Bago pa ang panahon ng mga Español, mayroon nang mayamang lawas ng panitikan sa Pilipinas. Nang mga panahong iyon, karaniwang binibigkas ang panitikan o ipinapasang salimbibig sa halip na nakasulat. Ang prekolonyal na panitikan ay isang gawaing pangkomunidad, isang pagtitipon-tipon ng pamayanan, at isang pinagsasaluhang ritwal.

Ang mga impormasyong ito ay mula sa Komisyon sa Wikang Filipino na hinango mula sa Sagisag Kultura ng National Commission for Culture and the Arts.

MapLanguage

LUZON / VISAYAS / MINDANAO / UMIIRAL SA TATLONG KAPULUAN

Luzon

Álim

Si Agyu ang pangunahing bayani ng sinaunang epikong-bayan na Olaging at Ulahingan sa Mindanaw. Olaging ang tawag sa epikong-bayan ng mga Bukidnon at sinasabing ukol lámang ito sa búhay at pakikipagsapalaran ni Agyu. Sa kabilâng dako, ayon kay Elena G. Maquiso (1977), ang Ulahingan ay isang sanga ng epikong-bayang Bendigan at nakaukol sa búhay ni Agyu at kaniyang angkan. Ang Bendigan diumano ay epikong-bayan ng mga Manobo at may sanga ito na tinatawag na Tulalangan at hinggil naman sa bayaning si Tulalang.

Malimit na ang paksa ng Ulahingan ay ang paglalakbay ni Agyu, angkan, at mga alagad upang hanapin ang Nalandangan o Nelendangan. Nagsisimula ito sa pagdating ng isang malupit na kaaway o mananakop kayâ kailangang tumakas ng komunidad ni Agyu. May episodyo tungkol kay Mungan, asawa ng kapatid ni Agyu na si Vanlak. Nagkasakit ng ketong si Mungan at nagpasiyang magpaiwan. Ngunit pinagaling siyá ng mga naawang diwata at tinuruan pa kung paanong makaliligtas ang komunidad ni Agyu. May episodyo din sa mga kapatid ni Agyu na gaya nina Tabagka at Lena, gayundin sa anak niyáng si Bayvayan. Isang lumilipad na malaking bangka, ang sarimbar, ang sinakyan nina Agyu upang makaligtas. Sa dulo, narating nilá ang pangakong lupain, ang Nalandangan, at doon naghari si Agyu sa habang-panahon kasáma ang mga adtulusan o pinagpalà.

Gayunman, may nakararating ding kaaway at ibang problema sa Nalandangan. Sa isang Olaging na nakolekta ni Ludivina R. Opeña (1972), inilarawan ang isang malaki’t madugong labanan nang lusubin ng mga kaaway ang Nalandangan. Nagwagi ang mga taga-Nalandangan dahil sa kapangyarihan ni Agyu at sa husay niyá sa pakikidigma. Ang isang katangi-tangi sa Olaging na ito ay ang paglalarawan sa tila-paraisong kalagayan ng Nalandangan at sa malaking bahay ni Agyu.

Bíag ni Lám-ang

Sinasabing pinakapopular na epikong-bayan, ang Biag ni Lam-ang ay nagmula sa Hilagang Luzon, partikular na sa mga lalawigan ng Ilocos at La Union. Nag-iisa itong Kristiyanisadong epikong-bayan at pruweba nitó ang paggamit ng mga pangalang naimpluwensiyahan ng Katolisismo. Sinasabing ang paring si Gerardo Blanco ang nagtalâ ng epikong-bayan noong 1889 at si Canuto Medina na nagtalâ noong 1906. Sinundan ito ng bersiyon na nailathala sa La Lucha, ang bersiyon ni Parayno noong 1927 at pinagsáma niya ang unang dalawang bersiyon at ang bersiyon ni Leopoldo Yabes noong 1935.

Umiikot ang epikong-bayan sa buhay ng pangunahing tauhan na si Lam-ang. Bago siyá ipanganak ni Namongan, inutusan ng kaniyang ina ang kaniyang ama na si Don Juan Panganiban na manguha ng mga kahoy. Ngunit hindi na bumalik si Don Juan hanggang ipinanganak niya si Lam-ang. Pambihirang batà si Lam-ang dahil káya na niyang magsalita at may taglay siyáng kakaibang lakas. Itinanong ni Lam-ang kung nasaan ang kaniyang ama. Nang sinabi ng kaniyang ina na umalis ang kaniyang ama upang labanan ang mga Igorot, nag-ayos si Lam-ang at pumunta sa lugar ng mga Igorot kahit hindi pumayag ang kaniyang ina. Nakita niya na nagsasagawa ng sagang ang mga Igorot. Nang lumapit siyá, nakita niya ang ulo ng kaniyang ama. Pinagpapatay niya ang mga Igorot.

Nang bumalik siyá sa bayan, may mga dalagang naghihintay sa kaniya upang paliguan siyá. Nang maligo siyá sa Ilog Amburayan, namatay ang mga isda sa baho ng kaniyang libag. Hinanap niya ang dalagang nagnangangalang Ines Kannoyan, anak ng pinakamayamang tao sa Kalanutian. Pumunta siyá sa nasabing lugar, kasáma ang tandang at aso niya. Nakarating siyá matapos ang pakikipaglaban kay Sumarang at pang-aakit ni Sarindang. Nasindak sa kaniya ang mga lumiligaw kay Ines Kannoyan. Naibigay din niya ang lahat ng mga hiling ng magulang nitó kayâ ikinasal ang dalawa. Minsan, nangisda si Lam-ang at nakain siyá ng berkakan, isang malaking isda. Isang maninisid ang nakakuha ng kaniyang labí at sa tulong ng kaniyang tandang, muli siyáng nabuhay at namuhay nang matiwasay.

Hudhúd

Sa lipunang Ifugaw, ang Hudhúd ay isang mahabang salaysay na patula na karaniwang inaawit sa panahon ng tag-ani, o kapag inaayos ang mga payyo o dinadamuhan ang mga palayan Inaawit din ito kapag may lamay sa patay at ang yumao ay isang táong tinitingala dahil sa kaniyang yaman o prestihiyo. Kinakanta ang Hudhud sa mga naturang okasyon bilang paglilibang o pampalipas-oras lamang. Hindi nakaugnay sa anumang ritwal ang pagkanta ng Hudhud.

Karaniwang umiikot ang kuwento nito sa mga karanasan ng isang pambihirang nilaláng, kadalasan ay si Aliguyon, na kabilang sa uring mariwasa o kadangyan. Ang diin ay nasa pagsuyo at pakikipag-isang-dibdib niya sa isang babaeng mula rin sa uring kadangyan. Ang tema ng pag-ibig at kariwasaan ang nangingibabaw sa Hudhud.

Tumatagal nang ilang oras o isang araw ang pag-awit ng Hudhud. Kinakanta ito ng isang grupo o koro, ang mun-abbuy, na pinangungunahan ng isang punòng mang-aawit, ang munhaw-e. Ang mga linyang kinakanta ng munhaw-e ang nagdadala ng salaysay. Mga babae ang umaawit ng Hudhud. Kung minsan, panandaliang sumasali sa pagkanta ang ilang kalalakihan, ngunit ayon sa matatanda, hindi ito sumasang-ayon sa tradisyon.

Sinasalamin ng Hudhud ang mga paniniwala’t kaugalian ng sinaunang lipunan ng mga Ifugaw, at binibigyang-paliwanag ang mga bagay na kanilang pinahahalagahan. Matatagpuan sa Hudhud ang paglalarawan sa mga konsepto na kinababatayan ng mga ugnayang pampamilya, at ng mga ugnayan ng iba’t ibang grupo sa loob at labas ng ili o nayon. Makikita rito ang paniniwala ng mga Ifugaw tungkol sa mga diyos at espiritu, at kung paano sila dapat makipag-ugnayan sa mga ito. Mangyari pa, matatagpuan din sa Hudhud ang pagtukoy sa iba’t ibang ritwal na mahigpit na bahagi ng pang-araw-araw na buhay ng mga Ifugaw.

Noong 2001, kinilala ng UNESCO ang Hudhud bilang isa sa mga Masterpiece of the Oral and Intangible Heritage of Humanity.

Ibalón

Nakamihasnang pamagat ang Ibalón sa salaysay ng pakikipagsapalaran ng mga bayaning sina Baltog, Handiong, at Bantong. Pinaniniwalaang isang sinauna’t mitolohikong salaysay ito ng mga Bikolano. Gayunman, pinagdududahang epikong-bayan ito dahil sa kasalukuyang napakaikling anyo nitó (240 taludtod) at nakasulat sa wikang Espanyol. Bahagi ang naturang teksto ng libro ni Padre Jose Castaño, isang paring nadestino sa Bikol. May makatang nagsalin ng teksto sa Bikol ngunit walang nakatutuklas hanggang ngayon ng kahit isang orihinal na saknong nitó sa wika ng mga Bikolano. May tumatawag ding Ibalón sa Kabikulan.

Nagsisimula ang salaysay sa isang kahilingan ng ibong si Yling kay Cadugnung na kantahin ang kuwento ni Handiong. Isinasalaysay muna ni Cadugnung ang kagitingan ni Baltog na pumatay sa Tandayag, isang dambuhalang baboy. Sumunod ang kuwento ni Handiong. Bago siya dumating ay punô ng mababangis at malalaking hayop ang Kabikulan. Madalî niyang pinatay ang mga ito maliban kay Oriol, ang mailap na ahas na nagbabalatkayo bilang isang napakagandang babae. Pagkatapos mapatay si Oriol ay nagkaroon ng mga pag-unlad sa sining at industriya sa ilalim ng pamumunò ni Handiong. Ang hulíng bayani, si Bantong, ang pumatay sa dambuhalang si Rabot, isang nilaláng na kalahating tao at kalahating hayop at nagiging bato ang matingnan. Pinatay ni Bantong si Rabot hábang natutulog. Dito huminto sa pag-awit si Cadugnung.

Kudaman

Isa ang Kudaman sa umaabot sa 60 tultul o epikong-bayan ng pangkating Palawan na nakolekta ni Nicole Revel-Macdonald pagkatapos ng 20 taóng saliksik mulang 1970. Ang saliksik ni Revel-Macdonald ay patunay sa napakayamang panitikang-bayan ng Filipinas. Ang bayaning si Kudaman ay datu ng Kapatagan, may putong na kalapati at may tahanang naliligid ng liwanag. May sasakyan siyáng malaki’t mahiwagang ibon, si Linggisan, na isang kulay lilang bakaw, na nagdadalá sa kaniya sa iba’t ibang lupain at pakikipagsapalaran. Tuwing aalis siyá, iniiwan niya sa mga asawa ang isang bulaklak ng balanoy na kapag nalanta ay sagisag ng kaniyang kasawian.

Ang kasalukuyang Kudaman ay inawit ni Usuy, isang babaylang Palawan, at ilang gabi niya itong inawit. Isinalin sa Filipino ni Edgar B. Maranan ang tultul nang ilathala noong 1991. Nagsisimula ito sa istorya kung paano napangasawa ni Kudaman si Tuwan Putli, at pagkaraan, ang tatlo pang asawa na nagturingang magkakapatid at nagsáma-sáma sa isang tahanan. Sinundan ito ng pagdalo sa isang pagdiriwang ng mga Ilanun upang manggulo. Ilang taóng naglaban si Kudaman at ang pinunòng Ilanun at sa ganitong labanan ay nagwawagi sa dulo ang bayani upang kaibiganin ang nakalaban. Anupa’t malimit magtapos ang mga bahagi ng tultul sa malaking inuman ng tabad, ang alak ng Palawan, at pagkonsumo ng mahigit sandaang tapayan ng alak. Dili kayâ’y nagsisimula ito sa malaking inuman na nauuwi sa labanan kapag nalasing ang mga panauhin. Sa dulo ng mga nairekord na tultul, sampu na ang asawa ni Kudaman na nakatagpo sa iba’t ibang abentura.

Gayunman, mapapansin diumano ang taglay na hinahon at paghahangad ng kapayapaan ni Kudaman. Maraming tagpo ng sigalot na tinatapos sa kasunduang pangkapayapaan at pagpapasiya alinsunod sa tradisyong Palawan. Nakapalaman din sa tultul ang mga kapaniwalaan ng Palawan at ang konsepto nilá ng sandaigdigan.

Mánang Bidáy

Isang popular na pangharanang awit na katutubo sa Kailokohan ang “Mánang Bidáy.” Naglalahad ito ng marubdob na pagsinta ng isang bi­nata sa isang dilag na tinawag na Mánang Bidáy (Aling Biday). Bagaman at mas matanda ang dalaga sa binata (ang tawag na “manang” ay “ate” sa mga Ilokano), hindi ito dahilan, wika niya sa kanta, para hindi niya ipahayag ang kaniyang pag-ibig. Subalit matatag na nagsabi ang dalaga ng kaniyang mga dahilan na hindi karapat-dapat ang sumusuyo sa kaniya. Ang magkabilâng pahayag ng binata at dalaga sa pamamaraang nagsasagutan silá ang kabuuan ng kanta.

Ang “Mánang Biday” ay sumasagisag sa kaugalian ng kababaihang Fili­pino—maganda, balingkinitan, ngunit mayumi at mahirap suyuin. Waring nilagom diumano ito ni Rizal sa imahen ni Maria Clara. Sa kasamaang pal­ad, ang mga ganitong kanta na nakapaloob ang tradisyonal na kaugaliang Filipino ay nasasapawan na ng mga kantang popular at hip-hop na nagla­laman ng mga modernong kaugaliang kaiba, at malimit pang salungat, sa katutubo’t tradisyonal. Sa unti-unting paglimot sa musika katulad ng “Manang Biday” ay unti-unti ring namamatay ang magandang kulturang Filipino.

Manimimbin

Isa sa mga epikong-bayan ng Palawan hinggil sa binatang si Manimimbin na naglakbay sa paghahanap ng asawa. Nakatagpo siyá ng isang babae na inibig niya ngunit tumutol sa kaniyang panunuyò. May kapatid ang babae, si Labit, na naging kaibigan ni Manimimbin. Sa pagpapatuloy ng kuwento, nag-away sina Manimimbin at Labit. Dahil kapuwa may mahiwagang ka­pangyarihan, tumagal ang kanilang paglalaban at walang manalo. Naisip niláng lumipad sa langit at humanap ng tagapamagitan. Natagpuan nilá ang Kulog at bumalik silá sa lupa. Sa ikalawang paglalakbay ni Manimimbin at sa tulong ng mga mahiwagang ibon at ng Binibini ng mga Isda, nagwa­kas ang epikong-bayan sa sabay na pag-iisang-dibdib nina Manimimbin at Labit. Nakasal si Manimimbin sa kapatid ni Labit at si Labit sa kapatid ni Manimimbin.

Ang epikong-bayan ay isa sa mga nalikom at reirekord ng etnolohistang Pranses na si Nicole Revel sa kaniyang pagsasaliksik sa Palawan. Narinig niya ang epikong-bayan kay Masinu. Nalathala ito sa Paris noong 2000 na may kalakip na mga salin sa Pranses at Ingles. Isa pang epikong-bayang Palawanon, ang Kudaman, ang inilathala sa Paris noong 1983 at muling inilathala noong 1991 nang may salin sa Filipino ni Edgardo Maranan.

Mariáng Makiling

Si Mariáng Makáling ang diwatang nangangalaga sa Bundok Makiling, Laguna. Siyá ang pinakatanyag na diwata sa mitolohiya ng Filipinas. Ini­larawan siyá bilang napakagandang dalaga na hindi tumatanda. Mayroon siyáng mahabàng buhok, nangungusap na mga matá, at kayumangging balát. Kalahating nimpa, kalahating silfide, isinilang siyá ng silahis ng bu­wan sa Filipinas at kinalinga ng misteryo ng kagubatan at lawa.

Naging bahagi ng tradisyong oral ng Filipinas ang alamat ni Mariang Makiling kayâ iba’t ibang bersiyon ang naipása bago pa man ito maido­kumento. Isinulat ni Jose Rizal ang alamat ni Mariang Makiling noong 23 Nobyembre 1890 na nailathala sa La Solidaridad noong Disyembre 1890. Ayon dito, walang nakatitiyak kung saan ang tirahan niya: ang mga na­kakatagpo nitó sa gubat ay hindi na muling nakababalik sa kani-kanilang bayan. May ilang nagsasabing nakatira siyá sa isang engrandeng bahay, hábang sa iba, isa lámang lumang kubo ang kaniyang tirahan.

Pinakahilig ni Maria ang paglalakad matapos ang isang bagyo upang ip­anumbalik ang kaayusan at kapayapaan sa nasirang kagubatan. Pinahihi­ram niya ng mga gamit ang mahihirap kapalit ng pagbalik ng mga ito ng gamit at pag-aalay ng putîng dumalaga. Binibigyan din niya ang mga ito ng áni, ginto, relikaryo, at alahas. May isang mangangaso na humabol sa isang baboy-damo na alaga ni Maria ang pinatuloy niya sa kaniyang ba­hay at pinakain, binigyan niya ito ng luya at nang papauwi, naging ginto ang mga ito. Dumating ang panahon, ayon kay Rizal, na hindi na nakikita ang diwata. Sinasabing dahil ito sa hindi na ibinabalik sa kaniya ang mga gamit at hindi na inaalayan ng dumalaga. Maaari ring dahil sa nabigông pag-ibig sa isang binata. Ayon sa isang alamat, umibig si Maria sa isang lalaki at pinagpapalà ang sakahan nitó. Nang magkaroon ng giyera, pinili ng lalaking magpakasal upang hindi sapilitang humawak ng sandata. Nag­pakita sa kaniya si Mariang Makiling upang magpaalam at magbigay ng handog para sa nalalapit na kasal ng lalaki. Hindi na nakita pa ang diwata simula noon.

Mariáng Sinukúan

Si Mariáng Sinukúan ay isang napakaganda at mabait na diwata na pi­naniniwalaang naninirahan sa Bundók Aráyat. Sukô ang pinaikling tawag sa kaniya ng mga tao, bukod sa ito rin ang nagiging tawag sa bundok. Alin­sunod sa alamat ng mga bayan sa paligid ng bundok, si Mariang Sinukuan ang nangangalaga sa mga halaman, hayop, at kaligiran. Nahihingan din siyá ng tulong ng mga tao upang makaligtas sa bagyo at peste ang kanilang pananim. Dinadalaw din niya ang mga maysakit at binibigyan ng lunas. Sa mga bayan sa Bulacan at Nueva Ecija, sinasangguni ng mga magsasaka tuwing umaga ang bundok. Kapag maaliwalas ang tuktok ng bundok, nan­gangahulugang aaraw maghápon. Ngunit kapag may “pútong si Sukô,” ibig sabihin, may maitim na ulap sa tuktok ng bundok, nangangahulugang may darating na ulan. Mga senyas ito kung dapat siláng magtanim ng pa­lay o madaliin ang paggapas ng palay.

Sang-ayon sa alamat, tinawag siyáng “Sinukúan” dahil sumusukò sa kani­ya ang mga nanligaw na engkantadong nilikha. Isa sa kanila ang masugid na si Báka, isang mayabang na higante na nakatira sa Sierra Madre. Ka­hit tinanggihan na ni Maria ay ipinipilit pa rin ni Báka ang pagsinta. Sa dulo, napilitan si Maria na bigyan si Báka ng pagsubok. Ginamit ni Báka ang kapangyarihan upang magwagi. Ngunit higit na matalino si Maria. Sa dulo, bago tumanggap ng pagkatálo ay nagalit ang higante at pinukol ng mga bato ang bundok ni Maria. Iyon ang sanhi ng pagkasira ng maganda’t konikong hugis ng Bundok Arayat. “Sumuko” si Báka at nagmukmok sa kaniyang kuweba sa Sierra Madre ngunit naglaho naman si Maria.

Pámulináwen

Ang Pámulináwen ay isang awiting-bayan ng mga Ilokano. Ang awit ay ukol kay Pamulinawen, isang magandang babaeng may matigas na puso na parang bato. Kahit gaano kasugid ang lalaki sa panunuyo sa kaniya ay di niya ito pinapansin.

Nasa batayang sukat na 2/4, ang musika ay nasa mayor na tonalidad. Mabilis ang kompas nito at nasa estilong polka. Narito ang isang bahagi ng titik ng awit, gayundin ang literal na salin nito:

Babae: Uray no mano karutap ti pagbatayam
Kahit umakyat ka pa sa hagdan
A gumaw-at kaniak
Upang ako’y maabot,
Dikanto kanaen a magaw-atnak
Huwag isiping akoy magiging iyo T
a azucena ak a napnuan dayak.
Dahil ako’y isang magandang bulaklak.

Lalaki: Pamulinawen, pusok indenganman
Pamulinawen, may pusong bato, makinig:
Toy umas-asog a agrayo ita sadiam
Ang abang lalaking ito na sumasamo sa iyo,
Panunotem man, dika paguintutulngan
Tandaan at huwag kalimutan,
Toy agayat, agrayo ita sadiam.
Ang nagmamahal na laging sa iyo’y nangangarap.

Inareglo ang awit ng dalawang Pambansang Alagad ng Sining para sa Musika. Ang likha ni Maestro Lucio D. San Pedro ay para sa apatang boses na unang inilimbag noong 1969 sa kalipunang Mga Tinipong Panabayang-Awiting Pilipino nina C. Maceda at C. Bautista. Muli itong lumabas sa The Choral Works of Lucio D. San Pedro na inilimbag ng UP Concert Chorus noong 1975. Ang areglo naman ni Maestra Lucrecia Kasilag ay para sa tatluhang boses sa mataas na tono ng babae o koro ng mga bata.

Ullalim

Ang Ullalim ang epikong-bayan ng mga Kalinga sa Cordillera. Isang bantog na bayani sa naturang epikong-bayan si Banna ng Dulawon. Noong 1974, inilathala nina Francisco Billiet at Francis H. Lambrecht ang ilan sa kaniyang mga pakikipagsapalaran. Sa Nibalya da Kalinga (Kasal ng Magkaaway), sinalakay nina Banna ang isang nayon para mamugot. Nagkaroon ng madugong labanan at napahiwalay siyá sa mga kasáma. Dahil tinutugis ng mga kaaway, naisip niyang tumalon sa ilog at magpatangay sa agos. Nakarating siyá sa isang kaaway na nayon at nakita ni Onnawa, na dagling umibig sa kaniya. Nag-iisa noon si Onnawa dahil nása pamumugot din ang ama at mga kanayon. Nagsáma sina Banna at Onnawa bago umuwi ang mandirigma. Nabuntis si Onnawa, at para mailihim ang nangyari ay ipinaanod sa ilog ang sanggol na si Gassingga, kasáma ang mga handog sa kaniya ni Banna. Mabuti’t nasagip ang sanggol ni Mangom-ombaliyon at pinalaking isang mahusay na mandirigma.

Si Banna naman ay nanligaw sa magandang si Laggunawa. Ngunit ang gusto ng ama ng babae ay ipakasal ito sa sinumang makapapatay sa higanteng si Liddawa. Marami nang mandirigmang nabigo na mapugot ang ulo ni Liddawa. Nabalitaan din ni Gassingga ang kondisyon ni Laggunawa at nagpasiyang lumahok. Nagdalá siyá ng alak sa nayon ni Liddawa at hinámon ang lahat ng inuman. Nang malasing si Liddawa, pinugot ni Gassingga ang ulo nitó at dinalá sa bahay ni Laggunawa. Ipinabalita ang kasal nina Gassingga at Laggunawa.

Nagalit si Banna sa nangyari at nagsadya sa bahay ni Laggunawa. Hinámon niya ang hindi nakikilalang anak. Nag-isip ng paraan si Laggunawa para mapigil ang labanan. Binigyan niya ng pagsubok ang dalawa. Nagwagi sa pagsubok si Banna. Ngunit kinain ng malaking sawá si Gassingga. Ipinasiyang iligtas si Gassingga. Pati si Mangom-ombaliyon ay dumating. Nailigtas ni Banna si Gassingga at nakilala ang anak. Sa dulo, nagkaroon ng dalawang kasalan. Binalikan ni Banna si Onnawa para pakasalan. Ikinasal din sina Gassingga at Laggunawa.

LUZON / VISAYAS / MINDANAO / UMIIRAL SA TATLONG KAPULUAN

Visayas

Dandansóy

Ang “Dandansóy” ay isang awiting-bayan sa Kabisayaan partikular na sa isla ng Panay. Ang awiting ito ay nása wikang Hiligaynon. May apat na saknong na tig-aapat na taludtod ang kanta. May bilang na walo (8) at siyam (9) na pantig ang bawat linya. Inukukuwento ng kanta ang pamamaalam kay Dandansoy ngkasintahan na uuwi sa Payaw.Gayunman binibigyan ng babae si Dandansoy ng pagkakataón upang patunayan kung wagas ang pag-ibig. Nása unang saknong ang pamamaalam at pagbibilin kay Dandansoy na kung ito ay mangulila o ‘hidlawon’ ay maaari siyáng makita sa Payaw.

Dandansoy, bayaan ta ikaw,
Pauli ako sa Payaw
Ugaling kung ikaw hidlawon
Ang Payaw, imo lang lantawon.

Sa pangalawang saknong, binabalaan ng mang-aawit si Dandansoy na kung ito ay susunod (“apason”), huwag magbabaon ng tubig. Subalit kung ito ay mauuhaw, sa daan ay may maiinumang balon (“magbubon-bubon”). Ang mga saknong ay may tugmang aabb bbbb cccc dddd.

Dandansoy, kung imo apason
Bisan tubig di magbalon
Ugaling kung ikaw uhawon
Sa dalan magbubon-bubon.

Sa pangatlong saknong, itinatanong kung nasaan ang kura sa kumbento at nasaan ang hustisya sa munisipyo dahil magsasampa ng kaso (“maqueja”) si Dandansoy–kaso sa pag-ibig.

Convento, diin ang cura? Municipio, diin justicia? Yari si dansoy maqueja. Maqueja sa paghigugma.

Sa hulíng saknong, sinasabi ng mang-aawit kay Dandansoy na dalhin ang kaniyang panyo upang maikompara (“tambihon”) nitó sa kaniyang sariling panyo. Kapag nagkatugma ang mga panyo, ang ibig sabhinin ay bana nitó si Dandansoy. Bilang awiting-bayan, walang kinikilálang sumulat sa kanta at wala ring kinikilálang mang-aawit, ngunit inawit na ng mga sikat ng mang-aawit gaya nina Nora Aunor at si Pilita Corales. Itinuturing din itong isang ili-ili o panghele sa batà upang makatulog.

Hiniláwod

Tinatawag na Hiniláwod ang epikong-bayan ng mga Sulod na nakatira sa bulubunduking bahagi ng Panay. May dalawa itong pangunahing tauhan, sina Labaw Donggon at Humadapnon, at may mga sariling salaysay. Sa saliksik ni F. Landa Jocano, kaniyang naitalâ ang Labaw Donggon noong 1956 mula kay Ulang Udig, isang Sulod sa Iloilo.

Ang salaysay na Labaw Donggon ay nagsimula sa kaniyang pamilya. Isa siyá sa tatlong mala-bathalang anak nina Abyang Alunsina, isang diwata, at ni Buyung Paubari, isang mortal. Mga kapatid niya sina Humadapnon at Dumalapdap. Pagkapanganak sa kaniya ay naghanap si Labaw Donggon ng mapapangasawa. Una niyang nakuha si Abyang Ginbitinan, ikalawa si Anggoy Doronoon. Ikatlo at pinakamahirap ang pakikipagsapalaran niya ay si Malitong Yawa Sinagmaling na asawa ni Saragnayan, tagapag-alaga ng araw. Dahil may agimat din si Saragnayan, natalo niya si Labaw Donggon sa labanan na tumagal ng maraming taon. Ibinilanggo ni Saragnayan si Labaw Donggon sa kulungan ng baboy sa silong ng bahay niya. Samantala, nanganak ng dalawang lalaki ang dalawang asawa ni Labaw Donggon, sina Asu Mangga at Buyung Baranugan. Hiananap ng magkapatid ang ama, nakaharap si Saragnayan, ngunit ngayo’y natuklasan ni Baranugan ang lihim ng kapangyarihan ni Saragnayan kayâ napatay ang asawa ni Malitong Yawa Sinagmaling. Pinawalan ng magkapatid si Donggon at pinaliguan. Ngunit nagtago ito sa loob ng isang lambat. Sina Humadapnon at Dumalapdap naman ang humanap kay Labaw Donggon at nakita nilá ito sa loob ng lambat ngunit halos bingi at lubhang matatakutin. Gayunman, pinagtulungan siyáng gamutin nina Abyang Ginbitinan at Anggoy Doronoon pagkatapos mangako na pantay-pantay siláng ituturing na asawa kasama ni Malitung Yawa Sinagmaling. Sinundan pa ito ng mga pakikipagsapalaran nina Humadapnon at Dumalapdap na nakuha din ng kani-kanilang asawa.

Sa ulat ni E. Arsenio Manuel (1963), may epikong-bayan tungkol kay Humadapnon na anak nina Munsad Burukalaw at Anggay Ginbitinan at ang pakikipagsapalaran nitó upang makuha si Nagmalitong Yawà Nagmaling Diwatà. Naipit ang kaniyang ginintuang biray sa dalawang nag-uumpugang malaking bato ngunit iniligtas siyá ng mga kaibigang espiritu. Pagkaraan, naengkanto naman siyá nang pitóng taon sa pulo ng magagandang babae. Isang mahiwagang lalaki ang nagligtas sa kaniya (si Nagmalitong Yawà na nakabalatkayo) at muling naglaho. Nagpatuloy sa paghahanap si Humadapnon at dumanas ng marami pang hirap. Sa wakas, natagpuan niya ang Ilog Halawod at nakasal kay Nagmalitong Yawà. Sa pagdiriwang, isang lalaki ang dumagit kay Nagmalitong Yawà. Sakay ng kalasag, humabol si Humadapnon at naglaban silá ng lalaki nang pitóng taon. Sa dulo, namagitan si Launsinà, diwata ng langit, at ipinaliwanag na kapatid ni Humadapnon ang lalaki—si Amurutha. Hinati ni Launsinà si Nagmalitong Yawà, na nabuhay muling dalawang magandang babae, at naging mga asawa nina Humadapnon at Amurutha.

Juan Púsong

Si Juan Púsong (Hu•wán Pú•song) ay tauhang sa mga trickster tale o kuwento ng panlilinlang sa Filipinas, lalo na sa Kabisayaan. Tiyak na may kaugnayan sa pangalan ng tauhang-bayan ito ang pagtawag din ng “púsong” sa tauhang katatawanan, katumbas ng payaso o lukayo, sa komedya nitóng ika-19 siglo. Hindi dapat ipagkamalî ito sa pusóng (mabilis ang bigkas) na isang masamâng tao at malimit ngang tawag sa kontrabida sa metriko romance at komedya. Ang pusóng at púsong ay nangangahulugang tuso at mapanlinlang. Ang kuwénto ng panlilinláng ay tungkol sa pakikipagsapalaran ng isang bayaning mahinà at malimit na api-apihan ngunit nakababawi sa dulo sa pamamagitan ng nakatutuwang panlilinlang. Malimit na biktima ng panlilinlang ang isang awtoridad (mayaman, datu, o mayabang na tao) kayâ sinasabi rin na isang paraan ito ng pagpapahayag ng subersiyon sa makapangyarihan sa lipunan. Bukod kay Juan Púsong, popular din sa Mindanao sina Pilandók at Abbunáwas, at may mga kuwento ng panlilinlang din si Juan Tamád.

Sa isang kuwento ni Juan Pusong, napansin niyang marami ang naihanda niyang pagkain para sa sarili kayâ inilibing niya ang pitóng palayok ng manok at pitóng palayok ng baboy sa aplaya at naglaro ng palaka. Isang barko ang dumaong at tinanong ng kapitan si Pusong tungkol sa palaka. Sinabi niya na mahiwaga ang palaka dahil tumutuntong ito sa lugar kung saan may pagkain. Nang hukayin ng kapitan at ng kaniyang tauhan ang dalampasigan na nilundagan ng palaka, nakita nila ang inilibing na pagkain ni Pusong. Sa paniniwalang makapangyarihan nga ang palaka, ipinagpalit ng kapitan ang kaniyang mga kargamento para dito.

Sa isa namang kuwento, inaresto at ikinulong si Juan, at itatápon sa karagatan. Bago dumating ang araw na iyon, napadaan ang isang prinsipe sa kaniyang kulungan. Sinabi ni Juan sa kaniya na ikinulong siya ng hari dahil tumanggi siyang pakasalan ang isang prinsesa dahil hindi siyá karapat-dapat dito. Nakipagpalit sa kaniya ang prinsipe at ito ang nalunod sa karagatan. Binalikan ni Juan ang haring nagpatápon sa kaniya. Sinabi niyang nakita niya sa ilalim ng dagat ang ama at kamag-anak nitó doon. Ipinag-utos ng hari na itápon siyá sa dagat at nalunod siyá. Naging hari si Juan.

Pandagúan

Si Pandagúan ay isang tauhan sa mitolohiyang Bisaya. Ang mito niya ay kaugnay ng konsepto ng kamatayan, at may ilang bersiyon ng salaysay ukol sa kaniya.

Sa isang kuwento, si Pandaguan ang isa sa mga anak nina Sicalac at Sicabay, na maituturing na Adan at Eba. Asawa niya si Lupluban, at may isa siláng anak, si Anoranor. Bilang matalino at malikhain, nakagawa si Pandaguan ng unang lambat o panghúli ng isda sa kasaysayan. Ang una niya kaagad nahúli ay isang malaking pating. Iniahon niya ito sa galak, ngunit bilang isang isda, namatay ang hayop. Ito ang sinasabing unang kamatayan sa daigdig, at si Pandaguan ang tagapagdulot nitó. Nang napag-alaman ito ni Kaptan, ang bathala ng kalangitan, sa galit ay naghagis siyá ng kidlat kay Pandaguan. Namatay si Pandaguan at siyá ang unang táong nakaabot sa Kabilang-Buhay. Hábang nagluluksa, inalo si Lupluban ng lalaking si Marancoyang (o Maracoyrun), at sa hulí ay sumáma dito bilang asawa. Nanatili naman si Pandaguan ng tatlumpung araw sa Kabilang-Buhay, at pagkatapos nitó ay ipinadaláng muli ni Kaptan sa daigdig. Pagdating sa lupa, ipinadalá ni Pandaguan ang anak na si Anorinor upang sunduin ang asawa. Si Lupluban naman noon ay nagpipista kasáma ang bagong asawang si Marancoyang. Sa isang bersiyon ng salaysay, hindi naniwala si Lupluban na nabuhay muli si Pandaguan, at nang ipinaalam ito ni Anorinor, naghinagpis si Pandaguan at bumalik na lámang sa Kabilang-Buhay. Sa isa namang bersiyon, naghinagpis na kaagad si Pandaguan pagkalaam na nag-asawang muli si Lupluban, at kusang bumalik sa Kabilang-Buhay.

Sa isa namang bersiyon, pagkahúli ni Pandaguan ng pating, inutusan siyá ni Kaptan na ibalik kaagad ito sa dagat. Hindi siyá sumunod, dahil na rin sa pakiramdam na kung kináya niyang mahúli ang malaking pating ay káya rin niyang tanggihan ang mga bathala. Nagalit si Kaptan at pinatamaan ng kidlat si Pandaguan. Hindi namatay si Pandaguan; bagkus ay nahimlay lámang ng tatlumpung araw sa lupa bago bumangong muli. Sinunog ng kidlat ang kaniyang katawan, at lahat ng kaniyang inapo ay itim ang balát.

LUZON / VISAYAS / MINDANAO / UMIIRAL SA TATLONG KAPULUAN

Mindanao

Agyu

Si Agyu ang pangunahing bayani ng sinaunang epikong-bayan na Olaging at Ulahingan sa Mindanaw. Olaging ang tawag sa epikong-bayan ng mga Bukidnon at sinasabing ukol lámang ito sa búhay at pakikipagsapalaran ni Agyu. Sa kabilâng dako, ayon kay Elena G. Maquiso (1977), ang Ulahingan ay isang sanga ng epikong-bayang Bendigan at nakaukol sa búhay ni Agyu at kaniyang angkan. Ang Bendigan diumano ay epikong-bayan ng mga Manobo at may sanga ito na tinatawag na Tulalangan at hinggil naman sa bayaning si Tulalang.

Malimit na ang paksa ng Ulahingan ay ang paglalakbay ni Agyu, angkan, at mga alagad upang hanapin ang Nalandangan o Nelendangan. Nagsisimula ito sa pagdating ng isang malupit na kaaway o mananakop kayâ kailangang tumakas ng komunidad ni Agyu. May episodyo tungkol kay Mungan, asawa ng kapatid ni Agyu na si Vanlak. Nagkasakit ng ketong si Mungan at nagpasiyang magpaiwan. Ngunit pinagaling siyá ng mga naawang diwata at tinuruan pa kung paanong makaliligtas ang komunidad ni Agyu. May episodyo din sa mga kapatid ni Agyu na gaya nina Tabagka at Lena, gayundin sa anak niyáng si Bayvayan. Isang lumilipad na malaking bangka, ang sarimbar, ang sinakyan nina Agyu upang makaligtas. Sa dulo, narating nilá ang pangakong lupain, ang Nalandangan, at doon naghari si Agyu sa habang-panahon kasáma ang mga adtulusan o pinagpalà.

Gayunman, may nakararating ding kaaway at ibang problema sa Nalandangan. Sa isang Olaging na nakolekta ni Ludivina R. Opeña (1972), inilarawan ang isang malaki’t madugong labanan nang lusubin ng mga kaaway ang Nalandangan. Nagwagi ang mga taga-Nalandangan dahil sa kapangyarihan ni Agyu at sa husay niyá sa pakikidigma. Ang isang katangi-tangi sa Olaging na ito ay ang paglalarawan sa tila-paraisong kalagayan ng Nalandangan at sa malaking bahay ni Agyu.

Bantugën

Si Bantugën ay isang magiting na mandirigma sa epikong-bayang Darangën ng mga Mëranaw. Siyá ay kilalá sa kaniyang kahariang Bumbaran dahil sa mga naipanalo niyang mga digma at labanan.

Sagisag ng tapang at kakisigan, si Prinsipe Bantugën ay sikat na sikat sa kanilang kahariang Bumbaran lalo na sa mga dalaga. Sinasabing naligawan na niya ang 50 na pinakamagandang prinsesa sa mundo. Dahil dito, lubhang naiinggit sa kaniya ang mas nakatatandang kapatid na si Haring Madali. Ipinagbawal ni Madali na kausapin ng kahit sino ang kaniyang kapatid.

Sa labis na kalungkutan, umalis ng kanilang kaharian si Bantugën hanggang nagkasakit at namatay malapit sa Kaharian ng Lupaing nása Pagitan ng Dalawang Dagat. Nakita ng hari at ni Prinsesa Datimbang ang katawan ni Bantugan at agad inilapit ang kanilang balita sa pulong ng mga tagapayo. Isang loro ang pumasok at sinabi kung sino at kung saan gáling ang patay na manlalakbay.

Nang mabalitaan ito ni Haring Madali, binawi niya ang kaluluwa ng kapatid sa langit upang maibalik sa katawan ni Bantugën. Kumalat ang balita ng kaniyang pagkabuhay hanggang sa kaaway na kaharian at kay Haring Miskoyaw. Sinugod ng kawal ni Miskoyaw ang Bumbaran at nabihag si Prinsipe Bantugën na may nanghihinà pang katawan. Nang magbalik ang lakas, pinuksa niya ang hukbo ng kaaway na hari at iniligtas ang buong Bumbaran. Nagkaroon silá ng malaking pagdiriwang at nawala na ang inggit sa puso ni Haring Madali. Matagal at masayang namuhay sa kaharian ng Bumbaran si Prinsipe Bantugën kasáma ng mga pinakasalan niyang prinsesa.

Indarapátra at Suláyman

Ang Indarapátra at Suláyman ay isang epikong-bayan ng mga Magindanaw sa Mindanao. Inaawit na ito bago pa man dumating ang paniniwalang Islam sa isla. Pangunahing tauhan nitó ang magkapatid na sina Raha Indarapatra at Raha Sulayman at kung paano nilá iniligtas ang Mindanao laban sa mga halimaw. Hari si Indarapatra ng Mantapuli, isang malaki at dakilang lungsod na pinamamahayan ng maraming tao, samantalang magiting na mandirigma si Sulayman. Bukod sa epikong-bayang ito, lagi ring nababanggit si Indarapatra sa ibang kuwentong-bayang Magindanaw, at maituturing siyáng kanilang maalamat na bayani.

Nagsisimula ang Indarapatra at Sulayman nang mababalitaan ni Indarapatra ang malimit na pananalakay ng mga dambuhala at mababangis na hayop sa ibang panig ng Mindanao, sa labas ng kaniyang kaharian ng Mantapuli. Ipinatawag niya ang kapatid na si Sulayman. Papakiusapan niya itong puksain ang mga halimaw, at ipahihiram ang kaniyang mahiwagang singsing at mahiwagang kris, ang Juru Pakal, na animo’y may sariling isip sapagkat káya nitóng lumusob sa kalaban nang mag-isa. Pagkatapos ng iba pang tagpo at labanan, sa dulo ng salaysay ay ipanganganak sina Rinamuntaw at Rinayung, kambal na anak na lalaki at babae ni Indarapatra at sinasabing ninuno ng ilan sa mga tribu ng rehiyon ng Lawang Lanao.

Ayon sa aklat ni Damiana L. Eugenio, umaayon ang lunan ng epikong-bayan sa lupaing pamilyar sa mga Magindanaw, tulad ng mga bundok Kabalalan, Matutun, Bita, at Gurayn. Kahit may nakapasok na mga pangalang Arabe, nananatili pa rin daw tapat ang naratibo sa katutubong tradisyon ng mga Magindanaw.

Olaging

Ang Olaging (O•lá•ging) ng Bukidnon ay isang epikong-bayan tungkol sa labanan sa Nalandangan at ang pagtatanggol dito ng bayaning si Agyu at kaniyang angkan. Kuwento ito ng mga táong nagpapahalaga at nagma­malaki ng kanilang lupain at ng mga pagdiriwang para sa kanilang lahi at ng bayaning si Agyu. Bagaman mayroong mga pinsala, naipanalo nilá ang labanan. Isa si Matabagka, ang kapatid na babae ni Agyu, sa mga nag­tagumpay nang ipagtanggol niya ang Nalandangan hábang naglalayag ang mga kalalakihan.

Ang tawag ng mga Arakan-Arumanen at Livunganen-Arumanen para sa epikong-bayan ay “olaging,” “ulahing,” o “ulahingan.” Mayroong itong dalawang bahagi: ang kepuunpu-un na tungkol sa pag-akyat ni Agyu at ng kaniyang kamag-anak sa langit; at ang sengedurug na tungkol sa paki­kipagsapalaran nilá. Ang kepuunpu-un ay isang estandardisadong narati­bo. Maaaring gumawa ng maraming sengedurug kung kayâ nagkaroon ng iba’t ibang kuwento na umiikot sa mga kamag-anak ni Agyu. Naiiba ang naturang epikong-bayan tungkol kay Agyu at sa kaniyang mga kamag-anak dahil hindi ito ang karaniwang kuwento ng paghahanap ng isang bayani ng kaniyang mapapangasawa. Sa halip, layunin ng bayani ang ipagtanggol ang kaniyang lupain upang mapanatili ang kanilang lahi at tribu.

Sandáyo

Ang Sandáyo ay epikong-bayan mula sa mga Subanon na naninirahan sa bulubunduking nasa hanggahan ng Hilaga at Timog Zamboanga. Kinalap, itinalâ, at isinalin ito sa Ingles ni Virgilio Resma, isang pampublikong guro sa Misamis, mula sa salaysay ng isang babaeng Subanon na kilalá bilang si Perena, sa loob ng pitóng magkakasunod na gabi, simula ika-9 ng gabi hanggang ika-3 ng madaling-araw, noong ika-9 hanggang ika-16 ng Hunyo 1980. Una itong nailatlahala sa pamagat na Keg Sumba Neg Sandayo sa Kinaadman: A Journal of the Southern Philippines noong 1982. Pinamagatan naman itong Sandayo sa salin sa Filipino ni Antolina T. Antonio bilang pagkilála sa bayani ng epikong-bayan.

Pangunahing tauhan ng epikong-bayang ito si Sandayo, anak nina Datu Salaria at ng asawa nitóng si Salaong ng Tubig Liyasan. Gayunman, hindi siyá iniluwal ng kaniyang ina kundi nahulog sa buhok nitó sa ikasiyam na ulit na pagsuklay. Sa pagsapit ng kaniyang unang buwan, ipinasiya ni Sandayo na maglakbay at mula roon ay masasaksihan ang katapangan at kahusayan ng bayani sa pagharap sa mga hamon at labanan.

Binubuo ng 4,843 taludtod, isa ang Sandayo sa tatlong epikong-bayan ng mga Subanon. Ang dalawa pang nailathala na rin ay ang Ang Guman ng Dumalinao na binubuo ng 4,063 taludtod at ang Ag Tobig Nog Keboklagan na binubuo ng 7,960 taludtod. Kilalá rin ito sa tawag na guman na tumutukoy hindi lámang sa epikong-bayan ng mga Subanon kundi maging sa paraan ng pag-awit nitó. Nagaganap ang pagsasalaysay nitó sa isang buklog, ang isang linggong pagdiriwang na kinapapalooban ng awitan, sayawan, at kainan. Kaugnay nitó, pinaniniwalaan ng mga Subanon na kapag may isang ibong dumapo sa bubong sa panahong inaawit ang epiko, ito ay ang kaluluwa ni Sandayo–ang bayaning mangangalaga sa kanilang mga lupain at tubigan at magpapanatili ng kapayapaan at kaayusan ng pamayanan.

Tudbulul

Mula sa pamayanang Tiboli ng lalawigan ng Timog Cotabato, Mindanao ang epikong-bayang Tudbulul. Isinasalin ang salaysay nitó sa iba’t ibang pangkat at panahon sa pamamagitan ng pag-awit o helingon. Ang mga awit o lingon na bumubuo sa epikong-bayan ay tinatawag sa loob ng pamayanang Tiboli na Lingon Tuha Logi (“Awit ng Matanda”). Malawakan naman itong kinikilála bilang Tudbulul dahil ito ang pangalan ng bayaning tauhan.

Tinatayâng may 20 hanggang 24 na lingon ang epikong-bayan, at bawat isa ay nagsasalaysay ng isang buong kuwento. Nagsisimula ang epikong-bayan sa awit na Kemokul Laendo nga Logi (“Walang Anak si Kemokul”) na nakatuon sa pagnanais ni Kemokul na magkaroon ng anak na lalaki na siyáng magtatanggol sa kanilang pamayanan, ang Lemlunay. Ang kapanganakan ni Tudbulul ang magiging katuparan ng kaniyang nais. Ipinahihiwatig ang kadakilaan ng sanggol ng mga kakambal nitóng gamit pandigma: sombrero, kalasag, mamahaling gong, at isang kabayo.

Ang pag-awit ng Tudbulul ang siyáng pinakatampok sa anumang pagtitipon ng pamayanan. Isinasagawa ito tuwing Klalak, ang bahagi ng pagdiriwang kung kailan tapos nang kumain ang lahat at wala nang iba pang gagawin maliban sa pakikinig ng lingon. Itinuturing na sagrado ang pag-awit ng epikong-bayan dahil ang kanilang diwata ang nagsasabi kung ano ang kanilang dapat isalaysay. Ginagawa ang helingon hábang nakaupô at mahigpit na ipinagbabawal ang paghiga. Kaugnay nitó, mataas ang pagtingin ng mga Tiboli sa umaawit ng epikong-bayan at pinatutunayan ng paghahandog sa kaniya ng mga pagkain at regalo sa katapusan ng pagtitipon.

Tuwáang

Tuwáang ang pamagat ng epikong-bayan ng mga Manobo, mga táong nakatira sa hanggahan ng Cotabato, Bukidnon, at Davao, at tungkol sa pakikipagsapalaran ng bayaning si Tuwáang. Sinasabing may mahigit sa 50 kanta ang mga Manobo tungkol kay Tuwáang. Dalawa sa mga ito ang naitalâ at ipinalathala ni E. Arsenio Manuel, ang Mangovayt Buhong na Langit (Ang Dalaga ng Langit Buhong) at Midsakop Tabpopowoy (Pagdalo ni Tuwaang sa Kasalan).

Sa Ang Dalaga ng Langit Buhong, pumunta si Tuwaang sa lugar ni Batooy upang pakasalan ang kararating lámang na dalaga ng Langit Buhong. Matapos ang mahabàng paglalakbay, nagpahinga si Tuwáang malapit sa dalaga, at naikuwento nitó na may isang higanteng binata ng Pangumanon na nais siyáng pakasalan. Nang hindi pumayag ang dalaga sa kahilingan ng binata, sinunog ng lalaki ang kaharian ng babae. Tumakas siyá sa kalupaan upang magtago. Nang matapos ikuwento ito ng dalaga ay dumating ang binata ng Pangumanon, pinatay ang mga tao, at hinamon si Tuwáang sa labanan. Natálo ni Tuwáang ang taga-Pangumanon.

Sa Ang Pagdalo ni Tuwaang sa Kasalan, naimbitahan si Tuwáang sa kasalan ng Dalaga ng Manawon at ng Binata ng Sakadna. Dumating si Tuwáang sakay ng gungutan, isang malaking ibon. Nang dumating ang lalaki sa Manawon, minasamâ ng binata ng Sakadna ang pagdalo ni Tuwáang. Sinabi ni Tuwáang na isa rin siyáng bagani kung kayâ nása kasalan. Nang sinimulan na ang paghahandog ng mga regalo, hindi naibigay ng Binata ng Sakadna ang gintong gitara at plawta. Sinagip ni Tuwáang ang binata at siyá na ang nagbigay ng mga ito. Lumabas ang dalaga at inutusan ang lalagyan ng kaniyang ngangà na magbigay nitó sa mga bisita. Huminto ang mahiwagang lagayan ng ngangà sa tapat ni Tuwáang. Tumabi pa ang dalaga kay Tuwaang. Nagalit ang binata ng Sakadna at hinamon si Tuwáang na maglaban. Matagal ang labanan at nahirapan si Tuwáang bago natuklasan ang lihim ng lakas ng kalaban. Sakay ng gungutan, umuwi si Tuwaang sa kaniyang kaharian kasáma ang dalaga ng Manawon. (SJ) (ed VSA)

Ulahingan

Ang Ulahingan ay epikong-bayan o bendingan ng mga Livunganen-Arumanen Manobo na naninirahan malapit sa Ilog Libungan sa Hilagang Cotabato, Mindanao. Itinuturing itong pinakamahabàng epikong-bayan sa buong Filipinas. Ang ulahing o pag-awit ay maaaring abutin nang mahigit sa dalawang linggo. Isinasalaysay rito ang pakikipagsapalaran ng bayaning si Agyu at ng kaniyang mamamayan sa daigdig at paraisong tinatawag na Nelendangan. Mahigpit na kaugnay ito ng epikong Agyu ng mga Ilianon Manobo, sapagkat ang dalawang nabanggit na pamayanang Manobo ay dáting iisang grupo.

Nahahati sa dalawang bahagi ang Ulahingan: ang kepu’unpu’un at ang sengedurug. Tumutukoy ang kepu’unpu’un sa simula ni Agyu at ng kaniyang mamamayan sa daigdig; samantalang isinasalaysay sa sengedurug ang búhay nina Agyu sa Nelendangan. Iisa lámang ang kepu’unpu’un bagama’t maaari itong magkaroon ng maraming bersiyon. Apat ang naitala at nailimbag na bersiyon nitó, dagdag pa rito ang bersiyong nalikha ng Langkat, isang relihiyosong sekta na nabuo bunsod ng pangako ng Ulahingan sa pagmamana ng paraiso ng susunod na pilìng grupo. Ang sengedurug ay bahagi ng epikong-bayan, bagama’t bawat isa nitó ay isang kompletong kuwento. Sa kasalukuyan, umaabot sa 1,647 ang sengedurug at patuloy pa itong nadaragdagan bunga ng sinasabing pananatili sa Nelendangan ni Agyu at ng kaniyang mamamayan. Isa sa mga sengedurug nitó ay ang Ang Pagbisita ni Lagaba’an sa Nelendangan na umaabot ng 5,779 taludtod. Itinalâ ito ni Elena G. Maquiso ng Silliman University mula sa salaysay ng magkapatid na Langkan at Santiago Abud at nairekord ni Samoan Bangcas sa Barongis, Libungan noong 1963. (JGP)

Ulod

Ang Ulod ang epikong-bayan at pangalan ng bayani sa epikong-bayan ng mga Matigsálug, ang isa sa mga pangkating etniko ng mga Bagobo na naninirahan sa hilagang kanluran ng Davao. Sa mga Matigsalug, tinatawag na ad-ulahing ang pag-awit ng epikong-bayan. Tulad ng Tuwaang, ang epikong-bayan ng mga Manobo, binubuo rin ang Ulod ng ilang awitin, at karaniwang inaawit upang maging libangan tuwing may libing at kasal, at isinasagawa rin bilang ritwal ng pagpapasalamat para sa masaganang ani o tagumpay na pangangaso.

Nagsisimula ang epikong-bayang ito sa pagsusugo sa Dalaga ng Bundok Misimalun upang magtanim ng palay. Dalá ng hangin, agad na dumating ang bayaning si Ulod upang tumulong sa pagtatanim. Pag-uwi, natuklasan ni Ulod na ang kapatid niyang babae’y tinangay ng Binata mula sa Buttalakkan. Agad sumugod si Ulod at hinámon ang Binata. Napatay ang Binata at natagpuan ni Ulod ang kapatid na sirâ ang damit. Ginawa niyang suklay ang kapatid at inilagay sa kaniyang buhok. Nakita ni Ulod ang kapatid na babae ng Binata at inilagay niya ito sa palawit ng kuwintas niya bago siyá umuwi. Pagkalipas ng ilang araw, dinalaw niya ang Dalaga ng Bundok Misimalun na nagtanong sa kaniya kung bakit siyá napadalaw. Naglakbay si Ulod nang gabing iyon at napaisip naman ang Dalaga na kailangan na niyang ibigay ang sarili sa bayani. Iniuwi siyá ni Ulod, at tinipon ng bayani ang kaniyang sakop upang tanungin kung sasamahan siyá ng mga ito sa langit. Namahagi ng ngangà ang dalaga at nagpatugtog ng gitarang kawayan. Hindi nagtagal, may pumanaog na sasakyang panghimpapawid at sinabi ni Ulod sa kaniyang mga kamag-anak na sumakay rito sapagkat magtatatag siyá ng limang nasasakupan sa lupain ng Katulussan.

Ang teksto ng Ulod ay binigkas ni Abbiyuk Ansavon sa tahanan ni Datu Duyan sa Lumut noong 1956. Isinaayos ito sa 416 na linya ni Sadani Pagayaw, at upang awitin ito’y binibigkas ng Matigsalug ang ad-indakko: Ulahing.

LUZON / VISAYAS / MINDANAO / UMIIRAL SA TATLONG KAPULUAN

Umiiral sa tatlong kapuluan

Juan Tamban

Si Juan Tambán ang isa sa mga tauhang “Juan” (Hu·wán) o “Suwan” sa mga kuwentong-bayan ng Filipinas. May popular na tugmang-bayan na ganito ang linya:

Si Juan Tamban

Bulók ang tiyan.

Mahihiwatigan sa tugmang-bayan na isang anak ng maralita si Juan Tamban. Itinulad nga sa isdang tambán ang kaniyang tiyan dahil mapintog ngunit punô ng burak. Sinabing bulók ang kaniyang tiyan dahil maaaring puro panis na pagkaing pinulot sa basurahan ang ipinantitighaw niya ng gútom.

Ang sitwasyong ito ang ikinintal ng dulang Juan Tamban, isang dula na may tatlong yugto na isinulat ni Malou Leviste Jacob noong 1979 at nagtatanghal sa malubhang pagdarahop ng batàng anak ng maralitang tagalungsod. Nagsimula ang konsepto ng dula sa totoong buhay ng isang batàng kumain ng mga ipis at butiki kayâ napabalita sa mga pahayagan. Nagsaliksik ang PETA tungkol sa kaniya at gumawa ng dula tungkol sa nasabing paslit, na inihandog para sa pagdiriwang ng Pandaigdigang Taon ng mga Batà.