Talumpati ng Kaniyang Kadakilaan, Jose P. Laurel, Pangulo ng Republika ng Pilipinas, sa Luneta, dahil sa kaarawan ng paggunita sa mga bayani at martir ng Bayan, Nobyembre 30, 1943.

MGA KABABAYAN:

Ikinalulugod ko mula sa kaibuturan ng aking puso ang inyong pagdalo rito sa Luneta sa araw na ito, isang araw na mahalagang tunay sa kasaysayan ng ating Bayan, sapagka’t ito’y araw ng paggunita sa mga bayani’t martir ng Lahi: ito’y araw ni Rizal, Mabini, Bonifacio, Lopez Jaena, Jacinto, at mga Del Pilar; araw ng lahat ng nangabulid sa dilim ng gabi upang maipamana sa kanilang mga anak at inapo ang liwanag ng Kalayaan at Kasarinlan.

Di kaila sa akin, mga kapatid, na kayo’y nagdaranas sa kasalukuyan ng marahas at masagansang pagsubok ng panahon; kaipala’y pagsubok na higit pa sa lahat ng pinagdanasan ng ating Lahi. Nguni’t ang aking tagubilin sa inyo ay ito, na kayo’y tumulad sa mga bayani’t martir ng ating Lahi, sa katangi-tangi nilang pagtitiis at pagpapakasakit, alang-alang lamang sa minumutyang bayan.

Ganyan ang aking tagubilin, sapagka’t kung nais nating ihantong ang ating Republika sa taluktok ng Tagumpay, kinakailangan na tayong mga mamamayan ay tumalunton sa mga landasin ng ating mga ninuno’t bayani. Kung nais nating mapatunayan sa buong daigdig na ang ating Republika ay karapatdapat sa kalayaa’t kasarinlan, kinakailangang ihubog natin ang ating puso’t diwa nang ayon sa halimbawa ng ating mga bayani. Hindi man nila tiniyak ang paraan ng pagmamahal sa sariling bayan, mababanaag naman natin sa pinagdaanan ng kanilang buhay ang ilang aral na sukat nating sundin. Tatlong aral ang idinudulot nila sa atin. Una’y ang pagmamahal sa Lupang Tinubuan; ikalawa’y ang pagmamahal sa kadugo’t kababayan; at ikatlo’y ang pagtutulungan sa pagpapanibagong-tatag ng bayang Pilipinas.

Ang pagmamahal sa Lupang Tinubuan ay hindi naituro ng mga Amerikano sa ating mga Pilipino, at walang sinumang kapupulutan ng gintong aral na ito kundi ang ating mga bayani, na buong pusong yumakap sa sapin-saping hirap, at buong lakas na sumalunga sa lupit ng tadhana, upang ang kanilang Bayan ay magtamasa ng minimithing kalayaan. Na ito nga, at tayo’y nagsasarili na, at ang kasarinlang ito’y utang natin sa kanila.

Mahalin natin ang bayang Pilipinas. At mahalin natin ang bawa’t isa sa ating mga kababayan, nang gaya ng pagmamahal sa sarili, pagka’t ang dugong nananalaytay sa ugat ng kababayan ay tulad din ng sa ating sarili, at isa pa’y ang kababayang iyan ay supling din ng ating Inang Bayan. Ngayon, higit kailan man, ay dapat tayong magtulungan at magkaisa, upang makagitaw ang Republika ng Pilipinas na siyang pinangarap ng ating magi-giting na ninuno.

Tayo’y magmahalan, magtulungan, magdamayan. Makiramay sa dusa ng kapitbahay kung ito’y nagdurusa; sumaklolo ang malalakas sa mahihina; pakanin ang nagugutom at huwag pagkaitan ng pang-agdong-buhay. Yaong panggigipit ng bigas, yaong panghuhuthot at pagsasamantala sa mga maralita, yaong pagpapalusog at pagpapataba ng iilan-ilan sa pagod at pawis ng maliliit, ay di-dapat papanatilihin. Kung ang mga walang-awa at walang-bahala ay di-kusang makikiisa sa ating layon ng pagtutulungan, ang Pamahalaan na rin ang siyang kikilos at sila’y babawian ng karapatang mamayan, sila’y ibibigti nang hayagan. Walang kailangang buhayin at paramihin pa ang masasamang damong iyan.

Aral din ng ating mga bayani ang magtulungan tayo sa pagpapanibagong tatag ng ating Republika. Mga kapatid ko, mga kababayan, kaming nahirang na manguna sa bansa ay nananawagan sa inyong lahat na sumanib at tumulong sa amin sa ikapagtatagumpay ng ating Republika. Wala kaming hinihiling sa inyo kundi ang pakikipagtulungan; dapat nating paglakipin ang ating lakas at sabay-sabay na gumawa. Di dapat mahati ang bayan, di-dapat magkani-kanyang lakad.

Tayo’y maging tunay na Pilipino, tunay na makabayan at makakapwa. Ang tunay na Pilipino ay hindi ang buong kasiyahang naka-upo sa kanyang silyon at nakahalukipkip samantalang abala ang kaniyang mga kapatid sa pagbubungkal ng mga lupa, sa pagtatanim at sa iba pang malalaking gawain.

Ang Kasarinlan ng Pilipinas ay maitutulad natin sa isang punong-kahoy na itinanim ng ating mga bayani, pinagpala’t dinilig ng ka nilang dugo’t pawis, at ito’y tumubo, at ngayo’y namumunga na. Ano naman ang tungkulin natin, tayong naiigaya ngayon sa kanyang mga, bulaklak at nag-aani ng matatamis niyang bunga? Ano ang sukat nating gawin upang ang pamanang iyan ay mamalaging sariwa’t malusog? Ang dapat nating gawin ay pangalagaang mabuti ang punong-kahoy na ito, bunutan ng masasamang damo, itaboy ang naggalang hayop, lalo na ngayong ito’y namumunga na. Ang tungkulin ng lahat ng Pilipino ay huwag pahintulutan kailan man na mamatay ang punong-kahoy na ito at laging itanim sa isip na ito’y naging puno dahil sa pawis at dugo ng ating mga bayani.

Bayang Pilipinas, ikaw ay magpakilalang karapat-dapat sa kalayaang binanal ng ating mga martir at bayani sa pamamagitan ng kanilang luha, pawis, at dugo; ipakilala mong karapat dapat ka sa Kasaganaang Sama-sama ng Malaking Silangang Asya. Doon sa makasaysayang Kapulungan ng mga Bansa sa Malaking Silangang Asya, na kamakailan lamang ay ginanap sa Tokyo, pinagkayarian ng mga kinatawan ng Nippon, Pilipinas, Burma, Thai, at Manchukuo, ang pagbuklod ng Asya at pagkakaisa ng mga Asyatiko upang iwaksi ang  anumang may bahid-kanluranin Kaya’t ang mga katangiang taglay ng mga bayani ng Lahi nating silanganin, ay maging atin: ang pagmamahal sa Bayan at sa kababayan at ang pagtutulungan sa pagpapanibagong-tatag ng Pilipinas.

Iyan ang tangi kong tagubilin sa inyo, mahal kong mga Kapatid. At sa wakas, ay batiin natin ang Kalibapi at ang mga puno sa kanilang matagumpay na pagbubunyi Araw ng Ating mga Bayani.

Salamat po.

Source: Office of the Solicitor General Library