Talumpati sa Malakanyang ng Kanyang Kadakilaang Jose P. Laurel. Pangulo ng Republika ng Pilipinas, sa pamimigay ng Pamasko sa mga taong mahihirap, balo at mga napinsala sa digmaan at sa mga bata, Maynila, noong ika-23 ng Disyembre, 1943, sa ika-3 ng hapon.

MGA MINAMAHAL KONG KABABAYAN,
MGA KAPATID:

Na-alman ko at na-alman ng aking mga kasamahan sa Pamahalaan ng Republika ng Pilipinas ng ating bayan na kaipala’y ano man ang aming gawin kahit isang bagay na maliit lamang sa pamahalaan, na-alman ko at ng aking mga kasamahan sa pamahalaan, aking inuulit, na ang kaunti naming ibinubudbod at ipinamimigay sa inyo, aming na-alman, mga kababayan, na hindi makapagluluwag ng inyong loob, ng mga luha at hindi makaaalis ng inyong mga kapanglawan, hindi makapag-babalik sa inyo ng kasayahan na nagtanan sa inyong mga puso at damdamin dahilan sa mga pangyayari sa digmaan, na dating nasasa-inyong tabi at nagmamahal, katulad ng inyong mga anak, kapatid at mga asawa na nangapuksa sa Korehidor at Bataan sa labanan, kundi man sa sakit sa Kapas. Na-alman namin at natanto na walang ano mang kapangyarihan dito sa ibabaw ng lupa na makapagbabalik sa inyong mga puso ng katiwasayan at ang pananglaw sa inyo lalung-lalo na ang mga balo, mga ulilang naparito at nagsadya upang makipagkita sa amin sa munti man at maralita naming maihahandog sa pasko sa inyo nguni’t mataos sa aming puso. Nguni’t sa ibabaw ng lahat, ipinamamanhik namin sa mga matatapang na anak ng Kapas na naparito na ang ilan ay labi pa ng nakaraang himagsikan, aking ipinamamanhik sa mga nabalo, at mga ulila na ngayon ay nasalusak, nakikita ninyo sa gitna ng paghihirap at isang paghihirap na nagbunga at naging dahilan na kung bakit dito sa Inang Bayang Pilipinas ay nagka-mayroon ng isang bandila at kung hindi sa kanilang kahirapan at pagpupumilit sa pagbibigay, pagtigis ng dugo at paglalaan ng kanilang buhay, ay ang bandilang ito na nakikita ninyo sa inyong harapan ay hindi natin mapagpugayan ngayong hapong ito. Ang bandilang iyan ay walang maaaring makapantay, hindi lamang maganda kundi pinuhunanan ng mga taong nangabulid sa dilim ng gabi at napahingalay ang kanilang kaluluwa sa langit at kaipala’y naluluha sila sa tuwa sapagka’t nakikita nila buhat doon ang ating pagtitipon na nasa gitna tayo at nagkakasama-sama sa ngayon at nagka-mayroon tayo ng isang magandang kapalaran at gunita na mapagmasdan ang bandila natin na siya na lamang pangarap upang makapaghandog ng kasiyahan sa mga puso ng mga Pilipino na naulila ng kapalaran na binigyan sila ng pagkakataon at sila ay namatay dahilan sa bandilang ito.

Ang mga batang naparito at dumalo ay ma-kikita ang ayos ng Malakanyang o ang tirahan at pangunang tanggapan ng Pangulo ng Republika ng Pilipinas at ang mga tanyag na mga lider ng ating maliit at mahina pang bansa katulad ng ating Espiker ng Asemblea Nasyonal, Mataas na Punong Hukom ng Korte Suprema, katulad ng aming mga kagawad na sina G. Recto, Alas, Alunan, Sison, Paredes, Bonifacio at ang Direktor-Heneral ng Kalibapi, at ang mahal na embahador na ipadadala natin sa Hapon. Ang mga batang maliliit na iyan ay aming inanyayahan upang magkaroon ng pagkakataon at maipamudbod sa kanila ang mga laruang kaipala’y walang malaking halaga upang makalunas sa panglaw ng kanilang mga puso at itong mga batang ito ay makikita tuloy ang Palasyo ng Malakanyang na tinitirhan ng Pangulo ng Republika ng Pilipinas, at maibalita sa kanyang mga kasamahan sa bahay na ang palasyong ito ay hindi akin, hindi sa Pangulo, kundi pag-aari ng buong bayan. Kaipala’y sa paglalaro ng mga batang iyan, na wala pang salawal, dito sa Malakanyang, ang mga mahihirap na batang iyan, ay kaipala’y titira rito sa Malakanyang sapagka’t itong Palasyo ng Malakanyang ay hindi pag-aari ng isang Pilipino lamang, hindi ito pag-aari ng isang mayaman, kundi ang palasyong ito ay inihanda sa mga Pilipinong may pusong wagas at dalisay lalung-lalo na sa Pilipinong may pag-ibig sa Kalayaan.

At ang mahihirap naman, na halos hindi makatawid sa buhay, lalung-lalo na sa panahong ito, ang pamahalaan natin ay hindi makakita ng bigas na sapat na ipamudmod sa bayan, at ang bigas na ipinamamahagi ay ipa at binlid na higit pa sa hayop ang katulad ng mga Pilipino, inanyayahan namin ang mga mahihirap na aming mga kababayan upang matanto nila at maibalita namin sa kanila at nakikita ninyo na malilinis ang aming mga damit, nguni’t alamin ninyo na hindi maaaring magwalang bahala kami sa inyong kahirapan, sa inyong kagutuman. Ang bigas na kinakailangan na pinagpilitan naming makuha ay 20,000 kaban upang sa panahon man lamang ng Pasko maipamigay sa inyo. Kaya’t tumatag na ang inyong kalooban, sa bawa’t hakbang ninyo hindi kami nahihiwalay. Kami’y nahahandang maglingkod sa inyo’t makatulong at makabawas man lamang sa inyong kagutuman, walang kailangan kahit na kami maghirap.

Salamat mga kababayan, ipagpaumanhin ninyo ang mga maipamumudbod namin sa inyo, kung iyan man ay maliit, ang puso naman namin ang dala-dala ng mga maliliit na bagay na iyan. Harinawa, sa gitna ng kahirapan ng panahong ito, sa ating pagsasama-sama at pagdadamayan, ay makapagtawid-buhay ang lahat at magka-mayroon ng pagkakataon ang ating mga anak upang ang Pilipinas at ang mga Pilipino hindi lamang makapagtawid-buhay, kundi maipagsanggalang pa ang ating bayan at kung kailangan ay magpakamatay dahil sa bandilang iyan.

Salamat sa inyong lahat.

Source: Office of the Solicitor General Library