Talumpati ng Kanyang Kadakilaan, Jose P. Laurel, Pangulo ng Republika ng Pilipinas, sa harap ng Gusaling Batasan ng Kapulungang Pambansa, dahil sa kaarawan ng pagpapasinaya sa Republika ng Pilipinas, noong ika-14 ng Oktubre, 1943, ika-10 ng umaga:

Ang bati ko sa inyo ay pagpapasalamat sa pagdalo ninyo sa pagtataas ng watawat at bandila ng ating mga ninuno at mga bayani. Kung sakali man na tayo ay mayroong mga ilan-ilang kababayan na hindi gustong sumama sa amin at sumama sa inyo, kung mayroon pang mga taong ipinalalagay na kami’y nagiging kalasag lamang ng mga taong dayuhan upang ipariwara ang bayang Pilipinas, maaaring isipin ninyo ang inyong gusto, kami’y nahahanda sa panunungkulan na ito at nakatalaga ang aming lakas at kabuhayan kung kinakailangan upang maakay ang ating bayan sa kaluwalhatian. Hindi bale kung mawala man kami sa lupang ito, ito lamang ang aking ipinamamanhik sa aking mga kapatid, isang bagay lamang ang aking itinatagubilin, isa lamang ang aking iiwan sa magandang kapalaran ng ating bayan. Kung ano man ang nasasakaisipan ninyo, kung ano man ang inyong iniisip ngayon, igalang lamang ninyo ang bandilang itinaas ni Heneral Aguinaldo at Heneral Ricarte, mahalin ninyo, igalang ninyo at pag-pugayan ninyo, sapagka’t ang bandilang iyan hindi aking bandila, hindi bandila ng aking mga kasamahan sa Komisyon Ehekutiba, ni hindi sa inyo, hindi sa amin, iyan ay bandila ng ating mga ninuno at mga bayani na sumakabilang buhay na na nasasa-langit at pinagmamasdan ang bandilang iyang nakikita ninyo. Igalang ninyo ang watawat na iyan.

Ang tubig na kung iniinom ay makikita ninyo na bumabasa sa labi, iyan ay tubig. Nguni’t ang tubig na bumasa sa bandilang iyan, ay luha ng ating mga bayani, ang luhang iyan ay luha ng pagtitiis ni Del Pilar, luha ni Emilio Jacinto, Lopez Jaena, Mabini, at sa dilim ng gabi sa pagtataguyod sa kanilang pinagkahirapan, iyan ay ang gamot at iyan ay ang luha ng mga ina, mga asawa at mga anak ng mga taong nagpakahirap sa ating bayan. Nababalot ang bandilang iyan ng pawis ng mga sapin-saping kahirapan ng mga taong nagpakahirap sa kanilang kabuhayan. Ang bandilang iyan ay nababalot ng pawis, ang bandilang iyan ay nababalot ng mga dugo na ibinuhos ng ating mga bayani sa kaparangan at kabundukan at ang bandilang iyan ay balot ng kahirapan na ginawa ng ating mga kapatid, kaya’t mahalin ninyo ang bandilang iyan.

At ang Pilipino na hindi magmahal sa bandilang iyan, ang Pilipinong hindi pagpugayan ang bandilang iyan, iyang Pilipinong iyan ay hindi tunay na Pilipino at ang hindi tunay na Pilipino ay walang karapatang mamayan at mabuhay dito sa ating bayang minamahal.

Salamat sa inyo.

Source: Office of the Solicitor General Library