1. Lihim ng Isang Puso

Natatalisod ng tao kung minsan sa landas ng buhay ang isa o dalawa o ilan mang pangyayaring nauukit nang malalim sa gunita at di nalilimot. Maaaring yaon ay isang pangyayaring naging sanhi ng malaking poot o galak o lungkot o habag o lagim o sindak, nguni’t magkaiba-iba man sakali ay gayon ding may iisang matingkad na kintal sa alaala na di napapawi. Sa linakad-lakad ng mga araw, ang alaala ng mga nangyari ay maaaring mahimbing at lumabo sa gunita, subali’t ang alaalang iyan ay naroroon ding hindi nagbabago at di nawawala: napupukaw, huwag na di mapingki; nagigising at nananariwa, huwag na di masalang-tila isang aninong lumapad-kumitid, humaba-humiksi, tumingkad-lumabo ay nakakawil ding di hurnihiwalay at bubuntut-buntot sa pinagmumulan.

Ganyan ang uri ng alaala ng isang pangyayari na minsa’y natalisod ni Miss Loreto Sanchez sa landas ng buhay, alaalang muli na namang napukaw sa kaniyang gunita nang hapong yaon ng isang araw ng Huwebes ng buwan ng Abril ng 1953 nang matunghayan niya sa binabasang pahayagan ang larawan ng isang malaking simbahang bato na naliligiran ng makapal na taong umiilaw sa isang prusisyon.

Nakaupo noon si Miss Loreto Sanchez sa isang butakang yantok sa loob ng sariling tahanan sa nayon ng Pinyahan ng bayan ng X. Hawak ng kaliwang kamay ng dalaga ang binabasang pahayagan at ng kanan ang isang pamaypay habang nakatitig naman ang paningin sa dako pa roon, sa labas ng katabing dungawan, na tila binabakas sa gunita ang alaala ng isang makulay na tagpong nagpapasikdo tuwina sa kaniyang puso at di malimut-limutan.

Maaaring dahil sa pambihirang ganda’y mabanlag ang paningin ng ninomang titingin sa anyo ni Miss Loreto Sanchez at sa gayo’y makubli sa pansin ang tunay na laman ng kalooban ng dalaga. Gayonman, sa may matatalas na paninging bihasang magsuri ay dimalilingid ang damdaming namamakas sa anyo nito na kasisinagan ng magkakalangkap na lungkot, habag, kahihiyan at pagsumbat sa sarili, damdaming nunukal sa isang budhing lubos na kumikilala sa nagawang pagkukulang o pagkakamali na umaabot na halos, sa ganang kaniya na rin, sa isang tunay na pagkakasala.

May mga tatlong taon na ang nakalilipas nang minsang luksang-luksang lumuwas si Miss Loreto Sanchez sa Maynila. Laman ng kaniyang handbag ang mahigit sa animnaraang piso upang ibayad, ang bahagi, sa Ospital Heneral na pinagpasukan niya sa kaniyang mananahing kumare na namatay roon nang tinalikdang araw, ika-14 ng Abril ng 1950; at, ang bahagi’y sa isa namang punerarya sa Abenida Rizal na kinalalagakan ng bangkay na ipinasiyang iuwi sa sariling nayon sa lalawigan upang doon malibing.

Ang ilang kasama ni Miss Loreto Sanchez upang tumulong sa pag-uuwi ng bangkay ng kaniyang kumare ay nangaiwang naghihintay sa punerarya, at wala siyang minabuting isama sa pagtungo sa Ospital Heneral kundi ang kaniyang inaanak na si Ernestina na kaisa-isang anak ng namatay. Sa kaniya lubos na iniwan at inihabilin ang batang ito ng yumaong ina upang ariin at ituring na sarili niyang bunso.

Nakatayo ang magninang sa mataong gilid ng Simbahan ng Kiyapo at nag-aabang ng taksi upang pahatid sa Ospital Heneral nang biglang labnutin ang handbag ni Miss Sanchez ng isang mandurukot. Napamulagat ang dalaga at magpapagibikna sana, nguni’t ang nalabnot na handbag ay mabilis na nabawi sa kamay ng mandurukot at naisauli sa kaniya ng isang lalaking nakapantalon ng maong at neka-skipper ng dungisang puti na kataong nagdaraan.

Ang mandurukot, na nabigo at tila napahiya, ay pairap na umurong ng isang hakbang sa nakamaong at binigwasan ito ng isang mariing suntok. Nakilingan ito ng nakamaong at nasuklian ng isa ring lalo pang mariing suntok na dumapo sa kaliwang panga ng mandurukot. Umilandang pa ito halos bago natimbuwang.

Nalaginlin ang makapal na tao. Nagpanakbuhan ang marami. Nabigyan ng sapat na puwang ang dalawa. Matatag na hinintay ng nakamaong na tumindig ang nakatimbuwang. Walang imik. Walang sinabi kaputok man. Nguni’t ang mandurukot ay tumayo lamang at di na nagtangkang lumaban. Subali’t may tatlong matipunong lalaking pahangos na pumasok at napagitna mula sa karamihan. Dalawa sa kanila ang palimid na lumapit sa nakamaong at biglang pinagtig-isahang hinaklis at binaliti ang magkabilang bisig nito. Ang ikatlo, na naiwan sa agwat na may dalawang dipa sa harapan, ay mabilis na nagbukas ng balisong sa tangkang suruin, sa malas, ang nakahantad na dibdib ng nakamaong. Patiling sumigaw ang ilan. Si Miss Sanchez ay buong pagkasindak na napatutop sa sariling bibig.

Datapwa, ang pagkabaliti ng dalawang bisig ng nakamaong ay siya ring nagamit nito sa pagsasanggalang sa sarili. Nang malapit na ang nanlilisik na nakabalisong, na inakalang maaabot na ng tadyak, ay panabay na biglang isinimbayog nang pasalubong ng nakamaong, ang dalawa niyang paa, at hinaklis na pakabig ng kaliwa ang kaliwang hita ng nakabalisong na sinabayan ng matinding tadyak ng kanan sa sikmura, kaya bumulagta ito at pumutok ang ulo sa pagkabayo sa lupa. Iglap lamang halos na nangyari ang lahat.

Noon pa lamang nakadalo ang isang pulis na sumipol nang sunud-sunod, kaya may dalawa pa manding dumating na kasunod ang isang ambulansiya ng pulisya na kataong sa-daraan naman. Nguni’t, nakatakas na ang mandurukot at ang dalawang bumaliti sa nakamaong. Ito na lamang at ang nakabalisong ang naratnan at siniyasat ng mga pulis. Pagkatapos ng kaunting pag-uusisa ay inilulan na ang dalawa sa ambulansiya na kasama ang may tatlo pang nakasaksi sa mga nangyari at dinala sa himpilan.

Maputlang-maputlang nakatayo si Miss Sanchez sa gitna ng marami’t yao’t ditong mga tao na parang di maalaman kung ano ang dapat niyang gawin. Ibig-ibig niyang sumunod sa himpilan ng pulisya upang pakilala na siya ang pinagbuhatan ng lahat ng nangyari at tuloy humandog na saksi sa dako ng nagmasakit sa kaniya. Nguni’t hintatakot ang dalaga. Di ibig masangkot ang pangalan sa anomang uri ng basag-ulo. Ayaw makaladkad ang katauhan at pagkababae sa isang maligalig na pagsaksi sa hukuman, bukod pa sa may hinaharap na lakad na madalian at di maipag-papaliban.

“Ang tigas at tapang ng lalaking iyon!” ang may paghangang wika ng isang matabang lalaking nagdaraan sa tabi ni Miss Sanchez.

“At magiting!” dugtong ng kasabay na payat. “Isa sa sampling libo ang makagagawa ng gayon!”

“Baka wala pa!” katig ng mataba. “Ano ang pangalan, narinig moba?”

“Lino!” anang payat. ” ‘Lino’ ang narinig kong sinabi sa pulis. Hindi ko gaanong naulinigan ang apelyido kung ano.”

“Nawala na lamang naman yata at sukat yung babaing inagawan ng handbag!” pansin ng mataba na huminto at lumingap-lingap.

“Ba! Kung walang sariling testigo ay baka yun pang pobreng nagmasakit sa kaniya ang siyang mabilanggo! Putok ang ulo niyong diyablong nakabalisong, e! “

“Saka… malay baga natin! Maaaring kasamahan din ng hayup na ‘yon ang mga testigong nadampot ng pulis!”

“Ku! Siyenga pala, ano ha?”

“Ba! Para ka namang bago!”

Kinagat na lamang ni Miss Sanchez ang kaniyang labi at yumukong tila napapahiya sa sarili hanggang sa nang makalayo na ang dalawang nag-uusap. Isang taksing sa-daraan ang kinambatan ng dalaga at lumulan na ritong kasama ang walang imik na inaanak upang pahatid sa patutunguhang pagamutan.

“Lino!” ang mataimtim na bulong ni Miss Sanchez sa sarili nang papalusong na ang taksi sa kabilang dulo ng Tulay Quezon na patumpa sa Ospital Heneral. “Lino! ” aniyang muli pa na sinundan ng isang malalim na bunwnghininga.

Buhat noon, ang pangalang “Lino” ay naukit na nang napakalalim sa gunita ni Miss Sanchez, pangalang huwag na di mapingki sa alaala ay pumupukaw sa puso at budhi ng magkakalangkap na lungkot, habag at pagsisisi, hanggang sa unti-unting tumubo sa kaniyang puso ang isang lihim na pagtatangi sa pangalang “Lino,” pagtatanging naging kaakibat ng pangakong katumbas na halos ng isang panata, na, makita lamang niya at makilala ang magiting na may-ari ng butihin at pinagpalang pangalang yaon, gagantihing-loob niya at gagantimpalaan sa abot ng buo niyang magagawa.

Gayonma’y ipinasiya ni Miss Sanchez sa sarili na huwag nang ipamalay kaninoman ang mga nangyari, pati na ang kaniyang paghanga sa pangalang “Lino,” kundi bagkus ingatan na lamang iyon na isang tanging lihim sa kaibuturan ng kaniyang puso. Hindi niya ibig na mawika o maisaloob ninoman na kinaligtaan niya at kinatakutang yakapin at panindigan ang isang maliwanag na tungkulin sa sarili at sa kapwa nang minsang kailanganin ng pagkakataon.

Natitiyak ni Miss Sanchez na halos babahagya na siyang nasulyapan at namukhaan ng magiting na lalaking nagmasakit sa kaniya laban sa mandurukot na lumabnot ng kaniyang handbag, bagaman siya (si Miss Sanchez) ay nagkaroon naman ng sapat na pagkakataong mamasdang mabuti ang mukha at anyo niyon upang matandaan. Kaya nga, natitiyak din naman ng dalaga sa sarili na makitang-makita lamang niya ang lalaking yaon saanman at kailanman ay makikilala.

Iyan ang mga alaalang pamuling napukaw sa gunita ni Miss Sanchez nang hapong iyon sa loob ng sariling tahanan sa nayon ng Pinyahan matapos tunghayan sa hawak na pahayagan ang larawan ng isang malaking simbahang bato na naliligiran ng makapal na taong umiilaw sa isang prusisyon. At, iyan din ang panatang muling nanariwa sa alaala ng dalaga na ipinaghihintay lamang ng pagkakataong makita at makilala ang lalaking yaong nakamaong at may pangalang “Lino” upang isagawa.

Isang magalang na tawag mula sa may-hagdan ng balkonahe ng tahanan ang pumukaw sa tahimik na pagmumuni-muni ng dalaga. Tumindig ito at sumalubong upang papanhikin ang tumawag na diU iba kundi ang kaniyang labanderang si Aling Ambrosia na naghatid noon ng mga nilabhan.

Matapos magbilangan, magbayaran, at magtanggapan ng mga bagong labahin, ang dalawa ay nagkaroon pa mandin ng nakaugalian nang pagbabaHtaan hinggil sa kung anu-anong bagay na humantong sa pag-uusisa ni Aling Ambrosia kung totoo nga ang nabalitaan nito na nangangailangan si Miss Sanchez ng isang mauupahang maghulip ng bakod sa kanilang duluhan.

“Oo nga, Aling Ambrosia!” tugon ni Miss Sanchez. “Noon pang Lunes ako nakikibalita ng mauupahan, e! Bakit? May naialaman ba kayo?”

“Aba, naku! mayroon ho, Miss Sanchez!” ang may pagkasubasob halos na sagot ni Aling Ambrosia, na muntik nang mapaso tuloy sa pagluluwa ng behang pabaligtad na nakasupalpal sa bibig. “Huwag lang hung mataunang nilalagnat e maaasahan niyo. Papaparituhin ko, Miss Sanchez. Kaylan hu ba niyo ibig?”

“Sa Sabadong ito na, kung maaari, Aling Ambrosia. Matatapos na bukas ang mga gawain namin sa eskuwelahan para sa bakasyong ito, kaya narito ako sa buong maghapon sa Sabado. Maituturo ko ang mga dapat gawin. Papagdalhin lamang ninyo ng martilyo, Aling Ambrosia.”

“Taykayo, Miss Sanchez,” anang labandera na napatingala. “Hindi ko lang matiyak kung anong araw karaniwang nilalagnat ang taong iyon. Malaryado hu, e!”

“Malaryado?” ang manawa-nawang ulit ni Miss Sanchez. “Ba, e… bakit di pagamot?”

“Pagamot?” sambot kaagad ng labandera. “Pagamot? “ang tila pahinanakit na ulit pa. “Ba! Makain lang hu’y wala, e!”

“A!” mangha ni Miss Sanchez. “Bakit? Matanda na ba, Aling Ambrosia?”

“May kagulangan na rin ho, Miss Sanchez, nguni’t malayo pa namang masabing matanda. Saka, binata pa ho, kahiman may anak na isang batang lalaking may labing-isang taon na ang gulang, marahil!”

“Aba, ano ba naman itong si Aling Ambrosia!” ang nagtatawang badya ni Miss Sanchez. “Binata ay may anak?”

“Totoo yan, Miss Sanchez!” ang walang katawa-tawa namang giit ni Aling Ambrosia.

“A, oo! ” ang madaling bawi ni Miss Sanchez. “Maaari nga naman paia ang gayon,” aniya pa na tila agam-agam na sumuong sa gayong himig ng pag-uusap. “Bakit ba, kundangan, pag-uusapan pa natin pati ng kapilyuhan ng may kapilyuhan? Hindi ko nga lamang napag-angkop agad ang mga katagang ‘binata’ at ‘may anak’!”

“Sa akala ko ho nama’y walang kapilyuhan sa dako ni Lino, kung nagkaroon man siya ng anak, sapagka’t…”

“Ano? Ano ang sabi ninyo, Aling Ambrosia?” ang paduhapang halos na usisa ni Miss Sanchez, na kinabadhaan ng kagyat na pamumutla. “Ano ang pangalang sinabi ninyo, Aling Ambrosia?”

“Lino, Miss Sanchez.”

“Lino?”

“Opo, Miss Sanchez! Lino!” tugon ni Aling Ambrosia na napamangha sa napansing biglang-biglang pagbabago ng anyo at tinig ng kausap. “Kilala ba niyo, Miss Sanchez?”

“Huumm!” alanganing ungol ni Miss Sanchez, nguni’t hindi nagsalita. Noon pa lamang niya nawari na maaaring maging kapuna-puna sa kausap ang kaniyang pananabik.

“Lino Rivera ang buo niyang pangalan,” patuloy na sabi ni Aling Ambrosia. “Ernesto naman ang pangalan at palayaw ng anak.”

“Ernesto?” ang may pagmamangha-manghaang ulit ni Miss Sanchez upang tabingan mandin ang unang tunay na pagkakamangha. “Aba, at kalagyo pa pala ng inaanak ko,” ang may pagbabalu-balong wika pa at lumingon sa papalapit na batang babaeng lumabas sa kalapit na silid.

“Ano ‘yon, Ninang?” ang masayang usisa ng bata na naupo sa tabi ni Miss Sanchez at yumakap sa baywang nito. “Sino ang kalagyo ko, Ninang, ha?”

“Walaaa!” ang nagtatawa namang kaila ni Miss Sanchez at pinindot sa biloy ng pisngi ang inaanak bagaman patuloy na sumisikdo ang puso. “Talas naman ng pandinig mo!”

“Sino lang, e? ” palamyos na ukilkil ng bata habang nakatitig sa mukha ng ninang. “Haaaa?”

“Walaaaa!” kaila pa rin ng dalaga. “Ang anak daw ng Mang… Lino!”

“Sinong Lino?”

“Aba, bakit?” patalihs na isding ni Miss Sanchez. “Nakikilala ko ba ang lahat ng Lino?” aniya pa na tila nagawa ring iwaksi ang sikdo ng loob. “Ni di ko pa nakikita, e! Basta ang sabi lang ni Aling Ambrosia ay Ernesto raw ang pangalan ng anak, kaya ang wika ko nama’y kalagyo mo pa pala! 0, ano pa?”

“Lalaki naman pala yun, e!” puna ni Ernestina. “Saka, Ernesto lang pala. Kung Ernestino sana!”

“Huumm!” ungol ni Miss Sanchez. “Alam mo na ang kaibhan ng kahawig sa kaparis! Paroon ka na sa labas, Erni! Tingnan mo kung ano ang ginagawa ni Ignacia, hale!”

Tumindig naman si Ernestina at nilisan ang kaniyang ninang at ang kaniig na si Aling Ambrosia.

With the permission of Lazaro Francisco’s family