Talumpati sa Metropolitan Theatre ng Kanyang Kadakilaang Jose P. Laurel, Pangulo ng Republika ng Pilipinas, sa Araw ng Kalibapi, noong Miyerkules, 22 ng Disyembre, 1943, ika-10 ng umaga.

DR. OSIAS, MGA KASAMAHAN SA PAMAHALAAN NG BAGONG REPUBLIKA NG PILIPINAS NG ATING BAYAN, MGA KASAMAHAN SA SAMAHANG KALIBAPI, MGA KABABAYAN AT MGA KAPATID:

Pinangarap ni Rizal at ng ating mga bayani ang isang bayang malaya. Ang pangarap na iyan ay natupad na sapagka’t sa gitna man ng paghihirap ng lahat ng mga Pilipino dahil sa pag-ibig sa Kalayaan at sa gitna man ng paghihirap na iyan, masasabi natin na ang pangarap ni Rizal at ng ating mga bayani ay natupad na, bagaman marami pa sa ating mga kababayan ang nag-aalinlangan, na iyan ay hindi natin maitatanggi, na ang Kalayaan ay nasasa ating mga kamay na at sa kamay ng mga Pilipino at hindi lamang bandila ang makikita ninyong nawawagayway sa himpapawid at humahalik sa langit ng Pilipinas kundi katulad ng makikita ninyo na kung kayo ay paro-roon sa Malakanyang, wala kayong makikitang mga Amerikano at mga Hapon na doon ay naglilingkod kundi makikita ninyo ang inyong mga kababayan, ang naglilingkod at ang mga namumuno roon ay pawang mga Pilipino at nahahandang dumamay sa kapnwa Pilipino. Maaaring katulad nang sinabi ko sa Luneta, sa isang pagkakataon, na sa gilna ng kahirapan nang dahil sa digmaan sa buong sansinukob. hindi pa dumarating ang pagkakataon na malasap ninyo ng tunay na paglasap at bisa ang dapat maidulot ng Kalayaan nguni’t kayong mga naninirahan dito sa Lunsod ng Maynila, nakikita ninyo na tayo’y humahakbang na, gumagalaw na at hindi tayo umuurong, tayo’y sumusulong sa ating pag-aadhika at pangarap ni Rizal na maging tunay, wagas at dalisay ang ating Kalayaan. Kaya’t ang pangarap ni Rizal na ang mga Pilipino ay maging malaya ay masasabing natupad na. Pinangarap ni Rizal na ang mga kabataang Pilipino ay siyang ma-giging pag-asa ng bayang Pilipinas, ang pina-lagay ni Rizal na iyan ay natupad na rin sapagka’t sa panahon ng mga Amerikano, ang mga Pilipino ay hindi nagkait ng buhay at handang magtigis ng kanilang mga dugo upang ipagtanggol ang bayan na pangarap ni Rizal at nang pumarito naman ang mga Hapones, saksi kayo, saksi tayong lahat dito, na may 50,000 mga kapatid nating mga Pilipino ang nagtigis ng dugo sa katuparan ng pangarap ni Rizal dahil sa pag-ibig sa bayang tinubuan. Pinangarap din ni Rizal at ng ating mga bayani ang pagkakaisa at pagbibigkis-bigkis ng mga Pilipino. Ang pagbibigkis-bigkis ng mga Pilipino, ang pagdadamayan ng mga Pilipino, ang pag-sasamahan at pagkakapatirang ito, ay siyang hindi pa natutupad. Sa panahong ito, ang pagkakaisa, ang pagbibigkis-bigkis, at pagtululungan ng mga Pilipino ay siyang lalong kinakailangan. Ang katuparan ng pangarap ni Rizal, yayamang natupad na ang Kalayaan, ang Republika ay natupad na, at ang mga kabataan na pinangarap niya na maging pag-asa ng mga Pilipino ay natupad na, kinakailangan namang sa panahong ito’y tuparin natin na tayong lahat na mga Pilipino, matanda at bata, lalaki’t babae, ay ganap na magkaisa, magkabigkis-bigkis upang sa ganitong paraan ay matupad ang lahat ng pinangarap ni Rizal na ang mga Pilipino ay magka-mayroon ng tunay na pagkakaisa, pagkakapatiran at pagmamalasakit sa bayang tinubuan. Iyan ang katuparan ng pagkakaisa ng mga Pilipino, iyan ang misyon, iyan ang tungkulin, iyan ang adhikain ng ating Rizal at ng ating mga bayani. Sa pamamagitan ng Samahang “KALIBAPI” ay kinakailangang maisagawa natin ito sapagka’t kung tayong mga Pilipino sa panahon ng pagtatatag ng bago nating Republika ng Pilipinas ay hindi magkakaisa, kung marami sa atin ang mahihiwalay sa adhikain ng bagong pamahalaan, pagpilitan natin na ang Kalayaang iyan ay hindi lamang sa papel kundi sa gawain upang maramdaman at makita ng mga mata ng mga Pilipino ang katuparan ng Kalayaang iyan. Sinasabi ko sa inyo na hindi talagang maaaring maging tunay, wagas at dalisay ang Kalayaang iyan kung tayong mga Pilipino’y hindi susunod sa pagkakaisang itinagubilin ni Rizal, na siyang pinagpipilitan nating mabigkis sa pagkakaisa ang lahat ng mga Pilipino sa panahong ito. Salamat sa “KALIBAPI,” salamat sa kanyang mga tauhan nang unang itatag ang samahang ito na pinanguluhan ng ating magiting at matalinong makabayan na ngayon ay nasa sa harap ninyo na si Espiker Aquino, salamat sa kanyang mga katulong, salamat sa mga tauhang naging kasangkapan ng “KALIBAPI” sa pagdadala sa mga lalawigan at sa mga iba’t ibang bayan, na nakatulong, una sa pagpapayapa at pagpapatahimik sa mga lalawigan at mga bayan-bayan, salamat sa kapisanang iyan, ginising niya at binuksan ang kaisipan ng mga Pilipino na mga kayumanggi na naninirahan sa bayan natin. Salamat sa kapisanang ito, sapagka’t dumating na ang panahon na kinakailangang matatag ang isang pamaha-laang Republika ng Pilipinas, na kailangang pumili ng mga tauhang kinakailangang lu-magda sa Saligang-Batas o Konstitusyon, sa pa-mamagitan ng “KALIBAPI,” kaipala’y sinasabi ng ating mga kababayan na isang kasangkapan lamang ito ng mga Hapon upang makapanlu-pig sa atin, salamat sa “KALIBAPI”, napili ang mga dakila at matalinong mga tauhan na mga Pilipino at pagkatapos maisulat o maisagawa ang Saligang-Batas na iyan sa ilalim ng kapangyarihan ng batas, nagka-mayroon tayo ng pagkakataon na makagawa ng mga halalan sa pamamagitan ng “KALIBAPI.” Nagka-mayroon tayo ng Asamblea Nasyonal o Batasang-Pambansa sa pamamagitan ng halalan na idinaos ng “KALIBAPI,” sapagka’t hindi pa tayo maaaring magka-mayroon ng halalang katulad noong panahong una sa dahilang wala pang tunay na katahimikan sa iba’t ibang purok ng Pilipinas. Sa pamamagitan ng “KALIBAPING” iyan, nagka-mayroon tayo ng halalan, naghalal tayo ng mga kawani sa Asamblea Nasyonal na iyan at ngayon ay tumutupad na sa kanyang tungkulin sa pamahalaan, gumagawa ng mga batas na inaakalang makatutulong sa ikasusulong ng bayan, at sa pamamagitan din ng Asamblea Nasyonal, nagka-mayroon tayo ng paghahalaIan ng Pangulo ng Republika ng Pilipinas, kaya ang “KALIBAPI” hindi lamang tumutupad sa tungkulin sa pagpapalaganap ng pagkakaisa ng mga Pilipino, hindi lamang nangangaral sa kanilang mga kapatid sa pagbibigkis-bigkis at pagmamahal sa kapuwa Pilipino at higit na pag-ibig sa kabalat, hindi lamang tumulupad sa tungkulin sa pagpapalaganap ng ganitong mga bagay, kundi ang “KALIBAPI” ay tumutupad sa maraming bagay at mga iba pang bagay na maaaring malimutan kong sabihin sa pagkakataong ito. Ang “KALIBAPI” ay nakatupad na sa isang malaking tungkulin na iyan, ang pagtulong sa bayang tinubuan na maisagawa, maitatag, makita at mahipo ang mga biyayang maaaring isabog ng bagong pamahalaang iyan, “ang republika ng pilipinas.” Na kung hindi sa “KALIBAPI,” hindi maaaring magka-mayroon tayo ng Asambloa Nasyonal, at kung hindi ang “KALIBAPI,” hindi pa rin tayo maaaring magka-mayroon ng Pangulo ng Republika ng Pilipinas ngayon.

Ano ang “KALIBAPI.” ano ang katungkulan ngayon ng “KALIBAPI” sa panahon ng Republika? Alam ko, na alam na ninyo kung ano ang tungukulin ng samahang ito at hindi ko na gagamitin pa ang ibang panahon sa pagpapaliwanag sa inyo nito sapagka’t ipinalalagay ko na marami ang nakatatanto ng layunin ng “KALIBAPI.” Nguni’t isang bagay lamang ang sasabihin ko, kaipala’y maaaring ipagtaka ng aking mga kababayan. Sa aking palagay, hindi lamang dapat magpatuloy ang “KALIBAPI” sa pagsunod sa mga layuning iyan na kung bakit itinatag sa pamamagitan ng isang batas o orden ehekutiba. Noong una, at magpahangga ngayon, sinasabi natin na ang “KALIBAPI” ay walang kulay-politiko. Na ang “KALIBAPI” ay nahihiwalay sa pamahalaan sapagka’t ang “KALIBAPI” ay itinatag na hiwalay sa pamahalaan o sa gobyerno kaya’t kinakailangan nang magkaroon ng pagkakabiwalay upang tnasabi na ang “KALIBAPI” ay kasama lamang nguni’t nahihiwalay ang pagkakatatag sa patnahalaang iyan. Sinasabi rin naman na iyan ay walang kulay-politiko. Kung ang ibig sabihin na ang “KALIBAPI” ay walang kulay-politiko’y ang pagdurog at hindi pagkilala sa iba’t ibang pangkatin ng politika upang sa ganitong paraa’y mawala ang pagkawatak-watak ng mga Pilipino, kung ang ibig sabihin ay wala na ang mga pangkating Nasyonalista, Demokrata, Sakdalista at Frente Popular, at wala na ang pagkakahiwalay na iyan, ay ma-liwanag pa sa araw na siyang tunay na pinupunta at ninanais ng ”KALIBAPI.” hindi lamang ang “KALIBAPI” kundi pati na ang pamahalaan ay hinahangad ang pagbibigkis-bigkis ng mga Pilipino sa pamamagitan ng “Kalibapi,” iyan ang ibig sabihin na kung kaya’t sinasabi na ang “KALIBAPI” ay walang kulay-politiko.

Noong bagyong nagdaan, ipagpatawad nin-yong ibalita ko sa inyo na, sa isang maliit na kabukiran sa Tanawan, Batangan, sapagka’t lalong-lalo na nga niyaong bagyong nagdaan, at sapagka’t halos ang lahat ng mga dampa at maliliit na tahanan na makikita roon sa maliit na kabukiran na malapit sa bulkan ng Taal ayon sa sulit sa akin, ay walang natira kundi isang bahay at nagtataka ang mga tao roon dahil sa ang lahat ng tahanan ay nabuwal at walang natira ni isang maliit na dampa kundi ang nasabi kong dampang iyan, at ang lahat na mga tahanan ay nangasira. Nguni’t ang sabi ng isang matandang may walumpung taon na ang gulang, na tumitira sa bahay na iyon, ay aniya: “Pagmasdan ninyo ang bahay na’ito maliit, butas na ang bubong, halos sira-sira na ang mga sahig, nguni’t ang aking ama, nang itayo ang maliit na bahay na ito, ay pinagpilitang makuha at maibaba sa bundok na iyon, ang isang talumpok na kahoy na ang tawag ay BANABA. Iisang klaseng kahoy ang ginamit. Ang mga haligi ng bahay na iyon ay BANABA, magbuhat sa suleras hanggang sa sahig ay isang klaseng kahoy na banaba lamang, sapagka’t aniya: ‘Pag iisang klaseng kahoy lamang ang aking gagamitin, ako’y naniniwala na matigas at hindi kakanin ng anay, makakalaban sa hangin, ulan, at init ng araw, at kung kakanin ng mga hayop o ng mga anay, ako’y naniniwala na kakaning lahat ng anay at walang kahoy sa bahay na iyan ang matitira, kakanin kaipala ang lahat at iba’t ibang bahagi ng bahay.’ “

Ano ang iniaaral nitong maliit na kasaysayang ito na kapapangyari pa lamang? Ang ibig sabihin niyan, ang aking ipinalalagay na bahay ay ang ‘”KALIBAPI.” Kung tayo’y magtatayo ng maliit na tahanan, Pilipino lamang ang kinakailangang bumuo ng mga haligi ng bahay na iyan at iisang kahoy lamang ang gagamitin, kinakailangang Pilipino lamang ang maglingkod sa Bayan na katulad ng mga haligi, suleras at iba pa sa bahay na maliit na iyon na nabanggit sa kasaysayan, banaba lamang kaya’t Pilipino lamang ang dapat bumuo ng bagong pamahalaan sa ating bayan. Iyan ang tunguhin ng “KALIBAPI.” Na-alman ninyo at na-alman ko na kapag ang tao ay natikman ang magsapatos, ayaw na ng tsinelas, at kung tayo ay bihasa na sa automobil, ayaw nang maglakad o sumakay ng karitela. Katulad ng sinabi ko na sa una ng aking pagsasalita, itinagubilin ni Rizal at ng ating mga bayani ang pagmamahal, pagtangkilik at pagsasanggalang sa Kalayaan. Na-alman ko na sa kasalukuyan, tayong lahat ay naghihirap sa gitna ng naglalagablab na digmaan sa ibang pook ng sansinukob. Ang nangyayari sa atin ay marami ang nagsasamantala, at kung wala iyang pagtatanggap ng mga suhol, at mga iba’t ibang bagay, ang lahat ng iyan ay hindi lubhang makapagpapahirap sa ating kalagayan, ang lahat ng iyan ay nasasa atin din, nasasa atin ang paglilinis, lilinisin nating lahat iyan. Nguni’t katulad ng sinabi ko na, na itinuro ng ating mga bayani na ipagtanggol at mahalin ang Kalayaan, hindi sapagka’t naghihirap na tayo, kaipala’y nangangahulugan na nasa atin ang pagkakahiwa-hiwalay at pagkakawatak-watak ng ating mga kapatid; nguni’t ako’y umaasa, sa gitna ng lahat ng kahirapan, na ang mga Pilipino’y magpapatuloy sa pagmamahal sa Kalayaang iyan at hindi tatalikod sa mga aral ni Rizal, at kung ang ating mga kapatid sa Korehidor at Bataan ay nangamatay sa punlo at sakit, naghirap, nagutom at tayo’y sa panahon ng sarili nating pamahalaan at sa ilalim ng ating kakulay at kapatid na kilala na ninyo sa loob ng tatlumpu’t limang taong panunugkulan sa pamahalaan, at ang kaniyang kabuhayan ay hindi aklat na natatago sa bayan at ang aking mga kasamahan na tunay na mga lalaki sa pamahalaan ngayon, na ang buhay ay aklat ding bukas upang basahin ng mga kababayan, ako’y umaasa, na sa gitna ng kahirapan, pagkagutom, kaipala’y ng mga mamamayan, ako’y naniniwala at ako’y umaasa sa kagitingan at kadakilaan ng mga puso ng mga taong kilala na ng mga Pilipino at ating mga kapatid, na sila ay nagtiis na gaya ni Rizal, Bonifacio, Del Pilar at Mabini at dahil sa bayan ay naghimagsik upang matubos sa kahirapan ang kanilang mga asawa, anak at kaipala’y hindi sa gutom lamang kundi sa kamatayan pa. Ano’t kung ganiyan man ang mang-yari, at kung ang mga anak naman natin ay magka-mayroon nang isang pagkakataon?

Na-alman ko na ang dalawang taon ay hindi sapat na makapawi sa loob ng mga Pilipino ng kalayaan at kaluwagan na tinamo noong narito pa ang mga Amerikano. Na-alman ko ang pagkakaibigan na ipinamalas, tumubo at kaipala’y bumunga sa pagkakaibigan ng mga Amerikano at ng mga Pilipino sa loob ng apatnapung taon. Hindi maaaring patayin, hindi maaaring mawala sa loob ng isa o dalawang taon lamang iyan. Kung halimbawa namang mayroon kang kaibigan na mayroon nang apatnapung taon at mayroon namang dumating na isang nakikipagkaibigan sa iyo at ang sabi: “Ako ay may mabuting kaibigan.” “Hintay muna, pare,” ang ating sasabihin, “kami’y apatnapung taon na ang aming pagkukumpare at pagkakaibigan, at upang ang ganitong pagmamahalan ay mawala at mabuhos sa iyo, kaibigang bagong dating, kinakailangang ipakilala mo ang pakikipagkaibigan mo sa akin na lalong mabuti kaysa may apatnapung taon naming pagkukumpari at matagal naming pagsasamahan.” Iyan ang katunayan na nangyayari sa maraming Pilipino na sa loob ng apatnapung taong pamamahala rito ng mga Amerikano ay natulad sa lumalim ang ugat ng pagkakaibigan ng mga Amerikano at Pilipino, nagbunga at sa panahon ng digmaan sumapi pa sa mga Amerikano ang mga Pilipino at lumaban sa mga Hapon. Pagkatapos ng tagumpay ng mga Hapon dito sa Pilipinas, hindi natin dapat ipagtaka sa mga Pilipino na marami sa kanila na nakaalaala sa pagkakaibigang iyan, naalaala ang pagmamahalang iyan, naalaala ang pagtutulungang iyan na mayroon nang apatnapung taon at bagaman pinahintulutan na tayo ng Pamahalaan ng Hapon na i magkaroon na ng pamahalaang sarili, marami pa rin sa ating mga Pilipino na nakaaalaala pa rin sa apatnapung taong yaon.

Nguni’t ang akin lamang hinihiling sa aking mga kababayan, sa panahon ng pamahalaang Republika, akin lamang itatanong dito sa ating pinagpupulungan ngayon, sino ang dapat nating mahalin ang mga Amerikano, mga Hapon, o ang mga Pilipino na kapuwa natin? Sa panahong ito, pinagpihtan natin ang magkamayroon ng Kalayaan, sumakamay na natin ang ninanais na kapangyarihang iyan sa pamamagitan ng “KALIBAPI.” Dito, hindi natin pinag-uusapan ang pagtingin o pagmamahalan o ang pagkakaibigan natin sa mga Amerikano sa loob ng apatnapung taon, hindi natin pinag-uusapan ang ating pagmamahal sa bagong dating na kung mabuting kaibigan nga ang mga Hapon. Ang pinag-uusapan natin dito ngayon ay ang pagmamahal natin na higit sa ating kapuwa Pilipino. Ako’y naniniwala na walang Pilipinong may dugong tunay na kayumanggi na mamahalin pa ang Amerikano o Hapon kaysa kapuwa niya Pilipino. Sa pag-aalis ng mga pangkating politiko at sa pagsasabog ng mga adhikain ng “KALIBAPI” na nagbibigay ng aral ukol sa pagsasama-sama at pagbibigkis-bigkis ng mga Pilipino ay siyang dapat nating sundin na kung baga sa pagkakagawa ng bahay na kung ang mga kahoy na ginamit ay sarisari at iba’t iba ang mga kasangkapan, ito’y marupok, na kung noong unang panahon, ay ang ginagamit ng mga Pilipino ay iba’t ibang kulay ng pangkating politiko, ngayon, aking mga kapatid, limutin na natin iyang pangkating iyan, buuin natin ang ating pamahalaan ng ating pagkakaisa at tumulong sa ating pamahalaan.

Kung kayo ay hindi naniniwala sa tunay na nilalaman ng aking puso sa pag-alaala ko sa aking mga kababayan sa pagtupad ng aking katungkulan, isipin natin ang ibang paraan upang tayo’y magkaisa kung hindi man sa pamamagitan ng “KALIBAPI.” Nguni’t sasabihin ko sa inyo mga kababayan, ang “KALIBAPI” ay isang samahang politiko, isang kasangkapan ng bayan at ng pamahalaan upang ang panga-rap at mga adhikain ng bayan ay ‘makatulong sa pamahalaan at upang sa bayang Pilipino ay mawala ang iba’t ibang kulay sa pagbubuo ng ating bayan. Samahang politiko ang “KALIBAPI,” kung kaya’t kinakailangang isabog ang adhikaing iyan at sa palagay ko kaipala’y naka-tupad na sa bayan kung ang “KALIBAPI” ay kasangkapan man o naging kasangkapan ng pamahalaang ito upang mabuo ang ating bayan.

Sa pasimula ng ating pamahalaan, dapat nating kilanlin ang kapisanang iyan, ang “KALIBAPI,” na ating itinatag sa pamamagitan ng isang batas. Ang ating pamahalaan o ang ating pagsasarili, ay nangangahulugan din naman ng ating damdamin at paniniwala na tayo ay kulay-kayumangi, hindi tayo umalis sa ating tayo at hindi napasailalim ng mga taong taga ibang bansa.

Noong nakaraang panahon, marami tayong nakikita na nakasusugat ng karangalan sa mga Pilipino, dito sa ating bayan ay naitayo ang isang eskuwela o paaralang “Central,” na walang makakapasok doon kundi puti lamang at ang mga Pilipino ay hindi maaaring pumasok sa paaralang iyan bagaman ang mga Pilipino ang siyang nagbabayad ng mga gugulin ng paaralang nabanggit. At mayroon pa ring isang otel o “apartment” na para sa mga puti lamang, ang “Dewey Boulevard Apartment”; at mayroong mga klub na hindi maaaring pumasok ang isang Pilipino, katulad ng “Army and Navy Club” at “English Club” at marami pa rin sa mga Pilipino na mayroon pang damda-min na gaya ng “inferiority complex,” sa dahilan marahil sa matagal nang pagka-alipin sa panahon pa ng mga Kastila at guwardiya sibll. At sa gitna ng sinasabing dcmokrasiya ng mga Amerikano, marami pa ring nakapagdurugo at nakasusugat ng damdamin at ng puso. Ngayon, tayo ay malaya na; ngayon, hindi lamang 100 por 100 ang ating Kalayaan, kundi tayo ay humahakbang na at unti-unti nang pinagpipilitan sa lahat ng paraan na maging tunay na kalayaan ang ating Kalayaan, maaari na tayong makipag-unawaan sa mga matataas na pinuno ng mga Hapon dito sa atin, sapagka’t patuloy ang digmaan. Ngayon ang pamahalaang ito, ay nasasa kamay na ng mga kakulay ninyo, kadugo ninyo, at hindi maaaring magtayo rito ng mga paaralang para sa puti lamang, at ng mga klub, otel at iba pa, kundi ang lahat ay para sa mga Piiipino lamang, sa lahat ng sulok, alang-alang sa kaniyang titulo na siya ay Pilipino. Iyan ang isang pangarap at iniaaral ng “KALIBAPI,” ang pag-ibig at pag-mamahal sa sarili, ang “dignidad de la raza”— sa Ingles, ay ang “racial dignity.” Tuturuan din natin ang mga bayan-bayan sa pamamagitan ng “Junior Kalibapi” o ng “Kalibapi Ukol sa Kabataan” ang ating mga kabataan. Kung kinakailangang magtayo tayo sa loob ng “KALIBAPI” ng iba pang mga sanga o mga iba pang ukol sa ikasusulong ng bayan, pipilas tayo sa mga aral ni “Rizal, Bonifacio, Del Pilar, at iba pa,” lilimbagin natin ang mga aral na iyan at ituturo natin ang mga aral ng ating mga bayani, at ang isa pa’y iyang sibiko moral. Siyang ipapasok natin sa kaisipan ng ating mga kabataan buhat sa kasanggulan hanggang sa lumaki, sa anak ng ating mga anak upang sa nilakad-lakad ng panahon, sa paglusog at paglaki ng mga batang iyan, bawa’t isa ay siyang pinangarap ni Rizal, bawa’t isa ay disipulo ni Rizal, may pagmamahal at pag-ibig sa bayan at may pagnanais na magpatulo ng sarilmg pawis upang mabuhay, at sa ganitong paraan, ang mga batang iyan ay taas ang noo na makapagsabing may pag-asa na: “Tayo ang mga kabataang magtatanggol at magpapa dilat sa mata ng ating Bayang Pilipinas.”

Mga kababayan, salamat sa inyong pagkakadalo rito sa pakikinig sa aking pagsasalita at salamat kay Espiker Aquino na Direktor Heneral ng “KALIBAPI” noong unang itatag ito at salamat sa mga kasamahan ko sa Gabinete at sa inyong lahat sa pagkakadalo ninyo rito at sa pagkapanayam natin ng kaunting oras Ako’y umaasa na ang bawa’t isa sa atin ay hindi maglilihim, ibalita sana ninyo ang sinabi ng inyong Pangulo sa mga kasamahan ninyo sa bahay, ang pagnanais kong makapaglingkod sa ating bayan at maisagawa ang aking ka-tungkulan, maisagawa ang mga paalaala ng ating mga bayani at gayon din na ginagamit ko ang “KALIBAPI” upang makatulong sa pamahalaan sa pagpapalaganap ng adhikaing nasambit ko na sa una.

At sa wakas, maraming salamat sa inyo, mga kababayan.

Source: Office of the Solicitor General Library