Talumpati sa radyo ng Kanyang Kadakilaan, Jose P. Laurel, Pangulo ng Republika ng Pilipinas, tungkol sa pagpapasagana ng pagkain noong ika-9 ng Marso na kaarawan ng Kanyang Kadakilaan, sa ganap na ika-8 ng gabi.

MGA KAPATID, MGA KADUGO AT MGA KABABAYAN:

Ako’y napasasalamat ng marami sa palatuntunang idinaos ngayong gabi alang-alang sa araw ng aking kapanganakan. Hindi ko na-ging ugali at gayon din ng aking mga kaanak na ipagdiwang ang aking pagsilang sapagka’t ipinalalagay ko na ang aking kapanganaka’y walang gaanong kahulugan at kung mayroon man ay katulad lamang ng kapanganakan ng bawa’t isang mamamayang pilipino. Isa sa mga naisip kong gawin at siyang ipinamanhik sa mga kasamahan ko sa Pamahalaan, gayon din sa aking mga kaibigan at sa lahat ng mga kakilala, ay ang sila’y huwag nang dumalaw sa akin sa Malakanyang at sa sariling tahanan, huwag na nilang gaanong pagkaabalahan ang araw na ito, sapagka’t sa gitna ng malaking paghihirap ngayon ng mga pilipino’y hindi dapat mag-aksaya ng panahon at sapagka’t ang nais ng Pangulo ng ating Pamahalaan ay idaos ang kanyang kapanganakan na lubhang mapayapa at tahimik. Hindi dapat magliwa-nag ang Malakanyang, hindi dapat kumislap ang mga ilaw sa Malakanyang, hindi dapat magsaya ang Malakanyang at hindi dapat magkaroon ng anumang kaguluhan o sayawan, sapagka’t sa gitna ng paghihirap na tinatawid natin sa mga araw na ito, kinakailangang ang Pangulo ng Republika ng Pilipinas ay huwag magdaos ng anumang kasayahan palibhasa’y dapat niyang damdamin, dapat bathin at dapat yakapin ang kahirapang dinaranas at pinag-titiisan ng kanyang mga kababayan, kalahi at kadugo. Gayon man, kaya ako nayag na ipagdiwang ang araw na ito sa pamamagitan ng isang maliit na palatuntunan ay sapagka’t aking natalos na ito’y itataon sa kilusang ukol sa pagpapasagana ng pagkain sa pamamagitan ng pagbungkal sa mga lupa at pagtatanim ng mga halaman upang may maipantawid-buhay palibhasa’y hmdi tayo dapat umasa sa kahit kanino at hindi dapat maghintay sa idarating ng ibang bansa. Ang dapat nating asahan ay ang ating sariling lakas at ang sarili nating pagka-pilipino; dapat din namang itanim sa isip na ang ating katubusa’t ang ating kapalaran ay nasasa ating mga kamay sa panahong ito. Ito ang dahilan kung bakit ako’y nayag mga kababayan, na sa araw na ito y makapagdaos ng maliit na palatuntunan upang tumutok, tumawag, dumaing at humibik sa aking mga kababayan at sa kanila’y sabihing patuluin nila ang kanilang mga pawis, iwaksi ang anumang kaisipan, limutin ang pagkakahiwahiwalay, ang pagkakawatak-watak ng mga pilipino at nang sa ganitong paraan ay magkasamasama ang lahat, matanda at bata, lalaki’t babae, mayaman at mahirap. Patuluin nga natin ang ating katutubong pawis at harapin ang pagbungkal ng sarili nating kayamanan upang tayong lahat na mga pilipino ay mahirati sa pag-ibig at pagmamahal sa mga biyaya ng ating sariling lupain. Inuulit ko: upang tayong lahat na mga pilipino’y makapagtawid-buhay at makarating sa ninanais na mabuting kabuhayan, upang ang ating Republika at ang ating Kalayaa’y manatili ng buong panahon sa kaginhawahan at maipamana sa ating mga anak at sa mga anak ng ating mga anak. ay ito lamang ang ating dapat isipin at harapin. Inuulit ko rin: kung ang mga pilipino’y nagugutom at walang makain ay hindi dapat umasa sa mga dayuhan at sa mga tao ng ibang bansa na nangagsirating at naririto ngayon. Kinakailangang ang mga pilipino ay magsikap upang matuklasan ang mabisang pamamaraan sa ikapagkakaroon ng sariling kabuhayan sapagka’t ang taong umaasa sa lakas ng mga dayuhan at di gumagamit ng mga bisig sa pagpapayabong ng sariling kayamanan ng bayan ay hindi makararating sa kanyang paroroonan. Kaya mga kababayan, tinatawagan ko ang inyong mga puso, ang inyong mga damdamin, upang katulad ng sinabi ng ating Ministrong si G. Alunan ay tumulong tayo sa ating Pamahalaan, hindi lamang sa Maynila, kundi sa iba’t ibang lalawigan sa pagbungkal ng lahat ng ating mga lupain, upang ang mga lupaing ito ay matamnan ng mga halaman at nang sa ganitong paraa’y buhay tayong lahat at mabuhay ng payapa sa mahabang panahon. Kinakailangang tayo’y. magsamasama at magtulongtulong sa bagay na ito. Huwag kaligtaan ang sinabi ni G. Alunna ang lahat ng pinunong lalawigan ay siyang dapat gumawa ng lalong mabuting pangangasiwa sapagka’t sila ang natuturingang patnugot ng taumbayan. Upang ang mga lupain ay mabungkal at matamnan ng halamang ating mapakikinabangan, ay kailangan naman na ang mga pinunong-lalawigan at ang mga Alkalde sa mga bayan-baya’y magsisunod sa ipinag-uutos ng ating Pamahalaan. At hindi lamang ang mga alkalde kundi pati ng mga tininti sa baryo, pati ng mga guro, pati ng mga nagsisi-pag-aral sa mga paaralang-bayan at pati na ng ating Kalibapi at lahat ng pilipino, sapagka’t buo na ngayon ang paniwala ng lahat na ang kalubusan ng ating bayan ay nasa sa kamay lamang ng mga pilipino. Ang lahat nga ngayon ay aming tinatawagan na kami’y tulungan at damayan sa pagsisikap upang tayong mga pilipino’y mabuhay ng matatag, maitaguyod ang kahirapang ito ng mga taong nagpapakahirap sa bayan, dahil lamang sa hangad na ang ating Republika ay maging wagas, matibay at panghabang-panahon.

Mga kababayan, ang mabuting pilipino ay yaong naniniwala sa Maykapal at sumusunod sa mga banal na utos ng Santong Kautusan, yaong sa pagkilala sa isang Bathalang lumalang sa Sansinukob ay nagsasagawa ng ipinag-uutos Niyang pagmamahal sa ating mga magulang, sa ipinag-uutos Niyang pagmamahal sa ating sarili, katulad din ng pagmamahal sa ating mga kapuwa. Ipinagbabawal ang pagnanakaw at ang pag-ibig sa kayamanan na hindi pinamuhunan at hindi pinagpawisan, ipinagbabawal ng kautusan ang kusang pagpatay sa kapuwa tao; ang mga kautusang iyan ay dapat paniwalaan at sundin ng tunay na pilipino at tunay na kristiyano. Sumunod tayo, unang-una, sa pagkilala sa Maykapal, sa pagtupad sa Kanyang kautusan lalung-lalo na sa panahong ito ng ating paghihirap. Ang mabuting pilipino ay hindi lamang yaong kumikilala kay Bathala at tumutupad sa Kanyang mga kautusan, kundi lalong mabuting pilipino yaong taong naniniwala sa mga tagubilin at iniaral ni Dr. Rizal na nauukol, hindi lamang sa pag-ibig, pagkilala at pagsunod sa Maykapal, kundi sa pag-ibig at pagmamahal sa ating Bayang Tinubuan. Sapagka’t salamat sa Bayan. tayo ay may kayamanan, salamat sa Bayan, mayroon tayong mga kabunduka’t mga kaparangan, salamat sa Bayan, mayroon tayong mga ilog, mayroon tayong mga karagatan at salamat sa Bayan, tayo’y may pag-asa at tayo’y may kaluwalhatian. Ang mabuting pilipino ay hindi lamang yaong sumusunod at kumikilala sa Diyos at nagmamahal sa Bayan katulad ng Pagmamahal at pag-ibig ng ating Dr. Rizal, kundi ang taong, bukod sa umiibig at nagmamahal sa kanyang bayan ay kumikilala pa sa kapangyarihan nito at ang taong umiibig sa kanyang mga kababayan ng higit sa pagmamahal niya sa taong hindi niya kababayan. Kaya’t kung tayo’y tunay na pilipino ayon kay Apolinario Mabini, bagaman iniuutos sa atin ng Santong Dasalan na dapat mahalin ang kapuwa katulad ng pagmamahal sa sarili ay dapat alalahanin tuwi na na sa pagsunod sa kautusang iyan ay dapat ilagay ang pagmamahal sa kapuwa tao na hindi kababayan sa hulihan ng pag-ibig natin sa tunay na mga kababayan sapagka’t ang kababayan ay tunay na mga kapatid. Sa ganitong paraan ay hindi mapapawi ang dugong pilipino at, sa kahirapan at kaligayahan, ang dugong iyan ay siya lamang maaasahan ng bawa’t isa sa atin sapagka’t siya ang kauri at siya ang kapatid sa ngalan nina Rizal, Mabini, Del Pilar at iba pang mga bayani at sa katotohanan naman ay sila lamang ang tanging nararapat na magkabigkis at magkamahalan ng higit kay sa hindi kalahi at hindi kauri. Ang tunay na pilipino ay ang taong naniniwala sa Santong Dasalan na nagsasabing “ang iyong kakanin ay sa pawis mo manggagaling.” Ang mabuting pilipino ay ang naniniwala sa Santong Dasalan na nagsasabi rin namang “ang nagugutom ay pakanin, ang nauuhaw ay painumin at ang hubad ay paramtan.” Ang tunay na pilipino ay ang umaasa sa kanyang sariling lakas, ang naniniwala sa kabayanihan ng kanyang kalahi, ang hindi umaasa sa lakas ng mga dayuhan, ang naniniwala sa mga aral ni Rizal. Ang tunay na pilipino ay ang talagang nahahanda sa lahat ng oras, araw at gabi, sa lahat ng panahon, na maglingkod ng tapat, wagas at dalisay na paglilingkod sa kanyang bayan sapagka’t ito ang naging tuntunin ng ating mga bayani. Sa ganitong paniniwala ay ginagawa ng ating Pamahalaan ngayon ang lahat ng kaya upang ang ating mga lupain ay mabungkal at matamnan ng mga halamang sukat maipang-agdong buhay. Ipinag-uutos ito ng ating Pamahalaan, hindi upang makuha ang mga aanihin, hindi upang ipagbili at magkaroon ng pakinabang sa mga pananim, hindi. Kung sakali mang ang ginawa ngayon ng Pamahalaan ay ang pilit na pagbili sa mga bigas ay hindi sapagka’t ang nais ng Pamahalaa’y kalakalin ito at pagtubuan sa mga mamamayan, hindi. Ito ay ginagawa sapagka’t ang nais ng Pamahalaan ay matulungan ang mahihirap na walang kaya na makabili ng mga kailangan sa buhay sa mataas na halaga at mahadlangan ang mga panghuhuthot na ginagawa ng mga taong walang kaluluwa at sapagka’t kung ang Pamahalaan ay hindi gagawa ng paghihigpit sa bigas, ang mangyayari’y lalagumin ng mga may salapi at mawawalan ang mga taong walang naiipon na sukat ibili ng biglaan.

Kaya, mga kababayan, kung’ mayroong mga pilipinong walang ginagawa ngayon kundi ang tumingala sa himpapawid sa paghihintay sa mga aeroplanong amerikano na umano’y dara-ting upang magbigay ng kaluwalhatian na inyong inaakala, ang aking masasabi ay ito: sa halip na kayo’y palaging nakatingala sa mga aeroplano na baka ang dala pa’y hindi pagkain kundi bomba ng kamatayan ng mga pilipino at sa halip na mangalay ang inyong mga liig sa pagtingala sa itaas ay itungo ninyo ang inyong mga ulo at iyuko ang mga baywang, kunin ang mga patik, ang mga asarol at pala, atupagin ang natutunghang lupa at siyang bungkalin. Iyan lamang ang tunay na makapagbibigay ng kinakailangan natin upang tayong lahat na pilipino ay makatawid at makaligtas sa kasalukuyang kagipitan. Iyan ang dapat nating gawin, sapagka’t gaya ng nasabi ko na ay mahirap na tayong mga pilipino ay umasa sa tulong at lakas ng hindi kalahi, walang lubos na magmamahal sa mga pilipino kundi kapuwa pilipino rin. Kung inaakala ninyong sa pag’balik dito ng mga amerikano ay mamahalin tayo ng higit sa pagmamahal sa kanilang kapuwa amerikano ay nagkakamali kayo; kung inaakala ninyo na mamahalin ng mga hapong naririto ngayon ang kapuwa nating pilipino ng higit sa pagmamahal sa kapuwa nila hapon ay nagkakamali kayo; ang mga pilipino lamang ang maa-aring magmahalan at magdamayan hanggang sa kamatayan. Kung kayo’y umaasa sa pag-ibig at pagdamay ng mga taong hindi kalahi ay baguhin na ang inyong pag-aakala at kayo’y nagkakamali. Iyan ang dahilan, mga kababayan, kung bakit ang Pamahalaang ito ng Republika na batang-bata at may apat o limang buwan pa lamang ang gulang, na kung baga sa isang sanggol ay hindi pa kaya ang gumapang, nguni’y nagpipilit na makatayo, sa pamamagitan ng kanyang Gabinete ay nagsisikap na akayin ang bayan sa halip na siya ang akayin, at gumagawa ng lahat ng paraan upang mapanuto ang lahat ng bagay dito sa atin; dangan na nga lamang at may mga nangyayari na hindi na dapat sabihin pa sa pagsasalita kong ito sa inyo sa radyo.

Ang Kalayaan ngayon na ating tinatama sa ay bunga ng napakatagal na pagsasakit ng ating mga ninuno at ng ating mga magulang. Ang Kalayaang iyan ay katulad ng isang sanggol na ipinanganak ng ina sa gitna ng paghihirap. Ang isang ina’y nagmamahal sa kanyang anak, sapagka’t buhay at hirap ang kanyang pinuhunan. Hindi mamahalin ng isang ina isang anak kung siya’y hindi namuhunan ng malaking hirap at sakit, kaya nga ba’t sa munting kahirapan sa bahagya nang pagkalayo ng anak, ang isang ina’y tumatangis at pinaghihirapan ng loob Ang Kalayaan ay katulad din ng isang sanggol pimamuhunanan ng dugo, hirap at sakit ng pinagpalang ina, na dili iba’t ang Inang Pilipinas. Ang sanggol na ito na may apat o limang buwan pa lamang ay kinakailanang alagaan ng Inang Bayan, alalaong baga’y ng mga pilipino; huwag pabayaang mamatay sa gutom, huwag pabayaang mamatay sa sakit huwag pabayaang masugatan ang katawan sapagka’t maaaring ang batang ito na pinamuhunanan ng buhay at ng katakut-takot na hirap ng isang magulang ay magkasakit at mamatay, sayang ang pag-asa sa batang iyan na balang araw ay magiging malusog, magiging matalino at kaipala’y magiging isang Rizal.

Mga kababayan: ang kilusan sa pagpapasa-gana ng pagkain o dili kaya’y ang pagtawag sa mga pilipino na bungkalin ang mga lupa at pagbungahin ang mga halaman ay ginagawa bilang katungkulan, hindi lamang ng Pama-halaan, kundi ng lahat at bawa’t isang pilipino upang mabigyang-buhay ang nabanggit ko nang sanggol na dili iba’t ang KALAYAAN natin na batang-bata pa, at hindi lalago ang buhay kundi lumakas, dumakila at yumabong hanggang sa maging tunay, wagas at dalisay. Kung di magkakaganito ay masasayang ang pangarap ng ating mga bayani na pinamuhunanan ng katakut-takot na dugo, buhay at pagpapakasakit.

Sa wakas, mga kapatid at kadugo kong pilipino, nasabi na sa inyo ni Ministro Alunan na hindi natutulog ang inyong Pangulo at hindi natutulog ang mga kasamahan niya sa Pamahalaan, binabalikat nila ang lahat ng kahirapang dinaranas at maaari pang danasin. Ang tangi naming iniluluhog sa inyo, mga kapatid at mga kababayan, ay mangyaring tulungan ang Pamahalaan upang ang napakabigat na pasanin ay madala at maihantong sa gitna ng tagumpay. Ang tanging iniluluhog ng inyong kapuwa pilipino ay pagtibayin ang ating pag-kakaisa at pagkakabigkis, huwag magkawatak-watak, huwag nang tayu-tayo’y magpatayan, kundi bagkus magtulungan, hindi sa pagpapa-yaman, hindi sa pagpapadakila, kundi sa pagnanais na tayong lahat ay makapagtawid-buhay sa pamamagitan ng pagbungkal sa ating mga lupa.

At sa wakas ay salamat kay Mons. Guerrero alang-alang sa kanyang tapat na panalangin Maykapal na siyang pinagbubuhatan ng lahat ng Kapangyarihan at Kadakilaan, salamat kay Ministro Alunan sa kanyang pagpupunyagi na ang ating mga lupai’y matamnan at ang ating mga halama’y makapamunga, salamat sa kahali-halina’t magagandang kantahing inawit ngayon sa radyo alang-alang sa araw na ito. Ako’y umaasa na hindi kayo magpapabaya sa pagtulong sa ating Pamahalaan, lalung-lalo na sa natutungod sa pagbungkal ng ating mga lupa. Ako’y umaasa na sa tulong ninyong lahat at sa tulong ng Maykapal, sa pamamagitan ng pananalig sa sariling lakas ay mapagtatagumpayan natin ang lahat ng hirap na pinagtitiisan at ang ating bayan ay mapagiginhawa natin sa mga araw na hinaharap. Ako’y umaasa rin na sa ilalim ng Kapangyarihan ni Bathala ay mararating at maisasagawa natin ang lahat ng balak ng Pamahalaan na ang mga pilipino’y manatili sa katahimikan at mamuhay ng kung di man sagana ay di naman nagdaralita. Sa ganitong paraan, ang Republika ng ating Pilipinas ay mapalalago at mapatitibay at sa ganito ring paraan ay magaganap ang ating pangarap at pag-asa na itong Republikang ito ay maging wagas, tapat at dalisay na Republika.

Source: Office of the Solicitor General Library