Talumpati ng Kanyang Kadakilaang Jose P. Laurel, Pangulo ng Republika ng Pilipinas, sa harap ng Bantayog ni Dr. Jose Rizal sa Luneta, noong ika-30 ng Disyembre, 1943.

MGA KABABAYAN, MGA KAPATID AT MGA KALAHI:

Apatnapu’t pitong taon ang nakaraan buhat sa araw na ito na, sa dakilang lugar ding ito sa Luneta, ay pumanaw’ang pinakadakila at pinakamagiting na bayani sa lahat ng anak ng bayang Pilipinas, si Dr. Jose Rizal. Marahil, ang simoy ng hangin na dumudulot at sumasabog sa ating mga mukha ngayong umaga, ay iyan din ang simoy ng hangin ng araw na pumanaw si Dr. Jose Rizal. Marahil, ay gayon din ang tingkad ng araw, o kaipala’y ang malungkot na kulay ng langit.sa Pilipinas ngayon, siya ring napagmasdan ng ating bayani at ng mga pilipinong naninirahan dito sa Maynila sa araw na ito. At kaipala’y ang tubig at mga alon na dumadagok at naglalaro sa dalampasigan ng Luneta ngayon, ay siya ring tubig na napagmasdan ng ating bayani nang bago siya pumanaw. At pagkatapos ng apatnapu’t pitong taon, ay natitipon tayo dito upang magbigay galang at alalahanin ang kasaysayan ng minamahal nating bayani sa araw na ito, si Dr. Jose Rizal. At tayo’y natitipon dito, pagkatapos ng apatnapu’t pitong taon, hindi upang ipagdiwang ang kamatayan ni Dr. Rizal, natitipon tayo upang alalahanin ng buong bayan ang pagka-alipin ng bayang Pilipinas, alalahanin lalung-lalo na ang isang magandang aral ni Rizal sa buong bayang Pilipinas sa araw na ito. Minahal ni Dr. Rizal ang bayang Pilipinas nang higit sa pagmamahal niya sa kanyang sarili, minahal niya ang Kalayaan na higit sa pagmamahal niya sa sariling buhay, at minahal niya, mga kababayan, ang Pilipinas hindi sa gitna ng kasaganaan, katahimikan at pagpapasagana sa bayan. Minahal niya at pinangarap ang Kalayaan ng Pilipinas sa gitna ng pagdurusa, sa gitna ng pagpapakasakit, sa gitna ng kahirapan, sa Espanya at sa mga ibang bayan sa Europa; minahal niya ang Kalayaan ng bayang Pilipinas sa gitna ng pagtitiis niya sa Hongkong, Singapor, sa Hapon, sa Dapitan, at sa bilangguan sa Fort Santiago upang ang kanyang pinangarap na Kalayaan ay siyang’ maging habilin sa puso at diwa ng bayang Pilipinas. Pinangarap at ninais niya ang Kalayaan sa gitna ng pagtitiis at hindi sa pagpapasagana, sa pag-asa na tayong mga kapatid niya na mga Pilipino ay mahalin din natin ang Kalayaang iyan, hindi lamang sa gitna ng kasaganaan ng kanyang kababayan kundi katulad din ng ginawa niya at hinabilin sa kanyang pangaral na iyan. Ninais niya ang Kalayaan sa gitna ng pagtitiis at nalalaman niya sa kanyang pangarap na lumaya ang bayang Pilipinas sa gitna ng kahirapan, pagtitiis at pagbabata at nalalaman niya na hindi niya mabibigyan ng isang hihigang bulak, at nalalaman niya na hindi niya madudulutan ang bayang Pilipinas ng isang sarong ginto upang siyang gamitin ng kanyang mga kababayan pagtahan sa mga dampa; nguni’t ninais niya, na ito’y hindi nangangahulugan ng tahanang konkreto para sa mga kababayan niya, at nalalaman niya na ang mga Pilipino ay marami sa kanila ang patuloy pa ang kahirapan at ang pagtahan sa mga dampa; nguni’t ninais niya pinangarap niya at nagpakamatay, na sa laki ng kanyang pag-asa, na sa gitna ng kagutuman ng mga Pilipino, sa gitna ng paghihirap nating lahat, inaasahan ni Rizal na sa oras man ng kamatayan ng mga Pilipino, ang pag-ibig sa Kalayaan, ang pag-ibig na tunay sa lupang tinubuan, sa oras man ng kamatayan, ay wala tayong pinapangarap kundi ipagtanggol ang isang bayang Pilipinas. Kaya’t mga kababayan, nalilibid natin ang bantayog na ito, na napakadakila sa bayan. Ang kanyang kama-tayan ay nagbunga ng kainitan sa mga Pilipino at naging apoy sa mga puso nina Heneral Gregorio del Pilar, Heneral Malvar, Mabini at iba pa, na dahilan sa kainitan ng mga pangaral na hinabilin sa mga puso ng mga pilipino ay nagbunga ng paghihimagsik ng mga Pilipino, dahil dito’y natapos ang pamahala ng mga Kastila rito sa atin at pagkatapos ay nasakop naman ng isang bansa ang ating bayan, naparito rito at iginalang si Rizal, nguni’t hindi iginalang ang kanyang pangarap, na ang pangarap na iyan ay ang Kalayaan. Naparito ang isang bansa na sa pamamagitan ng bansang iyan, nagkaroon tayo ng isang bandila, nagkaroon tayo ng kalayaan at ang kalayaang iyan ay siyang pangarap ni Rizal. At ang Kalayaang iyan, mga kababayan, ang Kalayaang ating tinamo ngayon, ay KALAYAAN na dapat nating pagpilitan na maging tunay at iyan ang ibinunga ng katangian ng kabayanihan ni Rizal.

Kaya’t mahal na bayani (humarap ang Pangulo sa bantayog ni Rizal), kami ngayong nasasa-harapan ng iyong dakilang bantayog, kaming mga pilipino na iyong minamahal, nagpakahirap ka at nagpakasakit nang ikaw ay nasasa-Europa at nasasa-ibang bansa dahilan sa amin, kaming mga pilipinong nagmana ng iyong mga aral, kaming mga kapatid mo, ipinamamanhik namin sa iyo na magmula nang isabog mo ang dakilang aral sa kalayaan at ang aral na magkaisa at magkabigkis-bigkis, kung papaano ang pagtitiis mo sa ibang bansa sa kagitingan at katapangan mo sa pamamagitan ng iyong pagtangkilik sa Pilipinas, kung papaano mong minahal ang dakilang lahing Pilipino, at kung papaano ang paghihirap mo noong ikaw ay nabubuhay pa at kung papaano ang katigasan ng iyong loob sa pagmimithi sa Kalayaang iyan at nang isabog mo ang mga gintong aral sa mga pilipino, mula noon hangga ngayon, mahal naming Rizal, buhat diyan sa kataas-taasang langit na iyong kinalalagyan sa glorya, ipinamamanhik namin sa iyo, dakilang bayani ng lahi, na kaming mga pilipino na sumusunod sa dakila mong aral na pagpapakasakit, paghihirap at kaming mga kapatid mo, ay samahan at tulungan mo, aming isinasamo, sa pagtawag kay Bathala, mahal naming Rizal, kaming sinabugan mo ng diwa ang puso upang mahalin ang kalayaang ito, at upang maging tunay na pilipino, makapagtiis sa gitna ng kagutuman, kaming mga pilipinong naghihirap ngayon, lalung-lalo na kaming mga walang makain ngayon sa pagtitipon na ito, ipanalangin mo kami, mahal naming Rizal, kay Bathala, yayamang malapit ka sa Kanyang sinapupunan upang mabata namin ang kahirapan at paglilingkod na tunay sa aming pamahalaan at maging dapat kami sa utos ni Bathala, makapaglingkod nang tapat sa buong bayan, na harinawa, na ang pinangarap mong kalayaan ng bayan, ay hindi maging malaking suliranin sa mga pilipino at sapagka’t noong ikaw ay nabubuhay pa, para sa iyo, ang KALAYAAN ay siyang tanging sagisag ng bayang Pilipinas na uhaw sa paglaya. Maraming salamat.

Source: Office of the Solicitor General Library