Kalatas ng Kanyang Kadakilaang Jose P. Laurel, Pangulo ng Republika ng Pilipinas, ukol sa pagbubukas ng “Linggo ng Wikang Filipino,” Disyembre 24, 1943.

MGA KABABAYAN:

Walang pagkasyahan sa aking puso ang nag-uumapaw na kagalakan dahilan sa pagkakaroon ng “Linggo ng Wikang Pilipino” na idaraos tuwing ika-24 hanggang ika-30 ng Disyembre ng bawa’t taon, sa bisa ng Pahayag Big. 7. Walang nagbunsod sa akin sa pagpa-pairal ng pahayag na ito maliban sa pagnanais kong matawagan ang pansin ng bawa’t mamamayang Pilipino sa ikapagkakaroon ng marubdob na pag-ibig sa sarili at katutubong wika, upang sa ganito’y mabuklod ang ating mga diwa’t damdamin hanggang sa marating ang lubos na pagkakaunawaan sa ikauunlad at ikatatatag ng ating lahi. Kung paanong nagkaroon at pinahahalagahan naman natin ang Araw ng Paggawa, ang Araw ng mga Ina, ang Araw ng Kalusugan, atb., ay inaakala kong lalong karapat-dapat na magkaroon ng araw o mga araw ang wikang pambansa, sapagka’t ang wika’y siyang kaluluwa ng bayan.

Ang kilusang pagpapalaganap ng isang wikang pambansa ay hindi ngayon lamang sisimulan. Si Rizal, sa panahon ng kanyang pagpapamulat sa bayan, ay tiniyak nang ang ganap na ikabibigkis ng mga Pilipino sa isang matibay at matatag na damdaming pambansa ay wala sa pag-aaral at pagsasalita ng isang wikang banyaga. Ang ganitong kilusa’y pinag-ukulan din ng hakbang na may uring pangatawanan ng ating lumipas na Pamahalaang Malasarili sa Pagkatatag ng Surian ng Wikang Pambansa. Ang suriang ito ay naka-paghanda na ng mga pangunang kailangan sa pagtuturo ng isang wikang pambansa na salig sa wikang Tagalog. May isa nang Balarila sa wikang Tagalog na kung bagama’t di ligtas sa pagpuna ng mga mapanuring isipan, ay di naman kahiya-hiyang iagapay sa mga balarila o gramatika ng lalong maunlad na wikang dayuhan. Sa kapalaran ng dakilang layuning mapalaganap sa buong Kapuluan ang iisang wikang pilipino ay nagkaroon na tayo ngayon ng isang bansang nagsasarili; mayroon na tayong sariling Republika ng Pilipinas; mayroon na tayong sariling bandilang nag-iisa sa pagwagayway sa ating papawirin. Ang kulang na lamang ay isang wikang pambansa upang maging ganap at mapuspos ang ating karangalan sa pagiging bansang malaya.

Walang dahilan upang ang pagpapalaganap ng isang wikang pilipino ay makasumpong ng maraming sagabal sa daan. Ang wikang Tagalog, na siyang itinakdang batayan ng isang pangkalahatang wikang pilipino, ay kapatid ng iba’t ibang wikain sa Pilipinas. Isa sa pinakamatanda, kundi man pinakamatandang kapatid ng mga wikaing iloko, kapampangan, panggasinan. bikol, bisaya at iba pa. Sa katotohanan, maraming salita, kataga at pariralang tagalog na ginagamit sa talasalitaan ng mga wikaing nabanggit. Dahil dito, alang-lang sa lalung ikatatatag at ikauunlad ng ating bansa ay hinihiling kong ang lahat ay mag-kaisa na sa pagbuo ng isang wikang pilipino. Iwaksi ang pananaghili ng mga ilokano, ng mga bisaya at ng iba pang mga kabalat. Wala tayong dapat isaisip kundi tayo’y pawang mga pilipino, kayumanggi, may isang bansa, isang bandila at dapat magkaroon din ng isang wika.

Hindi napapanahon ngayon ang pag-aalinlangan at pag-aatubili. Kailangan ng Pilipinas ang isang wikang pambansa sa panahong ito ng pagbabagong-buhay sa kalinangan at kaugaliang katutubo sa mga pilipino. Ang bayan ay dapat sumabay sa mabilis na takbo ng mga pangyayari, dagling maunawaan ang mga kahulugan nito; at maitaos sa puso’t damdamin ang diwa ng pagkatunay na Pilipino. Isang wika lamang na katugon ng damdaming pilipino ang makapagbubuklod sa watak-watak na pananalig sa kapamayanan.

Ang ano mang pag-uurong-sulong ay sapat na maging dahilan ng kabiguan sa pagkakaroon natin ng isang wikang pambansa. Ang pagkakataon ay minsan lamang kung tumuktok sa pintuan. Ang bakal ay nahuhubog lamang kung nagbabaga. Ang palay ay tumutubo lamang sa tag-ulan o kung may patubig. Ang binhi ng wikang pambansa ay naipunla na kung baga sa palay. Kailangan na lamang itanim sa pitak ng bawa’t isipang pilipino sa buong Kapuluan. Lahat ay dapat tumulong sa pagtatanim; lahat ay dapat tumulong sa pag-didilig; lahat ay dapat tumulong sa pag-aalaga; lahat ay dapat tumulong sa pagpapaunlad. Ang lahat ay tinatawagan. Magtulung-tulong tayo.

Ang hilig sa pagbabasa ng mga aklat, pahayagan, lingguhan at iba pang babasahin sa wikang Tagalog ay dapat pasiglahin. Ang Tagalog ay laging gamitin sa alin mang usapan, sa pamahalaan, sa lipunan, sa kalakalan at sa alin mang pakikipagtungo at pakikipagsulatan ng isang Pilipino sa kapwa Pilipino, maging uring pampamahalaan o pansarilinan. Pawiin ang pagkakimi sa paggamit ng wikang Tagalog. Huwag pahintulutang ang sariling wika’y mangayupapa sa wikang banyaga kundi bagkus pangibabawin at pamayanihin.

Sa mga tahanan, ang kauna-unahang paaralan ng wika, ay bawahan na ang pagmumulat sa isang sanggol sa pagsasalita sa wikang dayuhan. Kausapin ang bata sa wikang Tagalog; Tagalog ang bigkasin sa pagpapatayo, pagpapatawa o sa pagpapagawa ng ano mang galaw ng isang musmos. Maging sa pagdarasal, maging sa pagdalangin, ang gagamitin ay wikang Tagalog di lamang upang masanay sa pagsasalita kundi upang madama at maitaos sa damdamin ang diwa ng dasal o dalangin. Ang tungkuling ito ay unang-unang napapataw sa mga ina na siyang sa Simula at sa habang-panaho’y guro ng kanilang mga anak.

Napapataw rin sa mga taal na Tagalog ang pagtulong sa pagpapalaganap ng wikang ito. Sa halip na ipagmalaki ang kanilang kabatiran sa wikang Tagalog, ang dapat nilang gawin ay ang pagtulong sa paghahasik nito at maging taga-akay sa kababayang ngangapangapa sa pagtahak sa bagong landasin ng pagbuo at paglinang ng isang wikang pilipino. Ang mga baguhan naman sa pagsasalita ng wikang Tagalog ay dapat iwala sa kanilang damdamin ang kahihiyan sa paggamit ng wikang ito; bagkus nilang ipagmalaki na sila’y isa nang tunay na alagad ng wikang Pilipino na tumutulong sa pagbibigay-dangal sa Inang-bayan sa pagkakaroon ng isang wikang pambansa.

Ang isang mamamayan ay madaling maipakikilala ang kanyang bansa at ang kanyang lahi sa pamamagitan ng wikang kanyang gina-gamit. Magsalita tayo sa wikang tagalog, sa wikang Pilipino at di tayo pagkakamalang isang Hapon, isang Insik o iba pang taga-Silangan. Kung ipinagmamalaki natin ang ating pagka-pilipino, ang ating pagkakayumanggi, sapagka’t tayo’y mga inapo ng mga Lakan, kalipi nina Rizal, Bonifacio, Plaridel at iba pang magigiting na bayani ng lahi, ipagmalaki rin natin ang pag-uusap sa isang wikang Pilipino na hinubog at isinalig sa wika ni Balagtas upang lalong matampok ang kayamanan, katayugan sa diwa ng wikang Pilipino na ginamit ni Balagtas sa kanyang walang kamatayang “Florante at Laura,” ni Bonifacio sa kanyang “Dekalogo,” ni Jacinto sa kanyang “Kartilya ng Katipunan,” at ni Mabini sa kanyang “Pagkakana ng Republika Pilipina.”

Ang wikang Tagalog ay walang dapat ika-alangan sa mga wikang dayuhan. Sa katotohanan, ang ano mang katangian ng wikang Hapon, ng wikang Ingles, at ng wikang Kastila ay nabibilang lamang na ilan sa mga katangian ng wikang Tagalog. Ang kabagsikan ng wikang Hapon, ang katiyakan ng wikang Ingles at ang kakisigan ng wikang Kastila ay kimkim ng wikang Tagalog na nag-aangkin pa rin ng katamisan, kalambingan, kadalisayan at kabayanihan. Ang kalawakan ng ibang wikang banyaga ay maaaring abutin ng isang wikang Pilipino, kundi man higtan pa, kung ang iba’t ibang wikain sa Piipinas ay mailalagom sa wikang Tagalog at ito’y mararagdagan ng mga salita’t katagang nauukol sa iba’t ibang sangay ng karunungan, pangangalakal at sa kikipagtungo sa ibang lahi. Dalawang baeav lamang ang kailangan: una, sama-sama’t pinag-isang pagsisikap sa paggamit at paglinang ISANG WIKANG PILIPINO; at ikalawa, ang pagkilala at pagsunod sa pamamatnubay ng Surian ng Wikang Pambansa. Ang una, sapagka’t siyang matuwid at di-madawag na landas na tungo sa tugatog ng mithiin; ang ikalawa, sapagka’t siyang sangay ng pamahalaang binigyan ng tiwala at kapangyarihan sa paglinane ng isang wikang pambansa.

Isang kilusang kasing-alab ng sikat ng araw sa katanghahan at kasimbilis ng paglaganap ng sunog sa tag-araw ang dapat maging uri ng pagsasabog at pagpapaunlad ng isang wikang Pilipino. Sa ganitong paraan ay madaling matutupok at mapapawi ang mga maling kuro at hilig na nagiging hadlang sa madaling paglaganap at pagyabong ng isang lantay na wikang Pilipino.

Sa ganito, sa harap ng buong daigdig, ay taas-noong maipagmamalaki natin na tayong mga Pilipino ay may ISANG BANSA, ISANG BANDILA, AT ISANG WIKA.

Source: Office of the Solicitor General Library