Talumpati sa Luneta ng Kanyang Kadakilaang Jose P. Laurel, Pangulo ng Republika ng Pilipinas, noong ika-8 ng Disyembre, 1943, ika-5:30 ng hapon.

MGA KAPATID, MGA KALAHI AT MGA KABABAYAN:

Nalalaman ko na kaipala kayo ay pagod na sa pagkakasunod-sunod sa ating pagdiriwang. Na kaipala’y ninanais ninyo sana’y manatili muna kayo sa araw na ito na tinatawag na “piyesta opisyal” sa inyong mga tahanan upang kayo’y makapisan ng inyong mga minamahal na mga asawa, mga anak, mga kapatid at mga magulang sa paggawa at sa paglalaba ng inyong mga damit. Nguni’t inalintana ninyo ang inyo sanang pagnanais na manatili sa araw na ito sa inyong tahanan. Nagpagod kayo at pumarito upang makadalo at makisalamuha sa pagdiriwang na ito. Marahil inyong itatanong at ako ay sasagot at kung bakit ipinagdiriwang natin ang araw na ito. Sa isang dako, mabuti rin naman, mga kababayan, mga kapatid, na sa gitna ng paghihirap natin sa panahong ito, sa gitna ng pagtatatag ng ating sariling pamahalaan at sariling republika at sa gitna marahil ng pagluha pa ng ating mga kapatid, ng ating mga anak at ng ating mga magulang dahilan sa pagka-ulila nila sa kanilang mahal na anak at kapatid dahil sa digmaan na idinaos sa Bataan at sa Korehidor, mabuti rin naman, mga kababayan, na sa gitna ng paghihirap natin sa pagtatayo ng sarili nating pamahalaan at yayamang nakita na natin ang ating watawat at ang ating bandila na nag-iisa nang umiiling-iling sa langit, sinasabi ko sa inyo, mga kapatid, na manakanakang tayo ay magkakatipon at ako nama’y makapagbalita ng nilalaman ng aking puso, at kayo naman, sa inyong sariling kaisipan, ay masabi ninyo ang nais sa akin at sa aking mga kasamahan ngayon sa pamahalaan at nangangako ako na ang lahat ng lunas na nasasa kamay at kaya naming itulong, ay aming gagawin sa aming mga kababayan at mga kapatid.

Bakin tayo natitipon, mga kababayan, sa Luneta sa araw na ito? Natitipon baga tayo dahilan sa ika-8 ng Disyembre o dahilan sa pagdating ng mga Hapon dito sa atin? hindi; at atin bagang ipinagdiriwang ang araw na ito dahilan sa pagdating sa Pilipinas ng digmaan sa buong sansinukob? hindi; natitipon baga i tayo, mga kababayan, dahilan sa araw na ito , ay siyang pagdating ng sapin-saping kahirapan sa mga Pilipino at ng pagkapuksa ng ating mga kabataan sa Korehidor at Bataan? hindi; at natitipon ba tayo rito upang ipagdiwang ; ang naging mahalagang araw, kaipala luha ng mga Pilipino, dahilan sa pagkawala ng mga buhay na bulaklak ng mga kabataan? hindi; bakin ipinagdiriwang natin, mga kababayan, ang araw na ito? Kung ipinagdiriwang natin o ipagdiwang ang ika-30 ng Disyembreng darating, ipinagdiriwang ba natin ang araw na iyan dahil sa pagkamatay ni Dr. Rizal? hindi; kung dumarating ang Semana Santa tayong mga nananampalataya na mga katoliko, mga protestante at iba pa at pumapasok tayo sa simbahan at sa loob ng simbahang iyan ay paluhod tayo, kaya baga natin ginagawa iyan ay ipinagsasaya natin ang pagkakahatol sa Mahal na Poong Hesukristo ni Herodes, Kaipas at ni Pilato? hindi; natutuwa ba tayo kung dumarating na ang Semana Santa at pumapasok tayo sa mga dambana at simbahan dahilan na si g Hesukristo ay ipinako at pinatay sa kurus? hindi. Kung pumapasok na ang Mahal na Araw at tayo’y naharap sa dambana ng mga a simbahan, nagdarasal sa ating pananampalataya, nangungumpisal at nakikinabang pa, ito baga ay sapagka’t inilalaan natin sa kamatayan ni Hesukristo sa pagkapako sa kurus? hindi. Ang bagay na iyan, nariyan ang kabanalan, nariyan ang ating pananampalataya sa Diyos Ama at dinarasal natin ang “Ama Namin” at sa ibabaw ng pagkamatay ni Hesukristo, ay nariyan ang katubusan ng lahat at siya ang Dakilang Mananakop sa sansinukob at siya ang nagtubos sa ating mga kasalanan.

Kung dumarating ang ika-30 ng Disyembre, ang ika-30 ng Nobyembre na ito ay nakaraan na, ito ba, kaya natin ipinagdiriwang, tayo ay natutuwa dahilan sa pagkamatay ni Dr. Rizal o ni Bonifacio o sa pagpanaw ng ating mga bayani na katulad nila Mabini, Del Pilar at Balagtas? hindi; at kung kaya’t ating dinadakila na isang kasayahan ng Pilipinas ang mga araw na ito ay sapagka’t ang mga araw na iyan ay araw ng pagkamatay ni Dr. Rizal, pagkamatay ni Bonifacio o ng iba’t ibang mga bayani? Ang ating pagdiriwang na iyan, mga kapatid, nangangahulugan ng ating pananampalataya, ng ating pag-asa at mga pangarap ng bayan sa kanila at ating ginugunita ang kanilang nakaraang buhay. Iyan ang kahulugan ng ating pagdiriwang sa ating mga bayani.

Mga kababayan, natitipon tayo rito hindi upang pagbigyan ang kailangan ng bansang Hapon at natitipon tayo hindi upang sumampalataya sa mga Hapon at kaipala’y natitipon tayo hindi upang ipagdiwang ang nagdulot ng malaking hirap sa bayang Pilipino o sa pagpanaw ng ating mga lalaki at babae at ng ating mga kabataan. Natitipon tayo sapagka’t ang araw na ito ay upang mapangalagaan ang maraming mga buhay sa Pilipinas at upang pangalagaan ang kanilang kabuhayan at ang pagdiriwang na ito ay pananampalataya natin sa isang pag-asa na hindi lamang ng mga Pilipino kundi pati ng mga tauhan na kakulay natin sa Silangang Asya, gaya ng mga tauhan sa Indiya, Burma, Indo-Tsina, Mantsuko, Thailand, at iba pa, na may kulay natin at hindi puti. Ang paghihirap natin at nila, at tayong lahat na naninirahan sa Dakilang Silangang Asya, ay nangangahulugan na ang araw na ito ay isang pagbabangon at pagbabalikwas sa pamamagitan ng lakas ng Hapon na ang taga-Silangang Asya ay hindi magpapahintulot na ang mga tagaibang lupain ang makapagsarili sa ating lupain; nangangahulugan na ang araw na ito ay nagbabalita at nagpapaalab sa mga puso ng mga Pilipino at sa mga puso ng mga taga-Silangan, na ang araw na ito ay Simula, na ang Pilipinas ay sa mga Pilipino at ang Silangang Asya ay para sa mga taga-Asya. Para sa akin, ang kahulugan ng araw na ito ay wala nang ibang kahulugan.

Kung ang mga Amerikano ay apatnapung taong naririto sa atin at marami pa ang may pag-asa. naniniwala at nagnanais pang bumalik sila, at ang bawa’t aeroplanong makita at lumalapit ay nangangahulugan at marami pa ang nagsasabing ang mga Amerikano ay muli tayong kukunin, kung tayo, sa pagmamahal natin sa mga Amerikano at sa pakikidamay sa kanila, ay isinulit natin ang mahigit na limampung libo nating mga kabataan sa pag-asang may lakas ang mga Amerikano at pinangakuan pa tayo ng kasarinlan, at ngayon ay iniwan tayo at hindi na kayang ipagtanggol ang sarili sa Pilipinas, ano ang dapat gawin ng mga Pilipino? Ano ang dapat gawin ng isang bansang Pilipino? Hindi tayo mabubuhay, hindi tayo kakain sa pag-asa lamang. Na, ang wika nga, “Kung hindi ka darating bakin pa kita aantayin.” Tayo ay may sariling Republika na.

Kung noong Commonwealth na naririto pa sina Quezon, Osmena at nasa kanila ang kapangyarihan sa pamahalaan at nasasa kamay nila, kabilang na rito ang mga kasamahan natin sa pamahalaan na iyan, at sa Malakanyang ay hindi nawawagayway ang isang bandila lamang at nalalaman ninyo na may isang Adviser pa ng mga Amerikano upang matuwid ang palakad ng ating gobyerno, kung noong mga panahong iyon ng Commonwealth natin, tayo’y natutuwa at pinangakuan ng Kalayaan at ibibigay sa 1946, hindi ninyo sinasabi na si Quezon at Osmefia ay “puppet” lamang ng mga Amerikano at hindi ninyo sinasabi na kaming mga lider na nakikita ninyo ngayon at ng iba pang kasamahan ko sa pamahalaan ngayon, hindi ninyo sinasabi na kami noong mga panahong iyon na humahawak sa bayan sa loob ng tatlumpu’t limang taon sa panunungkulan, hindi ninyo sinasabi na si Quezon, Osmeha at kami ay nanunungkulan lamang na parang “puppet” ng mga Amerikano, at ngayon, panahon pa ng digma, alamin natin, na panahon pa ng digma, ay sinasabi ninyo na ang ating republika ay walang kabuluhan kundi bandila lamang at itong republika at si Presidente Laurel ay pawang “puppet” lamang ng Hapon? Ito’y sinasabi ninyo sapagka’t ngayon ay panahon pa ng digmaan. Noong panahong iyon ay masagana, may auto-mobil, maraming pagkain, may dibersiyon, nguni’t hindi ninyo kaipala alam na sa “Klub” ng mga Ingles o “English Club,” hindi maaaring tumuntong doon sa “klub” na iyon kahit na isa ka pang Mahistrado rito sa Pilipinas kung hindi ka kulay puti. Nguni’t ngayon, ang mga batas natin ay hindi na ipinararaan sa Kongreso ng Amerika upang humingi ng aprobasyon; hindi natin ipinadadala sa Kongreso ng Estados Unidos ang mga batas natin. Ngayon, mayroon na tayong isang Embahador na ipadadala natin sa Hapon, Si G. Jorge B. Vargas; ngayon ay maaari na tayong maglagay o magpadala ng ating mga kinatawan o konsul sa Tsina, Thailand, Burma at iba pa. Ngayon ay unti-unti tayong sumisilang, isa na ang ating bandila o watawat na nawawagayway. Maghunos dili kayo, mga kababayan, at mag-isip kayo, huwag ninyong sabihin na ang Republika ng Pilipinas ay pamahalaan na itinatag para sa mga Hapon. Si Laurel ay gagawin ang mga kapangyarihan na dapat at hindi ang Hapon.

Dito sa Pilipinas ay magsasalita tayo, mga kababayan, ng katotohanan. Ako ay naririto hindi sa pagnanais na mapasa “gloria” ang buhay ko, at ni wala akong interes sa sarili kong kabuhayan, ang tumatawag sa akin ay ang bayan upang masunod ang pangarap at pag-asa ng ating bayaning si Dr. Jose Rizal. Nguni’t ngayon ay araw ng Kalayaan ng Pagbabansag. Nariyan ang mga bandila, makikita ninyo ang mahal na watawat ng Republika ng Pilipinas na nalilimpi sa mga watawat ng Hapon, Tsina, Mantsuko, Indiya, Burma, at iba pa. Sa harap ng sarili nating watawat o bandila, gusto kong sabihin sa inyo ang isang bagay na ako’y hindi maaaring gawing “puppet” dito sa ating bayan ng mga Hapon o ng sino man. Hindi ako natatakot sa mga Hapones na nandirito nga yon na ating mga panauhin at mga matataas ang tungkulin sa Imperyo ng Hapon. Hindi ako natatakot kahit na kanino. Kaya sila nandirito ay sapagka’t dapat nating kilanlin ang malaking utang na loob ng Pilipinas sa Hapon sapagka’t kung hindi sa Hapon ay wala tayong pagsasarili at hindi lamang ang Pilipinas kundi ang isang bilyong tauhan sa buong Asya na naaalipin pa. Salamat na araw na ito, may Kalayaan na tayong TUNAY, WAGAS AT DALISAY. Salamat sa araw na ito, ang mga Insik ay may sariling pamahalaan na, na tinatawag na “National Government of China.” Salamat sa araw na ito, ang Malayo ay katulad na ng Pilipinas, salamat sa araw na ito, ang Indiya ay nagbangon na upang ang 300,000,000 mga Indiyo ay makaalpas na sa paninikil ng 39,000,000 mga Ingles, at salamat sa araw na ito, ang ating mga kapatid sa Indo-Tsina ay nagnais nang lumaya na katulad ng Pilipinas at salamat sa araw na ito ang mga taga-Haba, Borneo, Sumatra at Malay ay nagsipagbangon na, nagsisipagbigkis-bigkis at nagsasama-sama na sa paglakad na kasabay ang kanilang mga kabalat sa pagnanais na lumaya.

Naghihirap tayo ngayon. Nalalaman ko at nalalaman ng lahat na walang bigas. Ang karaniwan, ang nangyayari sa mga “retailer,” na kaipala’y ang mga “retailer” ang nagpapahirap sa bayan. Maghintay kayo, mga kababayan, halos wala pang isang buwan ako sa pagka-Pangulo ng Republika. Ang isang buwan na iyan sa aking pagka-Pangulo sa Republika, ang dalawang linggo ay naubos sa pagkapunta ko sa Tokyo sa pakikipag-intindihan sa mga ibang bay ang kayumanggi rin. Bigyan ninyo ako ng panahon. Nahahanda akong magpakahirap at ang aking mga kasamahan sa gabinete.

At kung hindi ko mabibigyan ng lunas at walang kabutihan akong magagawa, nahahanda akong bumaba at makisama sa inyo. Ngunit gusto kong sabihin sa inyo, mga kapatid, mga kababayan, bigyan ninyo kami o sila ng pagkakataon na makagawa ng magagawa, huwag ninyo namang sabihin na ito’y nakarating sa mga tainga ko, na pagalit o may hinanakit kayo, at gusto ninyo na dumating na ang mga Amerikano, nguni’t pag walang bigas, gusto ninyo ang Hapon ay bigyan tayo ng bigas. Hindi ganiyan. Hindi ganiyan ang bayang Pilipino. Dapat nating malaman at matanto ng buong puso na ang ating “salbasyon” o ang ating katubusan ay sa paghihirap ng mga Pilipino at nasasa kamay ng mga Pilipino rin. Kinakailangang mabungkal ang ating mga I lupain. Kinakailangang magtanim ng mga halaman. Kinakailangang tumulo ang pawis, gamitin ang bisig ng mga Pilipino upang ang ating kakanin ay huwag manggaling sa Amerika at upang ang ating mga gagamitin ay dito sa atin din manggaling, at upang ang labing-walong milyong (18,000,000) Pilipino ay mabuhay rito sa Pilipinas at hindi roon pa natin kukunin sa Amerika at Europa na magtatawid ng dagat na may sampling libong (10,000) milya pa ang layo. Ang gusto kong mangyari, ang lahat ng ating kakanin ay pagpilitan natin na huwag nang manggaling sa malayo at magtatawid-dagat pa sa mga ibang bansa, sapagkat, mga kababayan, kung ang isang tao upang mabuhay ay kinakailangang bigyan ng isang kaibigan, kung walang magasta ay bibigyan ng kuwarta, at kung walang damit ay bibigyan ng damit ng kaibigan at kung may sakit, bibigyan ng lunas ng nasabing kaibigan, ang taong iyan ay hindi mabubuhay sa sarili, hindi nagbabanat ng buto, hindi nalalaman ang kahirapan at walang gusto kung hindi ang tulong ng g kanyang kaibigan. Iyan ay alipin ng kanyang kaibigan. Kinakailangan ang magtrabaho ng kaunti ang tao. Iyan din ang kabuhayan ng Bagong Repiiblika ng Pilipinas. Gusto natin ang tunay na lunas at gusto natin ang pangarap ni Rizal ay matupad at ang ating mga kabataan ay mataas ang noo at sabihing hindi ako it maaaring alipinin ng sino pa man at kung gusto natin ang pangarap ni Rizal ay maisakatuparan at ang sariling adhika ay mabuhay, kinakailangang ang Bayang Pilipinas, sa pamamagitan ng kanyang mga anak, bisig at lakas, at sa pagtupad sa mga aral ni Tandang Sora at ng ina ni Dr. Rizal na si Teodora Alonso sa mga babae, sa pamamagitan ng bilin ng ating mga bayani, tayong lahat, ay magpatulong sa sarili nating pawis, bungkalin ang ating mga lupain at ang gabi ay gawing araw kung kinakailangan upang sa ganitong paraan mapalakas ang Pilipinas at upang makapagtawid-buhay man lamang ang buong bayan at ang ating makakain ay sa atin din manggaling.

Salamat, mga kababayan, sa pamamagitan ng tulong ni Bathala sa akin at sa aking mga kasamahan sa pamahalaan, nahahanda kaming gumawa ng aming tungkulin, at harinawang sumaating lahat na ang mga pangaral at pangarap ni Rizal at maging isang timbulan ng pagsasagawa ng ating mga tungkulin sa pamahalaan, at nahahandang maglingkod ng buong wagas at dalisay sa kapakanan ng Bayang Tinubuan. Kung baga sa tubig, sa pagpatak ng ulan ay maaaring sa pinatak-patak o bawa’t isang patak ay makapuno ng isang lalagyan o makalikha at makauka ng isang butas sa isang matigas na bato at sa pamamagitan ng pagpatak na ito ay darating ang panahon na ang butas na likha ng pinatak-patak ng tubig ay mapagtutulusan ng isang matibay na bantayog na dakila at maluwalhating Republika ng Pilipinas.

Salamat sa inyo.

Source: Office of the Solicitor General Library