namang kinakailangan ng malalaking suliranin ng kasalukuyang katayuan, ay babalik ako sa madilim na aking pinagbuhatan, upang maikubli ang aking kahihiyan at paninimdim, hindi sa dahilang nakagawa ako ng dimarapat, kundi sa dahilang hindi ko na kaya ang makagawa ng lalong mabuting paglilingkod. Oo nga’t di ako ang maaaring makapagsabi kung ang inaasal ko ay mabuti o hindi, kung tumpak o lisya; gayon man ay di maaaring di ko tapusin ang aking pahayag sa pagsasabing ako’y walang maipagmamalaki sa gitna ng salanta kong buhay kundi ang pagkakaroon ng lubos na kasiyahang-loob na bunga ng pananalig na ako’y di nakagawa ng ano mang kamalian na talagang sinadya. Ganyan din ang sasabihin ko sa oras ng aking kamatayan.”

Para sa atin ngayon, ang buhay ni Mabini ay isang halimbawang dapat salaminin. Isang halimbawang dapat salaminin sa kasalukuyang kalagayan natin na nangangailangan ng alinsunuran, pagpapakasakit, paggawa, pagtatapat, pasiya at pagtitiis. Isang halimbawang dapat salaminin sapagka’t kung gagawin natin ang ginawa ni Mabini sa kanyang pagka-isang tao at sa kanyang pagka-isang pilipino ay makikita natin na tayo man, na isang tunay na kalahi niya, ay may lubos na kakayahan, kaipala’y mahigit pang makagagawa ng kanyang ginawa sapagka’t tayo’y may mabuting pagkakataong higit kay sa pagkakataon ng kanyang panahon. Noong kanyang panahon ay pinakaibig ni Mabini ang ating Tinubuang Lupa. Magiging alangan pa kaya sa pag-ibig niya ang pag-ibig naman natin sa mga araw na ito? Ang kailangan nga lamang ay ating patunayan, sa gawa at di sa salita.

Source: Office of the Solicitor General Library