Talumpati ng Kanyang Kadakilaang Jose P. Laurel, Pangulo ng Republika ng Pilipinas, sa “Manila Jockey Club” sa pulong ng mga pangulong pampurok, lider at mga ama ng tahanan ng mga Samahang Pangkapit-bahay, noong ika-25 ng Marso ng 1944, sa ganap na ika-5 ng hapon.

MAHAL NA ALKALDE, MGA KASAMAHAN, MGA KAPATID AT MGA KADUGO:

Ako’y naparito, bagaman hindi kabilang sa palatuntunang idinaraos ngayon, sapagka’t ibig kong sa manakanaka man lamang ay makita ko kayo at makita naman ninyo ako. Upang madama ng isang nanunungkulan sa pagka-Pangulo ng ating Republika ang kahirapan at ang kagutuman ng mga kababayan ay hindi siya dapat manatili sa Malakanyang sa pagbasa ng mga liham at mga kasulatan kundi kinakailangang malapit sa kanyang mga pinagpupunuan at nang sa ganito’y madama ang tunay na pangangailangan nila. Iyan ang dahilan kung bakit may dalawang araw lamang ngayon na lumipad ako sa Mindanaw at Kabisayaan: upang makita ko ang katayuan ng ating mga kababayan doon, madama ang kanilang kahirapan, at kung di ko man madulutan sila ng mga biyayang wala sa kamay ng ating Pamahalaan ay makapagbigay man lamang kahit paano. sa abot ng kaya, upang matulungan sa pagtatawid-buhay ang ating mga kapatid na tagaroon na kapuwa mga Pilipino. Pinagpilitan kong pumarito at makiisa sa pagkakatipon ninyo upang minsan pa’y buksan ang aking damdamin at sabihin ng tapatan ang aking iniisip. Ibig kong malaman kung sasang-ayunan ninyo ang hinihingi ko na mangyaring ako’y samahan hindi sa kagalingan ng sarili hindi sa ikapananatili ko sa katungkulan, hindi sa pagnanais na matanghal sapagka’t aking inuulit hindi ko hinangad kailan man ang maging Pangulo ng Repubiika. Ako’y nasa katungkulang hawak ko ngayon hindi upang dumakila at hindi upang magpayaman. Masarap kaipala ang maging Pangulo ng isang bansa o ng isang Repubiika kung mabuti at maluwag ang panahon kung sagana ang mga tao, kung ang mga kababayan ay hindi nagpaparatang na siya’y ginagamit lamang na isang kasangkapan ng mga taong dayuhan dito sa atin, nguni’t sa panahong ito na nagugutom ang bayan, walang makain ar walang bigas, ang maging Pangulo’y isang mabigat na pasanin, lalo pa’t ganitong napakarami ng mga dahilan sa di pagkakaintindihan di lamang ng mga Pilipino at ng mga tagaibang lupa kundi gayon din ng tunay na magkakabayang katulad natin at lalo na kung ating iisipin na marami pa sa ating mga kababayan ang kulang ng paniniwala sa nakatayong Republika. Sa ganang akin kung katahimikan ko lamang at katahimikan ng aking mga kaanak ang nanaisin, makalilibong matiwasay kung ako’y hindi Pangulo nguni’t ang katungkulang ito ay ipinilit na aking hawakan.

Buhat sa aking pagka-bata hanggang sa mga sandaling ito, ang aking kabuhayan ay isang aklat na bukas sa lahat. Ang tatlumpu’t liming (35) taon kong paglilingkod sa bayan ay sapat na upang ang marami sa inyo ay makatalos ng aking kasaysayan. Hindi ako ipinanganak sa higaang ginto at hindi rin ako pinainom sa sarong ginto. Nagbuhat ako sa pagkamanggagawa at animnapung sentimos (60c) lamang ang aking sahod sa sang-araw. sapagka’t ako’y naulila sa aking ama nang ako’y wawalong taon pa lamang, at ang aking ina’y nawalan ng pag-iisip dahilan sa pagka-balo. Salamat kay Bathala, sa aking pags’isikap at sa pagpupunyaging maging manananggol ay nakapag-aral sa Unibersidad ng Pilipinas. Marahil ay mayroon akong mga kasamahan dito na nakakaalam na ako’y naging pensiyonado sa Amerika, naging Pangalawang Kalihim na Panloob at naging Kalihim nito sa panahon ni Heneral Wood. Marahil ay natatandaan din naman ninyo ang mga nangyari sa amin ni Heneral Wood noong talikuran ko siya at mag bitiw dahil sa usapin ni Conley. Ako’y na ging Senador ng Ika-5 Distrito Senatoryal, katambal ko si Presidente Quezon sa purok na ito. Pagkatapos na mag-Senador. ako’y nahalal sa Asamblea Constituyente at isa sa mga lumagda sa Saligang-Batas ng Malasariling Pamahalaan, naging Mahistrado rin sa Kataas-taasang Hukuman, bilang pagkilala ng ating Pamahalaan sa aking paglilingkod at noong naririto na ang mga Hapon ay ginawa akong Kalihim ng Katarungan. Sa paniniwala ni G. Vargas na kailangan niya ang maging katulong ang isang lalaki at ang isang matalino na maaaring makapagsanggalang sa katwiran ng bayan at ng Lunsod ng Maynila, itinatag ang “Philippine Executive Commission” at ako’y ginawa ngang Kalihim ng Katarungan muna at pagkatapos ay Komisyonado del Interyor. Nang dakong huli ay hinirang akong Pangulo ng “Preparatory Commission on Philippine Independence” na siyang bumuo at lumagda ng Saligang-Batas ng ating Republika. Nang mapatatag na ang Republika ng Pilipinas ay ako ang pinilit na maging Pangulo. Gaya ng alam na ninyo, ang Republika natin ay napatatag sa gitna ng kasalatan ng ating bayan.

Ang isang taga-Palanyag ay pumupuri sa kanyang asin, ako naman ngayon ay parang nagbubuhat ng sariling bangko. Ipagpatawad ninyo sa akin ito. Sinabi ko lamang ang aking kabuhayan upang minsan pang malahad sa inyo ang kasaysayan ng aking pagkatao. ang aking panunungkulan sa loob ng tatlumput limang taon sa ating Pamahalaan at nang mapatunayan minsan pa na ang aking kabuhayan ay isang aklat na bukas na bukas at kung may isa man lamang sa inyo na maaaring makaturol ng aking dungis o kasalanang nagawa ko sa aking mga kababayan, o kaya’y pag-aping nagawa sa kapuwa Pilipino o ako’y nagpabaya at hindi nagtanggol sa karapatan ng bayan, inaanyayahan ko siyang magsalitang tapatan at sa harap ng bayan nang walang ano mang aalalahanin. Kung kaya taas ang aking noo at maliwanag ang aking mukha sa pagharap sa aking mga kababayan sa panahong ito ng pagkakahati ng mga Pilipino ay sapagka’t malinis ang aking budhi, sapagkat tapat ako sa aking mga pananalig. Kundi ganyan ay di ako makapangangahas na humarap sa bayan at sabihin sa kanila at ipagtapat ang aking iniisip, ang aking palatuntunan, ang isang tunguhing ibig kong pagdalnan sa bayan, at di rin naman ako makapangangahas na magsabi na di ko hinangad ang maging Pangulo ng Republika kundi ako ang hinanap upang sa aki’y ipilit na ito’y aking hawakan. Hindi lamang iya. Kung sa bagay ay maaaring ako’y tumakbo at tumalikod sa katungkulang ito, sa katotohanan kasama kami ni Presidente Quezon, dangan nga lamang sa hindi ko nalalamang kadahilanan naiwan kami at siya’y napalayo; maaari nga akong umiwas sa mga sagutin nguni’t kapag naaalaala ko ang aking mga kababayan kapag naaalaala ko ang aking ama na naglingkod sa Republika sa Malolos at gayon din ang aking mga amain na naging tenyente, koronel, heneral at iba pa, mga katungkulang hinawakan ng walang dungis bahagya man, at kung maalaala ko ang nangyari sa amin sa Dabaw sa aming ginawang pagpapatahimik sa mga kababayan doon na halos kami’y nalunod na lahat kasama sina Heneral Francisco at iba pa, ay di maamin ng aking sarili na sa harap ng mga nangyayari ay maghalukipkip lamang ng kamay. Sa paglalaro ko ng “golf” ay pinaputukan ako ng kapuwa Pilipino, nguni’t hindi ako namatay. Dalawang bala ang muntik nang magtuluy-tuloy sa aking puso; wika ng mga mediko ay naglagos sa loob ang mga punlo, nguni’t pagdating sa tapat ng puso ay pumaitaas at iginalang ang aking puso. Ipinalalagay kong inibig ng Maykapal na ako’y huwag pang mamatay, na ako’y magpatuloy sa aking paglilingkod sa bayan, na ako’y magpatuloy sa aking panunungkulan. Yayamang Maykapal na rin ang may kagustuhang maglingkod ako sa ating bayan ay naririto ako at hindi tumatalikod. At kung ang panunungkulan kong ito ay kinakailangang bayaran ng buhay at ako’y mariwara sa kamay din ng ating mga kapatid ay sisikapin kong masabi ko man lamang sa Maykapal sa pagharap ko sa Kanya na ang aking pagka-Pilipino’y ibinigay kong buo sa panunungkulan upang ang aking bayan ay dumakila at lumaya. Ako’y nakatindig ngayon upang ipagpatuloy at ipagtanggol itong ating Republika. Sa sinabi kong pagka-Pilipino, ibig sabihin ay tapatang itataguyod ko ang Republikang nagsasarili, bakit? Una-una, ako’y naniniwala na ang kalayaan natin, kundi man pinaniniwalaan ng ilang mga kababayan, ay isang hakbang upang marating ang tunay na kalayaan na pinangarap ng ating mga bayani; at ikalawa, ako’y naniniwala, bagaman nalalaman ko na marami sa aking mga kababayan ang nagpapalagay na ang Republikang nakatatag ngayon ay hindi pa tunay, na ang Republikang ito, ang kasarinlang ito, ang kalayaang ito, ay higit na mabuti kay sa Kalayaan at Kasarinlang ipinangako ng Estedos Unidos sa 1946 pa, sa batas na “Tydings-McDuffie.” Itatanong ninyo sa akin marahil ang dahilan. Paliliwanagan ko. Marami ritong makakagunita pa marahil sa “anti” at “pro.” Nilabanan ko si President Quezon, ang mga kasamahan ko ay sina Gg. Roxas, Aquino, Palma, Osmeña, Tirona at iba pa. Marahil, sa mga naririto ay may naniniwala na ang “Tydings-McDuffie Law” ay mabuti pa sa “Hare-Hawes-Cutting Act. Hindi ako naniniwala hangga ngayon sa bagay na iyan. Huwag ninyong damdamin ang pagtatapat kong ito, pagka’t iya’y nakaraan na. Sinasabi ko lamang ng tahasan upang liwanagin sa inyo. Alam na ninyo na sa “Hare-Hawes-Cutting Act” ay nasasabi na ang Kalayaan ay ibibigay sa 1946, nguni’t ang Estados Unidos ay patuloy na may karapatan sa pagkuha ng mga “Military and Naval Reservations.” Iyan ang hangad ng Amerika. Ito ay binago at sa nakalagay na “military and naval reservations” ay inalis ang salitang “naval” at ginawang “military and other reservations,” samakatuwid ay nadagdagan pang lalo. Nguni’t mahina kaming mga “pro,” wala kami sa kapangyarihan noon. Maging ano man ang mga kadahilanan, ang totoo ay natalo ang “pro.” Isa pa (tandaan lamang ninyo sapagka’t mayroon pang iba), sa “Tydings-McDuffie Law” ay nakatakdang ibibigay ang Kalayaan sa 1946 nguni’t ang Presidente ng Estados Unidos ay makikipagintindihan sa mga bansang Silanganin upang magkaroon ng tinatawag na “Neutral Treaty.” Ngayo’y itanong natin, tungkulin ba nila, na pagkabigay ng Kalayaan ay siya pang makipag-unawaan ukol sa “Neutralization Treaty” sa Hapon? Sa anu’t ano man ay naniniwala sila na kailangang magkaroon ng “Neutralization Treaty.” Samakatwid, ang Amerika na rin, sa pagbibigay ng Kalayaan sa 1946, sa pamamagitan ng “Tydings-McDuffie Law,” ay kumikilala na hindi magtatagal ang Kalayaan ng Pilipinas kundi igagalang ng Hapon sa pamamagitan ng nasabing tratado. Isa pa, hindi ba ninyo natatandaan na noon pang panahon ng Komonwels ay lagi nang sinasabi na sa pagbibigay ng Kalayaan sa Pilipinas ng Amerika ay kukunin tayo agad ng Hapon at madalas na ipanakot sa atin ang “Japanese menace?” Narinig iyan ng buong bansa. Ngayo’y sinasabi ko sa inyo na ang Kalayaan ngayon ng Pilipinas ay higit na mabuti kay sa Kalayaan sa 1946 na ipinangako ng Amerika sa “Tydings-McDuffie Law.” Walang sinasabi ang Hapon sa pagkakaloob sa atin na kukunin ang Bataan, ang Korehidor, o ano mang “Military Reservations.” Binigyan tayo ng Kalayaan na walang kasunduan ni pasubali. Katalamitam pa natin sila at naririto pa sila hangga ngayon, kaipala’y sapagka’t kinakailangan pa nila ang manatili rito. Ang mga Hapon, sa pagbibigay ng Kalayaan sa Pilipinas, ay walang nabanggit na ano mang “Neutral Treaty.” Ang mga Hapon na ang nagbigay, bakit makikipag-intindihan pa sa kanila? Kung ang Hapon ang nagbibigay ng Kalayaan, bakit pa ang Hapon ang kukuha at sisira sa Kalayaang iyan?

Tahasan kong sinasabi na huwag na tayong magtaksil sa ating sariling bayan, tayo na rin ang mapipinsala. Nagugutom na tayo ay tayo pa rin ang walang sariling tiwala sa ating mga kapatid. Ayokong bumalik dito ang mga Amerikano sapagka’t ako’y sumasampalataya sa kalayaang nasa mga kamay na natin ngayon. Isa pa, kung dumating dito ang mga Amerikano, halimbawa lamang naman, na sila’y makapag-ahong muli, ay sapilitang ang magiging larangan ng labanan ay itong bayan natin.

Ang aking pangamba ay lumaki, lubha pa nang makita ko ang Sebu at ang iba pang mga lunsod at pook na nangasira sa katimugan. Nagsiharap sa akin ang mga ulila’t mga balo na pawang walang mga damit, walang makain, walang asawa’t walang mga anak. Nalantad sa mga mata ko ang larawan ng mga kasawiang-palad doon. Naranasan natin ang kakilakilabot na mga pangyayari nang magkalabanan dito sa atin. Ito’y bukod pa ang sa Bataan na kaipala’y natatalos na ninyo at nakita ng inyong sariling mga mata. Kung dumating ba rito ang mga Amerikano, sa akala ba ninyo’y ibibigay ang Pilipinas ng Hapon nang gayun-gayon lamang? Maglalabanan. Sa paghahanda ng mga Hapon ng mga aeroplano at mga “airports” ay sapilitan silang mangangatawan; sa Sebu lamang, animnapung libong sundalong hapon ang naroroon na at handa na, kaya nga’t hindi ako naniniwala na pagdating ng mga Amerikano rito ay ibibigay na lamang ang Pilipinas ng mga Hapon. Maglalabanan at sa paglalabanan nila’y ano ang mangyayari? Sa aking pagka-Pilipino’y ayokong maulit pa uli na maging larangan ng digmaan ang ating bayan, ayokong magkamatay, magkahirap at magluksa pa ang marami kong mga kapatid na ibig mabuhay at ibig maglingkod sa bayang Pilipinas. Kung mayroon pang mga Pilipinong nagnanais na maging pook ng labanan itong ating bayan, ako, sa aking pagka-Pilipino, aking inuulit, ayoko nang dito pa magsagupaan muli ang mga Hapon at ang mga Amerikano, sapagka’t tayo ang mapipisanan, tayo ang mapipinsala. Hindi lamang iyan. Tayong mga Pilipino ngayon ay hindi nagkakaisa. Marami pa ang kulang ng paniwala sa Republikang ito at kaipala’y lalong marami ang nagpapalagay na ang Pangulo ay isang “puppet” at ginagamit lamang ng mga Hapon upang lupigin ang karapatan at katuwiran ng mga Pilipino. Marami pa ang nagnanais na bumalik ang mga Amerikano at sa kanilang paniniwala’y nasa kamay ng mga Amerikano ang katubusan ng Pilipinas. Kaya nga’t sinasabi ko na tayong mga Pilipino ay hindi nagkakaisa. Dito na rin sa Maynila ay mayroong mga “guerrilla” o kundi man mga “guerrilla” ay pumapatay ng kapuwa Pilipino Ang mga nasa lalawigan ay matapang sa kapuwa Pilipino, pagkakita sa mga Hapon ay nagtatakbuhan sa bundok, hindi naman makalaban Samakatwid, pagdating ng mga Amerikano and ang mangyayari? Bukod sa magiging “campo de batalla ang ating bayan sa paglalaban ng mga Amerikano’t Hapon, ililigpit ng mga Hapon ang mga Pilipinong katig sa mga Amerikano, sapagka’t sila ay kaibigan ng kanilang kaaway. Ang mga Amerikano naman, sa kabilang dako ay ililigpit ang mga Pilipinong inaakala nilang kakampi at tumutulong sa mga Hapon. Ang mga Pilipino naman, sapagka’t hindi nga tayo nagkakaisa, ay magpapatayan. Samakatwid ay magkakaroon ng patayan ang Amerikano laban sa Pilipino, ang Hapon laban sa Pilipino at ang mga Pilipino laban sa kapuwa Pilipino. Napakasungit na mga pangyayari sa bayan ni Rizal, Mabini, at Del Pilar. Ang Pilipino ang sapilitang mapupuksa at mapipinsala. Kung tayo ay lipol na, sapagka’t ang mga Amerikano’y papatay ng mga Pilipino, ang mga Hapon ay papatay ng mga Pilipino at ang mga Pilipino ay magpapatayan kapuwa, ano ang kasaysayan ng watawat na ito (itinuturo ang watawat ng Pilipinas) kung tayo ay lipol na sa bayang ito? Ano ang kalayaan na ating ipamamana sa ating mga anak at sa anak ng ating mga anak kung tayo ay ubos nang lahat?

Ngayon, mga kababayan, ano ang dapat gawin nating mga Pilipino? Tayong mga Pilipino ay walang magagawa, iyan ay maliwanag pa sa sumisikat na araw. Ngayon ay binigyan na tayo ng kalayaan ng Hapon, bibigyan din tayo ng kalayaan ng Amerika sa 1946 (ayon sa radyo ay binigyan na tayo). Samakatwid ay kapuwa sila nagbigay, o pauwa sila magbibigay. Kung ito’y totoo, bakit hindi tayo tumahimik? Bakit hindi tayo bumungkal na lamang muna ng ating mga lupa? Ang nararapat ay manahimik tayo, magtanim, magpatulo ng ating pawis, banatin ang mga ugat upang tayo’y makapagtawid-buhay. Huwag na tayong magpakahirap. Kahi’t sino man sa kanila ang naririto, Amerikano man o Hapon, bakit tayo mag-aaway? Ano ang ating pag-aawayan at pagkakagalitan? Ang nais ng mga “guerrilla” ay kalayaan, ang nais natin ay kalayaan, bakit pa tayo magbababag? Ang katungkulan ngayon ng mga Pilipino ay sikaping magkaroon ng makain at makapagtawid-buhay, ang katungkulan ng bawa’t Pilipino ay tumulong sa Pangulo at sa Pamahalaang ito upang magtagumpay ang kilusang ukol sa pagpapasagana ng pagkain. Magkaisa nga tayo at magtulung-tulong, hindi lamang upang makatawid sa kagipitan, kundi upang maging wagas at tapat ang kalayaang ninanais nating lahat.

Walang bigas sa Maynila. Nalalaman ko na ang magandang talumpati ay hindi makabubusog sa mga walang laman ang tiyan. Nalalaman ko na ang mga taga-Maynila ay hindi talumpati ang kailangan kundi bigas. Nguni t ibig kong maipaalaala sa inyo na ang katuwiran sa pagtatawid-buhay ng buong bansa o ng mga Pilipino ay hindi katuwiran lamang ng isang Pangulo, kundi ng lahat ng Pilipino. Sa aking pagka-Pangulo, hindi lamang ako Pagngulo sa Maynila kundi sa buong bansa. Ang katuwirang makapagtawid-buhay ay hindi lamang sa Maynila, kundi sa lahat ng mga bayan-bayan sa Pilipinas. Katuwiran ko, nguni’t lalong katuwiran ni Alkalde Guinto at ng mga iba pang nangangasiwa sa Maynila, at katuwiran ng bawa’t mamamayan sa Maynila ang gawaing ito. Ang katuwiran ng mabuting Pilipino ay hindi lamang ang pagtulong sa pagpasan ng mabigat na pasaning iyan ng Pangulo at ng Alkalde kundi ng lahat ng tao. Ang ating Pamahalaan ay gumagawa ng lahat niyang kaya. Ngayon ay hinihingi ang tulong ng mga “Neighborhood Association” o ng mga Samahang Pangmagkakapitbahay upang tumulong sila sa Pamahalaan at mapakain ang mga taong bayan, sapagka’t ito’y isang napakabigat na suliranin ng Pamahalaan. At ako’y umaasa na kayong mga taga-Maynila, yayaman din lamang ipinakikita ninyo ang lubos at marubdob ninyong nais na tumulong, kayong mga taga-Maynila ay makatutulong sa napakalaking suliranin ngayon. Nguni’t kung samantalang ang Pamahalaan ay gumagawa ng buong kaya sa pagtulong sa bayan at ang bayan ay hindi naman tutulong sa Pamahalaan, akin lamang pinaaalaala sa mga kapatid na hindi natin tatamuhin ang ating mga ninanasa. Hindi lamang kayong mga taga-Maynila ang naghihirap at kung makikita lamang ninyo ang mga kapatid nating nasa Sebu na wala nang mga damit, karamiha’y mga hubo’t hubad na halos, walang makain, ang mga Kostabularyo’y walang mga sapatos, walang damit at wala na ring makain, nguni’t patuloy sa paglilingkod sa Republikang ito, kung makikita ninyo sila, aking inuulit, ay di sasalang matutulad kayo sa akin na tumulo ang luha. Ipinagtatapat ko sa inyo na pagkakita ko ng lahat ng ito ay lalo namang sumigla ang aking nais na magpatuloy saking tungkulin sa paglilingkod sa Bayan. Naniniwala ako na iniibig ng mga Pilipino ang kalayaan ng ating bayan. Para sa akin ang Republikang ito ay mahal at dakila.

Sinasabi ng marami sa ating mga kababayan natayo’y pananggalang lamang ng mga Hapon; marami ang nagsasabi niyan. Bago ako magsalita sa bagay na ito, nais kong ibalita sa inyo nanoong araw ay sinabi sa akin na dapat nang magkaroon ng “conscription.” Hangga ngayon, sa aking pagka-Pangulo o pagka-Presidente ng Republika, wala pang masasabing “guerra” at wala pang masasabing “conscription.” Ang Pilipinas ay aking ipaglalaban, at ako’y sadyang maaring manguna, sapagka’t ang Kalayaan lamang ng Pilipinas at wala nang iba ang nais kong ipagtanggol. Ngayon, kung ang mga Pilipino’y ayaw magtanggol sa kanilang sariling lupa, ano kaya ang masasabi sa isang lahing ayaw magpakamatay sa kinamulatan? Duwag! Tayong lahat ay dapat magpakamatay kung kinakailangan at kung siyang nais ng ating Inang Bayan.

Mga kababayan, bago ako nagtungo sa Hapon, sapagka’t ako’y makalawang nagtungo roon, una’y bago itatag ang ating Republika at ikalawa’y pagkatapos na maitayo ito, ako’y dumalo sa Kapulungan ng “Greater East Asia Conference,” ako’y nagsalita at sinabi ko ang iniisip ko sa aking pagka-Pilipino. Sinabi ko na ang Kalayaan ng bawa’t bayan o bansa ay siyang una-unang dapat pagpasiyahan ng mga bansa na nagpadala rin ng kanikanilang mga sugo. Ang pagkalinga sa ating mga relihiyon, sa ating karangalan, sa ating pagka-Pilipino ay siyang dapat maging pasimula ng pag-uusap. Lahat ng iyan ay pinagtibay at naisagawa. Bago ako dumalo sa “Greater East Asia Conference,” natatandaan pa ninyo marahil, ako’y lumagda ng isang “amnistia.” Sa aking paniniwala sa kapangyarihang ipinagkakatiwala sa akin ng Saligang-Batas, at sa malaking nais kong tulungan ang ating mga kapatid sa pagtatayo ng bagong pamahalaan, ay sinabi ko sa Kataastaasang Heneral ng Hukbo ng Hapon dito sa Pilipinas na ako’y umaasa na sa pamamagitan ng isang “amnistia” ay magiging matatag ang bayan. Ito’y aking naisip pagka’t nasabi niya sa akin na lubhang marami pa ang gulo sa mga bayan-bayan at gayon din sa Maynila, kung kaya and Hukbo ng Hapon na tinatawag na mga “garrison” o “Military Police” ay hindi maaaring ialis at ilagay sa mga “Military Reservation” na gaya ng McKinley, Stotsenburg, at iba pa. Sinabi sa akin na kung masasagutan ko ang pagpapatahimik pagkatapos ng “amnistia” at kung makita na kaya na ng pamahalaang-bayan ang pangangalaga sa mga batas, ang mga “military police” at ang mga “garrison” ay ililipat na sa mga “Military Reservation” at sa ganitong paraan ay di na nila pakikialaman ang Pamahalaang Sibil ng ating Republikang nagsasarili. Nguni’t ano ang ginawa ng marami sa ating mga kapatid? Magsisisuko ngayon, pagkatapos ay lalabas uli. Ano ang nais nila? Itinago nila ang kanilang mga sandata hanggang sa makarating sa Maynila, walang anu-ano ay mayroong namamatay. Ang ating mga polisiya na rin ay hindi makapagbigay ng lunas sa ninanais nating katahimikan, tunay na katahimikan sa Maynila, lalung-lalo na sa mga lalawigan. Mayroon akong naging isang naturuan ng deretso sa “segundo año.” Nagpasalamat sa “amnistiang” aking nilagdaan o ipinagkaloob. Ayon din sa nakapagbalita sa akin ay nagpasalamat naman sa isang dako pagka’t dahil sa “amnistia” ay nakapagdala raw ng “armas” at nakapagpasok ng mga rebolber sa Maynila. Parang isang “tomadura de pelo” pa ang nangyari. At kung sa Maynila ay nangyari ang ganyan, ay saan di lalong nangyari sa mga lalawigan? Paanong maaaring ipakipaglaban ng inyong Pangulo sa mga Hapon ang ganyang mga pangyayari? Upang igalang nila ang inyong Pangulo kinakailangang makilala nila na ako ay tapat at hindi nagyayabang. Paanong masasabi ngayon ng inyong Pangulo, gaya ng aking naipangako bago nagtungo sa Hapon na maaaring magpakamatay ang mga nanunungkulan sa Pamahalaan ay sa Pamahalaan ang siyang una-unang mabuway ngayon? Ang inyong Pangulo ay hindi sangayon sa ginagawa ng mga Hapon na pakikialam sa pamamalakad ng Pamahalaan natin. Kung ang bayan ay tumutulong at naniniwala sa ating Kalayaan at sa Pamahalaang sarili. ang Pangulo ay nahahandang makipaglaban kung kinakailangan upang ang katuwiran ng mga Pilipino ay mapagpilitang maging tunay at ang mga anak ng bawa’t Pilipino ay mabuhay ng gaya nang nararapat at nang maipagpatuloy nila ang katungkulan natin sa bayan. Kaya, mga kababayan, tulungan ninyo ako. Katulad ng sinabi ko na sa inyo, na kung sa ganang akin lamang ay hindi ko ibig ang magpatuloy sa mahirap na gawaing ito, mahirap sa mga Pilipino, mahirap sa mga “guerrilla” at mahirap sa lahat.

Nguni’t katulad ng nasabi ko na rin,……………. na magmahalan tayo, magtulung-tulong tayo sa kahirapan at sa kaligayahan; huwag masira ang ating loob sa pananalig sa Maykapal na hindi nagpapabaya sa mga puno at sa mga tapat sa paglilingkod sa Pamahalaan, sa pagtupad sa utos, pagtatapatan at pagtutulungan dahil sa bayan, at sa ganitong paraan, sa araw-araw at bawa’t linggo at sa taun-taon, kung binibigyan pa tayo ng buhay, magpapatuloy ako at tayo at sasamahan ninyo ako upang marating natin at maipaglaban ang ating Kalayaan sa gitna ng kahirapan at kagutuman at upang ang katigasan ng ating puso sa ating kapanahunan, sa ating pagka-Pilipino at sa ating pagkalalaki ay huwag masabi at huwag masambit man lamang sa kasaysayan na tayo ay naduwag sa paglilingkod ng tapat sa Bayang Tinubuan. Ako’y naniniwala’t umaasa, na kung ako at ang aking mga kasamahan ay kulanging palad na walang maituro, na isang sagisag, isang biyaya at isang aral na dakila sa bayan ay maaaring sumbatan kami at tanungin nang ano ang inyong ipamamana sa iyong mga anak at sa anak ng iyong mga anak kung sa kasaysayan ng ating bayan ay maging duwag kayo sa pagtupad ng inyong mga tungkulin? Ako’y umaasa na maaari tayong maglingkod at maaaring maisulat ang ganito sa kasaysayan ng ating bayan na sa gitna man ng kagutuman at kahirapan ng mga Pilipino ay lilimutin natin ang pagkakahiwahiwalay, ang pagkakawatak-watak at sa huli ay magkakasama-sama tayo at maitatatag natin ang nais na maging tunay at wagas na Republika.

Salamat sa inyo ng marami, hanggang sa araw na kakailanganin ninyo ako uli upang makapagsalita sa inyo.

Source: Office of the Solicitor General Library