Kalatas ng Kanyang Kadakilaang Jose P. Laurel, Pangulo ng Republika ng Pilipinas, sa pagdiriwang ukol sa “Linggo ng Wikang Pilipino” ng Kawanihan ng Hanap-Buhay, sa Liwasang Moriones, Mavnila, Disyembre 26, 1943:

Dinaramdam ko ng taos sa puso ang pangyayaring hindi ako makadalo sa makasaysayang pagtitipong ginagawa ninyo ngayon alang-alang sa pagdakila sa kaluluwa ng ating bansa, sa ating Inang Wika; gayon ma’y maaasahan ninyong, saan man ako naroon, kung hindi man ninyo makapiling ang aking sarili, ay kapiling naman ninyo ang aking diwa at damdamin. Hindi ako maaaring mapalayo sa inyo sapagka’t kayo’y kaisa ko sa diwa at puso at sa lahat ng pagkakataon kalian ma’t ang pinag-uusapan ay ang kapakanan ng ating tinubuang lupa; ang sakit ninyo ay sakit ko rin at tayo’y magkakayakap sa kaligayahan at maging sa kalungkutan.

Ipinagtatapat kong walang pamahalaang maaaring magtagumpay sa balat ng lupa kung hindi ibibilang ang pagtulong ng mga maliliit, ng mga anakpawis, ng mga maralitang manggagawa; walang pamahalaang maaaring magmalaki sa daigdig na ito kung ang mga anak-dalita ay hindi pag-uukulan ng paglingap, at wala ring pamahalaang maaaring magwagi kung ang abang mamamayan ay hindi tutulong sa pamahalaang iyan.

Ang pinag-uusapan ngayon ay ang pagdakila at pagpapalaganap sa ating Inang Wika, dahil dito ay kasama ninyo ako sapagka’t nababatid kong ang lahing walang wika ay nagiging alipin ng kapuwa lahi at ayon sa Martir ng Bagumpayan “ang wika’y siyang kaluluwa ng alin mang lahi.” Nagiging dakila ang isang bayan at pinagpipitaganan ng ibang bansa kung ang mga mamamayan sa bayang ito ay nagkakaunawaan, may sariling wika, may sa-riling damdamin at nagkakaisa sa mga banal at gintong simulain.

Ang suliranin ng paggawa at ng bisig sa Pilipinas ay may malaking kaugnayan sa kasaysayan ng wikang pambansa, kaya ang pangangasiwa ng Kawanihan ng Hanap-Buhay sa palatuntunan at pagdiriwang na idinaraos ngayon ay tumpak at napapanahon.

Maliwanag ang sinasabi ng kasaysayan ukol sa bagay na ito. Nang itatag nina Andres Bonifacio at Emilio Jacinto ang Katipunan ay ang mga bisig ng paggawa ang siyang nagsi-paghandog ng kanilang buhay at sila rin ang bumalikat at nagsagawa upang ang mahaha-lagang aral at mga simulain ng katipunan ay mapalaganap sa buong Kapuluan. Upang mabigkis ang lahat, sa iisang layunin; maging matibay ang tali ng pagkakaisa; mapaglapit ang nagkakalayong damdamin at mawasak ang pader na pumapagitan sa puhunan at paggawa ay kinailangang gumamit ng isa lamang wika, at ang wikang iyan ay walang iba kundi ang wikang Tagalog, ang wikang isinigaw sa Balin-tawak sa pagtatanggol ng banal na simulain ng lahi.

Sinulat ni Andres Bonifacio ang kanyang Dekalogo sa wikang Tagalog, isang dekalogong kung ang mga aral at halimbawa noon ay masusing pag-aaralan at susundin ng mga Filipino ay magiging sapat upang ang ating bayan ay maging uliran ng buong daigdig. Inilathala ni Emilio Jacinto ang Kartilya na siyang gina-wang saligang-batas ng Katipunan at ito’y sinulat din sa matamis na wikang Tagalog na siya ring wikang ginamit sa bantog na akdang “Florante at Laura” ni Balagtas, sa “Ang Kadakilaan ng Diyos” ni Plaridel at sa Panukalang Saligang-Batas ukol sa naglahong Republika ng Pilipinas na sinulat ni Mabini.

Sa Dekalogo ni Bonifacio at sa Kartilya ni Emilio Jacinto, ang kahalagahan ng bisig at ng paggawa ay pinag-ukulan ng mga gintong talata. Gayon din ang ginawa ni Mabini sa maraming akdang sinulat niya sa wikang Tagalog.

Sa pagkakatatag ng bagong Republika ng Pilipinas ay inaakala kong dapat isaalang-alang at ipagpatuloy na isasagawa natin ang mga mahahalagang bagay na pinasimulan at hindi natapos ng ating mga dakilang bayani. Tungkulin natin ito at magiging malaking kautangan sa atin ng ating mga anak at ng magiging anak ng ating mga anak kung makita nilang sa pamamagitan natin ay maluwalhati nating naitaguyod at natapos ang pinasimulan ng ating mga bayani.

Kaya sa pagdiriwang na isinasagawa ngayon sa pangangasiwa ng Kawanihan ng Hanap-Buhay ay nalulugod akong bumati at makiisa, at harinangang ang mahalagang gawaing napasimulan ng dakilang manggagawang si Andres Bonifacio sa pagpapalaganap ng wikang Tagalog ay buong pagtatagumpay na maipagpatuloy ng napapanahong mga bagong kawal ng paggawa sa lilim ng langit ng ating bagong Republika ng Pilipinas.

Ngayon ang panahon at pagkakataon upang ang mga bisig ng paggawa ay kumilos at tumulong sa ikapagiging matatag ng bagong Republika ng Pilipinas, sa ikapaghahari ng katahimikan at kapayapaan sa buong Kapuluan at sa ikapagbabagong-buhay ng mga kababayan nating nagugumon sa masasamang hilig at kaugalian. Magtulong-tulong tayo upang ang bagong Republika ng Pilipinas ay maging tunay na langit ng kaluwalhatian sa ating mga Pilipino.

Source: Office of the Solicitor General Library