Bago pa ang panahon ng mga Español, mayroon nang mayamang lawas ng panitikan sa Pilipinas. Nang mga panahong iyon, karaniwang binibigkas ang panitikan o ipinapasang salimbibig sa halip na nakasulat. Ang prekolonyal na panitikan ay isang gawaing pangkomunidad, isang pagtitipon-tipon ng pamayanan, at isang pinagsasaluhang ritwal.

Ang mga impormasyong ito ay mula sa Komisyon sa Wikang Filipino na hinango mula sa Sagisag Kultura ng National Commission for Culture and the Arts.

MapLanguage

LUZON / VISAYAS / MINDANAO / UMIIRAL SA TATLONG KAPULUAN

LUZON

ambáhan (1981, Mangyan, Mindoro)

 

Nabanggit ni Fray Ignacio Francico Alcina (1668) ang ambáhan bilang isa sa mga sinaunang anyo ng pagtula ng mga Bisaya. Walang dagdag na impormasyon si Alcina. Ngunit naging popular ngayon ang ambáhan dahil kay Antoon Postma at sa kaniyang saliksik sa buhay at kultura ng Hanunoo Mangyan sa Mindoro. Naglabas pa ng isang aklat na koleksiyon ng mga tulang Mangyan si Postma (muling nalathala 1981). Alinsunod sa paliwanag at mga halimbawang tula, ang ambáhan ay isang katutubong anyo ng pagtula ng mga Hanunoo Mangyan at may sukat na pipituhin ang bawat taludtod. Regular ding may tugma ang bawat dalawang magkasunod na taludtod, bagaman walang tiyak na bilang ng taludtod ang bawat magkakatugmang mga taludtod. Wala ding tiyak na bilang ng mga taludtod. May ambáhang tatlo lámang taludtod ngunit may ambáhang umaabot sa 20 taludtod. Binibigkas/inaawit ang tula para sa isang okasyon, mula sa ganitong halimbawa sa mapagbirong pag-aalaga ng batà:

Kaw danga maglumi
Kita madnugan kuti
Kuti gin sa siyangi
Mag-ingaw magyangyangi
Kita ud may ibawi
Kantam bangkaw nabari
Kita utak nalumbi.
Huwag ka ngang umiyak
Bakâ magising ang pusa
Pusang mula pa sa siyangi
Ngumiyaw at mag-ingay
Wala kitang pambugaw
Sibat natin ay nabali
Itak natin ay nabingaw.

Hanggang pangingibig, pagtatrabaho, at paglalarawan ng kanilang daigdig. Hitik ito sa talinghaga, gaya ng sumusunod:

Tigday na nawa naw-an
Tigdayan sa daramgan
Bag-o tigday sa kaywan
Siyan nga panmanlangan
Sa kiling sa kawayan.
Ang tabak kung bago pa
Ikiskis sa hasaan
Itaga sa kakahuyan
At sakâ ito subukan
Sa pagkayas ng kawayan.

Tula ito hinggil sa edukasyon ng kabataan. Inihambing sa tabak ang mga karanasang kailangang matutuhan at pagdaanan ng kabataan upang higit na maging kapaki-pakinabang sa lipunan.

daglî

Tinawag na daglî ang mga kuwento na mabilisang sinusulat at inilalabas sa mga babasahin noong panahon ng Amerikano. Malimit na mapagpatawa ang mga ito, ngunit may nagpapahayag ng matapang na pamumunáng pampolitika. Marami din ang itinuturing na pasingáw sa Tagalog dahil nagpapahayag lámang ng pagsinta. Katumbas ito ng tinatawag na rápidá, instantanéa, o rafága sa Espanyol.

Ang unang nalathalang makabuluhang daglî ay ang “Maming” sa wikang Sebwano ni Vicente Sotto na nalathala sa Ang Suga noong 16 Hulyo 1901. Nagtataglay ito ng makirot na gunita sa abuso ng mga fraile noong panahon ng Espanyol. Inilarawan ni Sotto ang lubhang pagiging masunurin ng magulang ni Maming sa mga alagad ng simbahan at nagwakas sa pagkakaroon ng anak ni Maming sa isang fraile.

Gayunman, dahil marami at mas malimit ilathala ang diyaryo sa Maynila ay higit na maraming daglîng nalathala sa Tagalog at sa Espanyol. Sa ganito nagsanay sa pagsulat ng maikling kuwento si Deogracias A. Rosario, itinuturing na “Ama ng Maikling Kuwentong Tagalog,” at ang halos lahat ng unang kuwentista sa panahon ng Amerikano. May mga dagli na sinulat sa Espanyol at katulad ng “Maming” ni Sotto ay nagtataglay ng mga katangian ng isang maikling kuwento.

dalít (katagalugan)

Sang-ayon kay Fray Gaspar de San Agustin (1703), ang dalít ang isa sa dalawang pinakapopular na anyo ng matulaing pahayag sa buong Katagalugan. Ang isa pa ay ang talingdáw na isa diumanong tulang dramatiko at inaawit nang sagutan. Ngunit sa dalít “ipinahahayag ng mga Tagalog ang kanilang matatayog na kaisipan at mabibigat na damdamin.” Sa pamamagitan ng mga halimbawa ni San Agustin at ibang dokumento ay lilitaw na may isang tiyak na anyo ang dalít. Isang tula ito na maaaring mabuo sa isang saknong, gaya ng tanága at diyóna, at binubuo ng apat na taludtod na may sukat na wawaluhin ang bawat taludtod. Narito ang isang mapagpatawang dalít noon:

Isda akong gagasapsap,
Gagataliptip kalapad,
Kaya nakikipagpusag,
Ang kalaguyo’y apahap.

Totoong popular ang dalít dahil nakasulat sa anyong ito ang mga unang nalathalang tula sa panahon ng mga Espanyol. Isang mahusay na makatang misyonero, si Fray Pedro de Herrera, ang naglathala ng isang koleksiyon ng tula noong 1645 at tinawag niyang mga “dalit” ang 185 saknong na mga tula tungkol sa kamatayan at pag-akyat sa Langit. Marami sa mga patulang awit na panrelihiyon ang gumamit ng saknungang dalít, gaya ng “Panunuluyan” kung Pasko at “Pangangaluluwa” kung Todos los Santos. Ang awit sa huwégo de prénda kung lamayan ay gumagamit ng anyong dalít, gaya sa sumusunod na koro:

Sa Diyos natin ialay
Kaluluwa ng namatay;
Patawari’t kaawaan
Sa nagawang kasalanan.

Ito rin ang anyo ng saknong na ginamit sa pasalaysay na korído. Sa kasamaang palad, pagdating ng ika-19 siglo, higit na naging popular ang naturalisadong sukat na lalabindalawahin na ginamit sa pasalaysay na awít, gaya sa Florante at Laura ni Balagtas. Bihira na ang gumamit ng anyong dalít sa mga makata ng ika-20 siglo.

dállot (Ilokano)

Bahagi ng tradisyong oral ng mga Ilokano ang dállot, isang uri ng paawit na sagutan. Sa ilang bayan, binabaybay itong dal-lot o kayâ dalot. Maaaring dalawa o higit pang mannallot ang maging bahagi ng isang dallot. Isinasagawa ang dallot upang magkaroon ng mas masaya at nakalilibang na sandal ang mga nagsisipagtipon. Karaniwang paksa ng dallot ang pag-ibig ng dalawang tao, karanasan ng táong hindi nasuklian ang pag-ibig na ibinibigay sa kaniyang kasintahan o kayâ’y pag-ibig na hinding-hindi maabot. Sinisimulan ang bawat dallot sa mga linyang

A, ta, dumadallot
A, ta dallot, duminidallang

at sinusundan na ng panimulang pagbati ng mannallot bago niya ipakilála ang paksa.

Isa sa mga naidokumento at napanatiling buháy na dallot ang Dallot ti Pangasasawa (dallot ng pag-aasawa). May apat itong bahagi: ang pauli (panliligaw), panangdarakdek ken panang-galot (pamamanhikan), panang-ikamen (ritwal sa banig) at pammagbaga (paggabay). Sa unang dalawang bahagi ng dallot, ipinapakita ang imahen ng isang tandang na gustong ligawan ang inahin. Sa pauli, iniimbitahan ng pamilya ng babae ang pamilya ng lalaki sa bahay. Iinom ang dalawang pamilya ng basi bago magsalita ang representante ng lalaki sa hangarin nitong maging asawa ang babae. Magpapasubali ang pamilya ng babae na ibibigay lámang ang kamay kanilang kamag-anak kung makapagbigay ng mga regalo ang pamilya ng lalaki. Sa dallot na ito, ang tono ng mga mannallot ay seryoso o kayâ’y malungkot. Sa susunod na pagkikita, isinasagawa ang panangdarakdek ken panang-galot at humihingi ng paumanhin at tawad ang pamilya ng lalaki dahil bigo nitóng maibigay ang mga hiniling ng pamilya ng babae. Magpaparinig ang pamilya ng babae sa nagawang pagkukulang at sa mga linyang ito, naipaparamdam na ng mga mannallot ang tonong pabiro at mas magaan na pakiramdam kaysa seryoso at kalkuladong tono ng naunang bahagi. Tatanggapin ng pamilya ng babae ang regalong bigas, bulak, niyog at bao ng niyog. Kapag tinanggap na ng pamilya ng babae ang mga alahas na ibinigay sa kanila ng pamilya ng lalaki, tanda ito na magkatipan na ang ang dalawa. Matapos ang kasal at kainan, isinasagawa ang ikatlong bahagi ng Dallot ti Pangasasawa, ang panang-ikamen. Sa nasabing bahagi, inihahayag ng babae ang kaniyang naisin na maprotektahan ang pamilyang sisimulan nilá ng kaniyang asawa. Matapos nitó, tatanggapin ang mga bagong kasal ng kanilang mga pamilya. Nagkakaroon din ng dallot hinggil sa hindi kanais-nais na ugali ng mga bagong kasal. Isa itong masayá at nakatutuwang bahagi kapag pinasasaringan ang masasamâng ugali at itinutulad sa mga bulaklak na walang amoy, lupang tigang, at iba pa. Sa hulíng bahagi ng dallot, ang pammagbaga, nagbibigay ng payo ang matandang babae at lalaki sa bagong kasal. Hábang isinasagawa ang mga dallot, maaaring sabayan ito ng sayaw na tinatawag na arikenken.

kumintáng (Tagalog region, Batangas)

Ang kumintáng ay sinasabing isang sinaunang awit at sayaw pandigma ng mga Tagalog na nagmula sa mga lugar na kung tawagin noon ng mga misyonerong pari ay Kumintang—kilala ngayon bilang Batangas. Gayun­man, sari-sari ang ulat at pakahulugan sa salitâng ito.

Pagdating ng siglo 19, inilarawan na ito ng mga manlalakbay bilang sayaw at awit ng pag-ibig. Sinasabing isa itong sayawing pantomima na nag­tatampok ng pagpapapansin ng lalaki sa babae at pagpapanggap niyang may sakit upang makuha ang atensiyon ng babae. O kayâ naman ang sayaw ng lalaki at babae na may hawak na sisidlan ng tubâ ang hulí. Sa siglo 20, tinawag ng Pambansang Alagad ng Sining Francisca Reyes-Aquino na kumintang ang pagpapaikot ng kamay at galang-galangan. Tinutukoy rin ng kumintang ang isang estilo ng pagtugtog ng gitara na sumasaliw sa pandangguhan at kundiman.

salidúmmay (Kalinga)

Ang salidúmmay, maaari ding salidomay o salidumay, ng mga Kalinga ay awiting-bayang nagpapahiwatig ng masayáng pagbatì sa panauhing dumalo sa kasal o anumang masayáng okasyon. Narito ang isang buong teksto:

Dang dang-ay si Dong-ilay
Insinali dumma-ay
Dang dang-ay si Dong-ilay
Insinali dumma-ay
Kablaaw iyebkas mi
Dagup yo kabodong mi
Naayat ay umili
Nanlapo ad Mangali
Boliney na ili mi
Kan dakay mansangaili
Kappia, talna iyawat mi
Manbiag na dua ay ili
Manpukay guranggurra
Pinnatoy manpatingga
A-anak man-a-asawa
Takod panagkaykaysa
Sapay koma kan ni Kabunian
Losan inna bendisyonan
Ta adi mayaw-awan
Intay nantutulagan

Maaari rin itong awitin bilang pamamaalam ng kalalakihan sa mga dalaga matapos ang isang pagdiriwang o awitin para sa pakikipagkasundo.

tagulayláy (katagalugan)

Ang tagulayláy ay isang matandang awit ng kalungkutan sa Katagalugan, karaniwang inaawit nang isahan at walang saliw. Maaari rin itong tumukoy sa isang uri o estilo ng pag-awit na: (a) may monotonong himig na nagpapahayag ng dalamhati sa isang namatay; (b) awit ng pag-ibig na may matamis ngunit malungkot na himig; (c) saéta o iyong himig na ginagamit sa pabasa; o (d) pakatal na bokalisasyon sa pag-awit.

Sapagkat walang tiyak na halimbawa ang mga saliksik hanggang sa kasalukuyan, may haka na isang pangkalahatang tawag ito sa awit na nagpapahayag ng matinding kalungkutan. May haka rin na taglay ang musika at diwa nitó ng naging popular na kundiman nitóng ika-19 siglo.

talingdáw (Tagalog)

Si Fray Gaspar de San Agustin (1703) ang unang gumawa ng pagsusuri sa pagtulang katutubo ng Filipinas, at bahagi ng ulat niya ang talingdáw bilang isa sa dalawang pinakapopular na anyo ng tulang Tagalog. Ang dalît ang ikalawa. Sabi ni San Agustin, ang talingdáw ay “dramatiko,” dahil inaawit ng isa ang isang saknong at sinasagot naman ng isa pa sa pamamagitan ng isang estrebilyo. Ang malungkot, hindi nakapagbigay ng halimbawa si San Agustin hinggil sa kaniyang inilarawang dramatikong tula. Gayunman, mahihinuha na ang ibig sabihin niya ng “dramatiko” ay kaugnay ng pangyayaring binibigkas o inaawit ang talingdaw ng dalawa mo mahigit pang tao. Mahalaga din ang banggit niya sa estrebilyo (estrebillo), na isang katawagang Espanyol para sa inuulit-ulit na saknong o mga taludtod sa loob ng isang tula. Kahawig ito ng refrain sa mga anyong balada.

Inulit ni Fray Joaquin de Coria (1872) ang pagsusuri ni San Agustin sa panulaang katutubo. Gayunman, isang naidagdag niya ang impormasyon hinggil sa talingdaw. Sa pamamagitan ng isang awit pansimbahan noong ika-19 siglo ay naipaliwanag niya ang estruktura ng talingdaw na binubuo ng isang pangunahing bahaging solo at isang kasalit na bahaging estrebilyo na tinatawag diumanong pabinìan—ang katutubong katawagan natin para sa refrain. Matatagpuan din ang salitâng ito sa matandang bokabularyo nina Noceda at Sanlucar. Sa gayon, ang talingdaw ay isang anyo ng tula o awit na kahawig ng baladang Kanluranin ang estruktura, may pangunahing bahagi para sa nag-iisang mambibigkas/mang-aawit at may sumasalit o sumasagot sa pamamagitan ng inuulit-ulit na pabinian. Ang pabinian ay maaaring isagawa ng isang tao o sa paraang maramihan (katulad ng “koro”).

LUZON / VISAYAS / MINDANAO / UMIIRAL SA TATLONG KAPULUAN

VISAYAS

ambáhan (1668)

 

Nabanggit ni Fray Ignacio Francico Alcina (1668) ang ambáhan bilang isa sa mga sinaunang anyo ng pagtula ng mga Bisaya. Walang dagdag na impormasyon si Alcina. Ngunit naging popular ngayon ang ambáhan dahil kay Antoon Postma at sa kaniyang saliksik sa buhay at kultura ng Hanunoo Mangyan sa Mindoro. Naglabas pa ng isang aklat na koleksiyon ng mga tulang Mangyan si Postma (muling nalathala 1981). Alinsunod sa paliwanag at mga halimbawang tula, ang ambáhan ay isang katutubong anyo ng pagtula ng mga Hanunoo Mangyan at may sukat na pipituhin ang bawat taludtod. Regular ding may tugma ang bawat dalawang magkasunod na taludtod, bagaman walang tiyak na bilang ng taludtod ang bawat magkakatugmang mga taludtod.
balak (Cebu, Leyte, Bohol, Samar)

Ang balak ay isang salitâng Sebwano at tumutukoy sa anyong tula. Maiuugnay rin ito sa mismong kahulugan ng pagtula na isang plano o pagbabalak tungo sa paghahabi ng mga konsepto at idea. Pinakaubod ng balak ang tanghaga na katumbas ng talinghaga sa mga Tagalog. Nakapalaman sa matatandang balak ang pinagsasaluhang mga karanasan at kahulugan ng mga Sebwano.

Sa bahagi ng Leyte, Samar, at Bohol, ang balak ay isang tradisyonal na pagtatalong patula. Si Pangulong Carlos P. Garcia ay isang batikang mambabalak bago naging politiko. Sinasabing bahagi ng kaniyang popularidad sa mga botante ng Bohol ang kaniyang pagiging makata.

balítaw (Cebu)

Ang balítaw ay isang tradisyong Sebwano. Ito ay kombinasyon ng awit, sayaw, at debate ng lalaki at babae. Isang tagisan ito ng husay sa musika at katwiran. Ang debate ay karaniwang umiikot sa paksang pag-ibig.

Ang sayaw ay karaniwang nagsasadula ng pag-aalay ng lalaki ng bulaklak sa napupusuang babae. Ang pagtanggap ng bulaklak ay tanda ng pagsang-ayon ng babae sa iniaalay na pag-ibig sa kaniya.

Sinasabing nagmula pa sa sinaunang tradisyon ang balitaw, bago pa man dumating ang Espanyol sa kapuluan. Ito ay ginaganap tuwing may kasayahan at iba pang mga pagdiriwang. Sa pagdaraos ngayon ng balitaw, karaniwang sinasaliwan ito ng gitara o arpa. Lalaki ang tumutugtog ng gitara hábang idinaraos ito.

Ang balitaw ay isinusulat sa tunugang mayor at menor. Ang balitaw sa tunugang mayor ay karaniwang nása estruktura at katangiang Europeo. Sa tunugang menor naman, ito ay umampon ng ritmong Espanyol na tinatawag na bolero.

Ang balitaw ay tumutukoy rin sa isang uri ng estruktura ng likhang musika ng Tagalog. Isinusulat ito sa batayang kompás na 3/4. Ginagamit din ito bilang indikasyon ng bilis sa mga likhang musika ng mga klasikong kompositor. Halimbawa, ang “Arimunding-munding” nina C. Reyes at J. Benasa, at ang “Bakya Mo Neneng” nina Levi Celerio at S. Suarez ay nása tiyempong balitaw. Samantala, ang “Dalagang Filipina” nina J. Santos at Jose Corazon de Jesus at “Larawan” ni Francisco Buencamino ay nása pormang balitaw.

Narito ang isang halimbawa ng balitaw mula sa rehiyong Tagalog:

Inday, Inday sa balitaw
Batang nabalian,
Kahoy na sariwa,
Saging na nilaga,
Kinuha sa lungga,
‘Binabad sa suka,
Gamot sa sikmura.
Neneng, Neneng sa balitaw
Kahoy nakahapay,
Sandok nakasuksok,
Siyansing nabaluktot,
Palayok nakataob,
Sinigang na matabang,
Kulang sa sampalok.
hurubaton (Hiligaynon)

Sa katutubong panitikan ng mga Hiligaynon, tumutukoy ang mga hu­rubaton (o minsan ay hulubaton) sa mga salawikain o kasabihan. Karani­wang binubuo ang isang hurubaton ng dalawang linya at magkakatugma ang mga dulong tunog ng mga ito. Sa mga nalikom na kuwentong-bayan ng mga Hiligaynon, madalas na nakapaloob dito ang mga hurubaton bilang linya na nagsasabi o nagpapahiwatig ng aral o saysay ng salaysay. Noong unang panahon, inaawit o binibigkas ang mga hurubaton upang ipaalala ang mga kaugalian at hálagáhang kailangang panatilihin o pangalagaan ng taumbayan. Sa kasalukuyan, tumutukoy na rin ang salitang hurubaton sa lahat ng sawikain o kasabihan sa Hiligaynon, katutubo man o makabago.

Mga halimbawa ng hurubaton ang sumusunod:

Ang tao nga wala sing pilak,
Daw pispis nga wala sing pakpak.
(Ang taong walang salapi
Ay parang ibong walang pakpak.)

Ang tao nga malikaya,
Sa katilingban gina-amuma.
(Ang taong mabuti
Ay tinatanggap ng lahat.)

LUZON / VISAYAS / MINDANAO / UMIIRAL SA TATLONG KAPULUAN

MINDANAO

baléleng (Samal, Sulu)

 

Ang baléleng ay isang awitin ng pag-ibig mula sa Samal, Sulu. Mula ito sa salitâng “leleng” na nangangahulugang “sinta.” Isa itong awiting mabagal at malungkot tungkol sa isang lalaking namamaalam sa kaniyang iniibig dahil aalis siyá ng Sitangcay papuntang Sibutu hábang nangangakong magbabalik muli. Nagkaroon ng sariling bersiyon ng kanta si Max Surban noong dekada 70 at pinanatili ang isang saknong ng orihinal na awitin:

Pila na baleleng, layu-layu Sitangkay baleleng pasibutu
Bangkaw bunnal baleleng matuyu
Urul kaw baleleng pamalayu.

Maraming ibang bersiyon ang awit bagaman gumagamit ng iisang himig.

daman (Tausug)

Ang daman ay isang payo o talumpating patula ng mga Tausug na karani­wang ginagamit sa panliligaw at bilang bahagi ng ritwal ng kasal. Sinauna ang uri ng wikang ginagamit sa daman kayâ hindi na ganap na naiintindihan sa kasalukuyan. Karaniwan ding naglalaman ng mga salawikain o masaal­la ang daman. Sa pamamagitan ng daman, naipapahayag ng manliligaw ang kaniyang damdamin sa isang magálang at matalinghagang paraan. Madalas ding may palitang nagaganap sa panig ng mga nagliligawan at sa panig ng mga kasapi ng pamilya nilá. Halimbawa, maaaring magpahayag ng daman ang isang binatang umaaligid sa bahay ng nililigawan. Sasa­lubungin siyá ng ama ng nililigawan kaya kailangan niyang ipahayag sa pamamagitan ng tula ang kaniyang nararamdaman sa nililigawan. Habang tumutula ay maaaring lumabas ang dalaga upang makipaglitan sa kaniya ng matatamis na salita.

Halimbawa ng isang daman ang sumusunod:

Kaddim alua hi dua
Magsailu kita alua
Alua mumari kaku’!
Alua ku mattun kaymu,
Bang adlaw aku in ha atay mu
Bang dum aku in ha mata mu
Iya Mikail, iya Sarapil, iya Gibrail, iya Muhammad
Pasabisabilra niyu aku
Katua niyu kaku’ hi (ngan sin babae). Pukawa!
Barakat Laillahailqulla
Barakat duwa Muhammad Razurulla.

(Magkakabit ang ating mga kaluluwa.
Magpalitan tayo ng kaluluwa,
Mapupunta sa akin ang kaluluwa mo;
At ang sa akin ay pupunta sa iyo.
Sa araw, nasa puso mo ako.
Sa gabi, nasa mata mo ako.
O, Mikail, O Sarapil, O Gibrail, o Muhammad,
Inaaanyayahan ko kayong
Pumunta kay (pangalan ng babae). Gisingin siya!
Sa biyaya ng Maykapal!
Sa biyaya ni Muhammad!)

darangën (Meranaw/Maranao)

Ang darangën ay salitâng Mëranaw at pangkalahatang tawag sa kanilang pag-awit. Ngunit naging pamagat itong Darangën sa napakahabàng epikong-bayan ng mga Mëranaw. Ang guro at misyonerong si Frank Laubach ang unang nakapagtalâ at nakapaglathala ng Darangën noong 1930. Nakuha niya ang epikong-bayan hábang nakasakay sa barko kasáma ang may 35 Mëranaw. Hábang nagbibiyahe, kinanta ng mga kasáma niya ang Darangën maghapon. Nang dumaong ang sinasakyang barko, naghanap si Fr. Laubach ng mga táong may kakayahang kantahin ito. Ayon sa mismong talâ niya, inaabot nang halos 11 oras ang pagkanta nitó. Kalahati lámang ang naisalin niya sa Ingles.

Si Bantugën (o Bantogën), kapatid ng hari ng Bëmbaran (o Bumbaran), ang pangunahing tauhan ng Darangën. Hinahangaan siyá sa tapang at lakas. Sa isang bahagi ng epikong-bayan, hinarap niyang mag-isa ang isang hukbong lumulusob sa kaharian hábang nakasakay sa kaniyang mahiwagang kalasag. Sa kasalukuyan, may 17 bahagi ng Darangën ang nasaliksik na at nailathala. Ilan sa mga naidokumentong episodyo ang Ang Unang Pinuno: Diwata Ndaw Gibon ng Illiyan a Bëmbaran, Ang Kuwento ni Madali, Paano Namatay si Bantogën sa Ilalim ng Bundok sa Tabing-Dagat, Paano Bumalik si Bantogën mula Langit, at Ang Labanan sa Bagombayan.

gindaya (Bagobo, timog Mindanao)

Ang gindaya ay isang tulang inaawit sa ginem/gin-em/ginum, ang pinakadakila sa mga seremonya ng mga Bagobo. Ang mga Bagobo ay isang pangkat-etniko sa timog Mindanao, at naninirahan sa baybayin ng Golpo ng Davao hanggang sa Bundok Apo.

Idinadaos ang ginem tatlo o apat na buwan matapos lumantad ang konstelasyon ng pitóng bituin, ang Balatik, at kapag bago o kabilulgan ang buwan. Tumutukoy ang ginem sa seremonyal na pag-inom ng alak mula sa tubó. Sumasagisag ito sa pag-inom ng mga bathala ng inaalay na dugo ng mga Bagobo. Noong mga sinaunang pagdaraos ng ginem, pumapaslang ang mga Bagobo ng tao bilang alay sa mga diyos. Pinaghahatian ang katawan at iniuuwi sa paniniwalang gagawaran silá ng tapang ni Mandarangan, ang panginoon ng digmaan. Sa pagdaan ng panahon, napalitan na ng hayop ang táong inaaalay. Idinadaos tuwing Nobyembre o Disyembre ang ginem sa bahay ng datu, na siyáng pinakamalaki sa komunidad. Hitik ang gabi sa sayawan at kantahan, at isa na rito ang gindaya.

Ayon sa aklat na A Study of Bagobo Ceremonial, Magic and Myth ni L.W. Benedict, ang gindaya ay inaawit lámang ng mga lalaki, samantalang ang kababaihan naman ang umaawit ng ibang uri ng imno o berso. Nagbigay si Celedonio G. Aguilar ng halimbawa ng gindaya sa aklat na Readings in Philippine Literature (isinalin dito sa Filipino):

Panginoon, ang Protektor, Duma Tungo,
Ang Panginoong nangangalaga sa mga tao,
Ang may-alam ng lahat,
Bumabâ at sabihin sa aming
Nanggaling ka na roon…

Ayon kay Aguilar, salitâng inaawit ang gindaya ng dalawang koro. Ayon naman sa pag-aaral ni Pieter Jan Raats (A Structural Study of Bagobo Myths and Rites), noong unang panahon ay inaawit din ang gindaya sa labas ng ginem, tuwing pumapaslang ng tao ang mga Bagobo. Ang imno ay papuri sa tunggalian at bumabanggit ng unahan sa pagtakbo at pakikipaglaban. Maaaring tumukoy ang unahan sa pagtakbo sa karera ng mga kabayo, na idinadaos din sa ginem.

gúman (Suban-on ng bulubundukin ng Zamboanga)

Ang gúman ay tawag ng mga Suban-on ng bulubundukin ng Zamboanga sa kanilang epikong-bayan. Ito rin ang pamagat ng epikong-bayan na naitalâ ni Esterlinda Mendoza-Malagar noong 1971 at inawit ni Pilar Talpis. Hábang kinakanta ang Gúman ng Dumalinao, nakatakip ang mukha ni Talpis at nakasara ang mga bintana ng bahay.

Nagsimula ang Gúman ng Dumalinao sa pagpapakilala ng naghaharing pamilya sa Bundok Dliyagn, sina Datu Pombnwa, ang kaniyang asawang si Baysalaga, sina Sampliakn at Tinayobo na bahagi rin ng kanilang kabahayan. Isang araw, may dumating na mga mananakop. Kahit na patuloy na tumataas ang tinitirhang bundok ng kaharian ni Pombnwa, naabot din ito ng mga kalaban. Nagkaroon ng digmaan at natálo ang pamilya ni Pombnwa.

Isang lalaki ang dumating, si Sakandal, nang maláman ang nangyari sa Dliyagn. Tinulungan niya ang anak ng datu na si Ba-e ri Dliyagn na bumalik ang lakas at nang malakas na ang anak ng datu, pumunta silá sa bahay ni Pombwa at lumakas ang datu at si Sampliakn. Nang magdalaga na ang anak ng datu, binago ang kaniyang pangalan at tinawag na Pailalm ri Bolak. Samantala, nakipaglaban si Sakandal sa kaharian ng Tomanong. Halos mamatay si Sakandal sa pagod sa pakikipaglaban kung kayâ tinulungan siyá ni Bolak na lumakas sa pamamagitan ng mahiwagang pamaypay. Isang araw, nakatanggap ng balita si Pailalim ri Bolak na may parating na mga kalaban. Sinabi ni Sakandal sa mensahero na dalhin ang isang singsing ngunit bago pa man dumating ang mensahero sa lugar, nauna na ang mga kalaban. Natanggal ang pagkakabuhol ng singsing sa panyo at lumabas si Salilayan, na siyáng lumaban sa mga bagong mananakop. Nang matapos ang labanan, tinanong ni Salilayan kung ano pa ang kaniyang mapaglilingkod sa kaniyang among. Sinabi ni Pailalam ri Bolak na ibigay sa kaniya ang kapangyarihan nitó.

May gúman na tungkol sa ibang kaharian ngunit katulad din ng nangyari sa Dliyagn ang salaysay. Isang lalaki namang nagngangalang Madlawe ang tumulong sa pamilyang natálo.

human-human (Mansaka)

Tumutukoy sa mga kuwentong-bayan ng mga Mansaka ang human-human. Kadalasan, isinasalaysay ang mga human-human kapag may pagdiriwang at pagtitipon ng taumbayan, gaya ng kasal, lamay sa patay, at panahon ng anihan. Minsan, isinasalaysay rin ang mga human-human kung nagkakatipon-tipon ang mag-anak para magsalo-salo ng pagkain. Gumagamit ang mga Mansaka ng linda, isang uri ng estilo upang mas madaling matandaan ng mga nagbahahagi ng human-human.

Isang popular na human-human ng Mansaka ang tauhang isang kimod, isang binatang lalaking may kakayahan na gawin ang anumang iutos sa kaniya ng iniibig na babae. Halimbawa, “Si Kimod at ang Diwatang Uwak.” Sa kuwento, upang maging asawa ni Kimod ang diwatang uwak, nilinlang niya ito sa pamamagitan ng pagtatago ng mahiwaga nitóng damit. Nang napilit ni Kimod na magpakasal sa kaniya ang diwata, kaniyang sinabi ang katotohan na siyá namang ikinagalit ng diwata at agad na bumalik sa kalangitan. Upang makuha niyang muli ang asawa, dumaan siya sa mga pagsubok hanggang sa mapagtagumpayan niya ang mga ito at nagsáma siláng muli.

Pumapaksa sa iba’t ibang inter-aksiyon ng tao sa kaniyang kapuwa at kaligiran ang human-human. Sa “Tinampikan,” isinasalaysay ang búhay ng mag-asawang Maison at Tinampikan. Hábang inaayos ni Maison ang barong-barong nila ni Tinampikan, nagutom ang babae. Nang nakita niya ang isang saging na saba, agad niya itong inihaw. Sa tákot na humingi at makihati ang kaniyang asawa, agad isinubo ni Tinampikan ang mainit na saging. Napasò siya, nabilaukan, at namatay. Dahil sa nakahihiyang kamatayan, kakaunti ang nakiramay at mabilis lamang na ibinurol si Tinampikan.

Matatagpuan ang mga Mansaka sa bulubunduking bahagi ng mga lalawigan ng Davao at Compostela Valley. Sinasabing nagmula sa mga salitâng man (tao) at saka (umakyat) ang kanilang pangalan. Sa pagsasáma ng dalawang salitâ, tinutukoy ang mga táong umakyat sa bundok bilang kahulugan ng Mansaka. Dahil hindi nilá ninanais ang pakikipaglaban, lumayô silá sa kapatagan at tabing-dagat nang dumating ang mga mananalakay na Espanyol at mga Bisaya. Ang ilan sa mga naiwan nilang kalahi ay itinangi ang sarili at tinawag na Mandaya, mula sa dalawang salitâ: man (tao) at daya (ibabâng bahagi ng ilog).

káta-káta (Sáma Diláut)

Ang káta-káta ay isang uri ng mahabàng awit na pasalaysay ng mga Sáma Diláut. Itinuturing itong mahiwaga’t relihiyosong awit sa panggagamot ng maraming Sáma Dilaut. Gayunman, may mga Sáma na nakatahan sa lupa na itinuturing lámang itong karaniwang bahagi ng kanilang panitikang-bayan.

Ang káta-káta bilang awit sa panggagamot ay itinuturing na banal at malimit na isinasagawa lámang ng isang djin o tagapamagitan sa pang­gagamot. Tinatawag ang djin ng kamag-anakan ng may malubhang kara­mdamang ipinalalagay na dulot ng masamâng espiritu. Sa gabi ng pang­gagamot, isinagawa ng djin ang mga kaukulang pag-aalay at seremonya. Kailangan ang ganap na katahimikan. Ang pag-awit ng kata-kata ay itinu­turing na napakabanal. Hindi dapat magkamali ang djin sa pag-awit. Ka­pag nagkamali o may nakalimutan, maaaring magálit ang espiritu ng mga ninuno. Isa o dalawang oras ang bawat salaysay at humihinto ang djin upang mamahinga o uminom. Ipinagpapatuloy ang pag-awit alinsunod sa pakiramdam ng djin. Kung hindi gumalíng ang maysakit, inuulit ang ser­emonya at pag-awit ng kata-taka sa susunod na gabi at susunod pang gabi kung kailangan.

Ang káta-káta ay malimit na hinggil sa pakikipagsapalaran ng mga maala­mat na bayani sa malalayòng lupain at ang engkuwentro nilá sa mga kakai­ba at engkantadong nilaláng. Nagtataglay ang mga istorya ng aral hinggil sa mga paniwala, kaugalian, at pamahiin ng pangkating Sama. Isang hal­imbawa ang pakikipagsapalaran ni Datu Amilebangsa upang hanapin ang engkantadong lupain ng Bailan-Asaha. Sa paglalakbay, marami siyáng na­katagpong engkantadang babae na nangangarap mapangasawa niya. May mga nakatunggali din siyáng mga engkantadong mandirigma. Sa dulo, na­katagpo niya si Maajarat-Tornorka at iniuwi ito upang pakasalan. Nabuntis ang babae ngunit namatay sa panganganak. Sa ikalawang yugto ng istorya, hinanap si Maajarat-Tornorka ng kaniyang sanggol na anak sa kabilâng-búhay. Nakita naman ng batà ang ina ngunit hindi nagtagumpay maibalik sa mundo.

kíssa (Tausug, Muslim)

Ang kíssa ay maikling salaysay na inaawit ng mga Muslim kapag may espesyal na okasyon. Maaaring kuwento itong kinuha sa Koran, gaya ng pag-aalay ni Abraham sa kaniyang anak upang maitayô ang templo ng Panginoon. Maaari namang kuwento ito ng búhat at pag-ibig ng mga datu at bantog na tao. Ang matatandang kissa ay ginagamit ng mga Tausug upang bakasín ang kanilang ninuno at angkan.

Nilalaman din nitó ang kanilang malalim na pangarap at lunggati. Wika nga ni Gerard Rixhon, “Gaya ng sinasabi sa atin ng ilang kissa, pinag­sisikapang bigyan ng kahulugan ng mga Tausug ang papel ng karahasan sa kanilang sistema ng hálagáhang panrelihiyon. May mga istorya, gayun­man, na nagpapahayag ng lunggati tungo sa magagandang ugnayan, mga mapayapang kasunduan, at malaking espasyo para sa katuwaan.”

liyángkit (Tausug)

Popular pa rin sa masasayáng pagtitipon ng mga Tausug ang pag-awit ng síndil at liyángkit. Ang síndil ay sagutan sa pamamagitan ng awit. Ang liyángkit ay isang awit na solo, karaniwang ginagampanan ng pangunahing mang-aawit at malimit na isinusunod bilang pangwakas sa sindil. Sinasaliwan ang liyangkit ng tugtog sa gabbang (kawayang silopono), suling (katutubong plawta), at biyula (katutubong biyolin). Tulad sa síndil, tigib din sa masayahing diwa ang liyángkit at iniuugnay ng mang-aawit ang sasabihin sa mga naganap na sa pagtatanghal. Masikap din ang mang-aawit na iugnay ang awit sa tunay na pangyayari. Halimbawa, sinabi ng isang manliliyangkit na nais pa sana niyang habaan ang kanta ngunit kailangan na niyang magpaalam dahil nauubos na ang gaas ng ilaw:

Lyampa in manga kulayt kumu na
Bati kaw Tuan Iklali bat gambahi na.
Sari bang kitaun ta mataud lana
Biya in sawasawa ba kumu na.

(Ngunit nanghihina na ang ilawang de-gaas
Gising, Tuwan Iklali, bombahin mo na.
Sa tingin namin, may sapat itong langis
(Pero) lumiliit na ang liwanag.)

Ginagamit ding pantawag ang liyángkit sa mga awit na pasalaysay, katulad ng kíssa sa parang sabil. Halimbawa, isang nairekord na ang Liyangkit parang sabil kan Apud (1970) o “Ang Liyangkit ng Pagpapakamatay ni Apud.” Bahagi ito ng pangkalahatang tradisyon ng tulang inihihimig sa Sulu.

nahana (Yakan)

Ang nahana ay isang tradisyonal na awit ng mga Yakan. Karaniwan itong nagpapahayag ng kasaysayan ng isang angkan, kayâ itinuturing na mahalagang imbakan ng karanasan at pinagmulan ng mga Yakan. Habang nagpapahinga sa bahay, karaniwang inaawit ng mga Yakan ang nahana upang maaliw. May mga patimpalak naman na nagtatagisan ang mga Yakan sa pag-awit ng nahana.

Kabilang ang nahana sa tatlong klasipikasyon ng vocal music ng mga Yakan: (1) ang lugu at iba pang melodiya na ginagamit sa pagbabasá ng Koran at ibang banal na aklat; (2) ang kalangan o mga awit tungkol sa pag-iibigan o panliligaw; (3) at ang nahana, katakata, yaya at iba pa. Sa dami ng uri ng awit mayroon ang mga Yakan, itinuturing ang kanilang pangkat na pinakamahilig sa musika kompara sa iba pang pangkating Muslim.

párang sábil (Tausug)

Párang sábil ang tawag sa mga patulang salaysay ng mga Tausug ng arkipelago ng Sulu. Ang parang sabil din ay katumbas ng epikong-bayan sa wikang Filipino. Mula ito sa dalawang salitang Tausug: ang perang na nangangahulugang digmaan o kayâ’y espada at sabil na nagmula sa sabil-ullah, ibig sabihin ay “sa pamamaraan ni Allah.” Kung kayâ masasabing ang kahulugan ng parang sabil ay “lumaban gamit ang espada ayon sa kagustuhan ni Allah” o kayâ “pakikidigma ayon sa kagustuhan ni Allah”.

Ang parang sabil ay hindi gaanong hawig sa darangan ng Maranaw at epiko ng Magindanaw. Isang dahilan ang heograpiya: nasa arkipelago ng Sulu ang parang sabil ng Tausug samantalang nasa isang malawak na lupain ang mga Maranaw at Magindanaw. Kadalasan, ang parang sabil ay kinakanta tuwing gabi, lalo na kapag may kasayahan ang komunidad. Umaabot itong kantahin sa pitó hanggang sampung gabi, depende sa bilis ng tagakanta. Hábang kinakanta ang parang sabil, sinasabayan ito ng gabbang, isang instrumentong gawa sa kawayan na kawangis ng xylophone.

Isang litaw na tema ng parang sabil ay ang pakikipagdigma ng mga Tausug sa mga dayuhang mananakop, lalo na ang mga Espanyol at mga Amerikano. Sa Parang Sabil ni Abdulla at Putli Isara noong Panahon ng Espanyol, kinanta ni Indah Annura kung paanong ipinaghiganti ng mga kapuwa Tausug ang dangal ni Putli Isara na niyurakan ng isang sundalong Espanyol. Sa Kissa Parang Sabil ni Panglima Hassan, ibinahagi naman ang kadakilaan ng bayaning Tausug na si Panglima Hassan ang pagtatanggol nitó sa Sulu na naging sanhi ng kaniyang kamatayan sa Bud Bagsak, isang bundok sa Sulu. Sa mga parang sabil ng Tausug, ipinapakita nitó ang ilang sentral na kamalayan ng Tausug, gaya ng maratabat (karangalan) at sipug (kahihiyan).

saliada (Mansaka)

Ang saliada ay isang uri ng awiting-bayan ng mga Mansaka, isa sa mga pangkating etniko ng mga Mandaya, na matatagpuan sa lambak ng Maragusan sa Mindanao. Binansagan itong “balada ng Mansaka” ng pokloristang si Antonio S. Magaña sapagkat ginagamit din umano ang estratehiya ng pag-uulit na makikita sa isang balada. Isa ito sa dalawang anyo ng awiting-bayan ng mga Mansaka, bukod sa bayok na awit naman ng pag-ibig at pakikibaka.

Isa sa mga nalathala nang halimbawa nitó ang “Saliada ni Amando” na binubuo ng 108 linya ng kuwento ng buhay ni Amando na gumising isang araw at iniwan ang asawa niyang si Nogonon upang pakasalan ang ibang babae, si Lintawanan. Kay Amando mismo ang tinig na nagsasalita sa titik ng awit. Mas pagpapaliwanag diumano ang awit ng pagbabagong-loob ni Amando kaysa pagsasalaysay ng kaniyang pinagdaanan. Ipinagpapalagay ng titik na alam na ng tagapakinig ang pangyayari sa kuwento, tulad ng isang karaniwang akdang-bayan.

síndil (Tausug)

Popular pa rin sa masasayáng pagtitipon ng mga Tausug ang pag-awit ng síndil at liyángkit. Ang síndil ay isang paawit na sagutan ng dalawa o tatlong mang-aawit sa saliw ng gabbang (kawayang silopono), suling (katutubong plawta), at biyula (katutubong biyolin). Tigib ito sa nakatutuwang biro at siste bukod sa kailangang biglaan o impromptu ang pag-isip at pag-awit. Susi sa aliw ng sindil ang husay ng nagsasagutan na dugtungan ang biro o tukso ng isa’t isa. Hinahangaan ang mang-aawit sa paglalaro sa salitâ at tunog, lalo na kapag sinikap sundan ang laro sa salitâ o tunog ng naunang mang-aawit. Maaaring paksain nilá ang itsura ng isa’t isa, o biruin ang mga panauhin, o tuksuhin ang naghanda ng pagdiriwang.

Ang totoo, higit na masisiyahan sa pakikinig ng síndil ang isang tao kapag kilála niya ang mga mang-aawit, alam niya ang tinutukoy ng mga ito, at alam niya ang kasaysayan ng pinagtatawanang pangyayari. Ang síndil ay ginaganap sa iba’t ibang okasyon, lalo na upang tumindi ang katuwaan sa isang kasalan, pagbisita ng isang kagalang-galang, o isang miting pampolitika. Pampaalis ito ng puyat kapag lamayan, pampasigla sa kuwentuhan, at pantulay sa pormalidad ng pagtitipon.

tarasul (Tausug)

Ang tarasul ay isang uri ng tulang pabigkas ng mga Tausug at iba pang mga Muslim. Ito ay kabílang sa tradisyon ng panulaang pabigkas ngunit may mangilan-ngilan na isinusulat din ang mga ito. Ilan sa mga paksa na tinatalakay ng mga tarasul ay ang kalikasan, pagluluto o pag-ibig ngunit isa sa pinakamahalagang paksa na tinatalakay nitó ay ang iba’t ibang aspekto ng Islam.

Ginagamit ang tarasul para sa iba’t ibang pangangailangan. Maaaring gamitin ito para sa mga kasayahan o kayâ naman ay para sa pagtuturo. Binibigkas din ito sa alaala ng mga pumanaw na mahal sa buhay o iba pang mga kakilála. Kahit na marami ang maaaring paggamitan ng tarasul, ito ay higit na ginagamit sa pagtammat o pagsubok sa kakayanan ng mga kabataan sa pagbabasá ng Quran.

Isa sa halimbawa ng tarasul ay ang hadis tarasul. Ito ay inaawit sa tradisyong lugu o ang hindi pagsaliw kahit na anong klase ng tugtog. Ginagamit ito para ipakilála ang isang kabanata sa Quran at ginagawa upang anyayahan o pukawin ang atensiyon ng mga tao para gampanan ang kanilang mga panrelihiyong obligasyon.

ténes-ténes (Sáma Diláut)

Ang ténes-ténes ay isang uri ng awit na popular sa mga Sáma Diláut at inaawit ng mga musmos, ng mga kabataan, at ng mga tigulang. Nag-iiba ang himig at paksa ng awit alinsunod sa layunin at sa edad ng umaawit. Hábang naglalaro, biglang kumakanta ng tenetenes ang isang batà tungkol sa kung anuman ang pumasok sa kaniyang isip o napagpakuan ng pansin. Hábang nangingisda o naglalayag, ginagamit ng kabataan ang tradisyonal na himig upang umawit hinggil sa paglalakbay, hanapbuhay, o tanawin sa paligid. Kung gabi, sa daungan, nagsasagutan ng mga tenes-tenes ng pag-ibig ang mga kabataang lalaki’t babae. Gayunman, mat tenes-tenes na nagtataglay ng mahabàng kuwento tungkol sa mga karanasan ng Sama Dilaut, malimit na kaugnay ng mga totoong pangyayari, gaya ng paglalakbay na inabot ng sakuna o labanan ng mga pirata.

Narito ang bahagi ng isang ténes-ténes na inawit ng isang walong taóng gulang hábang naglalaro:
Ang awit ko ay kulay bughaw
Kahapon nangisda si ama at maraming nahúling isda.
Búkas maglalayag kami sa Lioboran
At mangingisda doon sina ama at kuya.
Matataas ang punongkahoy sa pulô.
Madalas kong maalala ang mga kaibigan ko sa Luuk Tulai.
Sana magustuhan ninyo ang awit ko.
Kulot ang buhok ni ina
At kahapon bumili siyá ng bagong sarong.
Paglaki ko magkakaroon ako ng mangingibig at mag-aasawa.
Ito ang wakas ng awit ko.

Ang mga ténes-ténes na pasalaysay at tungkol sa mga totoong pangyayari sa Tawi-Tawi ay malimit na kinakanta ng mga mala-propesyonal na mang-aawit. Lumilibot silá sa mga pulô at naiimbita upang magdulot ng aliw sa mga kasalan at mga pagtitipon. May mga kuwentong umaabot sa isa hanggang dalawang oras ang pag-awit. (VSA)

 

LUZON / VISAYAS / MINDANAO / UMIIRAL SA TATLONG KAPULUAN

umiiral sa tatlong kapuluan

alamát

 

Ang alamát ay isang mahalagang bahagi ng panitikang-bayan na nagsasalaysay sa pinagmulan ng bagay-bagay sa daigdig. Itinuturing itong paraan ng pagpapaliwanag ng ating mga ninuno sa kanilang kaligiran sa abot ng kanilang kaalaman at sa kanilang pinagmulan sa abot ng kanilang alaala. Karaniwang isang salaysay ito hinggil sa tunay na mga pook, mga bahagi ng kalikasan, mga pangyayari, at mga tao. Marami sa mga ito ang nakabatay sa kasaysayan at nakaugnay sa sinaunang mito at kuwentong-bayan. May katumbas itong leyénda sa Espanyol at legend (lé·dyend) sa Ingles.

Malimit na may sangkap na kagila-gilalas ang alamat. Ngunit malimit ding nagdudulot ito ng makabuluhang aral sa búhay, kayâ mainam na kasangkapan sa edukasyon ng musmos at kabataan. Halimbawa, ang alamat ng pinya. Isang istorya ito tungkol sa isang batàng tamad at laging nagdadahilan na hindi makita ang inuutos ng ina. Bilang parusa ng engkantada, bigla siyáng naging bunga na maraming matá. Ipinaliliwanag ng alamat kung bakit maraming tila “matá” ang bunga ng pinya. Ngunit nagdudulot din ito ng aral laban sa katamaran.

May taglay na hálagáhang panlipunan at pangkultura ang halos lahat ng mga alamat hinggil sa pinagmulan ng isang pook o halaman. Isang popular na alamat ang tungkol sa Bulkang Mayon, na bunga diumano ng nasawing pag-ibig ni Daraga Magayong dahil sa isang sakim na datu. Naging simbolo naman ng pag-asa ang bahaghari dahil sa alamat kung paano tumubò ang unang bahaghari sa mundo. Kinatatakútan naman ang pating dahil sa alamat na mula ito sa isang isinumpang usurero.

May alamat na nagsisiwalat sa paniwala’t kaugalian ng lahi o pangkat ng tao. Isang alamat ang nagkukuwento kung paanong nilikha ni Bathala ang unang mga tao sa pamamagitan ng paghubog sa luad at pagluluto sa nabuong anyo upang tumigas. Gayunman, dahil hindi pa sanay sa pagluluto ay nagkaroon ng iba’t ibang kulay ang nalikhang tao. Ang unang anyong tao ay lubhang nagtagal sa kalan kayâ nasúnog at pinagmulan ng lahing Itim. Ang ikalawang anyong tao naman ay agad inalis sa kalan ni Bathala sa tákot niyang masúnog muli ito. Nahilaw ang ikalawa kayâ pinagmulan ng lahing Putî. Sa ikatlong pagkakataón, bihasa na si Bathala. Timplado ang luto niya sa ikatlong anyo, hindi sunóg at hindi rin hilaw, at pinagmulan ito ng lahing kayumanggi—ang mga Filipino.

awit

Ang áwit ay pangkalahatang tawag sa kanta o musikang pamboses. Sang-ayon sa isang matandang diksiyonaryo maraming inabutang awit ang mga mananakop na Espanyol. Kabílang dito ang diyona (para sa kasal at iba pang pagdiriwang), talingdaw (lumang awitin), indolanin (may malungkot na himig), dolayanin (awit hábang nagsasagwan), hila (awit sa pamamangka), soliranin (awit sa paglalakbay sa karagatan), holohorlo (awit sa pagpapatulog sa sanggol), at iba pang anyong pampanitikang may himig, na maihahambing ngayon sa ablon ng dumagat, bayok ng Mëranaw at Mansaka, darangan ng Mëranaw, at ogayam ng Kalinga.

Sinasabi na may awit ang mga Filipino sa bawat okasyon ng kanilang buhay at sa lahat ng kanilang gawain komunal. May awit sa pag-aalaga ng sanggol, may awit sa kasal, may awit sa pagsasaka at pangingisda, may awit sa pangangaso, at may awit sa patay. May mga awit ding gaya ng pamatbat na pasalaysay tungkol sa kaugalian at kasaysayan ng tribu. May awit na sagutang gaya ng talingdaw at may awit na masayang gaya ng seryeng Doon Po sa Amin.

Nitóng ika-19 siglo, awit din ang tawag sa isa sa dalawang naging popular na anyo ng metriko romanse. Ang isa pa ay tinatawag na korido. Kapuwa mahabàng tulang pasalaysay hinggil sa mga nakagigilalas na pakikipagsapalaran ng mga prinsipe at kabalyero o mga buhay ng banal na tao ang awit at korido. Nagkakaiba lamang ang dalawa sa sukat ng taludtod nitó. Ang korido ay may sukat na wawaluhin at ang awit ay lalabindalawahin.

Hanggang ngayon, tampok ang awit sa mga kasayahan at pagtitipon katulad ng kasal at kaarawan. Maaari rin itong maging tampok na aktibidad para sa kasiyahan ng mga iginagalang na bisita. Maaari itong awitin ng propesyonal, para sa mga pormal at malalaking pagtitipon. Ngunit sa di gaanong pormal na pagtitipon, halimbawa ay simpleng kasal at kaarawan, ang mismong ikinakasal ang gumagawa nitó upang mabigyan sila ng gala na siyáng salaping regalo ng mga kaanak at kaibigan. Kung kaarawan ang okasyon, ang nagpapasimula nitó ay maaaring makihati sa regalong ibinibigay sa nagdiriwang ng kaarawan.

bugtóng

Ang bugtóng ay isa sa pinamaikling tula sa Filipinas. Karaniwang binubuo ito ng dalawang maikling taludtod at may tugma. Gayunman, may bugtong na mahigit dalawang taludtod at kung minsan ay walang tugma. Ang paksa nitóng pinahuhulaan ay dapat na pambalana, kayâ ang nasusubok dito ang husay humanap ng hambingan para magtila hindi alam ang isang bagay na alam ng lahat. Ordinaryong paksa ng bugtong ang katawan ng tao, gaya sa sumusunod na bugtong tungkol sa mga bahagi ng mukha: “Isang bayabas/ Pito ang bútas.” O kayâ ang kalikasan at kaligiran, gaya ng bugtong na ito sa Bikol tungkol sa niyog: “Si tubig kan langit/ Si langit kan unit.” (Tubig na binálot ng langit/ langit na binálot ng balát.) O ng bugtong na itong Waray tungkol sa mga bituin: “Halu-ag nga kapatagan/ Ginpugasan hin bulawan. (Malawak na kapatagan/ tinamnan ng mga ginto.)

Ginagamit itong aliwan at paligsahan kapag may pagtitipon o namamahinga. Nilalaro ito kapag may lamay para sa namatay. Ngunit sa ilang pook, may pamahiin laban sa paglalaro nitó kung gabi o kung kumakain.

Ang bugtong ay tinatawag ding paktákon at patugmahanón sa Aklanon, bugtong, paukúkudán, at patukód sa Bikol, antukí sa Higaonon, paktákan o palantí sa Hiligaynon, kabánek sa Ibaloy, burburtiyá sa Iloko, palantû sa Kiniray-a, antoká sa Mëranaw, bugtóng sa Pampanggo, bonikéw sa Panggasinense, tigmô sa Sebwano, katakatá at pagtukúd sa Tausug, patitguón o patigó sa Waray.

duplo

Ang dúplo ay isang tradisyonal na larong mala-dula na itinatanghal kung may lamayan at tinatampukan ng mga makatang-bayan. Layunin nitó ng magbigay na aliw sa naulila at makirama, magbigay parangal sa kaluluwa ng yumao, at sa panig ng mga kalahok magpamalas ng talas ng isip at husay sa pagbigkas ng tula. Hinahati sa dalawang pangkat ang mga kalahok, malimit alinsunod sa kasarian, isang hanay ang mga babae at tinatawag na belyáka at isa pang hanay ang mga lalaki at tinatawag na belyáko. Nása gitna at may trono ang Harì, at katabi ang Ministro o Piskál. Sa paglalaro, karaniwang nag-uumpisa ito sa pagbabando ng isang problema. Maaaring nawawala ang singsing ng Hari o ninakaw ang kulasisi ng Hari at pagbibintangan ang isa sa mga kalahok. Itatanggi siyempre ito ng napagbintangan at ipapása sa ibang kalahok. Magpapatuloy ang bintangan hanggang may mahúli o magpahúli.

Lilitisin ang nahúli at ito ang magiging tampok ng paglalaro. Malimit na belyaka ang napaparusahan. Malimit ding isa sa mga belyako ang tatayong abogado niya o Depensór (tagapagtanggol). Inaasahan ding ang pinakamahusay na mga makata sa naroon ang gaganap Depensor at Piskal dahil maglulundo sa kanilang debate ang lahat. Tumatagal ang laro batay sa husay ng dalawa sa paglalatag ng mga katwiran—mula sa karunungang-bayan, popular na panitikan, pasyon, at mga salawikain—at paggamit ng siste upang maaliw ang madla.

Isang pampahabà ang kunwa’y pagdating ng isang Embahadór mulang ibang bayan. Bibigkas siyempre ito ng mga pagyayabang hinggil sa sarili at pinagmulan, bago maanyayahang umupô sa hanay ng mga belyako. Maaari ding dalawa pa o mahigit ang dumalaw na Embahador at magtalumpati din. Samantala, maaari namang ang belyakang nasasakdal ay magpamalas din ng galíng sa pagbigkas at sumingit sa pagtatalo ng Depensor at Piskal. Gayundin ang maaaring gawin ng Hari at ng iba pang nais tumula, na umiisip ng paraan at dahilan upang makasingit.

Dahil isang matanda nang palabas, nakaipon ang duplo ng sariling tradisyonal na wika at tungkulin. Kailangang alam ng isang kalahok ang ibig sabihin ng tribulacion, numeracion, relacion, casero, putok na po, upang hindi mapahiya sa harapan.

oyáyi

Ang oyáyi ay awit pampatulog ng batà o sanggol. Isa ito sa pinaka-matandang halimbawa ng awit ng mga Filipino.

Mayaman ang tradisyon ng ganitong awit sa Filipinas. Patunay nitó ang iba’t ibang tiyak na halimbawa ng oyayi sa maraming etnolingguwistikong pangkat sa bansa. Kabilang dito ang “Hili na” (Tagalog), “Huluna” (Tagalog), “Caturug, Caturug” (Bikol), “Duayya” (Iloko), “Tambayo na Ogao” (Pangasinan), “Anak nga Walay Palad” (Sebuwano), “Tingkatulog” (Boholano), “Katurog na Entoy” (Waray), “Pamuwa sa Bata” (Bukidnon), “Lingon” (Bilaan), at iba pa.

Ngunit bukod sa pagiging awit na pampatulog sa sanggol, mahihiwatigan din sa oyayi ang karanasan at kaugalian ng iba’t ibang mamamayan sa Filipinas. Halimbawa, sa “Angngiddue” ng mga Gaddang, makikita ang pagsisikap ng ina hindi lámang sa pag-aalaga ng kaniyang anak, kundi sa paghahanap ng ikaubuhay nitó:

Aru, aru maturog caadua
Se inang namamaet
Imam so idang nga Battung
Take si macaalap si isira iadung.

(Aru, aru, humele ka na
nagpunta sa ilog ang iyong ina
para manghuli ng isda
na ipapakain sa kaniyang mga anak).

Gayundin ang ipinahihiwatig ng mas popular na oyayi ng mga Sebuwano, ang “Ili-ili, Tulog Anay.”

pábulá

Ang pábulá (mula sa Espanyol na fabula) ay uri ng panitikang nagtatampok ng hayop, halaman, kalikasan, o mga bagay bilang mga tauhan. Sa mga kuwentong ito, nagkakaroon ng mga katangiang pantao ang mga nabanggit at karaniwang nagbibigay ng aral hinggil sa wastong ugali at katangian ng tao sa lipunan. Karaniwang nagtatanghal ito ng dalawang tauhan na may magkaibang ugali, ang isa ay mabuti at ang isa ay masamâ, at nagwawakas ang kuwento sa pagiging matagumpay ng mabuting tauhan.

Ang sinaunang mga pabula ay bahagi ng panitikang-bayan na matatagpuan sa halos lahat ng bansa at kumakalat at naipapása sa pamamagitan ng tradisyong pabigkas. Bawat pabula ay nagpapalaganap sa pangunahing moralidad at paniwala ng lipunang pinagmulan nitó. Isang napakapopular hanggang ngayong aklat ng pabula ay ang koleksiyong Aesopika o mas kilalá bilang Mga Pabula ni Aesop na katha diumano ni Aesop, isang alipin sa sinaunang Gresya bandang 550 BC. Sa edukasyong Griyego at Romano, ang pabula ay isa sa mga ehersisyo sa komposisyon ng prosa at pagsasalita sa publiko. Kinakailangang matutuhan ng estudyante ang isang pabula, palawakin ito, umimbento ng sariling bersiyon, at gamitin bilang halimbawang panghikayat para sa isang mas mahabang talumpati o debate. Mahalaga rin ang mga pabula mula sa India partikular ang Panchatantra ni Vishnu Sarma noong 300 BC na sinasabing kumalat sa Arabia at Europa.

Sagana sa katutubong mga pabula ang mga pangkating etniko ng Filipinas. Ilan sa mga tauhan sa pabulang Filipino ay ang matakaw na uwak, marunong na pagong, tusong matsing, masipag na langgam, tamad na tipaklong, pilyong buwaya, batàng gamugamo, at iba pa.

púsong

Ang púsong ang pangunahing tauhan sa mga kuwentong-bayang katatawanan, partikular ang mga trickster tale. Katangian nitó ang panlilinlang sa ibang tao kayâ palagiang napapatawan ng parusa. Gayunman, nagagawa nitóng takasan ang parusa sa pamamagitan ng matalas na pag-iisip at pagiging tuso. Kadalasang nabibiktima ng púsong ang sultan, hari, o pinunò ng bayan. Pinupusong din niya maging ang sariling magulang at mga kababayan.

Makikita ang púsong sa iba’t ibang kuwentong-bayan sa kabuuan ng Pilipinas: si Juan sa Katagalugan, Juan/Suan sa Pampanga, Juan Osong sa Bikol, Juan Púsong sa Kabisayaan at Sulu, at Pilandok sa Lanao. Sa ilang pilìng kuwento, tinatawag din itong Padol, Masoy, at Andres bagama’t higit itong kilalá sa pangalang Púsong o Juan Tamad. Dagdag pa rito, makikita ang katulad ng púsong maging sa iba’t ibang panig ng mundo. Kilalá ito sa pangalang Horangi sa Korea, Naar sa Laos, Dodong sa Indonesia, Bertholde sa Italia, Harlequin sa Europa, at Guajiro sa Colombia.

Karaniwang negatibo ang pagtingin sa púsong bilang (1) mababà o mahirap na lalaki, (2) mabagal, tamad, at antukin, (3) hambog at walang gálang, (4) ignorante, (5) pintasero at matabil ang dila, (6) pilyo, at (7) bastos at malaswa. Gayunman, ang mga katangiang ito ay nagpapahiwatig ng pagbalikwas sa namamayaning sistema sa lipunan. Natural na tendensiya ng tao na gaya ng púsong ang maging tamad dulot ng sistemang pang-ekonomiya na nanggagamit o nang-aapi sa nakabababà. Ang kayabangang naman nitó ay paraan ng pagkutya sa makapangyarihan o mariwasang tao na nagsasamantala sa mga katulad niya.

saláwikaín

Ang saláwikaín ay isang maikling tula na nagbibigay ng aral sa buhay. Karaniwan, isang pangungusap lámang ito na hinahati sa dalawang taludtod. Karaniwan ding gumagamit ng pipituhin o wawaluhing sukat, may isahang tugma, at may talinghaga ang mga sinaunang salawikain.

Ang salawikain ay isang di-tuwirang paraan ng pagpapaabot ng isang mahalagang panuntunan sa búhay. Halimbawa, ang salawikaing “Ang kata-katayak/sukat makapagkati ng dagat,” ay maaaring nagpapahiwatig ng kabuluhan ng pagtitiyaga sa pagganap ng anumang gawain o tungkulin. Sa “Matibay ang walis/palibhasa’y magkabigkis,” idinidiin ang kahalagahan ng sáma-sámang pagkilos. Sa salawikaing “Aanhin pa ang damo/kung patay na ang kabayo,” itinataguyod ang kahandaan sa mabilisan at kagyat na pagtulong sa nangangailangan.

Ang bisa ng salawikain ay nása paggamit ng talinghaga. Dahil ang pangangaral ay hindi tuwirang sinasabi kundi idinadaan sa paggamit ng talinghaga, ang pinapaabutan ng aral ay siyá mismong tumutuklas ng mensahe upang magamit sa kaniyang pang-araw-araw na buhay.

Ang salawikain ay tinatawag ding aramiga o sasabihan sa Bicol; panultihon o pagya sa Sebwano; humbaton o hurubaton sa Ilonggo at Capiznon; pagsasao sa Ilokano; kasebian sa Pampango; diparan sa Pangasinense; salawikain, sawikain, at kasabihan sa Tagalog; dayhuan, puplongan at patitgo-on sa Waray; hueobaton at bilisadon sa Aklanon; unoni sa Ibanag; pananahan sa Ivatan; memos an baba, oloran, at tongong sa Isinay; lalenut sa Gaddang; basahan sa Bukidnon; panonggelengan sa Manobo; pananaroon sa Maranao; masaalaa at pituwa sa Tausug. Ang hadith naman ng mga Tausug ay itinuturing na sagradong mga kasabihan na nagmula kay Muhammad at nakasulat sa Arabe.

tanagà

Ang tanagà ay isa sa mga halimbawa ng maikling katutubong tula sa Filipinas. Ayon sa Vocabulario de la lengua tagala (1754) nina Juan de Noceda at Pedro Sanlucar, ito ay itinuturing na mataas na uri ng tula dahil hitik sa talinghaga. Nagbigay din ng mga halimbawa ng tanaga ang naturang bokabularyo.

Batay sa mga halimbawang ito, ang tanaga ay isang tula na may apat na taludtod, pipituhin ang sukat ng bawat taludtod, at isahan ang tugma. Ang paksa ay tungkol sa mga obserbasyon sa buhay. Ang saknong ay karaniwang binubuo ng dalawang dadalawahing taludtod na nakapagsasarili bilang pahayag na nagbibigay ng aral. Kung minsan naman, nakasentro ang saknong sa iisang idea o kalipunan ng mga imahen na nagsasaad ng isang damdamin o kaisipan.

Ang tanaga ay nahahawig sa salawikain sa tinig at tema. Gayunman, ang tanaga ay itinuturing na nagpapahayag ng mas matinding damdamin at mas malalim na kabatiran tungkol sa buhay. Mas matalinghaga rin ito. Ang tanagang nakarating sa atin ngayon ay sumusunod din sa mas mahigpit na estruktura kung ikokompara sa salawikain na mas pabago-bago ang estruktura.