Kalatas ng Kanyang Kadakilaang Jose P. Laurel, Pangulo ng Republika ng Pilipinas, para sa Palatuntunan ng Kalibapi ukol sa “Linggo ng Wikang Pilipino,” Disyembre 28, 1943.

MGA KABABAYAN:

Mula sa kaibuturan ng aking puso ay binabati ko kayo nang buong lugod. Pinapupurihan ko kayo sa inyong ipinamamalas na kasiglahan sa pagsasakit na makatulong sa pamahalaan upang ang ating bayan ay maitaguyod sa landas ng ganap na katahimikan, pagkakaunlad at pagkakasulong. Ang ganyang pagsisikap, sa ikatutupad ng dakilang mithiin, ay isang namumukod na halimbawa na dapat uliranin ng lahat ng mga naglilingkod sa pamahalaan at ng lahat ng palingkurang itinatag alang-alang sa ikabubuti ng madia.

Higit sa pangkaraniwang papuri ay naipahayag ko na ang aking pagkilala at pagpapahalaga sa nagawa na ng Kalibapi. Hindi kalabisang ulitin ko sa pagkakataong ito na, ang Kalibapi, sa loob ng isarig taon ng kanyang paglilingkod sa bayan, ay napakalaki ang naitulong sa madaling pagbabagong-tatag ng Pilipinas, sa pagpapanumbalik ng kapayapaan at kaayusan, sa pagbabagong-buhay ng mga mamamayan, at sa paghahanda ng sandigan ng Republika ng Pilipinas sa pamamagitan ng pagpili ng mga kinatawang nagpatibay sa kasalukuyang Saligang-Batas at sa paghahalal sa mga kagawad ng unang Kapulungang-Pambansa ng Republika. Dahil nga rito, kung kaya’t sa bisa ng kapangyarihang taglay ng Pangulo ng Pilipinas ay minarapat kong italaga ang isang araw sa bawa’t taon na maging Araw ng Kalibapi.

At sa ngayon ang Kalibapi ay muling nag-sabalikat ng isa pang mahalagang gawain sa pagtulong sa pamahalaan sa pagbubunsod sa isang pangkalahatang kilusan sa pagpapalaganap ng isang wikang pambansa. Di ko pinag-aalinlanganan ang bagong tagumpay na tatamuhin ng Kalibapi.

Nananalig ako, na ang isang bansang malaya na katulad ng atin, kapag walang sariling wika at nanghihiram lamang ng wika ng iba, ay katulad lamang ng isang malaking kahoy na walang lilim, subali’t ang bansang may sariling wika, maging busabos mang ganap, ay maida-dambana sa ubod ng puso’t gintong pagliyag. Nakikita natin ang mga ibon sa himpapawid, ang mga hayop sa bayan at maging sa kabundukan ay may kani-kanyang wikang ginagamit, at sa pamamagitan nito’y nagkakaunawaan sila at nakagagawa ng kabutihang pansarili. Kung ito’y isang katotohanang hindi mapasusubalian, kinakailangang ang bawa’t Pilipino ay magsumikap namang matutuhan, sa puso at isip, ang wikang pambansa upang wala tayong ikahiya at bagkus makatulong ng malaki sa ikapagtatagumpay ng banal na simulain at mithiin ng Inang-Bayan.

Sa abot ng aking magagawa ay sisikapin kong mapalaganap ang wikang Tagalog, na sa ganang akin ay wala nang kasingyaman at kasintamis pagka’t siyang sinuso natin sa dibdib ng ating mga ina; siyang ginamit ng ating mga bayaning nagtanggol sa karapatan ng ating lahi pakundangan sa ating kalayaan; at iyan din ang wikang kaloob ni Bathala upang pagyamanin at gamitin sa buong panahon. Sisikapin ko ring mabigyan ng ano man tulong ang alin mang kilusan ukol dito, sapagka’t lubos akong naniniwala na ang kalusugan ng wika ay isa sa mabibisang gabay sa ikauunlad at ikatatatag ng damdamin at diwang maka-bayan. Kailangan natin ang isang wikang na-sasalalay sa matibay na saligan sapagka’t nasa-kulay ng uri ng wika ang kislap ng magandang simulain ng isipan ng mamamayang gumagamit noon. Ang di pagkakaroon ng isang wika ay di rin makalilikha ng pagkakaisa ng bansa. Ang kawalan ng isang wikang malaganap na sukat ipagkaunawaan ng lahat ay malaking kakulangan sa kaunlaran ng bansa o ng alin mang kilusan. Dahilan dito, kailangan ang pag-aaral at pagsisiyasat at wastong pagpapa-laganap ng wikang Tagalog na siyang tanging sulong tatanglaw sa madaling pagkakawatasan. Upang maisakatuparan ang bagay na ito ay naglagda ako ng Kautusang Tagapagpaganap Big. 10 na nagtatadhana ng sapilitang pagtuturo ng wikang pambansa sa lahat ng paaralan, maging pampamahalaan at pansarili. Sa paraang ito’y natitiyak kong lalaganap ang wikang Tagalog sa buong Pilipinas hanggang sa lubusang pagkakaisa ng mga Pilipino. Kung ang Ingles at Kastila, na hindi katutubo sa Silangan at walang bisang humutok sa puso’t damdamin ng lahi, ay nangyaring lumaganap sa buong Kapuluan, bakit, at anong dahilan mayroon na hindi natin magagawang mapalaganap ang sariling atin, ang wikang katutubo at nananalaytay sa ating mga ugat?

Hiniling ko sa Manila Sinbunsya na mabigyan ng malaking pitak ang wikang Tagalog upang mahikayat ang lahat ng ating mamamayan sa pag-aaral nito, at bilang katugunan ay ibinigay sa Kalibapi ang isa sa tatlong bahagi ng Lingguhang Liwayway upang magamit sa pagpapalaganap ng wika. Gayon din naman, ang pahayagang Shin Seiki, na sinusulat sa wikang Ingles, ay naghandog ng malaking pitak ukol sa wikang Tagalog. Ang Kagawaran ng Pagtuturo, Kalinisan at Kagalingang-Bayan ay nagbabalak magkaroon ng mga pag-aaral sa bawa’t tanggapan ng Pamahalaan, tangi sa mga paaralang-bayan, upang ang wikang Tagalog ay matutuhan ng lahat at tuloy maisulat sa wikang ito ang lahat ng mga kalatas na pinalalabas sa bawa’t tanggapan. Pagsisikapan ko a rin na ang wikang Tagalog ang laging gagamitin sa mga pagtitipong may-uring pampamahalaan at pambayan, gayon din sa mga Hukuman at Kapulungang-Pambansa. Sa isang pangungusap, nais ko at dapat din namang naisin ng lahat ng mga Pilipino na pagpunyagian nating maisadambana ang wikang Tagalog na siyang wikang pambansa ng Republika ng Pilipinas.

Binabati ko ang pagsisikap ng Kalibapi sa pagpapamulat sa bayan ng kahalagahan ng wikang Tagalog, at hinahangad kong lalo pang pag-ibayuhin ang pagsisikap sa bagay na ito upang ang bawa’t mamamayang Pilipino ay magkawatasan. Binabati ko rin ang Manila Sinbunsya, Lingguhang Liwayway, Taliba at Shin Seiki sa malaking tulong na kanilang ginagawa sa pagpapalaganap ng wikang Tagalog, at hindi ko rin malilimutang batiin ang Suriang Pambansa sa kanyang mga pagpupunyaging mapaningning ang wikang ito at makilala ng lahat na ang wikang Pilipino’y siyang katutubong wikang dapat gamitin, mahalin at ikarangal sa lahat ng panahon at pagkakataon.

Source:Office of the Solicitor General Library