Talumpating binigkas ng Kanyang Kadakilaang Jose P. Laurel, Pangulo ng Republika ng Pilipinas, sa bulwagan ng dating Normal School nang ika-1 ng Abril, 1944, sa ganap na ika-10 n. u.

MGA GINANG, MGA GINOO, MGA KABABAYAN:

“Kapagka ang baya’y di nagsasalita
Ng isang sarili at pambansang wika.
Walang kapalaran, laya may di laya
Pagka’t wika lamang ang tanging biyaya
Ng bayang may nais na maging dakila.

[Palakpakan]

Iyan ay Hindi tula ni Lope K. Santos, ni hindi ni Francisco Balagtas. Iyan ay aking sinulat noong taong 1920 habang kami ay naglalakbay na pabalik sa Pilipinas sa aking pagka-pensiyonado buhat sa Londres hanggang sa Hongkong. Aking hinahanap ang tulang sinulat ko noong panahong yaon ng aking kabataan. Binasabasa ko noong ako’y bago pumarito; wala akong natandaan kundi iyong kabibigkas ko pa lamang. Aking sinulat iyang tulang iyan sapagka’t hindi kaila sa maraming nakatatalastas ng aking maliit at bahagyang kasaysayan, lalung-lalo na sa aking kaipala’y masamang kabataan, na ako ay nag-aral at nagsimuia sa ating mga paaralang-bayan; nagkaroon ng pagkakataong nakapasok sa ating pinakamataas na Unibersidad ng Pilipinas, at doon pagkatapos na makasulit sa ating Kataas-taasang Hukuman, ay naging manananggol, naging kagawad ng Tanggapan ng Kalihim Panloob at pagkatapos ng mga ilang panabon ay nagkapalad na mapili na isa sa mga pensiyonado ng ating Pamahalaan sa Estados Unidos. Samakatwid, nuong ako’y maipadala sa Amerika ay hindi lamang sa ako’y nakatapos sa lahat ng paaralang-bayan dito sa atin sa wikang ingles kundi nakatapos pa rin ng abogasiya na ingles din ang ginamit-gamit na salita; ito’y mapatutunayan ng aking naging propesor na ngayo’y Mahistrado Bocobo sa ating Kataas-taasang Hukuman. Nang nasa Amerika at matanggap na sa isang mabuting Unibersidad. sa Unibersidad ng Yale, at mag-kamit ng pinakamataas na titulong maaaring igawad ng isang Unibersidad sa pagka-Doktor sa Batas o pagka-Manananggol, dahilan daw sa aking mabuting ipinakita. kung hindi man katalinuhan, sa Unibersidad na yaon. ay pina-hintulutan akong makapaglakbay at makatungo sa Oxford at sa iba’t iba pang paaralan sa Europa. Sa pamamagitan din ng tulong ng ating Pamahalaan ng panahong yaon, nang ako’y dumating sa Londres. patungong Oxford ay hindi ko gaanong maunawaan ang ingles ng mga Ingles at hindi rin naman nila maintindihan ang aking ingles. Samakatwid totoong mahirap kaming magkaintindihan. At isang napakamatandang ingles ang sa aking pamimili sa “Piccadilly Circle” na tinatawag, ay nagsabi sa akin: “You don’t speak English.” (Ttawanan.) Hindi pa raw ako marunong massalita ng ingles pagkatapos nang halos dalawampung taong pag-aaral ko ng wikang ingles sa ating paaralang-bayan. pagkatapos na makasulit sa pinakamataas na Unibersidad dito sa atin at pakgatapos na makapag-Doktor sa Deretso sa Unibersidad ng Yale. (Tawanan.) Pagkaraan noon ay naglagalag ako at dumalaw sa Unibersidad Sentral ng Madrid at pagkatapos ay nagtungo naman sa Unibersidad ng Paris upang tikinan ko ang aking ipinagmamalaking pranses—hindi sa aking mga kaibigang pranses at pransesa. Noong makarating ako sa Unibersidad Sentral sa Madrid, ang sabi sa akin ay kinakailangan akong tumigil na dalawang taon doon upang ako’y makapagsalita ng mabuting wikang kastila. Sa akala ko’y maalam na ako nito nguni’t nanganagilangan pa pala ng dalawang taong pagtigil sa Unibersidad Sentral upang maimindihan nila ang aking pagsasalita ng kastila.

Bumalik ako sa Pilipinas. Sa aming sasakyang-dagat at sa aking pagdidik-dili ay di ko makuhang isipin ang mga bagay na yaon. Iyan ang dahilan kung bakit ako tumula na kailangang alisin sa isip ng mga pilipino ang paniwala na upang matawag na “ilustrado” at maging tanyag ay kinakailangang magsalita ng wikang hiram, na gaya na nga ng kastila o ingles, sapagka’t kung ako na mahigit na dalawampung taong nag-aral ng ingles ay sinasabi nilang hindi pa marunong nito, ano pa kaya ang iba? Kaya ang lalong mabuti ay pagpilitan nating mahalin ang salitang sinuso sa dibdib ng ating minumutyang ina. (Palakpakan.)

Ipinagdiriwang natin ngayon ang kaarawang ito ni Balagtas sapagka’t kung inihabilin sa atin ni Rizal ang isang puso at isang kaluluwa upang ang ating puso at ang ating kaluluwa ay maging tunay na gabay sa pagmamahal sa ating bayan, kung inihabilin sa atin ni Bonifacio ang isang katapangan at paghihiganti sa gitna ng kaapihan ng bayan, kung inihabilin sa atin ni Marcelo H. del Pilar ang pagtitiis na dapat batahin ng isang Pilipino, di lamang sa sariling bayan kundi sa Espanya man at sa ibang bansa, katulad ng ipinakita niya sa pamamagitan ng sulat sa kanyang anak na si Anita na itinitik sa wikang pambansa na kanyang ginamit; ipinagdiriwang natin ngayon ang kaarawan ni Balagtas, aking inuulit, sapagka’t kung si Rizal ay nagbigay sa atin ng isang kaluluwa, kung si Bonifacio ay nagbigay sa atin ng isang katapangan at kung si Del Pilar ay nag-iwan sa atin ng halimbawa ukol sa pagtitiis, si Balagtas naman ay nagbigay sa atin, sa pamamagitan ng “Florante at Laura,” ng isang wika, upang sa ganitong paraan ang mga ibinigay at iniwang iyan nila sa atin na isang kaluluwa, isang puso, isang diwa, isang katapangan, isang pagtitiis, at isang wika ay magamit ng buong pagmamalaki sa kabila ng mga kahirapan.

Iyan ang kahalagahan ng Araw ni Balagtas, ng Araw ni Francisco Baltazar. Kung pag-aaralan natin ang kabuhayan ni Balagtas, ito’y magdudulot sa ating mga kabataan ng maraming mabubuting halimbawa di lamang sa kanyang sinulat na “Florante at Laura,”—sa-pagka’t sa aking palagay, ang lalong mabuting aklat ni Balagtas ay hindi ang akdang ito kundi ang iba pang nakasama sa kanyang mga aklat na sinulat na nasunog sa Udyong nang panahong una. Ang kanyang paghihirap noong siya’y bata pa at ang kanyang mga tiniis upang makapag-aral lamang dito sa Maynila at matanggap sa Kolehiyo ng San Hose at Kolehiyo ng San Huwan de Letran ay may mahahalagang bagay na maituturo sa ating kabataan. Huwag na nating banggitin ang kanyang pagkalalaking may-salawahang puso, siya’y maraming kinasi at sininta,—siya’y hindi nagkasiya sa isa, sa dalawa o sa tatlo; nguni’t hindi natin dapat pag-aralan ang hindi nararapat na pag-aralan. Dahil kay Balagtas ay masasabi ko ngayon na totoong kailangan ang tayo’y magkaroon ng isang sariling wika. Isa sa mga kahirapang naranasan ko nang ako’y mangaral sa ating mga kapatid sa hilaga tungkol sa kapayapaan, sa pagsasalita ko sa mga kababayan ng aking mga kaibigang Ministro Paredes, Ministro Sison at Osias, tuwing ako’y tatayo sa alin mang pagtitipon ay sinasabi kong ako’y patawarin nila at hindi ako marunong ng ilokano, kaya’t kailangang magsalita sa wikang ingles. Gayon din ang nangyari sa akin sa Kabisayaan sa mga kababayan ng kaibigan kong Alunan. Samakatwid, ang mga pilipino, upang magkawatasan ay kinakailangang gumamit ng isang salitang hiram, na kung di ingles ay kastila, na lubhang nakakahiya para sa atin.

Sa pagkakatipon ng mga bansang silanganin ng mga Samasamang Bansa sa Silangan, nang akoy magtungo roon at ipadala ng ating Pamahalaan upang maging kinatawan sa kapulungang yaon, ang isa sa aking sinabi at ipinaglaban ay ang pagka-nararapat na malagay na isang tuntunin sa paggawa ng pamahayag ng mga bansa, hindi lamang ang karapatan sa pagsasarili at pagpapalakad ng Pamahalaan, kung hindi ang paggalang sa pananampalataya, ang paggalang sa kaugalian at ang paggalang sa sariling wika ng bawa’t isa. Kinilala ng mga kagawad ng kapulungang yaon ang karapatan ng bawa’t bansa sa pananampalataya, sa kaugalian at sa paggamit ng sariling wika na aking iminungkahi. Kaya’t hindi na tayo maaaring umurong. Sa ano mang paraan ay kailangan tayo’y magpatuloy sa paggawa ng lahat ng makakaya upang mabuo at mapalaganap sa maikling panahon ang ating sariling wika.

Isa lamang bagay ang kaipala’y dapat kong ipaalaala sa ating mga tagalista o mga mananagalog. Huwag pagpilitang pahirapin ang wikang tagalog (Palakpakan.) Ang sariling wika ay mabuti kung tayo’y nagkakaintindihan, nguni’t kung tayo’y gagamit ng sariling wika at hindi tayo magkakaunawaan ay walang kabuluhan ang sariling wika. (Palakpakan.) Itong palatuntunang ito na rin (ipinakikita ang palatuntunang hawak) ay siya kong pinanghahawakan. Basahin ninyo ang “Florante at Laura” at maniniwala kayo sa akin na ang katangian ng aklat na itong sinulat ni Balagtas ay bunga ng pangyayaring magaan na naiintindihan ng bayan, naiintindihan ng lahat ng makabasa. Kung kinakailangan ng kumatha na gumamit ng wikang kastila ay isinasangkap niya ito sa tagalog sa paraang ibinabagay sa kaugalian, pinag-aralan at kakayahan ng mga mamamayan. Ito na lamang na mga tulang sinipi sa palatuntunang ito ay sapat nang magpatotoo sa aking sinabi. Babasahin ko sa inyo ang dalawang taludtod na sinulat ni Balagtas:

“Nguni, ay ang lilo’t masasamang loob
Sa trono ng puri ay iniluluklok
At sa balang sukab na may asal-hayop
Mabangong insyenso ang isinusuob.”

Sa binasa kong ito ay dalawang salitang kastila ang ginamit: trono at insyenso. Kung ang dalawang salitang ito ay ginamitan pa ng tagalog, marahil ay hindi maiintindihan ng ating mga kababayan. (Palakpakan.) Tayong mga Pilipino ay kailangang magkaintindihan. Kung tayo’y alagad na tunay ni Francisco Balagtas, igalang natin ang pamamaraan ng kanyang pagsulat at ng kanyang pagtula. Isa pa, kasunod nito, babasahin ko sa inyo:

“Kaliluha’t sama, ang ulo’y nagtayo
At ang kabaita’y kimi’t nakayuko
Santong katuwira’y lugami at hapo
Ang luha na lamang ang pinatutulo.

Ginamit niya ang salitang “santong” Maaaring gamitin ang salitang banal Ang “santo” ay maaaring banal nga; ngunit maaari kang banal, hindi ka “santo.” (Tawanan.)

Marami tayong dapat pag-usapan. Akin lamang tinatawagan ang pansin ng mga kababayang may nais magpalaganap ng ating sariling wika, upang huwag maglilikha ng mga salita. Halimbawa, ang salitang “automobil,” huwag na itong tawaging kung ano pa, at baka kung ako ay hiraman ng isang Ministro ng “automobil” ay “fountain pen” ang aking maibigay. (Tawanan at palakpakan.) Ang salitang “birhen”; wikang kastila iyan. Tila sa “Florante at Laura” ko rin nabasa. Di na ito kailangang palitan. Ang salitang tagalog na “dalaga” ay sinasabi nina Ministro Paredes na “balasang” sa ilokano. Kung sabihin nating “magandang dalaga,” sa kanila’y “napintas ti balasang.” kung ibig natin ay katulad naman ng inaawit ng mga kababayan ni Ministro Alunan, “maayo-ayo at matamis pa sa dulce.” (Tawanan.) Ang lahat ng iyan ay maaari nating pagsamasamahin upang payamanin ang sariling wika. Pagaanin natin ang sariling wikang ito. Huwag na tayong maglilikha. Sa ganitong paraan, mga kababayan, ay masusunod ang ipinangaral ng inyong Pangulo, bagaman alam ko na may natitira pang ilan na nagpapadakila sa kanilang sarili sa pamamagitan ng pagmamayabang sa pagsasalita ng ingles at kastila at iba pang wikang hiram. Kaipala’y marami pa rito sa atin ang katulad ni Doña Victorina de Espadaria. Umaasa ako na magliliwanag din ang kanilang isip. Tayong mga pilipino ay naghahanda at dapat maghanda, nagpapakasakit at nagpipilit na tayo’y magkaroon ng isang sariling wikang sukat ipagmalaki upang sa ganitong paraan ay matupad ang pangarap ng ating mga bayani. Sa wakas ay uulitin ko sa inyo ang aking sinabi nang pasinayaan ang ating Republika na tayo’y dapat na “magkaroon ng isang puso, isang kaluluwa, isang bandila at isang sariling wika.”

(Mahabang palakpakan.)

Source: Office of the Solicitor General Library