Taliwas sa alam ng nakararami, hindi si Balagtas ang gumawa ng balagtasan. Wala siyang kinalaman sa paglikha ng tradisyong ipinangalan sa kanya.

Ang totoo, ipinanganak ang balagtasan bilang isang makabagong gawain o pakulo para sa pagdiriwang ng kaarawan ni Balagtas. Ipinanganak si Balagtas noong Abril 2, 1788, at pumanaw noong Pebrero 20, 1862. Isinakonsepto ang balagtasan noong Marso 28, 1924. Ibig sabihin, ni hindi na napanood ni Balagtas ang tradisyong ito.

Sa pulong ng Kapulungang Balagtas, binalak ang pagsasagawa ng makabagong duplo bilang parangal kay Balagtas sa mungkahi ni Lope K. Santos, ang ama ng balarilang Pilipino. Ang duplo ay isang dula-dulaan kung saan may dalawang nagdedebateng panig sa matulain at masisteng paraan. Hindi tiyak ang tinatalakay nilang paksa at may kaguluhan ang pagsasagawa ng duplo. Isa pa, isinasagawa ang duplo sa mga lamayan bilang parangal sa patay at pang-alo sa mga naulila nito. Kung kaya, hindi angkop ang duplo para sa pagdiriwang ng kapanganakan ni Balagtas.

Iminungkahi ni Patricio A. Dionisio na hanguin sa pangalan ni Balagtas ang ipampapalit sa duplo. At si Jose N. Sevilla naman ang nag-usal ng katawagang “balagtasan” para sa nais nilang gawain.

Upang magkaroon ng modelo o huwaran ang mga lalahok sa gawain, isinulat ni Patricio A. Dionisio ang “Balagtasan”—ang kauna-unahang iskrip ng balagtasan. Nakasaad dito ang daloy at mga tauhan ng balagtasan: isang lakandiwa/lakambini na magsisilbing tagapamagitan o moderator sa dalawang magtutunggaling mambabalagtas. Inilathala ito noong Abril 5, 1924, subalit hindi ito kailanman naitanghal.

Abril 6, 1924, itinanghal ang pinakaunang balagtasan sa Instituto de Mujeres, Tondo. May tatlong pares na magtutunggalian: Rafael Olay vs Tomas de Jesus, Amado V. Hernandez vs Guillermo Holandez. Subalit ang main event, kumbaga sa boksing, ay sina Jose Corazon de Jesus vs Florentino T. Collantes. Ang paksa nila ay “Bulaklak ng Lahing Kalinis-linisan” kung saan pinaglabanan nila kung sino sa kanila ang mas karapat-dapat para sa isang binibini.

Oktubre 16, 1925, naganap ang pinakamalaking pagtatanghal ng balagtasan sa Olympic Stadium, Avenida Rizal. Tinatayang 8,000 hanggang 15,000 katao ang dumalo kasama si Hen. Emilio Aguinaldo, mga senador, taga-Malacañang, at tagaakademya. Si Jose Corazon de Jesus, kilala bilang Huseng Batute, ang nagwagi at itinanghal na unang “Hari ng Balagtasan.”

Sa mga susunod nilang labanan, maaagaw ni Collantes ang korona at ang dalawang ito ang kalaunang kikilalaning mga “Hari ng Balagtasan.” Maaagaw muli ni de Jesus ang korona at noong 1932, namatay siyang nasa kanya ang korona. Sa kasaysayan, may tatlo lamang na Hari ng Balagtasan. Ito ay sina Jose Corazon de Jesus, Florentino T. Collantes, at si Emilio Mar Antonio.

Ngayong ika-21 siglo, ipinagpapatuloy ang tradisyon ng balagtasan ng tatlong batikang makatang kilala bilang MTV ng Balagtasan: sina Mike Coroza, Teo Antonio, at Vim Nadera. Dinala nila ang balagtasan sa iba’t ibang lupalop ng bansa pati na sa ibang panig ng mundo.


Hindi lang din sa Katagalugan nagkaroon ng balagtasan. Nagkaroon din ng sarili-sarili nilang bersiyon nito ang ibang lalawigan sa bansa dahil sa impluwensiya ng balagtasan. Ipinangalan sa makatang Kapampangan na si Juan Crisostomo o “Crissot” ang crisotan sa Pampanga. Kay Pedro Bukaneg naman na makata ng Ilocos hango ang bukanegan ng kanilang lalawigan.

Sa kasalukuyan, may mga nagsasabing muling nabuhay ang balagtasan sa anyo ng fliptop. Gayumpaman, hindi sila maituturing na pareho. Bagaman umiiral ang pagpapatama sa kalaban, may tiyak na paksang pinagtatalunan sa balagtasan. Kadalasan pa nga’y mga kontrobersiyal o politikal na usapin ito. Ang fliptop, sa kabilang banda, ay patamaan ng magkatunggali sa isa’t isa sa puntong inaalisan na ng dangal ang kalaban sa matulaing paraan, ngunit walang tiyak na usaping pinagtatalunan. Madalang tayong makakarinig ng fliptop na paglalabanan kung dapat bang mangibang bayan ang Pilipino para magtrabaho. Kalimita’y pinagtatalunan sa fliptop kung sino sa dalawa ang mas “magaling.” Huli, hango ang fliptop sa battle rhyming o rapping ng Amerika.

Subalit sa dulo, sukat, tugma, at hitik na talinghaga ang masasaksihan sa balagtasan at fliptop. Hindi maikakailang nabubuhay pa rin ang mga makata, anuman ang layunin ng kanilang mga tula.

*ang mga impormasyon mula kay G. Michael Coroza at sa Zafra, Galileo  S. 1999. Balagtasan: Kasaysayan at Antolohiya. Quezon City: Ateneo de Manila University Press.