[Salin sa Tagalog ng Pambagong Taong Tagubilin ng Kanyang Kadakilaang Jose P. Laurel, Pangulo ng Republika ng Pilipinas, na binigkas sa labas ng Himpilan ng PIAM noong ika-31 ng Disyembre, 1943, bilang kaugnay ng Palatuntunan sa Radyo ng Kawanihan sa Pagbabalita at Katiwasayang Bayan.]

MGA KABABAYAN:

Ipinipinid natin ang isang taon ng di matarok na hinaharap. Mula sa lusak ng dugo at apoy na kinalusungan ng buong daigdig, ang ating Republika ay isinilang sa ikatutupad ng pangarap ng bayani at panaginip ng martir. Sa sinag ng panahon, ang katatapos pa lamang na taong ito ng di-matiyak na kapalaran ay lilitaw na siyang talaan ng pag-asa na hinubog sa tigas ng loob at niluwalhati sa pinakamarangal na dugo. Hindi ipinagkaloob sa bawa’t salin ng mga tao ang pagkakataong sumaksi at makilahok sa lahat ng ganitong pangyayari.

Ang ating suliranin ay kung tayo’y may lakas ng loob, ng maalab na damdamin at ng pagnanasang maipaglaban ang pananagutan ng napakalaking tanging karapatang ito. Nasa atin ang tanging karapatan sa paglikha para sa mga sariling tagapagmana natin, ng isang buhay na ang kayamanan sa pagkakataon ay gaya rin ng kayamanan nito sa kalayaan at pagpapa-halaga sa sarili. Ang isang bayang nag-aankin ng ano mang uri ng kapurihan at karangalan ay hindi makahihingi pa ng higit na katangian. Tayo ang mga tagapagmana ng isang dakilang alamat; tungkulin nating ito’y lalong payamanin sa pamamagitan ng ating sariling dugo at dakilang pagpapakasakit at pagkatapos ay ipamana sa ating mga anak.

Sa pagharap natin sa bagong taon, ibig kong hilingin na sukatin natin ang ating sarili sa diwa at sa gawa sa harap ng ganitong pananagutan. Sang-ayon sa mga pangyayari, ito ang pinakadakila at pinakamalubhang pananagutan na babalikatin pa natin nang buong kasiglahan at katiyakan. Ito’y hindi isang bagay na maaari nating ilipat sa balikat ng iba. Itoy mahigpit na kalangkap ng ating sariling kaligtasan bilang isang bayan. Walang ibang lalangoy para sa atin kundi tayo rin.

Kung ang lumipas na taon ay naging isang mabigat na pagsupil, ang bagong taong ito ay lalo pang mabigat. Sa sandaling ito, pagkatapos ng nagawa at naging kahulugan ng digmaan sa atin, tayo’y nasa isang lalong mabuting kalagayan upang maunawa at maisaloob ang pagsupil na nagbuhat sa mga kahirapan ng mga araw na ito. Wala nang mabuti pang paraan sa pagtarok ng lalim ng ating kayamanan sa kaasalan; wala nang ibang paraan sa pagsukat ng ating’kaka-yahan sa diwa at kilos na mapaglikha.

Sa mga namamatnubay sa atin, mula sa Pangulo at mga Ministro ng Estado hanggang sa mga pinuno ng kasuluk-sulukang bayan at nayon, mula sa mga taong mulat at pangunahin sa lunsod hanggang sa mga nag-aral na mga mamamayan sa bawa’t pook ng Pilipinas, ang pagsasagawa ng pagsupil na ito ay isang mabigat na suliranin.

Ang pagpapadakila sa ating pamamatnubay ay hindi nasasalig sa pagtatamasa ng mga tanging kaluwagan, mga tanging karapatan at mga tanging pagbibigay. Ito’y nasasalig sa pangitain, sa lakas ng loob at sa paggawa. Ito’y nasasalig sa paglilingkod na ginagawa kung saan lalong kinakailangan. Ito’y nasasalig sa pagtitiis na ipinamamalas kung saan mahigpit na kailangan sa ikatitining ng kalooban ng pulutong na nakaliligid. Ito’y nasasalig sa masayang pagsasagawa ng pinkadukhang gawain ukol sa pinakamababang mamamayan. Ito’y nasasalig sa madaling pagtalima sa batas at kautusang may-bisang pangkalahatan alang-alang sa kapakanan at kaluwagan ng lahat. Ito’y nasasalig sa tapat na paggalang sa mga tuntunin ng pag-uugali na sandigan ng tagumpay ng sama-sa-mang pagkilos sa mapanganib na panahong ito.

Kung sino ang nagpapauna sa pagsasagawa ng mga bagay na ito ay siyang tunay na patnubay. Siya ang pinakahuli, kung sakali man, na magtatamasa ng ka-pakinabangan ng sama-samang pagtatagumpay o pag-wawagi.

Sa hanay ng mga kawal, sa bunton ng ating mga mamamayan, bagama’t sila’y umaasa sa isang pamamatnubay na may-tigas ng loob at sariling pagpapa-kasakit, ang pagkakaroon ng kasupilan o disiplina ay kailangan din.

Ang bunton ng ating mga mamamayan ay dapat mapagsiya na tayo’y dapat gumawa ng sama-sama o mamatay nang hiwa-hiwalay. Ang kaligtasan ay nasa pagtutulungan, wala sa pagbubukud-bukod; nasa-pagsasagawa ng bawa’t isa ng tungkuling nauukol sa kanya at wala sa pag-ilag at paglilipat ng kanyang pasanin sa kanyang kapitbahay. Kung ang isang tao’y umaasang siya’y pakakanin, pararamtan at pasisilungin, siya’y dapat maging handa at magustuhing gumawa ng gayon din para sa iba. Dapat niyang mabatid at tanggapin na ang masamang panahon ay bahagi rin ng pamumuhay kagaya ng mabuting panahon; na sa masamang panahon, ang katugunan ay wala sa pag-daing at pagtangis at pagsisi sa iba kundi nasa-handang pagkakusang-loob na pag-unawa, pagkilos at paggawa na katulong ng kanyang mga kapitbahay.

Ang diwa ng pananalig sa sarili ay isang kaugnayan ng diwa ng pinaglakip na pagdadamayan at hindi kasalungat nito. Ang mga ito’y sama-samang bumubuo ng simulain ng pagkakapatirang pandaigdig na tinutungo ng pagsasakit ng sangkatauhan na taglay ang di-magagaping pananalig, gaano man kahirap ay walang katapusan ang landas.

Mga kababayan: ang dalangin natin sa Bagong Taong ito ay hindi upang maging maikli at madali ang ating landas sa dakilang hinaharap ng ating Republika, kundi upang tayo’y magkaroon ng tibay ng loob, ng lakas, at ng pananalig na huwag tayong malayo sa ating landasin sa harap ng lahat ng kalamangan at balakid. Ang Bathala ng lahat ng mga bansa ay hindi magtatangi laban sa atin maliban kung tayo, sa ating sariling kagustuhan, ay tatangging kilalanin ang pananagutan ng ating magiging kapalarang pambansa. Mula sa Silangan na siya nating tahanan ay sumipot ang mga dakilang pananalig ng daigdig. May katuwiran tayong angkinin na mula sa ating sinapupunan ay sumibol ang batayang mithiin na nagpaahon sa tao sa burak at nagpaakyat sa hayop sa walang kamatayang pangitain ng kanyang pananampalataya.

Ang Bayang Pilipino ay mulat sa katotohanang ito, at sa isang panahon ng dakilang pagsubok, gaya ng sa kasalukuyan, ito’y dapat magbigay sa kanila ng panibagong pagkapit sa pananalig sa kanilang lahi at sa kanilang Bathala at sa kanilang kakayahan at katalinuhan upang maipagpatuloy ang kanilang mga pagsasakit. Sumasalubong tayo sa Bagong Taon na buong tiwalang nagpapatuloy sa paglakad at matibay ang pasiyang umabuloy ng ating makakaya sa pagtatayo ng isang bagong kaayusang nauukol sa katarungan sa kaasalan.

Salamat sa inyo.

Source: Office of the Solicitor General Library