Kalatas ng Kanyang Kadakilaang Jose P. Laurel Pangulo ng Republika ng Pilipinas,ukol sa mga gurong nagtapos ng pagsasanay sa ”Paaralan ng Pagtuturo sa Wikang Pilipino,” noong ika-31 ng Marso 1944:

Binabati ko ng taos sa puso ang lahat at bawat isang piling guro na nangakatapos ng pagsasanay sa “Paaralan ng Pagtuturo sa Wikang Pilipino.” Kung ako’y may dapat ituring na dahilan ng galak at kasiyahang-loob sa panahon ng paghahawak ko ng ugit ng Pamahalaan, ito’y ang pangyayaring ang kaunaunahang “Paaralan ng Pagtuturo sa Wikang Pilipino” ay napatayo sa lilim ng ating Republika at ang aking Pangasiwaan ay nagkaroon ng kinalaman sa pagkakatayong iyan. Gaya ng tahasang sinabi ko na sa inyo noong pasinayaan ang pagbubukas sa paaralang ito ay buo ang aking paniniwala na ang bayang Pilino’y dapat magkaroon ng isang Wikang Pambansa, sapagka’t sa pamamagitan nito’y lalong titibay ang ating pagkakaunawaan at lalong magiging mahigpit ang buklod ng ating pagkakaisa. Naniniwala ako na ang isa sa lalong mabisang paraan ng pagpapalaganap sa nabanggit na Wika ay ang mga paaralang-bayan. Dahil dito’y makukuro na ninyo kung gaano ang halaga, para sa hinaharap ng ating Lahi ng tungkuling gagampanan ng bawat gurong nakatapos sa pagsasanay.

Ang isang Bansa ay maipalalagay na alipin kung walang maiwagayway na Watawat at masasabing nakaumang na lagi sa pagkabusabos kung walang naipagmamalaking isang Wika. Para sa isang Bansa ay wala nang api at napakahalay na kapalaran kundi ang pagkakaroon ng isang Watawat na laging nakatiklop at di maiwagayway. At para sa isang Lahi ay wala nang pangit kundi ang pangyayaring upang magkaunawaan ang mga anak ng iisang ina ay nangangailangang humiram ng Wika sa iba. Sa kabutihang palad natin ay malayang naiwawagayway ngayon ang ating maluwalhating Watawat, at kung magtatagumpay ang mga balak ng Pamahalaan ay umaasa akong di na magluluwat at ang Wikang Pambansa ay siya nang gagamitin ng lahat nang Pilipino. Kung iisipin natin ang laki at lawak na kailangang saklawin ng pagpapalaganap. sa Wikang ito ay tahasang masasabi na ang bilang ng mga gurong nakapagsanay na ay napakaliit, ibig sabihin ay kulang na kulang. Umaasa ako na ang Kagawarang-Bansa sa Pagtuturo ay gagawa ng lahat ng makakaya upang matakpan ang tanang kakulangan sa ikatutupad ng layunin ukol sa Wika. Ang pagsasanay sa marami pang guro ay dapat ipagpatuloy at sikaping lahat at bawat isang guro ngayon ay makapagturo ng Wikang Pilipino. Dapat mahiya sa sariling balat ang sinumang Pilipino na gayong nakapagtuturo ng Wikang Ingles ay hindi makapagturo ng Wikang Sarili! Ngayon pa’y dapat na ninyong mahiwatigan na darating ang panahon, at lto’y di magluluwat, na ang magiging sukatan sa halaga ng isang guro ay ang karunungat kasanayan sa pagtuturo ng Wikang tagalog at di na ang kasanaya’t karunungan sa pagtuturo ng Wikang Ingles.

Ang bayan natin ay kasalukuyang nagbabangon. Isinasatumpak ang kanyang mga pagkakamali ng panahong nakaraan. Nakapagdurugo ng pusong sabihin, nguni’t tutoo, na tayong mga Pilipino ay nahirati sa maling paniniwala na tungkod sa sarili at katutubo sa atin ay masama at ikinahihiya, samantalang tungkol sa tagaibang lupa ay magaling at ipinagmamalaki. Wika nga ni Dr. Rizal ay daig pa natin ang mga hunghang na pati kapintasa’t kasamaan ng mga banyaga ay sya nating ginagagad samantalang itinatakwil ang nagisnang mga kabaitan. Tungkol sa Wika ay marami sa atin ang di mangahapayanggatang kung magsipagsalita ng Wikang hiram samantalang kimi’t nahihiyang magsalita ng Wikang sarili, na para bagang kung ito ang kanilang gamitin ay nakakaltasan ang kanilang dangal at nababawasan ang kanilang napag-aralan. Panahon nang dapat ituwid ang lihis na pag-uugali natin at yayamang tayo’y nagbabagong-buhay ay magbagong-asal na rin naman sana tayo. Para sa bagay na ito ay di panghihinayangan ng Pamahalaan ang ano mang gugulin at samantalang ako ang Pangulo ng Republika ay gagawin ko ang lahat ng abot ng aking kaya upang mabalik sa atin ang lahat ng yaman ng ating mga kaugalian at mapangibabaw na higit sa alin man ang tanang katutubong sukat maipagmalaki.

Ang Wikang Pambansa ay magkakaroon ng mahalagang tungkulin sa hinaharap ng ating pagka-Bayan at ng ating pagka-Lahi. Sa kasalukuya’y nakatatag ang Surian ng Wika na nasa ilalim ng Kagawarang-Bansa sa Pagtuturo at tayo’y makaaasa na sa pamamagitan ng nasabing Surian ay maipagmamalaki natin sa hinaharap na panahon ang isang Wikang mayaman, magaan, matamis at maunlad, na katulad ng Wikang ginamit ni Balagtas sa kanyang walang kamatayang “Florante at Laura.” Kalabisan nang sabihin marahil na ang Surian ng Wikang Pambansa ay isang sangay ng Pamahalaan at dahil diya’y siya ang tanging may kapangyarihang kinikilala sa pagtatakda ng mga tuntuning nauukol sa nasabing Wika. Kung hindi tataliwas sa tunay na layunin, ang Surian ng Wikang Pambansa ay buong bisang kakatigan ng Pangasiwaan hanggang sa wakas ng kanyang mga gawain.

Nais kong ipagpatuloy ng Kagawarang-Bansa sa Pagtuturo ang pinasimulan niyang pagpapasanay sa mga guro upang sa lalong madaling panahon ay makabuo ang Pamahalaan ng isang hukbo ng mga tagapagturo na sukat makasaklaw sa lahat ng paaralang-bayan sa buong Kapuluan. Sa panahong ito ng ating pagbabagong-tatag, ang pagpapalaganap sa Wikang Pambansa ay kailangang maisagawa sa panahong lalong napakaikli. Ang buong puso kong pagtulong ay ganap na maaasahan sa bagay na ito. Hinihingi ko naman sa lahat at bawat isang guro na sila’y magsipagsumakit sa pagsasagawa ng ganitong pagpapalaganap. Buo ang aking pag-asa na wala isa mang gurong di tutugon sa ganito kong kahilingan. Sa wakas ay ibig kong uliting muli, pagka’t nais kong mapatanim sa inyong puso, ang minsa’y nasabi ko nang “ang isang Lahi ay di liligaya kailan man kung walang maipagmamalaking isang Bansa, kung walang isang Watawat na maluwalhati at kung walang maunlad na isang Wika.”

Source: Office of the Solicitor General Library